Pagkatuto Mula sa mga Jarawas
Ng kabalitaan ng Gumising! sa India
“ANG presyon ng dugo mo ay napakataas, at masyado ang nerbiyos mo. Maglakbay ka sa isang isla sa tropiko at magrelaks!” Kung ika’y balisa dahil sa mga kaigtingan at panggigipit ng makabagong sibilisasyon, marahil ito na mismo ang payong kailangan mo. Kahit hindi sa mga kadahilanang medikal, sino ba ang makatatanggi sa gayong nakatutuksong mungkahi? Kaya bakit hindi takasan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pagdalaw sa Andaman Islands, tirahan ng mga Jarawas?
Andaman Islands? Jarawas? Huwag kang mahiya kung hindi mo pa narinig ang tungkol dito, sapagkat ito’y napakalayo sa landasin ng pandaigdig na turismo. Kung titingin ka sa isang mapa, masusumpungan mo ang Andaman Islands sa Bay of Bengal, sa pagitan ng India at Myanmar (dating Burma). Ang kapuluang ito, binubuo ng 300 isla, ang dulong lupain ngayon ng Republika ng India.
Di-Sibilisadong mga Tao?
Ang mga isla ay tahanan ng apat na mga tribong Negrito—ang Great Andamanese, ang Jarawas, ang Sentinelese, at ang Onges. Ang mga Negrito, nangangahulugang “maliliit na mga negro,” ay inaakalang mga nalabi ng sinauna, maiitim, unanong lahi na minsa’y nanirahan sa kalakhang Timog-silangang Asia at Oceania. Dahil sa kanilang pagkakábukod, tinawag silang pinakapurong mga nalabi ng “tao noong Panahon ng Bato” o, gaya ng pagkasabi ni Tenyente Colebrook ng Hukbong Britano, na dati’y nangasiwa sa mga isla, “ang pinakabahagyang sibilisado sa daigdig.”
Noong 1858 nang itatag ng mga Britano ang isang piitan doon, ang bilang ng mga Great Andamanese ay libu-libo. Di-nagtagal, ang mga sakit ng mga tagalabas—tigdas, sipilis, at iba pa—lakip ang pagkasugapa sa opyo at alkoholismo, ay sumira sa mga tao sa tribo. Ngayon iilan na lamang sa kanila, pawang nalahian, ang natitira sa maliit na Isla ng Strait. Isang kahawig na kapalaran ang naranasan ng mga Onges.
Sa loob ng maraming taon nilabanan ng mga Jarawas at mga Sentinelese ang pakikipag-ugnayan, at pagsasamantala, ng mga tagalabas. Ang kanilang pagkapoot ay nagtagumpay sa pagbubukod sa kanila subalit nagpatanyag rin ito sa kanila bilang di-sibilisado at uhaw-sa-dugong mga kanibal. Ilang mga taon lamang ang nakararaan, nang sikapin ng mga opisyal ng kagawaran ng antropolohiya sa Port Blair, ang kabisera ng Andaman Islands, na makipag-ugnayan sa isa sa mga pangkat ng mga tribo sa Isla ng Hilagang Sentinel, ang kanilang lantsá ay pinaulanan ng mga palaso, at ang isa ay bumaon sa binti ng isang litratista.
Bakit gayon na lamang ang kanilang galit? Si M. V. Portman, isang Britanong opisyal na namamahala sa mga isla noong dulo ng nakaraang siglo, ay nagsabi: “Sa aming pagdating ang mga Jarawas ay tahimik at hindi galit sa amin, ni ginambala man nila kami, hanggang sa aming patuluyang ligaligin sila sa pamamagitan ng panunulsol sa taga-baybaying mga Andamanese na lumaban sa kanila. Matapos ng ilang taon ng ganitong pagkagambala, ang buhay ng mga Jarawas ay naging napakahirap at bilang pagganti sinimulan nilang salakayin kami. Kasalanan namin kung napoot ang mga Jarawas.”
Ang Jarawang Paraan ng Pamumuhay
Ang mga Jarawas ay mga seminomadic. Namumuhay sila sa mga pangkat ng mga 30, at ilang magkakalapit na pangkat ang bumubuo ng isang tribo. Bawat pangkat ay kumikilos sa loob ng isang takdang hangganan at hindi nanghihimasok sa teritoryo ng ibang mga pangkat. Namumuhay sa isang malago, tropikong kapaligiran, wala silang agrikultura at hindi sila nag-aalaga ng domestikong mga hayop. Ang kanilang ikinabubuhay ay nakasalalay sa kanilang mga busog, palaso, at mga sibat—pangangaso at pangingisda.
Bahagi ng kanilang paraan ng pamumuhay na ang pagkain ay pinagsasaluhan ng lahat. Kaya kung sinuman sa pangkat ay makahuli ng isang pagong, lahat ay may pagong. Kung ang isa’y makahuli ng baboy, lahat ay may baboy. Sa kanilang kaayusang panlipunan, walang mga pagtatangi sa mga maykaya at wala. “Hindi kailanman maituturing na mahirap ang mga Jarawas,” sabi ng isa sa mga opisyal ng antropolohiya. “Taglay nila ng sagana ang lahat ng ibig nila.”
