Ang Inyong Lingkod na Langis—Marahil!
BUENO, naroon ako, nagrerelaks, isang maliit na patak ng langis, nananahimik. Nakatulog ako sa tahimik na pag-iral na kasama ng angaw-angaw na mga kapitbahay kong mumunting patak ng langis sa loob ng maraming taon. Pagkatapos, walang anu-ano, kami’y ginising ng huni ng bakal na kumakayod sa dingding ng aming tirahan. Ang mananalakay na ito ng aming pribadong buhay na buhat sa ibang daigdig ay isang barena, at binago nito ang aming istilo-ng-buhay sa magdamag.
Paano ba ako, isang walang kabuluhang munting patak ng langis, ay naging napakatanyag? Ang aking kasaysayan ay bumabalik noong maagang mga 1960. Noong panahong iyon, ang paggagalugad ng langis ay isinasagawa sa North Slope sa Alaska. Sa loob ng mga taon, ang mga kompaniya ng langis ay gumasta ng milyun-milyong dolyar sa paghahanap ng kanilang mailap na target—isang komersiyal na minahan ng langis. Sa wakas, ang kanilang mga pagsisikap ay ginantimpalaan. Noong 1968 ang napakalaking minahan ng langis sa Prudhoe Bay ay natuklasan.
Ang aking tirahan ay sinalakay. Maguguniguni mo ba ang takot ko habang napipilitan akong isuko ang aking mainit, komportableng tahanan at ako’y itinutulak sa isang bakal na tubo sa isang daigdig na wala akong kamalay-malay?
Ang Aking Tahanan ay Hindi Isang Lawa
Marahil kailangan kong gumugol ng isang minuto upang ilarawan sa iyo ang tahanan na ngayo’y nililisan ko. Una, ito ay 2,600 metro sa ilalim ng antas ng dagat. Anong pribadong buhay! Gayundin, ang temperatura ay halos 90 digris Celsius—ayos lamang para sa aming molekular na kayarian. Inilalarawan ng marami ang aking tahanan na isang lawa. Maaaring may kamaliang ipinahihiwatig nito na ako ay nakatira sa isang malaking kuweba na punô ng langis. Hindi gayon. Ang tirahan ko ay tinatawag na isang lawa ng langis, subalit sa katunayan ito ay isang latag ng buhangin o graba na punô ng langis at gas. Kung ito ay mahirap unawain, isip-isipin ang isang sisidlan na punô ng buhangin. Maaari ka pa ring magdagdag dito ng tubig—hanggang 25 porsiyento ng laman ng sisidlan—nang hindi inaapawan ito.
Subalit hayaan mong balikan ko ang panahon nang ako ay dalhin sa isang bagong buhay. Napakabilis kong naglakbay sa tubo dahil sa matinding presyon sa imbakan ng langis. Ito ay unang nasukat na mahigit 280 kilo sa bawat centimetro kuwadrado kaya ako ay mabilis na itinulak pataas.
Ito ay pasimula ng isang bagong daigdig para sa akin. Sabi ng iba na ako ay magiging popular bilang gatong. Inaakala naman ng iba na ako ay magiging kapaki-pakinabang sa isang libong iba pang paraan—para sa sambahayan at sa industriya. Saan kaya ako mauuwi? Ako ay nangangamba. Kahit paano ay hindi ako nag-iisa. Higit pang mga balon ay binutas upang mas marami sa mga kasama kong mumunting patak ng langis ang makuha sa minahan ng langis sa Prudhoe Bay.
Ngayon, ito ay isang magastos at lubhang mapanganib na trabaho. Maraming beses, ang mga gamit na pambutas ay papasok sa isang lubhang pressurized formation, at kung hindi mo kami magamit, kami ay maaaring sumabog at pagmulan ng pagkalakas-lakas na pagsabog at malaking pinsala sa tundra o kapatagan at sa maiilap na hayop at pananim. Subalit hindi ko kasalanan ito. Nauwi ako sa paglalakbay sa kahabaan ng tubo tungo sa Valdez, papunta sa aking patutunguhan upang paglingkuran kayo.
Hindi sinasadya, ang tubo na naghahatid sa akin doon ay nasa ibabaw ng tundra upang iwasan ang pagkatunaw ng permafrost. Sa North Slope ang permafrost na ito ay karaniwang 600 metro ang kapal. Ito ay 30 porsiyentong nagyelong tubig, kaya kung ang mainit na langis ay dumadaloy sa ilalim ng lupa, matutunaw ang permafrost, at ang aming tubo ay madaling pipilipit at sasabog. Maguguniguni mo kaya ang pinsala? Anong laking pinsala ng libu-libong galon ng natapong langis ang sisira sa delikadong tundra!
