Ang Pangmalas ng Bibliya
Mga Anting-anting—Maipagsasanggalang Ka Ba Nito?
“SA PAGITAN ng panahon ngayon at sa tag-ani, si Daniel ay mamamatay!”
Sa malungkot na mga salitang ito, binigla ng paring mangkukulam sa Kanlurang Aprika ang pamilyang nakatayo sa harap niya. Gayunman ang pamilyang ito ay naparoon upang itanong, hindi ang tungkol sa batang si Daniel, kundi ang tungkol sa kaniyang ama, na nakaratay dahilan sa malubhang karamdaman. Pagkatapos kunsultahin ang isang koleksiyon ng maliliit na mga buto, mga kabibi, at mga bato, tiniyak sa kanila ng pari na kung ang tamang mga hain at mga ritwal ay isasagawa, ang ama ay lubusang gagaling na agad! Subalit sa kanilang malaking takot, idinagdag ng pari na ang batang si Daniel ay mamamatay dahilan sa isang nakatatakot na sakit!
Nagmakaawa ang pamilya sa pari. Tiyak na mayroon siyang magagawa. Sa kanilang pamimilit, ang pari ay muling bumaling sa dibinasyon. Oo, mayroon pang isang pag-asa! Sinabi ng pari na kung isusuot palagi ni Daniel ang isang mahiwagang baryang anting-anting na itatali sa kaniyang baywang siya ay maaaring iligtas mula sa napipintong kamatayan.
Si Daniel ay karaka-rakang pinauwi ng bahay mula sa paaralan at ipinaliwanag ang panganib. Gayunman, tinanggihan ni Daniel ang baryang tanso na ibinigay sa kaniya! Bagaman hindi isang Kristiyano, hindi siya basta naniniwala na ang isang barya ay may kapangyarihan na ingatan ang buhay.
Makapangyarihan o Walang Kapangyarihan?
Talaga bang maipagsasanggalang ng mga anting-anting yaong mga gumagamit nito? Ang paniniwala na magagawa nila ito ay hindi bago. Ang mga anting-anting ay pinagpipitaganan sa sinaunang Roma, Gresya, Babilonya, at Ehipto. Ang paniniwala sa mga ito ngayon ay malaganap. Isang istatuwang yari sa kahoy ang nagbabantay sa isang nayon mula sa mga masama. Isinasabit ng isang ama ang isang pantanging bag sa kaniyang kisame upang itaboy ang masamang mga espiritu. Ikinukuwintas ng isang ina ang isang supot na balát sa leeg ng kaniyang anak na babae upang itaboy ang karamdaman. Isinusuot ng isang pinuno ang ngipin ng hippo—seguro laban sa pangungulam ng mga kaaway.
Oo, maaaring hamakin ng maraming taga-Kanluran ang paniniwala sa gayong mga bagay. Gayunman, ang Encyclopedia Americana ay nagpapagunita sa atin: “Bagaman kadalasang inaakala na ito ay limitado sa saunahing mga lipunan, ang paniniwala sa anting-anting ay masusumpungan sa ilang antas sa lahat ng mga lipunan.” Kaya ang lalaking Kanluranin na mapamahiing nagdadala ng paa ng kuneho sa kaniyang bulsa o nagsasabit ng bakal ng kabayo sa kaniyang pintuan ay isa ring deboto sa anting-anting!
Kapuna-puna, yaong gumagamit ng gayong mga bagay ay karaniwang naniniwala na ang kanilang kahima-himalang mga katangian ay mula sa Diyos. Subalit ano ba ang sinasabi mismo ng Diyos tungkol sa mga anting-anting? Nagsasalita sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias, napakalinaw ng kaniyang sagot: “Ang mga ito [mga idolong anting-anting] animo’y panakot ng ibon sa gitna ng bukid ng pipino; kinakailangang pasanin, sapagkat hindi nakalalakad. Huwag kayong matakot sa mga ito: sapagkat hindi sila makagagawa ng masama, at wala rin silang kapangyarihang gumawa ng mabuti.” (Amin ang italiko.)—Jeremias 10:5, The New English Bible.
Pansinin kung paanong ang isang walang buhay na panakot ng ibon ay walang kakayahang gumawa ng mabuti o masama, wala ring magagawa ang mga anting-anting. Ang mga ito’y hindi makalakad o makapagsalita. Maaari itong durugin, sirain sa apoy, ihagis sa ilog, kainin ng tanga at kalawang. Kaya, kung ang mga ito ay lubhang walang kapangyarihan na pangalagaan ang kanilang mga sarili, paano nga nito maaaring pangalagaan ang iba?