Isang kakaibang bagay tungkol sa mga Jarawas ay na kabilang sila sa kakaunting mga tao sa buong daigdig na hindi marunong magsiga ng apoy. Kinukuha nila ang kanilang apoy mula sa nasusunog na mga kagubatan bunga ng kidlat sa panahong madalas ang mga bagyo. At maingat nilang binabantayan ang kanilang mga apoy, pinananatiling nagliliyab ang mga ito at dinadala pa nga ang mga ito kapag sila’y lumilipat.
Isang sumpa ng makabagong sibilisasyon ay ang pagguho ng moral na mga pamantayan. “Sa gitna ng mga Jarawas, walang pagtatalik sa sekso bago ang kasal,” sabi ng opisyal na sinipi sa itaas. “Ang pakikiapid ay napakadalang. Ang isang maysala ay mapapaharap sa matinding di-pagsang-ayon sa lipunan. Sasamâ ang kaniyang loob anupa’t lilisanin niya ang pamayanan sa loob ng ilang panahon bago siya makadamang bumalik.” Ang mga tao bang naninirahan sa inyong “sibilisadong” pamayanan ay may ganiyan katinding pagpapahalaga sa kalinisang-asal?
Ang makabagong sibilisasyon ay kasingkahulugan ng alta-presyon, sakit sa puso, kanser, at iba pa. Ang mga Jarawas ay hindi sinasalot ng gayong mga sakit. Bagaman maliliit—ang mga lalaki’y hindi tataas ng 1.5 metro at ang mga babae’y mas mababa pa—sila’y tinaguriang “ang may pinakasakdal na hinubog na maliliit na mga taong umiiral.” Sa kanilang sariling kapaligiran, bihira silang magkasakit.
Bagaman hindi prominente ang relihiyon sa kanilang mga buhay, ang mga Jarawas ay may ilang ritwal tungkol sa mga patay. Kapag may namatay, ang katawan ay inililibing, at ang kubo na dating tirahan ng yumao ay iniiwan. Pagkalipas ng ilang buwan, muling hinuhukay ang bangkay. Ang bungo, o kadalasan ang ibabang panga, ay isinusuot ng pinakamalapit na kamag-anak. Matapos ng ilang panahon, isinusuot din ito ng iba pang kamag-anak. Ang kaugaliang ito ay itinuturing na isang tanda ng paggalang sa patay at maliwanag na kaugnay ng kanilang mga ideya tungkol sa mga patay. Naniniwala ang mga Jarawas na mayroong isang kaluluwa, isang tagapagdala ng buhay, na nabubuhay sa iba pang daigdig. Naniniwala rin sila na ang kaluluwa ay may interes pa rin sa kanila, kaya hindi sila gagawa ng anumang ikagagalit nito.
Isang Saganang Tahanan
Ang mga Jarawas ay nagtatamasa ng isang tahanang saganang pinagpala. Kabilang sa maraming magagandang halamang nagpapalamuti sa mga isla ay ang maluwalhating mga orkidyas, na ang ilan sa mga ito ay sa mga islang ito lamang matatagpuan. Noong 1880, sang-ayon sa botaniko ng rehiyon na si Dr. N. P. Balakrishnan, ang ilang uri ng mga orkidyas na ito na “parang pambihirang brilyante” ay nabibili sa “pagkatataas na halaga sa Inglatera.”
Nasumpungan kamakailan sa Isla ng Sentinel ng isang siyentipikong Aleman, na nawalan ng isang daliri, ang robber crab. Ang Government Fisheries Department Exhibition sa Port Blair, Andaman Islands, ay nagkaroon ng isang paglalarawan ng robber crab sa display board na nagsasabing: ‘Mapanganib sa mga taniman ng niyog. Umaakyat sa mga puno ng niyog. Pumipitas ng hinog na bunga. Binibiyak iyon sa pamamagitan ng kaniyang matitibay na mga pang-ipit. Iniinom ang matamis na tubig at kinakain ang laman ng buko.’ Ang iba, gayumpaman, ay kinukuwestiyon kung aktuwal nga bang ginagawa ng alimangong ito ang lahat ng ito. Bagaman kinikilala na ang alimangong ito ay umaakyat ng mga puno, sinasabi ng mga kritiko na binubuksan at kinakain lamang nito ang mga niyog na may sira na bumagsak na sa lupa.
Kung Ano ang Inilalaan ng Kinabukasan
Sa ilalim ng impluwensiya ng makabagong sibilisasyon, matutulad kaya ang mga Jarawas sa landasin ng Great Andamanese at ng mga Onges—unti-unting lumiliit ang bilang at marahil lubusang pagkalipol? Panahon lamang ang makapagsasabi. Subalit sa loob ng mga dantaon bago dumating ang mga tagalabas, kanilang inalagaan ang kanilang bigay-Diyos na tahanan at ginamit ang mga paglalaan sa isang paraang walang kasakiman. Ang sa kanila nga, sa katunayan, ay isang simple, payapang paraan ng buhay. Mayroon ba tayong anumang matututuhan mula sa mga Jarawas?
[Larawan sa pahina 24]
Ang alimangong ito na umaakyat-sa-puno ay kumakain ng buko