Ang Pangmalas ng Bibliya Tungkol sa Sekso
PARA sa maraming taimtim na Katoliko, ang kaisipan na si Maria ay nakipagtalik sa kaniyang asawang si Jose ay hindi mapaniniwalaan at nakasisindak. Ito’y dahilan sa ang buong saloobin ng kanilang simbahan tungkol sa sekso ay nag-iwan ng impresyon sa karaniwang Katoliko na ang isang tao ay hindi maaaring maging banal kung siya ay nakipagtalik, kahit na sa loob ng kaugnayang pag-aasawa. Subalit magkasalungat ba ang pag-aasawa at ang kabanalan? Ano ang ipinakikita ng Bibliya?
Sa sinaunang Israel, hiniling ng Diyos ang mga saserdote na maging banal, subalit ang pag-aasawa ay angkop lamang sa kanila. (Levitico 21:6, 7, 13) Sa kongregasyong Kristiyano, si Pedro—na ipinalalagay ng Iglesya Katolika na siyang unang papa—ay isang taong may-asawa, gaya ng karamihan sa mga apostol. (Mateo 8:14; 1 Corinto 9:5) Sa loob ng kongregasyong Kristiyano, ang isang “tagapangasiwa” (“obispo,” sa Katolikong Douay Version) ay maaaring “asawa ng isang babae.” (1 Timoteo 3:2) At ang “matatandang lalaki” (“mga pari,” sa Douay) ay maaaring may-asawa. (Tito 1:5-8) Sa katunayan, lahat ng tapat na mga Kristiyano noong unang siglo ay “mga hinirang ng Diyos, na mga banal at minamahal,” at ang marami sa kanila ay may-asawa. (Colosas 3:12, 18-21) Hindi makatuwirang sabihin na ang mga ito ay mga pag-aasawang walang sekso, sapagkat iyan ay magiging tuwirang salungat sa apostolikong payo na ibinigay sa 1 Corinto 7:2-5.
Kaya, sang-ayon sa Bibliya, ang pag-aasawa at ang kabanalan ay hindi magkasalungat. Babanggitin ba ng Diyos ang kaniyang sarili bilang ‘asawang lalaki’ ng Israel, at babanggitin ba ng Bibliya si Kristo bilang ang “asawang lalaki” ng kongregasyong Kristiyano, kung may anumang bagay na hindi malinis tungkol sa kaugnayan ng mag-asawa?—Isaias 54:5; 62:4, 5; Efeso 5:23-32; Apocalipsis 19:7; 21:2, 9.
Samakatuwid, hindi tayo dapat matigatig o mabalisa tungkol sa pagtanggap sa payak na patotoo ng Bibliya na, pagkatapos ng birheng pagsilang kay Jesus, si Jose at si Maria ay namuhay nang normal na buhay may-asawa, na nagkaanak ng iba pang mga anak na lalaki at babae. Ang mga ito ay mga makalamang kapatid na lalaki at babae ni Jesus sa ina, ang bawat isa ay ipinanganak ni Maria. (Mateo 1:24, 25; Marcos 3:31) Hindi ito humahadlang sa atin na ibigin at igalang si Maria bilang isang banal na babae, kung paanong ang panganganak ni Sara kay Isaac ay hindi humadlang kay Pedro sa pagbanggit sa kaniya na kabilang sa “mga babaing banal” noong unang panahon.—1 Pedro 3:5-7; Hebreo 11:11, 12.
Diborsiyo at Kontrasepsiyon
Ang Iglesya Katolika ay tama sa paghadlang sa diborsiyo at sa paghatol sa aborsiyon. Subalit sinusuhayan ba ito ng Bibliya kapag tinatanggihan nito ang diborsiyo sa anumang dahilan at iginigiit na “ang bawat pagtatalik ng mag-asawa ay dapat manatiling bukas sa paghahatid ng buhay”?—Humanae Vitae.
Sa orihinal, itinatag ng Diyos na Jehova ang pag-aasawa bilang isang permanenteng buklod sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. (Genesis 2:22-24) Isinauli ni Jesus ang pamantayang ito sa loob ng kongregasyong Kristiyano, sa pagsasabi, “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Gayunman, isinusog niya, “Sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban nang dahil sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.”—Mateo 19:4-6, 9; 5:32.
Samakatuwid, sinasabi ng Bibliya na ang seksuwal na pagtataksil o hindi pagtatapat ay mabisang saligan sa diborsiyo, sa katunayan, ang tanging mabisang saligan. Ang Iglesya Katolika ay walang nagawang mabuti sa kaniyang sarili, o sa angaw-angaw na mga membro nito, sa pagiging mas istrikto tungkol sa bagay na ito kaysa sa Kasulatan. Nagkukomento tungkol sa mga resulta ng patakarang ito sa buong kasaysayan, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang mas mahigpit na monogamya ay hindi nauugnay sa karaniwan at malawakang ipinahihintulot na pangangalunya, na itinuturing ng Iglesya Katolika Romana na higit na ipinahihintulot kaysa diborsiyo.”
Kung tungkol sa birth control, ang nangungunang teologong Katoliko, si Agustin (354-430 C.E.), ay itinuturing ang seksuwal na pagtatalik, kahit na sa loob ng pag-aasawa, na makasalanan kung may anumang gagawin upang hadlangan ang paglilihi. Humigit-kumulang ganito pa rin ang pangmalas ng Iglesya Katolika, gaya ng ibinalangkas ni Papa Paul VI sa kaniyang 1968 na ensiklikong Humanae Vitae at pinagtibay ni Papa John Paul II. Isa itong patakaran na nagpangyari ng labis na pagkabalisa sa gitna ng taimtim na mga Katoliko. Gayunman hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang kontrasepsiyon; wala itong binabanggit tungkol sa bagay na iyan.
