Mula sa Bingit ng Kamatayan
HABANG minamasdan ko ang aking asawa, si Bonnie, na nakahiga sa kama ng ospital, hindi ko lubusang maisip kung paanong napakabilis na nangyari ang lahat. Nakahiga siya na ang mga talukap ng kaniyang mata ay isinara sa pamamagitan ng tape upang kahit na ang pagkibot ay hindi umubos sa kaunting lakas na natitira sa kaniyang katawan. Ang kaniyang balat ay puting-puti; kahit na ang kaniyang mga pekas ay nawalan ng kulay. Maaga nang umagang iyon sinabi ng doktor, “Tiyak na mamamatay siya sa araw na ito.” Isa sa mga nars ay nagsabi, “Hindi na siya aabutin pa ng tanghali.”
Bakit ba nasa gayong malubhang kalagayan si Bonnie? Paanong nangyari na ang pagpapala sa pagkakaroon ng isang bagong sanggol ay mauuwi sa gayong nanganganib ang buhay na kalagayan? Hayaan mong gunitain ko ang mga pangyayari na humantong sa maligalig na panahon ng pagsubok ng aking asawa.
Nang malaman ni Bonnie na siya ay nagdadalang-tao na naman, kami’y tuwang-tuwa subalit nangangamba. Kami’y nangangamba sapagkat ang aming sampung-taóng-gulang na anak na babae, si Ashley, ay ipinanganak sa pamamaraang cesarean at isa pa si Bonnie ay makalawa nang nakunan mula noon. Bukod pa sa nakababalisang bagay na ito ay ang posibilidad na maaaring bumangon na muli ang isyu tungkol sa pagsasalin ng dugo. Kumbinsido kami na nalalaman ng Maylikha ang pinakamabuti nang siya’y magbabala sa Gawa 15:29, “Patuloy na layuan ninyo . . . ang dugo.”
Biglang Panganib
Mga limang linggo na lamang bago ang araw ng panganganak ni Bonnie nang magpasiya kaming gugulin ang Sabado, Pebrero 28, 1987, sa pamamasyal sa San Diego Zoo. Wala kaming kamalay-malay na sa loob ng 24 oras, ang sanggol ay lalabas. Oo, kinaumagahan ang aming payapang mga damdamin ay nasira nang magising si Bonnie na dinudugo. Kaagad naming tinawag ang doktor, at sa loob lamang ng mga ilang minuto kami ay patungo na sa ospital.
Alam ng doktor ang aming katayuan tungkol sa pagsasalin ng dugo, at dahil dito, ipinasiya niyang isagawa kaagad ang operasyong cesarean. Pumasok kami sa surgery room kung saan, sa loob lamang ng sandaling panahon, ibinigay ng doktor ang aming bagong sanggol na babae sa nars. Sandaling ipinakita ng nars ang aming anak na babae kay Bonnie, pagkatapos ay dinala niya ang sanggol sa nursery. Ako’y sinabihang magtungo sa silid hintayan at na maaari kong makausap ang aking asawa sa recovery room pagkalipas na kalahating oras.
Samantala, ang ilan sa aming mga kaibigan ay nagkatipon sa silid hintayan, kaya’t ako’y lumabas sapagkat naiisip ko na normal na ang lahat ng bagay at ibinalita ko ang pagdating ng aming bagong anak na babae. Ang hindi ko nalalaman ay na sa panahon ng cesarean na operasyon, natuklasan ng doktor na si Bonnie ay nagkaroon ng kalagayan anupa’t kinailangang isagawa ng doktor ang pag-aalis sa matris. Pagkalipas ng dalawang oras, ang doktor ay lumabas at ipinaalam sa akin kung ano ang nangyari. Ipinaliwanag ng doktor na nang magsimula ang panganganak, ang bilang ng hemoglobin ni Bonnie ay 12.5 subalit ito ay bumaba sa 6.1. Siya ay ipinalagay na labas na sa panganib, at inaakala ng doktor na lahat ay magiging maayos. Gayunman, di-nagtagal nagsimulang lumaki ang problema.
