GALACIA
Mga Study Note—Kabanata 3
O mga taga-Galacia na hindi nag-iisip: Ang salitang Griego para sa “hindi nag-iisip” (a·noʹe·tos) ay hindi nangangahulugan na hindi matalino ang mga Kristiyano sa Galacia. Sa kontekstong ito, nangangahulugan ito na “ayaw gamitin ng isang tao ang kakayahan niyang mag-isip para makaunawa,” gaya ng sabi ng isang diksyunaryo. Kapapaalala lang ni Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia na inihayag silang matuwid, hindi dahil sa pagsunod nila sa Kautusang Mosaiko, kundi dahil sa pananampalataya nila kay Jesu-Kristo. (Gal 2:15-21) Dahil kay Jesus, malaya na sila sa Kautusang Mosaiko at hindi na sila mahahatulan nito. (Tingnan ang study note sa Gal 2:21.) Pero binale-wala ng ilan sa mga taga-Galacia ang kalayaang iyan, at bumalik sila sa pagsunod sa Kautusang wala nang bisa at hahatol lang sa kanila. (Gal 1:6) Nang tawagin ni Pablo ang mga taga-Galacia na “hindi nag-iisip,” sinasaway niya sila dahil sa mangmang na pagkilos nila.
taga-Galacia: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga Kristiyano sa mga kongregasyong nasa timog na bahagi ng Galacia, kung saan siya nangaral.—Tingnan ang study note sa Gal 1:2.
nakapanlinlang sa inyo: O “nakapaglagay sa inyo sa ilalim ng masamang impluwensiyang ito.” Ang ekspresyong ito ay galing sa pandiwang Griego na ba·skaiʹno, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kung minsan, nangangahulugan itong “gayumahin” o “kulamin,” at ganito ang pagkakasalin dito ng maraming Bibliyang Ingles. Pero sa sinaunang Griego, ginagamit din sa makasagisag na paraan ang pandiwang ito, kaya hindi ito laging tumutukoy sa paggamit ng mahika para mailigaw ang isang tao. Malawak ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito; tumutukoy ito sa pagiging masamang impluwensiya sa iba para maligaw sila ng landas. Idiniriin niya dito kung gaano kasama ang impluwensiya ng mga nanlilinlang sa mga taga-Galacia.
Matapos ninyong simulan na magpagabay sa espiritu: O “Matapos ninyong simulan ang espirituwal na landasin.” Lit., “Matapos ninyong magsimula sa espiritu.” Nagsisimula na sanang sumulong sa espirituwal ang mga Kristiyano sa Galacia. Noong una, kumikilos sila kaayon ng banal na espiritu ng Diyos at nagpapagabay dito.
tatapusin ba ninyo ang inyong landasin nang nagpapagabay sa laman?: Lit., “magtatapos ba kayo sa laman?” “Matapos [nilang] simulan na magpagabay sa espiritu,” nagpaimpluwensiya ang mga taga-Galacia sa mga lalaking hindi nagpapagabay dito, partikular na ang mga nagtataguyod ng pagtutuli at mahigpit na pagsunod sa Kautusang Mosaiko. (Gal 3:1; 5:2-6) Dahil sa ganiyang “landasin,” puwedeng mahadlangan ang pagsulong nila sa espirituwal at manganib ang pag-asa nilang mabuhay nang walang hanggan.—Gal 6:8.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Gen 15:6, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C1 at C2.) Sa natitirang mga Griegong manuskrito, The·osʹ (Diyos) ang ginamit sa talatang ito, na posibleng ibinatay sa terminong ginamit sa Gen 15:6 sa natitirang mga kopya ng Septuagint. Malamang na ito ang dahilan kaya “Diyos” ang ginamit dito ng karamihan sa mga salin. Pero sa orihinal na tekstong Hebreo na pinagkunan ng siniping bahaging ito, lumitaw ang Tetragrammaton, kaya ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito. Ang siniping bahagi sa Gen 15:6 ay ginamit din sa Ro 4:3 at San 2:23.