Sa kabilang dako, hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang aborsiyon, gaya ng ipinakikita ng ulat sa Exodo 20:13 at 21:22, 23. Kasama rito ang mga pamamaraan sa birth control na ginagawa pagkatapos na maganap ang paglilihi, yamang ito ay katumbas ng pagpatay sa isang indibiduwal na ang paglaki ay nagsisimula na. Higit pa rito, iniiwan ng Bibliya ang bagay tungkol sa pagpaplano ng pamilya sa budhi ng bawat mag-asawang Kristiyano. Sa pagpapatuloy na ipasunod ang paninindigan nito tungkol sa birth control, ang Roma ay “lumampas pa sa nasusulat” sa Salita ng Diyos.—1 Corinto 4:6, The New American Bible, isang saling Katoliko.
Ang Bibliya at ang Panatang Hindi Pag-aasawa
Bagaman, gaya ng nakita na natin, ang sapilitang panatang hindi pag-aasawa ay hindi isang kahilingang maka-Kasulatan, ang Bibliya ay bumabanggit hinggil sa kusang hindi pag-aasawa. Si Jesus ay nagpaliwanag: “Sapagkat may mga bating na lalaki mula sa pagsilang; ang iba dahil sa kagagawan ng ibang tao; at mayroon namang nagpapakabating alang-alang sa paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng turong ito ay tumanggap nito.” (Mateo 19:12, NAB) Samakatuwid hindi sinabi ni Jesus na ang panatang hindi pag-aasawa ay sapilitan; sa katunayan, gaya ng napansin natin kanina, ang ilan sa kaniyang mga apostol ay mga may-asawang tao.—Marcos 1:29, 30; 1 Corinto 9:5.
Binabanggit din ni apostol Pablo ang tungkol sa kusang hindi pag-aasawa kapuwa ng Kristiyanong mga lalaki at mga babae, at nagpapaliwanag: “Hindi ko ibig na kayo’y higpitan, kundi ibig ko’y itaguyod kung ano ang mabuti, kung ano ang tutulong sa inyo nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.” (1 Corinto 7:8, 35, 38, 40, NAB) Maliwanag na, mula sa pangmalas ng Bibliya, ang pananatiling walang asawa ay isang kaloob na maaaring linangin ng ilang mga Kristiyano, ng kapuwa mga sekso, upang lubusan at mas malaya silang makapaglingkod sa Diyos. Hindi na kinakailangan pa ang panata, ni anumang pagpilit.—1 Corinto 7:28, 36.
Sa kabaligtaran, ang sapilitang panatang hindi pag-aasawa ay tanda ng apostasya, gaya ng mababasa natin sa 1 Timoteo 4:1-3: “Maliwanag na sinasabi ng espiritu na sa mga huling panahon iiwan ng ilan ang pananampalataya at susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng mga demonyo dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling—na henerohan ang kanilang mga budhi ng waring bakal na nagbabaga na ipinagbabawal ang pag-aasawa.”—NAB.
Manghawakan sa Pangmalas ng Bibliya
Ipinakikita ng pananaliksik sa Katolikong reperensiyang mga aklat na ang doktrina at patakarang Katoliko tungkol sa sekso ay malalim na nauugat sa paganong mga relihiyong misteryoso. Ang resulta ay upang pababain ang pag-aasawa, lumikha ng damdamin ng pagkakasala sa seksuwal na mga bagay, at igiit ang kahirapan sa maraming taimtim na mga Katoliko.
Sa kabilang dako, ipinakikita ng Bibliya na ang pag-aasawa ay marangal at ang pagtatalik sa loob ng kaayusang pag-aasawa ay hindi humahadlang sa isang Kristiyanong lalaki o sa isang Kristiyanong babae sa pagiging banal sa paningin ng Diyos. Isinisiwalat din nito na ang kusang pananatiling walang asawa ay maaaring espirituwal na kapaki-pakinabang kung ang panahon at lakas ng isa ay gagamitin sa paglilingkod sa Diyos.
Inaasahan namin na ang maikling pagrirepasong ito tungkol sa mga bagay may kaugnayan sa sekso ay maaaring makatulong sa nag-iisip na mga Katoliko at sa lahat ng mga iba pa na naligalig, at sa iba na nagdusa, dahilan sa istriktong mga turo na mula sa sinaunang mga misteryong maka-Babilonya. Gaya ng pinatutunayan ng maraming awtoridad, ang mga ito ay hindi mga turo mula sa Bibliya. Kung ang doktrina ng anumang relihiyosong lupon ay hindi kasuwato ng nasa Kasulatan ang mga taong natatakot sa Diyos ay hindi kinakailangang mabalisa sa hindi pagsang-ayon dito. Lahat ng gayong mga tao ay pinalalakas-loob na suriin ang doktrina ng iglesya sa liwanag ng Salita ng Diyos, isinasaisip ang katiyakan ni Jesus: “Kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo’y mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:31, 32, NAB.
[Larawan sa pahina 11]
Ang isa ay hindi kinakailangang manatang hindi mag-aasawa upang ipangaral ang Salita ng Diyos. Ang apostol Pedro ay taong may-asawa