Mula sa Valdez ang aking ruta ay humihiling na ako ay maglakbay sa pamamagitan ng isang supertanker tungo sa isang dalisayan ng langis sa malayo. Doon ako ay magsisimula ng isang bagong buhay. Ang gas at ang tubig ay paghihiwalayin at magtutungo sa ibang patutunguhan. ‘Gas,’ sabi mo? ‘Akala ko ba ang pinag-uusapan natin ay tungkol sa langis.’ Bueno, hindi nalalaman ng maraming tao na sa tinitirhan ko, ang gas ay laging nasa paligid. Ang totoo, ang malaking bahagi ng kayarian ko ay binubuo ng gas. Sa katunayan, kung hahayaan nila akong makaalpas pagdating na pagdating ko sa ibabaw ng lupa, ako ay isang daang ulit na lalaki pa—anong laking ingay ang gagawin ko kapag nagkataon!
Sa paanuman, sa dalisayan ng langis ako ay nakaiskedyul na dumanas ng isang pagbabago. Ako ay hahatiin, o babahagiin, isang proseso na tinatawag na fractional distillation. Ang krudo ay iniinit upang maging singaw at hinahayaang tumaas sa isang malaking tore. Ito’y nagpapangyari sa iba’t ibang bahagi na mamuo sa ilang antas at mahigop sa pamamagitan ng mga balbula. Marahil alam mo na halos kalahati ko ang nagiging gasolina, at kapag nangyari iyan, ako’y makapaglilingkod sa inyo kapag kayo’y nagpakarga ng gasolina at magsabi, “Punuin mo.”
Subalit maaari rin akong mauwi sa iba pang bagay. Kaming mumunting mga patak ng langis ay maaari magtinging walang halaga sa umpisa, ngunit tumingin ka sa paligid ng iyong silid. Ang silyang iyon ay baka yari sa plastik, vinyl, sintetik na goma. Ang magandang mesang iyon sa kusina ay baka may pang-ibabaw na ginamitan ng langis. Ang takip ng iyong sahig ay maaaring bunga ng materyales sa isang pabrika ng kemikal na umuunlad sa mga produkto ng langis—isang libong paraan upang maglingkod sa inyo!
Hindi Na ‘Ang Inyong Lingkod’
Subalit para sa akin, hindi na iyan magkakatotoo. Sinimulan ko ang aking paglalakbay mula sa Valdez tungo sa isang dalisayan ng langis sakay ng isang supertanker na nagngangalang Exxon Valdez. Mga ilang sandali lamang pagkalipas ng hatinggabi nangyari ang pagkayod ng metal sa bato—mas nakatatakot kaysa nang salakayin ng bakal ang aking tirahan sa North Slope! Hindi nagtagal ang tangke na kinalalagyan ko ay nabutas sa Bligh Reef sa Prince William Sound. Bumulwak ako sa karagatan, kasama ng 42,000,000 litro ng aking naglalakbay na mga kasamahan. Naging bahagi ako ng isang katakut-takot na polusyon, bahagi ng pinakamaraming natapong langis sa Hilagang Amerika!
Kaya hindi ko na mapupunan ang inyong tangke ng gasolina sa gasolinahan. Hindi na ako magiging mga pinggang plastik sa inyong mesa, o bahagi ng inyong telebisyon set, o ng inyong paboritong kosmetik krim, o ng mga damit na inyong isinusuot, o ng pabango ng inyong ginagamit para sa kaakit-akit na bangong iyon. Hinding-hindi ko na maipepresenta ang aking sarili sa inyo bilang ang inyong lingkod, gaya ng nais kong gawin. Marahil hindi ko na magagawa ang alinman diyan ngayon!
Sa halip, nauwi ako sa pagpaparumi sa Prince William Sound at sa Golpo ng Alaska. Nakibahagi ako sa pagpapapangit sa kagandahan ng daan-daang milya ng mga baybaying dagat. Nakibahagi ako sa kamatayan ng libu-libong ibon at mga hayop. Isinapanganib ko ang kabuhayan ng maraming mangingisda. Mas mabuti pa sa akin na ako’y nanatiling isang munting patak ng langis sa North Slope sa Prudhoe Bay, nagrerelaks at nananahimik sa init ng aking tahanan 2,600 metro sa ilalim ng antas ng dagat.