mga anak ni Abraham: Pagtutuli ang tanda ng pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham. Lumilitaw na sinasabi ng “nagkukunwaring mga kapatid” na matatawag lang na “mga anak ni Abraham” ang mga Kristiyano kung susunod sila sa Kautusan. (Gal 2:4; 3:1, 2; Gen 17:10; tingnan sa Glosari, “Pagtutuli.”) Pero ipinaliwanag ni Pablo na ang tunay na “mga anak ni Abraham” ay ang mga nanghahawakan sa pananampalataya, ibig sabihin, ang mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham.—Gal 3:9; tingnan ang study note sa Gal 3:29.
may pananampalataya: Dito, ang salitang Griego na pi·stosʹ, na isinaling “may pananampalataya,” ay puwedeng tumukoy sa isang tao na nagtitiwala, o nananampalataya, sa isang indibidwal o isang bagay. Puwede rin itong tumukoy sa isang taong tapat.—Tingnan ang study note sa 2Co 6:15.
nasusulat: “Sumpain ang sinuman na”: Sinipi dito ni Pablo ang Deu 27:26, na nagsasabing kung lalabagin ng mga Judio ang Kautusang ipinangako nilang susundin (Exo 24:3), daranasin nila ang mga sumpang nakasulat dito. Ang salitang “sumpain” (sa Griego, e·pi·ka·taʹra·tos) ay tumutukoy sa pagiging isinumpa ng Diyos. (Tingnan sa Glosari, “Sumpa.”) Ipinakita ni Pablo na lahat ng Judio ay kailangang matubos, hindi lang mula sa kasalanan ni Adan, kundi pati sa sumpa ng Kautusan.—Ro 5:12; Gal 3:10-13; tingnan ang study note sa Gal 3:13.
ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya: Sumipi si Pablo sa Hab 2:4 para idiin na ang pananampalataya kay Kristo Jesus—hindi ang pagsunod sa Kautusang Mosaiko—ang basehan para maipahayag na matuwid ang isang Kristiyano.—Ro 10:3, 4; tingnan ang mga study note sa Ro 1:17.
siya ay maging isang sumpa sa halip na tayo: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang sinumang nasa ilalim ng Kautusang ito at lumabag dito ay susumpain. (Tingnan ang study note sa Gal 3:10.) Sa talatang ito, sinipi ni Pablo ang Deu 21:22, 23, kung saan sinasabi na ang mga “isinumpa ng Diyos” ay ibibitin sa tulos. Kaya kailangang ibitin si Jesus sa tulos bilang isang isinumpang kriminal alang-alang sa mga Judio. Sinalo niya ang sumpa ng Kautusan na para sana sa kanila. Dahil sa kamatayan ni Jesus, magiging malaya sa sumpang iyon ang sinumang Judio na mananampalataya sa kaniya bilang Mesiyas. Ang sinabi dito ni Pablo ay katulad ng sinabi ni Jesus sa Pariseong si Nicodemo.—Tingnan ang study note sa Ju 3:14.
tulos: Tingnan ang study note sa Gaw 5:30.
tipan: Ang salitang Griego na di·a·theʹke ay ginamit nang 33 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at lagi itong tumutukoy sa isang “tipan” o “kasunduan.” (Mat 26:28; Luc 22:20; 1Co 11:25; Gal 3:17; 4:24; Heb 8:6, 8; 10:16, 29; 12:24) Sa maraming Bibliya, ang salitang Griego na di·a·theʹke sa talatang ito ay isinaling “testamento” ng isang tao. Pero dahil ang pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham ang tinatalakay sa konteksto (Gal 3:16-18), lumilitaw na angkop dito ang saling “tipan.”—Tingnan ang study note sa Gal 3:17.
