Pigilin ang Pagbahin?
SA PANA-PANAHON lahat tayo ay ibig sanang pumigil sa pagbahin. Marahil ito ay sa panahon ng seremonya ng ating kasal, habang tayo’y nakatindig at handang sambitin ang ating mga panata. O marahil ito ay sa panahon ng isang pagpupulong o isa pang seryosong okasyon, maging sa isang libing.
Siyempre pa, maraming beses na tila higit na kasiya-siya ang isang matunog na pagbahin, at ang kasunod na pakiramdam ng isang nakapagrelaks na katawan. Subalit kadalasan ang problema ay kung paano pakikitunguhan ang hindi ninanais na pagbahin.
Hindi lahat ng pagbahin ay magkakatulad. Taglay ng ilang tao ang maaaring matawag na masaya-ang-tunog, napakalakas na pagbahin na maririnig sa malayong distansiya. Ang iba ay may mas mahihinang pagbahin. At nariyan rin ang nauulit na pagbahin: tatlo, apat, lima, o maging higit pang sunud-sunod na mga pagbahin. Sa ilang bibihirang kaso, may mga indibiduwal na patuluyang bumabahin sa loob ng ilang segundo o minuto habang gising, na tumatagal ng maraming oras, araw, linggo, o mga buwan pa nga.
Ano ang sanhi ng ating pagbahin? May tiyak bang pamamaraan ng pagpigil sa pagbahin? Mayroon bang mga panganib sa puwersahang pagpigil sa pagbahin kapag ang siklong ito ay nagsimula na? At maaari bang gumawa ng ilang mga hakbang upang iwasan ang pagbahin?
Ang Sanhi ng Pagbahin
Tila lahat ay napapabahin sa pana-panahon—matanda at bata, mga may-gulang at mga sanggol. Maging ang mga hayop ay natuklasang bumabahin din. Kadalasan ang sanhi ay isang bagay na dayo sa katawan (gaya ng alikabok o pollen) na nagdudulot ng pangangati sa ilong. Subalit ang atin ding mga emosyon ay maaaring magdulot ng pagbahin. Maaari pa ngang masumpungan ng ilan sa atin na ang maaliwalas na liwanag ng araw ay sapat na upang tayo’y mapabahin. Ito ay dahilan sa ang mga nerbiyos ng mata ay malapit na nauugnay sa mga dulo ng mga nerbiyos na nasa ilong.
Ang sensitibong mga dulo ng nerbiyos ay tumutugon sa mga bagay na nakakapangati sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa utak. Pagkatapos ay inuutusan nito ang ilong na maglaan ng matubig na likido upang tumulong sa pag-alis ng di-ninanais na bagay. Ipinapasa rin ng utak ang mga mensahe patungo sa mga baga upang ang mga ito’y makalanghap ng hanging sapat upang punuin ang baga, pagkatapos ay tungo sa mga vocal chords upang sarhan ang daanan ng hangin at hadlangan ang paglabas ng hangin. Ang mga kalamnan ng dibdib at puson ay inuutusang humigpit, sa gayo’y iniipit ang hangin sa mga baga. Sa dakong huli, ang mga vocal chords ay inuutusang magrelaks, at ang naipit na hangin ay mabilis na ibinubuga, kadalasang inilalabas ang di-ninanais na pangangati kasama ng matubig na likido. Lahat ng ito’y nagaganap nang kusa at higit na mabilis kaysa pagbabasa tungkol dito.
Sa nakararaming kaso, ang patuluyang pagbahin ay isang sintomas ng karaniwang alerdyi na tinatawag na hay fever. Ang mga pollen ng mga tanim ay nagdudulot ng pangangati, at bagaman ang pangalang hay fever ay maaaring magmungkahi na ang sanhi ay ang dayami o ang bagong-putol na damo, maaaring hindi laging ganito ang kaso. Ang mga maysakit nito ay maaaring alerdyik sa maraming iba’t ibang pollen, o marahil sa iisa lamang. Kaya madaling maunawaan kung bakit ang mga pinahihirapan ng hay fever ay nasisindak kapag humihihip ang malakas, tuyong hangin sa loob ng maraming araw. Minsang ang mga daluyan sa ilong ay nangati at nagpasimula ang patuluyang pagbahin, ang kakaunting alikabok na karaniwan nang hindi magiging sanhi ng pangangati ay tila maghahatid sa biktima sa isa na namang hanay ng pagbahin.
Konsiderasyon sa Iba
Kapag ang daanan sa ilong ay barado dahil sa matinding sipon, ang pagbahin ay makapagdudulot ng ilang ginhawa sa maysakit. Ang paghinga ay nagiging mas madali kapag ang sipon ay naalis sa ilong sa ganitong paraan. Subalit kapag ang bumahin ay hindi nagtakip, paano naapektuhan ang mga taong kalapit?
Hindi pa inaangkin ng mga doktor na lubusan na nilang nauunawaan kung paano kumakalat ang sipon. Gayumpaman, isang mariing mungkahi ay na maaaring magkasipon ang isang tao sa paglanghap ng mga germs na kumalat sa hangin sa pamamagitan ng pagbahin. Lalung-lalo na itong posible sa isang masikip at maalinsangang silid, o sa isang siksikang tren o bus kung saan kakaunti ang sariwang hangin. Ang iba pang mga karamdaman, lakip ang trangkaso, tigdas, beke, pulmonya, tuberkulosis, at tuspirina ay pinaniniwalaang naikakalat sa pamamagitan ng pagbahin.