Mga 15 minutos lamang pagkatapos kong makipag-usap sa doktor, ang pangalan ko ay tinawag sa intercom upang magtungo sa nursery ng mga bata. Pagdating ko, sinabi sa akin na ang aming kasisilang na anak na babae ay nangitim at tumigil ng paghinga. Ang sanggol ay pinanauli at nilagyan ng oksiheno subalit ngayon ay nangangailangan ng maraming mga pagsubok, ang ilan sa mga ito ay maaaring magkaroon ng malubhang mga komplikasyon. Kailangan kong pirmahan ang mga porma na sumasang-ayon sa mga pagsubok at kasabay nito pumirma ako ng isa na nagsasabing walang ibibigay na dugo.
Sa wakas, pagkaraan ng mga ilang oras, nakita ko ang aking asawa at nakausap ko siya. Siya ay alisto at positibo. Kami kapuwa ay nagpasalamat kay Jehova na ang lahat ng bagay ay tila mabuti naman. Hindi ko sinabi sa kaniya na ang aming anak ay nagkaroon ng ilang problema sapagkat ayaw kong mag-alala siya.
Lumubha ang Kalagayan ni Bonnie
Nang maglaon nang araw ding iyon, Linggo, lumubha ang kalagayan ni Bonnie. Nang kunin nila ang susunod na blood count, ang kaniyang hemoglobin ay bumaba sa 2.5. Siya ay nagdurugo sa loob! Pagkatapos bumaba ang presyon ng kaniyang dugo, ang lahat ng mahalagang mga tanda ay nanghihina, at ang kaniyang paghinga ay hirap na hirap. Noong umaga ng Lunes, si Bonnie ay nahihibang at kung minsan ay wala sa sarili. Kinukunsulta ng doktor ang mga espesyalista sa buong magdamag. Nirepaso pa nga niya ang paggamit ng artipisyal na dugo. Natiyak na ang tanging posibleng paggamot na makapagliligtas ng kaniyang buhay ay ang hyperbaric oxygen chamber.
Inilalarawan ng magasing Awake! ng Mayo 22, 1979, ang paggagamot na ito bilang isang paggagamot kung saan ang katawan ay isinasailalim sa 100-porsiyentong oksiheno sa presyon na higit kaysa ating atmospera. Tinutunaw ng mataas na presyon ang oksiheno sa mga himaymay ng katawan nang higit kaysa normal. Ang chamber ay ginagamit upang gamutin ang pagkawala ng dugo, matinding pasò, at maging ang grabeng impeksiyon. Si Bonnie ay kinakailangang ilipat sa Memorial Medical Center of Long Beach, na mayroong nabibitbit na mga hyperbaric chamber at sanay na sanay na mga teknisyan upang paandarin ang mga ito.
Sa panahong ito si Bonnie ay napakagrabe anupa’t hindi niya makakayanan ang 30-minutong pagsakay sa ambulansiya sa pagitan ng mga ospital. Kaya isinaayos na siya ay isakay sa isang helikopter, isang pagsakay na kukuha lamang ng apat na minuto. Isang nars na membro ng medikal na pangkat sa helikopter, pagkatapos makipag-alam sa ospital at malaman na ang hemoglobin ni Bonnie ay bumaba sa 2.2, ay nagsabi: “Nagkakamali kayo. Dapat sana’y patay na siya!”
Ang paggamot sa pamamagitan ng hyperbaric chamber ay sinimulan noong Lunes ng gabi at nagpatuloy sa buong magdamag, isa at kalahating oras sa loob ng chamber at dalawa at kalahating oras sa labas ng chamber. Ang unang dalawang paggamot ay waring nagpalakas kay Bonnie at nagpasigla sa kaniya. Ngunit ang saradong mga silid ng chamber ay nakabalisa sa kaniya. Ang chamber ay mayroong isang intercom kung saan maaari kang magsalita, kaya ginamit ko ito upang pahinahunin siya. Sa pamamagitan ng pagbanggit ko sa lupang Paraiso na sinasabi sa Apocalipsis 21 at Isaias kabanata 35 at 65 at sa pamamagitan ng pagpapaalaala ko sa kaniya tungkol sa maibiging pangangalaga ni Jehova, nagawa ko siyang maging higit na mahinahon sa loob ng chamber.