ang mga pangako ay ibinigay kay Abraham at sa kaniyang supling: Sa patnubay ng espiritu, tinukoy ni Pablo si Jesu-Kristo na pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Ang salitang Griego na sperʹma, na sa literal ay “binhi,” ay karaniwan nang isinasaling “supling” kapag may kaugnayan ito sa mga pangako ni Jehova tungkol sa Mesiyas. Tingnan ang Ap. A2.) Pagkatapos ng rebelyon sa Eden, nangako si Jehova na isang “babae” ang magkakaroon ng “supling” na dudurog sa ulo ng ahas na si Satanas. (Gen 3:15) Sinabi ni Jehova nang makipagtipan siya kay Abraham na ang supling nito ay magdadala ng mga pagpapala sa mga tao. (Gen 12:1-3, 7; 13:14, 15; 17:7; 22:15-18; 24:7; Gal 3:8) Sinabi rin ng Diyos na ang supling ay manggagaling kay Haring David na mula sa tribo ni Juda, at nagkatotoo iyan kay Jesus. (Gen 49:10; Aw 89:3, 4; Luc 1:30-33; tingnan ang study note sa mga supling mo . . . supling mo sa talatang ito.) Sa Gal 3:26-29, ipinakita ni Pablo na sa espirituwal na katuparan ng pangako kay Abraham, magkakaroon ng pangalawahing bahagi ang supling niya.—Tingnan ang study note sa Gal 3:29.
Hindi sinabi ng kasulatan: O posibleng “Hindi niya sinabi.” Sa Griego, puwedeng ang tinutukoy dito ay ang bahagi ng Kasulatan na sinipi ni Pablo o ang Diyos.
mga supling mo . . . supling mo: Lit., “mga binhi mo . . . binhi mo.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga pangako ng Diyos kay Abraham at sa kaniyang “supling.” (Gen 12:7; 13:14, 15; 17:7; 22:17, 18; 24:7) Sa mga pangakong iyon tungkol sa “supling” (lit., “binhi”) ni Abraham, nasa anyong pang-isahan ang ginamit na mga terminong Hebreo at Griego. Pero kadalasan na, tumutukoy ang mga terminong ito sa isang grupo. Dito, parehong ginamit ni Pablo ang anyong pangmaramihan (“mga supling”) at anyong pang-isahan (“supling”) ng salitang Griego na sperʹma. Gusto niya kasing ipakita na kapag ang pinag-uusapan ay ang mga pagpapalang magmumula sa supling ni Abraham, isang indibidwal lang ang tinutukoy ng Diyos, si Kristo. Nang sabihin ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan ng “supling” ni Abraham, hindi iyon puwedeng tumukoy sa lahat ng inapo niya, dahil hindi naman ginamit ni Jehova ang mga inapo ni Abraham kay Ismael at sa mga anak niya kay Ketura para pagpalain ang mga tao. Ang ipinangakong supling ay partikular nang manggagaling kay Isaac (Gen 21:12; Heb 11:18), sa angkan ng anak ni Isaac na si Jacob (Gen 28:13, 14), sa tribo ng Juda (Gen 49:10), at sa linya ni David (2Sa 7:12-16). Si Jesus ay inapo ni Abraham sa partikular na angkang iyan. (Mat 1:1-16; Luc 3:23-34) Kaya iisa lang talaga ang inaabangan ng mga Judio noong unang siglo C.E. na Mesiyas, o Kristo, na magliligtas sa kanila. (Luc 3:15; Ju 1:25; 7:41, 42) Iniisip din nila na dahil literal na mga inapo sila ni Abraham, espesyal na bayan sila at mga anak ng Diyos.—Ju 8:39-41.