Isinisiwalat ng ilang pananaliksik tungkol sa bilis ng pagbahin na patak-patak ng likido na may germs ang inilalabas mula sa ilong at bibig sa bilis na mahigit 160 kilometro bawat oras at maaaring kumapit sa mga bagay na 4 na metro ang layo. Ang ibang mga patak ay lumulutang nang sandali sa hangin at nalalanghap ng walay kamalay-malay na nagdaraan.
Maaari bang Pigilin ang Pagbahin?
Marami nang pamamaraan ang sinubok taglay ang nagkakaiba-ibang antas ng tagumpay. Inaangkin ng iba na napahinto o napaiksi nila ang “pagsabog” ng isang bahin sa pamamagitan ng pagdiriin ng isang daliri sa ibabaw ng itaas na labi sa babang-baba lamang ng ilong. Ang mariing puwersa roon ay sinasabing sumasangga sa ilang mga nerbiyos na kasangkot sa siklo ng pagbahin o sa mekanismo nito. Isa pang paraan marahil ay ang pagsinga sa isang panyo kapag nararamdaman mong ika’y mapapabahin.
Para sa matagalang pagbabahin o isang talamak na atake nito, minsa’y nakapagbibigay ng ginhawa ang mga inhalant o mga nilalanghap, kahit ito ay isa lamang singaw mula sa mainit na tubig. Kaya maraming maysakit ng hay fever ang nagiginhawahan samantalang naliligo sa mainit na tubig sa isang silid na puno ng mainit na singaw.
Sarisaring pamamaraan at mga hakbang na ang ipinayo sa loob ng mga taon, ang ila’y makatuwiran, ang iba’y kakatuwa. Napatunayan na ang anesthetic creams para sa loob ng ilong ay may bahagyang tagumpay. Ang iba’y lakip ang mga pampakalma, mga iniksiyon, mga ipinapatak, mga pilduras, mga tinimplang likido, psychotherapy, cauterization ng mga nasal membrane, at ang pag-amoy ng bawang o labanos. Ang mas kakatuwang mga payo ay ang paglalagay ng sipit ng damit sa ilong at pagtayo sa iyong ulo, pagbigkas ng abakada nang paatras, o pagpapahid ng mantika sa mukha.
Isang babala: Hindi laging mabuting ideya ang pigilin o iwasan ang pagbahin. Ang puwersahang pagpigil sa matunog na bahin ay napatunayang nagdulot ng pagdurugo ng ilong at maaaring magpaatras ng baktirya pabalik sa sinuses, na maaaring magpakalat lamang ng impeksiyon. Sa ilang okasyon, ang mga buto sa loob at paligid ng ilong ay nabali, at ang isang buto sa gitnang tainga ay nawala sa tamang lokasyon nito.
“Pagpalain Ka!”
Sa maraming lupain kaugalian na ng mga nakatayo sa malapit na magsabi ng “pagpalain ka” sa taong bumahin. Saan nagsimula ang ganiyang kaugalian?
Ayon sa aklat na How Did It Begin? ni R. Brasch, naniwala ang ilang mga tao noong sinauna na kapag bumahin ang isang tao, siya’y malapit nang mamatay. Isinusog pa ni Brasch: “Ang pagkatakot ay salig sa isang mali subalit laganap na paniwala. Ang kaluluwa ng isang tao ay itinuturing na siyang mahalaga para mabuhay. Ang bagay na ang mga patay ay hindi na kailanman humihinga ay umakay sa maling pag-iisip na ang kaniyang kaluluwa ay ang kaniyang hininga. . . . Sa gayon, hindi kataka-taka na mula sa sinaunang mga araw ang mga tao’y natutong mabahala sa isang pagbahin at ang taimtim na kahilingan para sa bumahin na tulungan siya ng Diyos at pagpalain siya at iligtas ang kaniyang buhay. Sa paanuman noong Edad Medya ang sinaunang pinagmulan ng kaugaliang ito ay maaaring nakalimutan sapagkat si Papa Gregoriong Dakila ang kinikilalang unang nagpasimula ng pagsasabing ‘Pagpalain ka ng Diyos,’ sa kaninumang bumabahin.”
Pakisuyong Huwag Kalimutan ang Iyong Panyo
Maaaring ikagulat mong malaman na ang pagbahin ay ginamit na sa krimen. Oo, ang mga manlalabag-batas ay gumawa na ng mga paraan upang gamitin, o abusuhin, ang pagbahin taglay ang masamang layunin. Halos isang daang taon na ang nakaraan, ilang mga magnanakaw sa Inglatera ang tinawag na sneeze-lurkers. Naghahagis sila ng pinulbos na tabako sa mukha ng isang dayuhan. Pagkatapos, samantalang ito’y nalilito at nabibiktima ng pagbabahin, nanakawan siya ng mga magnanakaw ng kaniyang mga pag-aari.
Karamihan sa atin ay hindi mapapabahin bagaman mapuno ang mukha ng pinulbos na tabako. Subalit tayo man ay may biglaang pagbahin o isang matagal na pagsalakay ng pagbahin, ang maalalahaning tao ay laging gagamit ng panyo o matibay-tibay na tisyu upang takpan ang kaniyang ilong at bibig. Hindi lamang ito pagpapakita ng mabuting asal kundi isa rin itong matalinong pag-iingat. Nakakatulong ito na maiwasan ang pagkakalat sa hangin ng mga patak-patak na mga germs na maaaring malanghap ng walang kamalay-malay na nagdaraan. Ang pag-ibig sa kapuwa ay nagtuturo rin na ingatan natin ang ibang tao mula sa pagkakasakit sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng ating makakaya na bawasan ang pagkalat ng germs.
Maaaring hindi pantas o posible na pigilin ang pagbahin. Subalit gaano kalaki ang magiging pagpapahalaga ng iba sa iyong konsiderasyon—at sa iyong paggamit ng panyo—upang pigilin ang pagbahin!