Ginipit Upang Tumanggap ng Dugo
Noong Martes ng umaga lumapit sa akin ang doktor at tinanong ako kung isasaalang-alang kong muli ang aking katayuan tungkol sa dugo. Sinabi niya na may kulay rosas na likido na lumalabas sa hiwà ni Bonnie na nagpapahiwatig na siya ay nagdurugo pa. Ang aming pasiya ay matatag: walang dugo, mabuhay man o mamatay. Ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova ay hindi dapat labagin. Kaya sinabi ng doktor na pagdidikitin niya ang hiwà ng isang pantanging pandikit na idinisenyo upang ihinto ang pagdurugo. Wari ngang ito’y gumana.
Nang panahong ito ang ilan sa aming mga kamag-anak na hindi mga Saksi ni Jehova ay ginipit kami na pumayag sa isang pagsasalin ng dugo. Mauunawaan mo ito sapagkat ang bawat doktor na kasangkot ay nagsasabi ng iisang bagay: “Upang iligtas ang kaniyang buhay, ang gagawin lamang ninyo ay pahintulutan ninyo akong salinan siya ng dugo.” Isang membro ng pamilya ang aktibong gumawa ng mga paraan upang ipilit ang pagsasalin ng dugo, nakikipagkita sa pulisya, sa isang abugado, at sa isang pahayagan pa nga.
Ngayon ang administrasyon ng ospital ay nabahala na baka sila ay idemanda kung hindi makaligtas si Bonnie bunga ng hindi pagtanggap ng pagsasalin ng dugo. Isang miting ang isinaayos na kasama ang isang empleado ng ospital na isang Saksi ni Jehova. Kinausap niya ang mga administrador ng ospital sa loob ng 45 minuto tungkol sa katayuan ng Bibliya sa dugo. Maliwanag na sila’y nasiyahan sa sinabi niya sapagkat sila’y sumang-ayon na lubusang makipagtulungan sa aming mga kahilingan.
Sa Pinto ng Kamatayan
Samantala, ang kalagayan ni Bonnie ay patuloy na humihina. Noong Miyerkules ng umaga karamihan ng panahon ay wala siya sa kaniyang sarili, at ang tibok ng kaniyang nagpapahingang puso ay 170, napakataas sa normal na 70. Pabagu-bago ang presyon ng kaniyang dugo. Ang bilang ng kaniyang hemoglobin ay 2.2, at ang hematocrit (ang sukat ng mga selula sa tumatakbong dugo) ay nakatatakot na 6. Ang normal ay 40-65.
Hinding-hindi ko malilimutan ang umaga ng Miyerkules na iyon. Tinawag ako ng mga doktor na tumitingin kay Bonnie. “Ito na ang araw,” sabi nila. “Tawagin mo na ang mga kamag-anak at ang kaniyang mga kaibigan. Si Bonnie ay tiyak na mamamatay sa araw na ito. Wala na kaming magagawa pa. Maaari siyang mamatay dahil sa atake sa puso o sa atake serebral. Kahit na ang pagsasalin ng dugo ay wala nang magagawa sa puntong ito. Wala nang pag-asa iyan. Ginawa na namin ang kaniyang kalagayan na ‘huwag bubuhaying muli’ na kalagayan, ang ibig sabihin ay hindi namin siya bibigyan ng gamot o sisikapin man namin siyang buhaying-muli, kapag bumaba ang presyon ng kaniyang dugo.”