430 taon: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang panahong lumipas mula nang maitatag ang Abrahamikong tipan hanggang sa maitatag ang tipang Kautusan. Lumilitaw na nagkabisa ang tipan sa pagitan ni Jehova at ni Abraham noong 1943 B.C.E. nang tumawid si Abraham at ang pamilya niya sa Ilog Eufrates papuntang Canaan, ang lupaing ipinangako ni Jehova sa mga inapo niya. (Gen 12:4, 5, 7) Lumilitaw na nangyari ito noong ika-14 na araw ng buwan na nang maglaon ay tinawag na Nisan. Ang konklusyong ito ay batay sa Exo 12:41, kung saan sinabi na pinalaya ni Jehova ang bayan niya mula sa Ehipto noong 1513 B.C.E., “nang mismong araw na matapos ang 430 taon.”
naunang pakikipagtipan ng Diyos: Tumutukoy sa pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham. Lumilitaw na nagkabisa ang tipang iyon noong 1943 B.C.E. nang tumawid si Abraham sa Ilog Eufrates. (Gen 12:1-7) Pagkaraan ng 430 taon, noong 1513 B.C.E., naitatag naman ang tipang Kautusan. Pero hindi nito pinawalang-bisa ang Abrahamikong tipan; naging karagdagang tipan lang ito. Inakay nito ang mga tao sa supling ni Abraham, si Jesu-Kristo.—Gal 3:15, 16; tingnan ang study note sa Gal 3:24.
pakikipagtipan: O “pakikipagkasundo.” (Tingnan ang study note sa Gal 3:15 at Glosari, “Tipan.”) Sa paggamit ng unang-siglong mga Kristiyano sa salin ng Septuagint, siguradong ang nabasa nila na katumbas ng terminong Hebreo na berithʹ ay ang salitang Griego para sa “tipan.” Sa Hebreong Kasulatan, mahigit 250 beses na lumitaw ang terminong ito na nangangahulugang “tipan” o “kasunduan.”—Exo 24:7, 8; Aw 25:10; 83:5, tlb.; tingnan ang study note sa 2Co 3:14.
Idinagdag: Lumilitaw na ang salitang Griego na isinaling “idinagdag” ay ginamit ni Pablo para ipakitang pansamantala lang ang Kautusang Mosaiko, lalo na kung ikukumpara sa mas nagtatagal na bisa ng Abrahamikong tipan at sa katuparan nito may kaugnayan sa ipinangakong “supling.”—Gen 3:15; 22:18; Gal 3:29.
para maging hayag ang mga pagkakasala: Ipinakita ni Pablo na isa sa pangunahing mga dahilan kung bakit may Kautusang Mosaiko ay “para maging hayag ang mga pagkakasala,” o para ipakita na ang Israel at ang lahat ng tao ay di-perpekto at makasalanan sa harap ng Diyos. (Para sa paliwanag tungkol sa salitang Griego na isinaling “pagkakasala,” tingnan ang study note sa Ro 4:15.) Malinaw na sinasabi sa Kautusan kung ano ang kasalanan at ang lahat ng saklaw nito. Kaya masasabi ni Pablo na ‘dumami’ ang kasalanan dahil napakaraming gawain at saloobin ang tinukoy na kasalanan ng Kautusan. (Ro 5:20; 7:7-11; tingnan ang study note sa 1Co 15:56; ihambing ang Aw 40:12.) Nakikita ng mga nagsisikap sumunod sa Kautusan kung gaano karami ang kasalanan nila, kaya masasabing hinahatulan sila nito. Dahil regular silang naghahandog, lagi nilang naaalala na makasalanan sila. (Heb 10:1-4, 11) Ang lahat ay nangangailangan ng perpektong handog para lubusang mabayaran ang mga kasalanan nila.—Ro 10:4; tingnan ang study note sa supling sa talatang ito.
hanggang: Ipinakita ng paggamit ni Pablo ng salitang “hanggang” na ang Kautusan ay hindi mananatili magpakailanman. Kapag nagampanan na ng tipang Kautusan ang papel nito, magtatapos na ito.—Ro 7:6; Gal 3:24, 25.
