Pagmamasid sa Daigdig
‘Malaking Kapahamakan’
“Sa Third World, mahigit na 11 milyong mga ektarya [27 milyon a.] ng tropikal na kagubatan ang pinuputol taun-taon, isang lawak na halos tatlong ulit sa laki ng Netherlands,” sabi ng magasing Olandes na Internationale Samenwerking. “50 porsiyento na ng lahat ng mga kagubatan ang naglaho sa globo sa nakalipas na kalahating siglo.” Ipinangangamba na ang naglalahong mga kagubatan ay magkakaroon ng malaking epekto sa lagay ng panahon sa buong daigdig, ginugulo ang pagkakatimbang ng kalikasan at ang produksiyon ng pagkain ng daigdig. Ang panggatong na kahoy ay bihira na—mga isang daang milyong katao sa Third World ang gumugugol ng malaking bahagi ng kanilang araw sa paghahanap nito. Sang-ayon sa FAO (UN Food and Agriculture Organization), 1.9 bilyong ektarya (4.7 bilyong a.) ng tropikal na kagubatan ang nananatili. Subalit kung walang isasagawang pagkilos, 25 porsiyento niyaon ang mawawala sa pagtatapos ng dantaon, at ang lahat ay maglalaho sa loob ng 85 taon. Ang kawalan, sabi ng FAO, ay magiging “isa sa pinakamalaking kapahamakang pangkapaligiran ng ating panahon.”
Pambihirang mga Pamamaraan ng Pag-upa
Paano tinitiyak ng isang kompaniya kung sino ang pinakakuwalipikado para sa isang trabaho? “Ang mga maypatrabaho ay waring higit at higit na bumabaling sa tulong ng mga nangangalap,” sabi ng babasahing pangkalakal na Engineering Dimensions, “at ang mga nangangalap ay waring sinusubok ang napakaraming di-karaniwang mga paraan.” Halos 70 porsiyento niyaong nasa Pransiya ang umaasa sa pagsusuri ng mga sulat-kamay, samantalang ang iba naman ay gumagamit ng isang computer na iprinograma upang piliin ang pinakaangkop na kandidato. Ang iba pang mga pamamaraang ginagamit ay ang pagsusuri sa pagmumukha ng isa, ang hugis at mga guhit ng kamay, at ang ipinalalagay na impluwensiya ng mga bituin at mga planeta. “Ang mga Haponés ay nakagawa ng paraan upang piliin ang mabuting mga inhinyero sa pamamagitan ng mga uri ng dugo,” sabi ng magasin.
Muling Paglimbag ng Bibliyang Gutenberg
“Para sa mga kolektor ng Bibliya na mayroon na ng lahat, isang Pranses na kompaniyang naglalathala ang muling nag-iimprenta ng Bibliyang Gutenberg,” ulat ng The Orlando Sentinel. Ang kompaniya ay nag-abala pa nga na pagtugmain ang pagkakayari, timbang, kulay, at salat ng papel na ginamit sa orihinal na bersiyon ng papel. Ito ay magkakaroon ng matigas ng pabalat na yari sa balat ng kambing, durado-gilid ng 22-kilatis na ginto, at tinatakan ng ginto. Ang Bibliyang Gutenberg, na inimprenta ni Johann Gutenberg noong 1455, ang kauna-unahang aklat na naimprenta sa nakikilos na tipo. Ito ay nasa dalawang tomo, at 180 kopya lamang ang inimprenta, na 20 kompletong mga set nito ang nananatili. Noong 1978 ang isang orihinal na kopya ay ipinagbili sa halagang $2.4 milyong. Ang mga kopya ay magkakahalaga lamang ng $4,500 bawat isa.