Mula noon, ang mga bisita ay hindi na tinatakdaan sa pamilya. Dose-dosenang mga kapuwa Saksi na naroroon sa silid hintayan ay pinayagang makita si Bonnie bago siya mamatay. Pagkatapos na ang lahat ay makapagpaalam, pinanatili ng doktor si Bonnie sa isang paralisadong kalagayan sa pamamagitan ng isang gamot na tinatawag na Pavulon. Ginagawa ng gamot na ito na imposibleng kumilos ang anumang kalamnan. Ang tao ay natutulog nang mahimbing. Para bang si Bonnie ay nasa koma. Sinabi ng doktor na hindi siya nakadarama ng anumang kirot sa kalagayang ito kung magkaroon man ng isang atake sa puso at na siya ay walang hirap na mamamatay. Sa puntong ito ang talukap ng kaniyang mga mata ay isinara sa pamamagitan ng isang tape upang kahit na isang pagkibot ay hindi umubos sa kaunting lakas na natitira sa kaniyang katawan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, kami ng anak kong si Ashley ay umuwi ng bahay upang maglinis at sikaping magpahinga. Pagpasok namin ng bahay, kaming dalawa ay lumuhod at magkasamang umiyak habang ibinubuhos namin ang nilalaman ng aming puso kay Jehova. Para bang saanman kami bumaling, ang bahay ay nagpapagunita sa amin kay Bonnie. Talagang tumimo sa amin kung gaano siya kabuting ina at asawa. Gumawa pa nga kami ng berbal na talaan ng lahat ng bagay na ginawa sa amin ni Bonnie na dapat naming gawin ngayon sa ganang amin. Batid namin na ang katapatan namin ang titiyak sa amin na makita siyang muli pagkatapos na puksain ng Diyos ang matandang sistemang ito at halinhan ito ng isang bagong sistema.
Nagbalik kami sa ospital noong Miyerkules ng gabi, at wala kaming magawa kundi ang maghintay, bagaman hindi kami naghintay na mag-isa. Ang mga kamag-anak at mga kapuwa Saksi ay laging naroroon upang aliwin kami. Lumipas ang Miyerkules, at sa labis na pagtataka ng mga tauhan sa ospital, si Bonnie ay buháy pa noong Huwebes. Noong dakong huli ng hapong iyon, ang doktor ay lumapit sa akin at sinabi niya na nais niyang subuking muli ang hyperbaric na paggagamot. Ang mga paggamot ay nagpatuloy sa buong magdamag.
Bumuti ang Kalagayan
Noong Biyernes ng umaga, ako’y natutulog sa lobby nang gisingin ako ng dalawang doktor. Tiniyak nila sa akin na ang balitang dala nila ay mabuti at hindi masama. Ang kalagayan ni Bonnie ay bumubuti. “Alam mo ba? Sa palagay ko mayroon tayong dahilang umasa,” sabi ng isang doktor. “Kung bababa ang presyon ng kaniyang dugo, magiging hindi makatuwiran na hindi siya gamutin, kaya pinalitan ko na ang mga tagubilin sa kaniyang tsart. Kailangan mong tandaan na kami ay nasa alanganin pa sapagkat hindi pa namin nagawa ito noon nang hindi gumagamit ng dugo.”
Noong Sabado ng gabi ako ay nasa tabi ng kama ni Bonnie kasama ng kaniyang nars. Ibinitin namin ang larawan ng aming bagong sanggol sa uluhan ni Bonnie kahit na ang kaniyang mga mata ay naka-tape pa rin. Ginawa namin ito upang sa pagdilat ng kaniyang mata, ang unang makikita niya ay ang larawan ng aming bagong sanggol. Inaasahan namin na ito ay magbibigay sa kaniya ng dahilan upang makipagbakang mabuhay. Sa ilalim ng mga kalagayang ito, sinabi ko sa nars na kinabukasan ang aming ika-18 anibersaryo ng kasal. Nang marinig niya ito, pinahid niya ang luha sa kaniyang mga mata.
Ang Linggo ay isang mabuting araw sapagkat ang bilang ng hematocrit ni Bonnie ay tumaas sa 11, at hindi na siya binigyan ng Pavulon at siya’y gumising mula sa paralisadong kalagayan na kinalagyan niya sa loob ng apat na araw. Subalit ang doktor ay nagbabala: “Huwag kang umasa nang labis sapagkat maaaring may anumang bagay na magkamali. Maaari kang magdiwang kung ang kaniyang hematocrit ay umabot ng 20.”
