Isang Jazz Drummer ay Nakasumpong ng Kaligayahan
BOOM! Boom! Boom! Sa nakasisilaw na liwanag ng mga ilaw sa entablado, tinugtog ng tambulero ang indayog. Ang mga mata ko ay nakapako sa mga tambol, at ang aking puso ay malakas na tumitibok dahil sa tunog.
Noong Enero 1945, nang ang Digmaang Pandaigdig II ay nasa panghuling mga yugto nito, ang aking pamilya ay nagkubli na kasama ang mga magulang ng aking nanay sa Katsunuma, Hapón. Pagkatapos ng digmaan, si Itay ay naging konduktor ng banda ng mga kabataan sa bayan. Pinagmamasdan ang kanilang mga pag-eensayo, ako’y nabighani sa malakas na dagundong ng mga tambol.
Nang ako’y tumuntong sa high school, naging tunguhin ko ang maging isang jazz drummer. Hinimok ako ng aking guro sa musika na magtungo sa isang pamantasan sa musika, at tinulungan ako ng aking mga magulang na maghanda para sa eksamen sa pagpasok sa kolehiyo. Noong 1964, sa maraming nagsikuha ng eksamen sa lahat ng bahagi ng Hapón, isa ako sa tatlo na natanggap sa Percussion Instruments Department ng Tokyo National University of Fine Arts and Music.
Bagaman ang pamantasan ang pinakamagaling sa Hapón, ako’y nagbago ng maling akala. Bakit? Sapagkat hindi ito nagbigay ng pagsasanay para sa isang estudyante upang maging isang jazz drummer, ni ang mga estudyante man ay tumugtog ng jazz. Gayunman ay puspusan akong nag-aral upang maging dalubhasa sa mga percussion instrument at nagkaroon ako ng sarisaring pamamaraan. Unti-unting tinalikdan ko ang aking pangarap na maging isang jazz drummer at pinag-isipan ko ang mapasama sa isang kilalang orkestra. Subalit ako’y nabigla.
“Gaano man ang pagsisikap mo, hindi ka makakapasa rito,” sabi sa akin ng isang membro ng orkestra. “Ang bagong mga membro ay napili na, bago ka pa pumasok sa unibersidad.”
Ako’y nalungkot at nanlumo kaya’t ako’y nagbalik sa aking hilig sa mga tambol na gamit sa jazz. Sinabi ko sa aking sarili, ‘Sa daigdig ng jazz, mahalaga ang kakayahan sa pagtambol, hindi kung sino ang mga kakilala mo.’ Habang lumalapit ang pagtatapos, sumasali ako sa mga ensayo ng mga samahan ng jazz sa iba’t ibang pamantasan.
Natupad ang Pangarap ng Kabataan
Pagkatapos, noong 1967, nakilala ko ang isang piyanista na ang pangala’y Yosuke Yamashita. Hindi lamang siya tumutugtog ng jazz kundi siya rin ay isang dalubhasang tagapagbago (innovator) at estudyante ng musika. Nagtatag kami ng isang pambihirang trio na binubuo ng piyano, saxophone, at mga tambol. Nang pasimula hindi maunawaan ng mga kritiko o ng mga tagapanood ang kakatuwa at malakas na jazz na ginagawa namin. Hindi gaanong dinadaluhan ang aming mga pagtatanghal. Gayunman ako ay nasisiyahan. Si Yosuke ay natutuwa sa aking palabas, at nang maglaon, ang aming pagtugon sa isa’t isa ay naging mas maganda at sagana sa pagkakasarisari.
Ang aking pagtatambol ay naging pambihira. Sa pamamagitan ng palaging pagtugtog sa pompiyang, snare drum, bass drum, at tom-tom, ang mga tambol ay umuugong sa lahat ng panahon. Ang mabilis at malakas na pagkilos ng aking mga kamay ay nagpamangha nang lubha sa mga tagapakinig at napabantog. Noong minsan kami ay tumugtog sa mga tagapakinig sa silong kilalang Kosei Nenkin Hall sa Tokyo samantalang ang Yomiuri Symphony Orchestra ng Hapón ay nagbibigay ng isang konsiyerto sa pangunahing bulwagan sa palapag sa itaas.