Sinodo ng mga Paring May Asawa
Sa Ariccia, malapit sa Roma, mga 150 delegado mula sa 11 mga bansa ang nagtipon para sa isang “Panlahat na Sinodo ng mga Paring Katoliko na May Asawa at ang Kanilang mga Asawa.” Ang kanilang “mapayapang paghaharap ng teolohikal na mga argumento at ang kakulangan ng pagkaagresibo ay nagpapahiwatig na ito ay hindi isang kaso ng mga rebelde na lumalaban sa iglesya,” sabi ng pahayagang Aleman ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Sila “sa halip ay lumilikha ng isang impresyon na naghahanap-payo ng kawalang-kaya.” Ipinakikita ng opisyal na Katolikong bilang ang tinatayang 70,000 mga paring may asawa sa buong daigdig na hindi tinatanggap sa lahat ng mga serbisyo ng simbahan. Mula noong 1963 pinalaya ng Vaticano ang 46,302 mga pari sa kanilang panata na hindi pag-aasawa. Ayaw lagdaan ni Papa John Paul II ang gayong mga petisyon. “Nasasangkot ang pinansiyal na mga konsiderasyon,” sabi ng pahayagan. Ang pagpapawalang-bisa sa panatang hindi pag-aasawa ay uubliga sa simbahan na pinansiyal na paglaanan ang mga pamilya ng mga pari.
Hindi Iniuulat na Krimen
“Dalawang-katlo ng mga biktima ng krimen sa Amerika ang hindi tumatawag sa pulisya, at ang mga tao ay mas malamang na iulat ang mga pagnanakaw ng kotse kaysa mga panggagahasa o iba pang uri ng pagsalakay,” sabi ng Daily News ng New York. Ipinakikita ng pinakahuling report ng Kagawaran ng Katarungan na 35 porsiyento lamang ng 37.1 milyong mga krimen na isinagawa noong 1983 ang iniulat sa pulisya. Ang bilang ng mga report ay tumataas kung ang krimen ay naganap sa halip na binalak lamang, kung ang biktima ay napinsala, at kasukat ng halaga ng kung ano ang ninakaw o napinsala. Halos kalahati ng mga insidente ng pang-aagaw ng pitaka, panloloob, mga panggagahasa, at pagnanakaw ang iniulat. Ang pinakamataas na report, 69 porsiyento, ay sa mga pagnanakaw ng sasakyan; ang pinakamababa, 25 porsiyento, ay sa pagnanakaw sa tahanan. Sinasabi ng marami na sila ay hindi nag-uulat sapagkat “ang insidente ay hindi naman gaanong mahalaga” o, sa kaso ng marahas na mga krimen, sapagkat “ito ay isang pribado o personal na bagay.”
Problema sa Pagsusunog ng Bangkay
Maraming tao ngayon sa Hapón ang gumagamit ng mga pacemaker, ulat ng Asahi Evening News, at ang bilang ay dumarami ng 2,000 hanggang 3,000 isang taon. Ang aparato, na inilalagay sa dibdib sa isang operasyon upang kontrolin ang tibok ng puso, ay lumilikha ng mga problema sa mga krematoryum. Sa matinding init ang mga pacemaker ay sumasabog. Ang pagsabog ay naghahagis ng apoy at mga labí sa mga butas na silipan, na sumisira at nakapipinsala. Ngayon tinatanong ng mga nangangasiwa sa purenarya ang mga kamag-anak ng namatay kung ang namatay ay may pacemaker at hinihiling na alisin nila ito. “Ang pagsusunog ng bangkay ay sapilitan sa Hapón kung saan ang lupa para sa mga sementeryo ay bihira,” sabi ng pahayagan. “Ang paglilibing sa bangkay ay pambihira.”