Sa Likod ng Panlilinlang
Napansin mo ba na kasangkot din ang panlilinlang? Ang mga ibon ay nalilinlang na maniwala na may buhay sa isang panakot ng ibon. Ang mga tao man din ay nalilinlang na isiping ang mga anting-anting ay may kapangyarihan at nauugnay sa kanilang kagalingan.
Halimbawa, isang reporter ng Awake! ang tumanggap ng pahintulot na kunan ng larawan ang isang anting-anting na nasa isang museo. Isa itong Aprikanong gorang balat na ipinalalagay na may kapangyarihang gumawa sa isang mandirigma na hindi nakikita sa labanan. Nang itanong niya kung sino ang nagnanais magsuot ng gora para makunan ng larawan, ang punong opisyal ng museo ay nagsabi: “Hindi ko maipahihintulot iyan. Ang gora ay nagtataglay pa ng makahimalang mga katangian. Maaari itong makapinsala.”
Maliwanag, kung gayon, ang may pinag-aralang mga tao ay maaaring malinlang ng mga anting-anting. Subalit sino ang nasa likod ng gayong panlilinlang? Maliwanag, hindi si Jehova, “ang Diyos ng katotohanan,” na hinahatulan ang mga gawaing mahiko. (Awit 31:5; Deuteronomio 18:10-14) Sa halip, ito’y ang pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo. Siya ang pangunahing manlilinlang na, kasama ng kaniyang mga sakop na demonyo, ay “dumadaya sa buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 12:9.
Ang pagkaalam sa pinagmulan ng paniniwala sa anting-anting ay tutulong sa atin na pahalagahan na yaong mga nagsasagawa nito ay walang katalinuhang umaasa sa mga demonyo para sa proteksiyon at seguridad. Matalino ba ito? Tiyak na hindi! Ipinakilala ni Jesus si Satanas bilang “mamamatay-tao” at “ang ama ng kasinungalingan.” Ayaw ng mga hukbo ni Satanas na magsanggalang kundi magdomina. Ang kanilang pakay ay hindi upang mangalaga kundi upang pumuksa.—Juan 8:44.
Samakatuwid, sinisira niyaong mga nagnanais paluguran si Jehova ang kanilang espiritistikong mga gamit, gaya ng ginawa ng sinaunang mga Kristiyano sa Efeso. (Gawa 19:19) ‘Subalit hindi ba totoo,’ maaaring sabihin ng iba, ‘na ang ilan na sumubok na sirain ang mga anting-anting ay nasumpungan ang kanilang mga sarili na sinasalakay ng daigdig ng mga espiritu?’ Oo, subalit ito ay hindi dahilan sa kakulangan ng proteksiyon mula sa walang buhay na piraso ng kahoy, bato, o tela. Maliwanag na ang mga demonyo ay nagalit dahilan sa pagkawala nila ng kaugnayan sa materyal na daigdig.—Ihambing ang Mateo 8:28-32.
Gayunman, tandaan na si Jehova at ang kaniyang tapat na mga anghel ay mas makapangyarihan kaysa mga balakyot na espiritu at tutulungan nila yaong mga tumatawag sa Diyos na may pananampalataya. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at naliligtas.”
Ang mga anting-anting ay hindi makapagbibigay ng gayong proteksiyon. Ang mga ito ay isang pagkukunwari, isang panlilinlang. Tanungin mo ang taong nagngangalang Daniel na nabanggit sa simula. Ang mga pangyayaring inilarawan doon ay naganap noong taong 1935. Ang kaniyang ama, bagaman nasa ilalim ng “proteksiyon,” ng anting-anting, ay namatay sa loob lamang ng isang buwan. Subalit si Daniel, na tumangging maniwala sa anting-anting, ay hinatulang mamatay sa loob ng anim na buwan. Pagkaraan ng limampung taon siya ay buháy pa rin at malakas.
Kaya bakit mo gagamitin ang mga kasangkapan ng balakyot na mga espiritu? Ang mga kasangkapang iyon ay walang buhay, walang kapangyarihan na gaya ng mga panakot ng ibon. Ang tunay na katiwasayan at proteksiyon ay nagmumula sa Diyos na Jehova.
[Larawan sa pahina 19]
Sumbrerong anting-anting na sinasabing nagtataglay ng kapangyarihang gawing di-nakikita ang isang mandirigma sa labanan.—Freetown Museum, Sierra Leone