Dala-dala ng pahayagan kinabukasan ang patalastas mula sa orkestra: ‘Ikinalulungkot namin ang kahirapan sa pakikinig sa aming konsiyerto kagabi dahil sa ingay mula sa silong ng bulwagan. Nais naming ipaabot ang aming taos-pusong paghingi ng paumanhin.’ Nang dakong huli ang bulwagan ay inayos upang huwag pasukin ng ingay. Mula na noon ako ay nakilala bilang ang Monster Drummer.
Tunay na Kaligayahan?
Habang ang aming grupo ay nagiging higit na matagumpay, namuhay ako ng isang buhay na ginagawa ang balang maibigan ko. Ako’y naglakbay sa buong Hapón, namamasyal-masyal na kasama ng mga kaibigan kailanma’t ibigin ko. Nang panahong ito ako ay may asawa na. Subalit hindi ko gaanong iniintindi ang aking asawa, si Yukiko, na tumutugtog ng isang instrumentong percussion sa The Ladies’ Orchestra.
Hindi ako maligaya. Naninibugho ako sa kaninumang karibal na tambulero, at ang aking kabiguan ay tumindi habang ang aking popularidad at kita at hindi nakaaabot sa aking minimithi. Nakadama ako ng kahungkagan sa loob ko. Tinatanong ko ang aking mga kasama: “Ano pa ang silbi ng pagtatrabaho, pag-inom, at pagsasaya na gaya nito?”
“Huwag mong abalahin ang iyong sarili sa pag-iisip ng ganiyang walang kakuwenta-kuwentang bagay,” sasabihin nila. “Ang mahalaga ay ang kasiyahan.” Gayunman, ang paghahangad ng isang buhay na puro kasiyahan ay humantong sa aking pagpasok sa ospital noong tag-araw ng 1972 dahil sa sakit sa atay. Nararanasan ang matinding pagsusuka at panghihina, ikinatakot ko ang mamatay. ‘Kahit na kung kailangang ihinto ko ang pagtatambol,’ nasabi ko sa aking sarili, ‘nais kong mabuhay!’
Nang panahong iyon, ang aking asawa ay nasa paglalakbay na kasama ng kaniyang orkestra. Sa wakas siya ay umuwi at nakita niya kung gaano ako kagrabe, anupa’t siya ay nagbitiw sa kaniyang trabaho. Kasisimula pa lamang niyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at yamang pinahahalagahan ko ang kaniyang labis na pangangalaga, pumayag ako na ipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral. Unti-unti akong gumaling at, pagkaraan ng tatlong buwan ng pagpapagaling, ako ay minsan pang sumama sa aming pangkat sa musika. Kami ay lumalabas sa telebisyon at sa radyo sa pana-panahon, at ang aming mga tagapanood at kita ay kapuwa dumami.
Tagumpay sa Europa
Noong 1973 ginawa namin ang aming unang konsiyertong paglalakbay sa Europa. Noong unang araw, kami ay tumugtog sa Mörs Jazz Festival sa Alemanya. Nang kami ay matapos, naroon ang sandali ng katahimikan, pagkatapos ay isang masigabong palakpakan. Ang tagatangkilik ng festival ay nagtanong: “Hoy, kayong lahat! Nais ba ninyong bumalik ang grupong ito sa susunod na taon?” Ang tagapakinig ay tumugon sa pamamagitan ng higit pang masigabong palakpakan. Kinabukasan dala-dala ng isang pahayagan ang aking larawan na may paulong malalaking titik: “Kamikaze na Tambulero Buhat sa Hapón.”
Nang sumunod na taon ang aming bayad at mga kahilingan para sa mga pagtatanghal ay dumami. Kami ay tumugtog sa Berlin Jazz Festival, Donaveschingen Modern Music Festival, Heidelberg Jazz Festival, Ljubljana Jazz Festival, North Sea Jazz Festival, at iba pa. Paulit-ulit kaming pinababalik ng mga tagapakinig, at sa ibang festival, ang mga pulis ay nakahanay sa harap ng entablado upang protektahan kami mula sa mga tagahanga. Oo, ako ngayon ay isa nang lubhang matagumpay na tambulero, hinihigitan pa nga ang aking mga pangarap noong kabataan.
Ang Halimbawa ng Aking Asawa
Ang pagkasangkot ng aking asawa sa musika ay hindi nakabahala sa akin, subalit ngayon ang pagpunta niya sa mga pulong Kristiyano ay pangangaral ay lubhang nakabalisa sa akin. Naisip ko: ‘Yaong mga nagtitiwala sa relihiyon ay mahina. Ang relihiyon ay isang panlilinlang na pinagsasamantalahan ang mahihina.’ Bagaman ginawa ko ang lahat ng aking magagawa upang paalisin siya sa kaniyang bagong relihiyon, ayaw niyang huminto.
