Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang mga Pamahiin Ba ay Hindi Nakapipinsala?
NANG ilagay ng isang pangkat ng mga estudyante ng sikolohiya ang isang hagdan sa dingding sa isang abalang kalye sa London, ang mga nagdaraan ay napaharap sa isang problema: manatili sa bangketa at magdaan sa ilalim ng hagdan, o bumaba sa bangketa at ilagan ang mga sasakyan. Pito sa sampung mga nagdaraan ang umiwas sa hagdan.
Tunay, maraming tao, kung ginigipit, ay umaamin na nag-iingat ng isa o dalawang paboritong pamahiin. Kumusta ka naman? Ikaw ba kung minsan ay nakadarama ng simbuyo na kumatok sa kahoy, ikrus ang iyong mga daliri, o maghagis ng asin sa iyong kaliwang balikat? At kung gayon nga ang ginagawa mo, ikaw ba’y huminto at nag-isip kung bakit?
Ang mga pamahiin ay hindi naman ipinalalagay ng iba na gayong kasamâ o kaseryoso. Gaya ng paliwanag ng awtor na si Robertson Davies: “Ang parapsychology, mga UFO, himalang mga pagpapagaling, transcendental meditation . . . ay hinahatulan, subalit ang pamahiin ay hindi lamang sinasang-ayunan.”
Ipinalalagay ng iba na ang mga pamahiin ay hindi mahalaga, hindi mapanganib. “Ating malasin ang mga ito na hindi nakasásamâ at nakalilibang,” sabi ng isang aklat tungkol sa mga pamahiin. Maraming tao ang gumagawa niyan. Sila ay nangangatuwiran, ‘Kung ang mga ito ay hindi nakagagawa ng mabuti, ang mga ito sa paano man ay hindi nakapipinsala.’ Subalit hindi nga ba nakapipinsala ang mga ito?
Hindi Nakapipinsala o Nakapipinsala?
“Ang paggawi ay hindi umiiral nang walang kahulugan,” sabi ni Dr. Alan Dundes, isang guro sa pamantasan tungkol sa mga alamat. “Hindi isasagawa ng mga tao ang mga kaugalian malibang ang mga ito ay may kahulugan sa kaluluwa.” Ang mapamahiing mga paniniwalang ito, sabi ng mga mananaliksik, ay wala kundi “isang bintana sa kaluluwa.” Kaya bakit hindi natin buksan ang “bintanang” iyon at tingnan kung ano ang mga dahilan sa likuran niyaon?
Ang sikologong si Edward Hornick ay nagsasabi na “ang mga pamahiin ay isa sa mas magaling na tukod o suhay ng buhay.” Ngunit hindi ka ba sasang-ayon na ang halaga ng isang tukod, o alalay, ay depende sa kung anong uri ng pundasyon mayroon ito? Halimbawa, ang silya sa iyong matatag na sahig sa kusina ay isang mainam, hindi nakapipinsalang tukod. Subalit uupo ka ba sa silyang iyon kung ito ay nakalagay sa kuminóy? Tiyak na hindi.
Gayunding tumitiyak na salik ang kumakapit sa mga pamahiin, ang “mas magaling na tukod ng buhay.” Ano ang kanilang pundasyon? Ang mga ito ba ay nakasalig sa matibay na mga turo ng Bibliya, o, marahil, sa tulad-kuminóy na huwad na relihiyosong mga ideya?
‘Ang layo naman ng kaugnayan niyan,’ maaaring isipin mo. ‘Hindi ko maunawaan kung paanong ang pag-iwas sa isang hagdan, pagkatok sa kahoy, o mga kaugalian na gaya niyan ay may anumang kaugnayan sa relihiyosong mga paniniwala.’ Gayunman, mayroon itong kaugnayan. Kunin halimbawa ang pamahiin tungkol sa hagdan.