Gayunman, tumindi ang aking pag-asa. Ang makita ko ang aking asawa na ang mga mata ay dumilat sa kauna-unahang pagkakataon pagkalipas ng apat na araw ay para bang ako’y nabigyan ng bagong buhay. Hindi makapagsalita si Bonnie sapagkat siya ay nasa isang respirator at napakahina. Binati ko siya ng isang maligayang anibersaryo. Ibinubuka niya lamang ang kaniyang bibig, subalit walang tunog na lumabas. Napakahina niya anupa’t kahit na ang paghawak ng isang lapis at pagsulat ay imposible.
Sa pagkakataong ito isinaayos na ang aming bagong sanggol ay ilipat sa Long Beach Memorial upang makita siya ni Bonnie at hindi ang larawan lamang. Nang dumating ang bata at inilagay sa intensive care unit, ipinakita ng mga nars kay Bonnie ang sanggol. Binilang nila ang mga daliri sa kamay at sa paa, ipinakikita ang lahat ng bahagi ng katawan upang malaman ni Bonnie na ang sanggol ay normal at malusog. Salamat na lang, mahusay ang paggaling ng bata.
Gayunman, tama ang doktor nang sabihin niya na huwag kaming magdiwang nang napakaaga. Bumangon ang bagong mga problema. Si Bonnie ay nagkaroon ng dalawang uri ng pulmunya, at ang kaliwa niyang bagà ay bahagyang lumiit. Bukod pa rito, nagkaroon siya ng tinatawag na Legionnaires’ disease. Alinman sa mga komplikasyong ito ay maaaring pumatay sa kaniya. Natutuwa akong sabihin na wala rito ang pumatay sa kaniya. Sa loob ng 15 taon si Bonnie ay naglingkod bilang isang payunir, gaya ng tawag sa isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Kaya ang lahat ng paglalakad na ginawa niya sa ministeryo at ang programa ng regular na ehersisyong aerobic ang nagpanatili sa kaniya sa mahusay na pisikal na kalagayan. Tiyak na ito ang nagpatibay sa kaniya upang maligtasan niya ang mahigpit na mga pagsubok na ito.
Pagkatapos maubusan ng 80 porsiyento ng kaniyang dugo, gumugol ng 28 araw sa ospital (22 sa mga ito ay sa intensive care), at dumaan ng 58 sesyon sa hyperbaric chamber, si Bonnie sa wakas ay pinauwi na ng bahay. Labis na nagtataka, ang doktor ay bumulalas: “Malakas na siya. Ito’y isang himala, iyan lang ang masasabi ko.”
Bagaman ito ay isang maligalig, mapanganib na panahon, mayroon din namang positibong mga resulta. Ang mga doktor, nars, administrador, mga taong may ibang pananampalataya, at ang news media ay pawang natulungan na maunawaang higit ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa dugo. Saksi rin sila sa nagagawa ng matatag na pananampalataya.
Dalawang buwan lamang pagkatapos ng nakapapagod na mahigpit na pagsubok, si Bonnie ay muling nasa gawain ng pangangaral sa madla, ginagawa ang gawain na lubha niyang naiibigan. At bilang isang karagdagang pagpapala, mayroon siyang bagong kaparehang payunir, ang aming anak na babae, si Allie Lauren.—Gaya ng inilahad ni Steven M. Beaderstadt.
[Blurb sa pahina 12]
Ang nars sa medikal na pangkat sa helikopter ay nagsabi, “Dapat sana’y patay na siya!”
[Blurb sa pahina 14]
Sabi ng doktor: “Kami’y nasa alanganin pa sapagkat hindi pa namin nagawa ito noon nang hindi gumagamit ng dugo”
[Larawan sa pahina 13]
Ang aking asawa ay ginamot sa isang hyperbaric oxygen chamber na gaya ng isang ito
[Credit Line]
Memorial Medical Center of Long Beach
[Larawan sa pahina 15]
Ang asawa ko at ang aming anak na babae pagkatapos ng kanilang paggaling