Minsan ay sinundan niya ako sa isa sa aking mga kalokohan sa pag-iinom, walang imik na naupo sa tabi ko sa isang bar. Sa galit ko, sinabuyan ko siya ng wiski. “Lumayas ka!” sabi ko. Mahinahong pinunasan niya ang kaniyang buhok at damit ng isang panyo, kumikilos na parang walang nangyari. Tinitigan ako nang masama ng nangangasiwa sa bar at ng mga parokyano. Patuloy akong uminom hanggang sa ako ay mawalan ng malay, pagkatapos ako ay inuwi ng aking asawa.
Isang gabi pilit ko siyang pinalabas sa aming apartment, ikinandado ko ang pinto, at nilagyan ito ng kadena. Sa halip na umalis, binuksan niya ang pinto, kumuha ng lagare, at sinimulang lagariin ang kadena. Ang tunog ay umalingawngaw sa gusali kung saan ang mga tao ay natutulog. Pinapasok ko siya.
Dahil sa kawalan ng pag-asa palagi akong naglalasing. Naisip ko na mabuti pang mamatay. Sa kabilang dako naman, hindi ikinabalisa o ikinatakot man ng aking asawa ang aking panliligalig. Samantalang ako’y nanonood ng telebisyon kung gabi, makikisuyo siya sa akin na pakinggan siya habang binabasa niya aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso. Binabasahan niya ako gabi-gabi. Ang aking reaksiyon ay unti-unting nagbago mula sa “Tumahimik ka!” tungo sa “Ipagpatuloy mo ang pagbasa.”
Inilalagay rin niya ang mga magasing Bantayan at Gumising! sa aking maleta kapag ako ay nagtutungo sa mga paglalakbay na konsiyerto. Ang aking pag-uusyoso ay dumaig sa aking takot na makumberte, at sinimulan kong basahin ang mga karanasan ng mga tao na kanila mismong iniulat sa magasin tungkol doon sa mga sumunod sa daan ng Kristiyanismo. Kadalasang nagtatapos ako na pinapahid ang mga luha sa aking mga mata, bagaman inaakala ko na hindi ako dapat padala sa gayong mga kuwento.
Isang gabi ako’y di-pangkaraniwang mahinahon at ipinasiya kong ilagay ang aking sarili sa katayuan ng aking asawa. Tinanong ko ang aking sarili: ‘Ano ba ang masama sa pag-aaral niya ng Bibliya? Ano ba ang maibibigay ko sa kaniya na maaaring humalili sa Bibliya?’ Kinabukasan ay sinubukan ko siya. “Ihinto mo ang pag-aaral ng Bibliya, o tayo’y magdidiborsiyo,” ang hamon ko.
Pagkatapos ng mahabang katahimikan, sinabi niya, na lumuluha: “Hindi ako makikipagdiborsiyo. Hindi ko rin ihihinto ang pag-aaral ko ng Bibliya.”
Naginhawahan, ako ay tumugon: “Hihinto na ako ng pagsalansang sa iyo.”
Hindi nagtagal pagkatapos nito, sinamahan ko ang aking asawa sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova. Gayumpaman ay hindi pa ako gaanong kumbinsido. Datapuwat, ang mabuting paggawi ng mga bata at ang pagiging makatuwiran ng kung ano ang itinuturo ay nakamangha sa akin. Patuloy kong dinaluhan ang mga pulong at unti-unti akong nakumbinsi sa mga Saksi. Bahagya kong natanto na ang lunas sa aking mga damdamin ng kahungkagan ay maaaring masumpungan sa Bibliya. Subalit habang lumalalim ang aking kabatiran, napag-uunawa ko rin na kung pag-aaralan ko ang Bibliya, kailangang gumawa ako ng mga pagbabago sa aking buhay.
Pagbabaka Sa Loob Ko
Sa gayon ay nagsimula ang panloob na pakikipagbaka. Kahit na alam ko kung ano ang tama, hindi ko ito magawa. Pinahihirapan ako ng mga pagnanais na magsigarilyo at gumawa ng imoralidad. Subalit ayaw ko nang sumuko sa mga pagnanasang iyon. (Roma 7:18-24) Upang patibayin ang aking sarili, madalas kong dinadaluhan ang mga pulong Kristiyano hangga’t maaari.—Hebreo 10:23-25.