supling: Lit., “binhi.” (Tingnan ang Ap. A2.) Sa kontekstong ito, ang “supling” ay tumutukoy kay Jesu-Kristo.—Tingnan ang mga study note sa Gal 3:16.
ibinigay ito sa mga anghel, na naghayag naman nito: Hindi espesipikong binabanggit sa Hebreong Kasulatan na mga anghel ang naghatid ng tipang Kautusan. Pero malinaw itong pinatunayan ng sinasabi sa talatang ito—pati na ng nakaulat sa Gaw 7:53 (tingnan ang study note) at Heb 2:2, 3. Lumilitaw na inatasan ni Jehova ang mga anghel bilang mga kinatawan niya na makikipag-usap kay Moises at magbibigay ng dalawang tapyas ng Patotoo. (Exo 19:9, 11, 18-20; 24:12; 31:18) Pero si Jehova pa rin ang Tagapagbigay-Batas, at si Moises ang inatasan niyang maging tagapamagitan sa pakikipagtipan Niya sa Israel.
tagapamagitan: Tumutukoy kay Moises. Siya ang tagapamagitan ng Diyos at ng Israel nang itatag ang tipan, o legal na kasunduan, sa pagitan ng Diyos at ng bansang iyon. (Tingnan sa Glosari.) Ang salitang Griego na me·siʹtes, na isinaling “tagapamagitan,” ay lumitaw nang anim na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Gal 3:19, 20; 1Ti 2:5; Heb 8:6; 9:15; 12:24) Isa itong termino sa batas. Ayon sa isang diksyunaryo, tumutukoy ito sa “isa na namamagitan sa dalawang panig para ibalik ang kapayapaan at pagkakaibigan, bumuo ng isang kasunduan, o pagtibayin ang isang tipan.” Bilang tagapamagitan ng tipang Kautusan, tinulungan ni Moises ang bansang Israel na masunod ang tipan at makinabang dito. Halimbawa, pinangunahan ni Moises ang pagpapasimula ng tipan. (Exo 24:3-8; Heb 9:18-22) Inatasan niya ang mga saserdote at ginawa ang mga kinakailangan para makapagsimula sila sa paglilingkod. (Lev 8:1-36; Heb 7:11) Inihatid niya rin sa mga Israelita ang kalipunan ng mahigit 600 batas, at siya rin ang nakikiusap kay Jehova na huwag silang parusahan.—Bil 16:20-22; 21:7; Deu 9:18-20, 25-29.
Hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang persona lang ang sangkot: Tinatalakay dito ni Pablo ang pakikipagtipan ni Jehova kay Abraham. Si Jehova ang nakipagtipan, o nangako, at siya rin ang tutupad nito. Wala siyang hininging kondisyon kay Abraham. (Gal 3:18) Sa tipang Kautusan naman, may kailangang gawin ang dalawang panig—si Jehova at ang bansang Israel. Si Moises ang tagapamagitan nito. (Tingnan ang study note sa Gal 3:19.) Sumang-ayon ang Israel sa mga kahilingan ng tipan, at nangako sila sa Diyos na susundin nila ang Kautusan.—Exo 24:3-8; Gal 3:17, 19; tingnan sa Glosari, “Tipan.”
ang Diyos ay iisa lang: ”Diyos” ang mababasa rito sa mga manuskritong Griego, pero may ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos. Ang sinabi ni Pablo ay katulad ng mababasa sa Deu 6:4: “Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova.” Sumipi si Jesus sa Deu 6:4, gaya ng mababasa sa Mar 12:29. (Tingnan ang mga study note.) Diyan din ibinatay ni Pablo ang sinabi niya sa Ro 3:30 at 1Co 8:4.