Ginhawa sa Talamak na “Migraine”
“Ang pinakamabuting paraan upang gamutin ang mga mayroong talamak na sakit ng ulo ay ang awatin sila sa mga pamatay-kirot,” sabi ng The Medical Post ng Canada. Nag-uulat tungkol sa mga pag-aaral na iniharap sa Second International Headache Conference sa Copenhagen, Denmark, sabi pa nito: “Ang labis-labis na paggamit ng mga analgesic, gaya ng ASA at acetaminophen, ay maaaring pagmulan at pasidhiin ang kirot sa ulo sa mga pasyente na may talamak na sakit ng ulo at baka makasagabal sa iba pang mabisang parmakologong paggagamot.” Ipinakita ng dalawang pag-aaral na, gumagamit ng ibang paggagamot, mula sa 75 hanggang 82 porsiyento ng mga pasyente ay nagpakita ng “malaking pagbawas sa dalas at tindi ng sakit ng ulo pagkaraan ng tatlong buwan na walang mga analgesic” at hindi gaanong dumanas ng mga suliranin sa paghinto. Para sa “mayroon lamang migraine,” ang “pag-awat [sa pamatay-kirot] ay positibo,” ang konklusyon ng report.
Umampon-ng-Baka
Upang masawata ang pagpatay sa angaw-angaw na mga baka taun-taon, ang dedikadong mga Hindu sa Estados Unidos ay hinihiling na makisama sa programa na nangangalaga sa mga baka na Umampon-ng-Baka, ulat ng India Observer. Isang pamayanang pambukid na Hare Krishna sa Pennsylvania ang napiling dako para sa programa. Ito ay maglalaan ng paraan “para sa lahat ng mga Hindu na ipakita ang kanilang pangako sa isa sa pangunahing sagradong simulaing relihiyoso, ang pangangalaga sa baka.” Ang tatlong plano—$30 isang buwan, $100 isang buwan, at minsanang donasyon ng $3,000 o higit pa ang mangangalaga sa baka sa buong buhay nito—ang iniaalok. Ang mga kalahok ay binibigyan ng de-kolor na larawan ng kanilang inampong baka, mga ulat ng pagsulong ng baka, at isang libreng dulo ng isang linggo sa pamayanang pambukid upang dalawin ang kanilang “go-mata,” o sagradong ina. Pinagpipitaganan ng mga Hindu “ang baka bilang ina ng lipunan ng tao, dahilan sa siya ang nagtutustos ng isa sa pinakamasustansiyang pagkain ng kalikasan,” sabi ng Observer.
Mga Kabayaran sa Paaralan ng Tsina
Sinasamantala ng ibang paaralan ang patakaran ng gobyernong Intsik na nagpapahintulot sa kanila na mangilak ng mga pondo sa kanilang lugar upang pagtakpan ang kakulangan ng mga pondo ng gobyerno, ulat ng Guardian ng London. Ang mga awtoridad ay tumanggap ng napakaraming reklamo mula sa mga magulang dahilan sa napakataas na mga bayad. Isang manggagawa sa lalawigan ng Shandong ang nagreklamo na ito’y nagkahalaga sa kaniya ng 100 yuan (mga $33, U.S.) upang ang kaniyang anak ay mapalista sa isang paaralang primarya sa taong ito, samantalang 35 yuan lamang noong nakaraang taon. Sa lalawigan ng Hubei isang magulang ang nagsabi na 80 yuan ang sinisingil sa mga estudyante sa paaralang primarya at 300 yuan para sa mga nasa paaralang sekondarya. Sa ilang mga kaso ang mga magulang ay hinilingan ng mga duplicating machines, karbón (coal), o iba pang mga bagay na kulang ang suplay upang ang kanilang mga anak ay mapatala. Ang katamtamang kita ng mga manggagawa sa bukid sa Tsina ay mga $115 isang taon.