Kung minsan isang pag-iingat ang lumakad sa paligid ng hagdan upang maiwasan ang isang nahuhulog na gamit, gayunman hindi ba totoo na kahit na ang isang hagdan ay wala namang inihaharap na panganib, iniiwasan pa rin ito ng ibang mga tao upang maiwasan ang “kamalasan.” Subalit saan ba nakasalig ang kaugaliang ito? Bueno, ang isang hagdan sa dingding ay nag-aanyo ng isang tatsulok. “At ang isang tatsulok,” paliwanag ng Encyclopædia of Superstitions, “sa tuwina ay simbolo ng Trinidad.” Kaya, ang pagdaraan sa ilalim ng isang hagdan ay katumbas ng paglabag sa Trinidad, isang panghihimasok sa banal na lugar, at iyan, sabi ng aklat ding iyon, ay “magdadala sa iyo sa mga kamay ng Masamang Isa.” Gayunman, ang Trinidad ba ay isang matibay na turo ng Bibliya?
Sa kabaligtaran, ang turo ng Trinidad ay nagmula sa sinaunang mga relihiyong pagano. At, pinasisinungalingan ng Salita ng Diyos ang ideya ng Trinidad. Sinasabi nito na si Jehova ay nakahihigit kay Kristo. (Juan 14:28; 1 Corinto 11:3) Sa gayon, ang pamahiin tungkol sa hagdan ay salig sa huwad na relihiyosong ideya. Gayundin ang pamahiin ng paghahagis ng asin sa iyong kaliwang balikat.
Ang asin, na isang preserbatibo, ay sumasagisag daw sa buhay at suwerte. Kung matapon mo ang ilan, sabi ng pamahiin, dapat mong payapain ang Diyablo at ang mga demonyo. At yamang sila ay laging nasa iyong kaliwa, ang masama o malas na panig (ang sinister [masama o malas] ay Latin para “sa kaliwang panig”), dapat kang maghagis ng asin sa iyong kaliwang balikat. Hindi ba’t ang pagpapayapa ay nangangahulugan ng pagpapahinuhod o pagbibigay? Oo, at iyan ay salungat sa maka-Kasulatang mga babala na: “Salansangin ang Diyablo,” “ni bigyan-daan man ang Diyablo,” at “tumayong matatag laban sa . . . Diyablo.” (Santiago 4:7; Efeso 4:27; 6:11) Samakatuwid, ang pamahiing ito ay nakasalig din sa mga paniniwala na salungat sa Bibliya.
Nakapipinsala—Sa Anong Paraan?
‘Maaaring totoo iyan, subalit kapag iniiwasan ko ang isang hagdan o naghahagis ako ng asin hindi ko man lamang iniisip ang tungkol sa Trinidad o ang Diyablo, ni pinararangalan ko man ang mga iyon,’ maaaring sabihin mo. ‘Isa lamang itong kaugalian. Paano ito makapipinsala sa akin?’ Sa ganitong paraan: Kung nalalaman mo na ang ilang mga pamahiin ay nakasalig sa kasinungalingan, subalit patuloy mong ginagawa ang gayong mga kaugalian, kung gayon katulad ka ng taong nalalaman na ang kaniyang silya ay nasa kuminóy subalit nagsasabing: ‘Basta hindi ko iisipin ang tungkol sa kuminóy, kaya hindi ito makapipinsala sa akin,’ at nauupo pa rin sa silya. (Apocalipsis 22:15) Siya ay nanganganib, at maaaring nanganganib ka rin. Bakit?
Maaaring magsimula kang umasa nang higit at higit sa mga pamahaiin, at bago mo pa malaman ito, baka ang mga ito ang umuugit sa iyong buhay. At yamang ang mga pamahiin ay nakasalig sa mga kasinungalingan, sa katunayan, maaari kang maging isang alipin ng “ama ng kasinungalingan,” si Satanas. (Juan 8:44) Iyan, mangyari pa, ay maaaring umakay sa pagkaalipin sa isa pang gawain na salig sa mga kasinungalingan—ang espiritismo.
Tunay, sa unang tingin ang mga pamahiin ay waring hindi nga nakapipinsala, subalit suriin mong mabuti ang mga ito at iyong mauunawaan kung ano nga ang mga ito—walang kabuluhan at nakapipinsala.
[Kahon sa pahina 15]
“Tandaan din, na ang mga pamahiin ay nagbibigay sa isang hindi maygulang na tao ng dahilan para sisihin ang ilang kapangyarihang nakahihigit sa kaniyang sarili dahil sa kaniyang kamalasan.”—Superstitious? Here’s Why!