kontrol ng kasalanan: Ang pandiwang Griego na isinaling “ibinigay . . . sa kontrol ng” ay nangangahulugang “ikulong nang magkasama; sukulin.” Ipinapahiwatig nito na napakaliit ng tsansa o imposible na makatakas ang isa. Sa literal, puwede itong tumukoy sa paghuli ng mga isda sa pamamagitan ng lambat. (Luc 5:6) Malinaw na inilalarawan ng salitang ito ang kalagayan ng di-perpektong mga tao na nabihag ng kasalanan. Sinabi ni Pablo na “ibinigay ng Kasulatan ang lahat ng bagay,” o ang lahat ng inapo ng makasalanang sina Adan at Eva, “sa kontrol ng kasalanan.” Malinaw na ipinapakita ng Kasulatan, na naglalaman ng Kautusan, kung gaano kalaki ang kasalanan ng bawat tao sa paningin ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Gal 3:19.) Si Kristo lang ang makakapagpalaya sa mga tao mula sa kontrol ng kasalanan.
bago dumating ang tunay na pananampalataya: Ang pananampalataya kay Jesu-Kristo.
nasa ilalim ng kontrol nito: Kakabanggit pa lang ni Pablo na ang mga tao ay “ibinigay . . . sa kontrol ng kasalanan.” (Tingnan ang study note sa Gal 3:22.) Ang salitang Griego sa naunang talata ay ginamit niya ulit sa talatang ito (isinaling “nasa ilalim ng kontrol”) para magdiin ng ibang punto. Binantayan ng Kautusang Mosaiko ang mga Israelita at inakay sila nito sa ‘pananampalataya [kay Kristo] na isisiwalat pa lang.’
tagapagbantay natin na umaakay kay Kristo: Ang salitang Griego para sa “tagapagbantay” (pai·da·go·gosʹ) na ginamit ni Pablo sa ilustrasyong ito ay literal na nangangahulugang “lider ng bata” at puwede ring isaling “tagapagturo.” Ang salitang ito ay dito lang ginamit sa Gal 3:24, 25 at 1Co 4:15, kung saan inihalintulad ni Pablo sa ganitong mga tagapagbantay ang mga ministrong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Co 4:15.) Sa napakagandang paglalarawang ito, inihalintulad ni Pablo ang Kautusang Mosaiko sa isang tagapagbantay, o tagapagturo, na naghahatid sa inaalagaan niyang bata sa paaralan araw-araw. Ang tagapagbantay na ito ay hindi ang mismong guro; pero trabaho niyang protektahan ang bata, tulungan itong maabot ang mga pamantayang itinakda ng pamilya nito, at disiplinahin ito. Sa katulad na paraan, itinataguyod ng Kautusang Mosaiko ang mga pamantayan ng Diyos at tinutulungan nito ang mga Israelita na makitang makasalanan sila at hindi nila kayang sundin nang perpekto ang Kautusan. Naunawaan ng mga mapagpakumbabang nagpaakay sa “tagapagbantay” na ito na kailangan nila ang Mesiyas, o Kristo, ang tanging paraan ng Diyos para mailigtas sila.—Gaw 4:12.
ngayong dumating na ang pananampalataya: Si Jesus lang ang tao na perpektong nakasunod sa Kautusan. Kaya masasabi ni Pablo na dumating na ang pananampalataya—ang perpektong pananampalataya. Dahil tinupad ni Jesus ang Kautusan, nabigyan niya ng pagkakataon ang mga tagasunod niya na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos na Jehova. Kaya tinatawag siyang “Tagapagpasakdal ng pananampalataya natin.” (Heb 12:2) Sinabi ni Kristo na makakasama siya ng mga alagad niya “sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito” (Mat 28:20), kaya hindi na nila kakailanganin ang tagapagbantay nila noon. (Tingnan ang study note sa Gal 3:24.) Ginamit ni Pablo ang pangangatuwirang iyan para ipakitang nawalan na ng bisa ang Kautusang Mosaiko nang dumating ang perpektong pananampalataya dahil kay Jesu-Kristo.