Ang mga pulong ay nakaimpluwensiya sa aking pag-iisip. Ang kaluwalhatian, kayamanan, at makasanlibutang mga kasiyahan ay para bang wala nang halaga. Malinaw na nakikita ko ngayon ang makasanlibutang mga hangarin bilang mga kaaway. Habang ako’y naglalakad pauwi ng bahay mula sa Kingdom Hall, nakadama ako ng kapayapaan ng isip na hindi ko naranasan noon. Sa kauna-unahang pagkakataon, nasabi ko, “Ako ay maligaya.”
Pag-alis sa Grupo
Noong 1975, pagkatapos kong humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya, ako’y umalis na muli para sa aming ikaapat na konsiyertong paglalakbay sa Europa. Gaya ng dati, masigabo kaming pinalakpakan ng mga tagapakinig. Gayunman, ang aking puso ay hindi na masigla na gaya noong dati. Kahit na muli na namang sinabi ng tagatangkilik, “Pakisuyong bumalik kayo sa susunod na taon,” naipasiya ko nang iwan ang grupo.
Pagbalik ko sa Tokyo ay agad kong ipinagpatuloy ang aking pag-aaral sa Bibliya, at hindi nagtagal ay sinasabi ko na sa iba ang tungkol sa tunay na kaligayahan na aking tinatamasa. Sa aking huling konsiyertong paglalakbay sa Hapón, nakadama ako ng pagnanais na ibahagi ang aking bagong pag-asa sa isa sa aming tagatangkilik na malapit sa akin. Nanalangin ako kay Jehova na bigyan ako ng pagkakataon na makausap siya. Subalit paano ko sisimulan ang pag-uusap?
“Ano ang pumapasok sa isip mo kapag narinig mo ang salitang kaligayahan?” tanong ko.
“Naiisip ko ang mga kalagayan kung saan ang sakit at kamatayan ay wala na, at ang lahat ay tumatahan sa kapayapaan,” aniya. Tuwang-tuwa ako sa ideyal na tugon na ito at agad kong sinabi sa kaniya: “Iyan ang dahilan kung bakit aalis ako sa grupong ito.” Habang ako ay patuloy na nagsasalita, patuloy na pinalalago ni Jehova ang binhi sa kaniyang puso. Nang malaunan siya ang naging kauna-unahang bautismadong Saksi ni Jehova sa kaniyang lugar. Ang kagalakan mula sa karanasang ito ay matindi at nagtatagal, nakahihigit sa kagalakang naranasan ko mula sa pagtugtog ng mga tambol.
Pagtatamasa ng Tunay na Kaligayahan
Pagkatapos na iwan ko ang grupo, sinabi ng isang lalaki sa isang Saksi na dumalaw sa kaniya: “Pinatay ninyo si Moriyama.” Totoo, si Moriyama na jazz drummer ay namatay, subalit si Moriyama na ministrong Kristiyano ay isinilang. Ako’y nabautismuhan noong Hunyo 1976 bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova.
Noong 1979 kaming mag-asawa ay nagsimulang maglingkod bilang buong-panahong mga ministrong payunir. Mula noon naranasan namin ang kagalakan ng pagtulong sa maraming tao na makasumpong ng tunay na kaligayahan. Nagkaroon din ako ng pribilehiyong maglingkod bilang isang elder sa mga kongregasyon sa Tokyo at Nagoya.
Nang ako ay bata, akala ko ang kaligayahan ay nasa mga tambol. Bagaman ako ay tumutugtog pa rin ng mga tambol sa pana-panahon, nasumpungan ko na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula, hindi sa paghahangad ng isang karera sa musika, kundi sa paglilingkod sa Maylikha, si Jehova. Ang aking buong buhay ay nakasentro ngayon sa aking pag-asa na pagtatamasa ng tunay na kaligayahan magpakailanman sa isang lupang paraiso na kasama ng aking asawa at ng aming anak na babae, si Saori, na ipinanganak dalawang taon na ang nakalipas.—Gaya ng inilahad ni Takeo Moriyama.
[Larawan sa pahina 26]
Ang aking asawa (kasama ang aming anak na babae na si Saori) at ako ay umaasang magtatamasa ng tunay na kaligayahan sa isang lupang paraiso