Suliranin ng Pandarayuhan sa Israel
“Ang pandarayuhan sa Israel noong nakaraang taon ay pinakamababa sapol nang ang bansa ay maitatag noong 1948,” ulat ng The New York Times. “Mga 11,298 na mga dayuhan ang dumating sa Israel noong 1985, isang 41 porsiyentong pagbaba sa ulat noong 1984, kung saan 19,230 mga dayuhan ang dumating.” Sinisi ng mga opisyal ang pagbaba sa mahirap na kalagayang pangkabuhayan na nakakaharap ng bansa. Bakit lubhang nakaliligalig ang bagay na ito? Ang isang dahilan ay na, dahilan sa mas mataas na bilang ng mga ipinanganganak, ang populasyon ng mga Arabe sa Israel ay dumarami sa bilis na dalawang ulit kaysa roon sa populasyon ng mga Judio. Ipinangangamba na baka sa wakas ang mga Arabe ang maging mayoridad. “Ang matumal na pandarayuhan ay lalo pang masakit para sa Israel,” sabi ng Times, “sapagkat sinisira nito ang larawan ng bansa bilang isang bansa kung saan sa wakas pipiliing mamuhay ng lahat ng mga Judio.” Mga 3.5 milyong Judio—27 porsiyento ng mga Judio sa buong daigdig—ang nakatira sa Israel.
Mga Indulhensiya sa TV
Ang mga Katoliko na nakabukas ang TV o radyo sa taunang mensahe sa Pasko ng Papa sa St. Peter’s Square ay pinagkalooban ng katulad na indulhensiyang plenaryo na dating ipinagkakaloob lamang doon sa mga pisikal na presente. Ang isang-pahinang utos ng Vaticano, na nilagdaan ni Luigi Cardinal Dadaglio, ay nag-aawtorisa sa pagbabago dahilan sa mga pagsulong sa teknolohiyang elektroniko. Kapit din ito sa lokal na mga obispo, na ipinahihintulot na maggawad ng “apostolikong basbas” tatlong beses isang taon sa kanila mismong mga diyosesis. Sang-ayon sa doktrinang Katoliko, ang indulhensiyang plenaryo “ay kumakatawan sa kabuuang paglaya mula sa temporal na parusa na nararapat dahil sa kasalanan pagkatapos na mapatawad ang kasalanan,” sabi ng The New York Times. Ang gawain na pagkakaloob ng mga indulhensiya ang ugat na dahilan ng Repormasyong Protestante. “Puspusang tinutulan ng mga lider ng Repormasyon na gaya ni Martin Luther ang malawakang gawain ng pagkakaloob ng mga indulhensiya bilang kapalit ng mga kontribusyong salapi,” sabi ng Times. “Karamihan ng salapi na ginamit sa pagpapatayo ng St. Peter’s Basilica ay nakolekta sa ganitong paraan.”
Hindi Pagtatanggol
Ang lumalagong karahasan ay nagpangyari sa libu-libong mga adulto at mga bata na magpatala sa mga klase na pagtatanggol-sa-sarili sa pag-asang mapangalagaan ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pagsalakay. Subalit ang panahon at salapi na ginugugol ay maaaring maging walang kabuluhan. “Ang mataas na mga halaga ay hindi gumagarantiya na maipagtatanggol ng mga estudyante ang kanilang sarili,” sabi ng The Wall Street Journal. “Maraming estudyante ang gumugugol ng maraming panahon at salapi upang matutuhan ang masalimuot na mga pagkilos na waring kahanga-hanga sa isang maliwanag na klase—subalit iyan ay napatunayang walang halaga sa panahon ng pagkataranta sa isang madilim na lansangan.” Isa pa, walang mga pamantayang pambansa kung tungkol sa mga kuwalipikasyon niyaong mga nagtuturo ng pagtatanggol-sa-sarili. Kabilang sa mga maling ideya at mga patibong na binanggit ng mga dalubhasa ay ito: ang pag-aakala na ang kaalaman tungkol sa martial arts ay makahimalang titiyak ng kanilang kaligtasan at magpapangyari sa kanila na hindi masaktan; pagbabayad ng sampung ulit na higit para sa mga leksiyon kaysa maaaring ibigay mo sa mga mang-uumog; ang maling tantiya kung gaano katagal at kahirap ang pagsisikap na gagawin mo upang maging dalubhasa ka sa mga pamamaraan; at na ang mga kabataan ay maaaring maimpluwensiya na maging mga matón.