tinularan ninyong lahat si Kristo: O “isinuot ninyong lahat si Kristo.” Ang pandiwang Griego dito ay ginamit din sa Col 3:10, 12. Ayon sa isang diksyunaryo, ang ekspresyong ito ay nangangahulugang “naimpluwensiyahan nang husto ng pag-iisip ni Kristo ang isang tao kaya nagiging kagaya siya ni Kristo sa pag-iisip, damdamin, at pagkilos; sa ibang salita, natutularan niya ang buhay ni Kristo.” Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ginamit niya rin ang pandiwang Griegong ito sa isang katulad na ekspresyon.—Tingnan ang study note sa Ro 13:14.
nabautismuhan at kaisa na ngayon ni Kristo: Ipinapakita ng ekspresyong ito na ang mga pinahirang Kristiyano ay nagkaroon ng espesyal na kaugnayan sa kanilang Panginoon nang mabautismuhan sila sa pamamagitan ng banal na espiritu. Naging bahagi sila ng “iisang katawan,” ang kongregasyon ng mga pinahiran na si Jesu-Kristo ang ulo. (1Co 12:13; Mar 1:8; Gaw 1:5; Apo 20:6; tingnan ang study note sa Ro 6:3.) Sa 1Co 10:2, gumamit si Pablo ng katulad na ilustrasyon na tungkol naman sa Israel na “nabautismuhan” habang sumusunod sa isang lider o tagapagpalaya.—Tingnan ang study note sa 1Co 10:2.
Walang pagkakaiba ang Judio at Griego: Ang terminong “Judio” ay tumutukoy sa mga Judio ang lahi, ang mga Israelita. (Tingnan sa Glosari, “Judio.”) Ang terminong “Griego” naman ay lumilitaw na tumutukoy sa lahat ng di-Judio, o mga Gentil. (Tingnan ang study note sa Ro 1:16.) Kaya sa paningin ng Diyos, hindi na nakabatay sa pinagmulang lahi ang pagiging “supling . . . ni Abraham.” Mga Judio man o hindi, puwede silang maging supling ni Abraham, dahil ‘wala silang pagkakaiba’ sa loob ng bayan ng Diyos. (Gal 3:26-29; Col 3:11) Ipinakita ng Diyos na hindi siya nagtatangi nang pumili siya ng isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng mga Judio at Gentil. (Efe 2:11-18; tingnan ang study note sa Gal 6:16.) Tama lang na idiin ni Pablo ang katotohanang ito sa mga Kristiyano sa lalawigan ng Galacia, dahil iba-iba ang lahi ng mga tao roon—may Judio, Griego, Romano, at iba pa.
Walang pagkakaiba . . . ang alipin at taong malaya: Ang isang “alipin” ay pag-aari ng kapuwa niya. Ang “taong malaya” naman ay ipinanganak na malaya at nagtataglay ng lahat ng karapatan ng isang mamamayan. (Tingnan sa Glosari, “Malaya; Pinalaya.”) Para sa Diyos, walang pagkakaiba ang mga Kristiyanong alipin at malaya. Ang lahat ng Kristiyano ay binili ng napakahalagang dugo ni Jesus at alipin ng Diyos at ni Kristo Jesus.—1Co 7:22 (tingnan ang study note), 23; 1Pe 1:18, 19; 2:16.
talagang supling kayo ni Abraham: Si Kristo ang pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Gen 22:17; tingnan ang study note sa Gal 3:16.) Pero ipinakita ni Pablo na ang mga “kay Kristo” ay idinagdag para maging pangalawahing bahagi ng “supling . . . ni Abraham” (lit., “binhi . . . ni Abraham”). (Mar 9:41; 1Co 15:23) Ang pangalawahing bahaging ito ay binubuo ng 144,000 Kristiyano na pinahiran ng espiritu. (Apo 5:9, 10; 14:1, 4) Likas na mga Judio ang ilan sa mga Kristiyanong iyon, pero karamihan ay mula sa mga bansang Gentil.—Gaw 3:25, 26; Gal 3:8, 9, 28.