“Rock Badgers”—Kaibig-ibig at Likas na Pantas
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika
ANO ang mga nilikhang tinatawag ng Bibliya na “likas na pantas . . . mahina, gayunma’y nagsisigawa sila ng kanilang mga bahay sa malalaking bato”? Ang kahanga-hangang mga nilikhang ito, halos kasinlaki ng isang kuneho, ay tinatawag na conies, marmots, o rock badgers sa iba’t ibang salin ng Bibliya.—Kawikaan 30:24-26.
Ang rock badger ay isang hyrax, masusumpungan lamang sa mga bahagi ng Aprika at sa dulong timog-kanlurang Asia. Sa gawing timog ng Aprika, kung saan masusumpungan ang marami nito, ito ay kilala bilang rock dassie, isang pangalang hango sa salitang Olandes para sa “badger.”
Bagaman ang mga dassie ay parang mga daga, ito ay may ilang katangian na sa katunayan ay “halu-halo ng lahat ng bagay,” ayon sa siyentipikong si Gerrie de Graaff. “Ang kanilang mga ngipin sa harap ay gaya ng mga daga, at ang kanilang mga bagang ay gaya niyaong sa mga rhino, ang kanilang vascular system ay tulad ng sa mga balyena at ang kanilang mga paa ay gaya niyaong sa mga elepante!” Hindi kataka-taka na nilito nila ang mga zoologo!
Yamang ang mga ito ay hindi mabibilis-kumilos na mga hayop, ni naipagsasanggalang man kaya nila ang kanilang sarili, ang mga dassie ay matalinong naninirahan sa mga batuhan at sa mga bitak ng mabatong mga tungos o dalisdis. Ang mga ito ay nagbibigay ng kanlungan mula sa hangin at ulan, gayundin bilang proteksiyon sa mga maninila. Mauunawaan, kung gayon, bihira silang mangahas lumayo maliban kung para sa kanilang dalawang beses na pagkain sa isang araw.
At anong lakas nilang kumain! Para sa gayong kaliliit na nilalang, sila’y kumakain ng kataka-takang dami ng pananim. Lalo pang kataka-taka ang bilis ng paglamon nila ng lahat ng ito. Aba, gumugugol sila ng wala pang isang oras isang araw dito! At ang kanilang sistema sa panunaw, na nakakayanan ang ugaling ito, ay inilalarawan ng zoologong si J. J. C. Sauer na “pambihira sa kaharian ng mga hayop.”
Hindi Madaling Pagkain
Karaniwang tanawin sa mabatong mga dako ang mga dassie, na walang pinag-iba sa mga bato mismo, na nagbibilad sa mabrilyong sinag ng araw sa Aprika. Lubhang nakatutukso iyan sa itim na agila, na gustung-gusto ang mga dassie. Subalit ang munting kinapal na ito ay hindi madaling kunin. Ang kaniyang paningin ay napakatalas anupa’t namamatyagan niya ang kilos mahigit na isang kilometro ang layo! At kahit na kung ang agila ay nasa tapat ng araw, makikita pa rin siya ng dassie. Paanong nangyari iyon? Ang kaniyang mga mata ay nasasangkapan ng isang pantanging lamad na sumasala sa mga sinag ng araw, pinangyayari siyang tumingin nang tuwiran sa araw nang hindi nasisilaw. Agad niyang nakikita ang kaaway kaysa ang pagbibigay ng hudyat—isang matining na sigaw ng bantay na dassie—at agad-agad na ang batuhan ay lumilinis, lahat ng dassie ay nahuhulog sa mga bitak sa pagitan at sa ilalim ng mga bato. Ang agila ay susubok na muli para sa kaniyang pagkain.
Lubhang Palakaibigan
Pamumuhay sa pamayanan—anong laking bentaha sa gabi kapag ang mga dassie ay nilalamig! Talagang nakatutulong na makasama sa paghiga ang mga kapuwa dassie, magkakadikit, pawang nakaharap palabas. Ang iba ay nagpapatung-patong pa nga sa grupo hanggang tatlo o apat na patong ng mga dassie—hanggang 25 sa isang panahon—nagpapainitan sa isa’t isa!
Gayunman, mayroon din itong mga disbentaha, yamang sila ay agresibong maliliit na mga hayop. Subalit ang kanilang likas na talino ay nagliligtas sa kanila. Si Dr. P. B. Fourie ay nagpapaliwanag: “Karaniwan nang sila’y nahihiga na ang kanilang mga ulo’y magkakalayo sa isa’t isa, hindi sila kumakain na malapit sa isa’t isa at sila’y bumibigkas na sarisaring pagpapayapang tawag kapag sila’y napipilitang lumapit sa isa’t isa.” At sapagkat ang kanilang mga tawag ay karaniwang mababa-tunog at maririnig mga ilang metro lamang ang layo, sila’y nakapagtatalastasan sa isa’t isa nang hindi natatawag ang pansin ng mga maninila.
Maliksi at Kaibig-ibig na mga Alagang Hayop
Maraming nagmamasid ang namamangha sa paraan ng pagsugod ng mga dassie pataas sa isang makinis na bato na halos ay patindig. Paano nila nagagawa ito? Sa pamamagitan ng paggawa sa kanilang mga paa, na may makapal, malambot na mga talampakan, na mga friction pads. At dahil sa ang kanilang mga paa ay laging basa, ang tanging bahagi ng kanilang katawan na pinapawisan, ang pagkapit ay gayon na lamang kalakas.
Ang kaibig-ibig na mga nilikhang ito ay madaling paamuin. At hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa kanilang kalinisan—lagi nilang nililinis ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang paa sa likuran, na may maliliit na kuko para sa layuning iyan. Sa kaniyang aklat na Born Free, inamin ni Joy Adamson na sa simula’y hindi niya maunawaan kung bakit laging nagkakamot ang kaniyang alagang dassie. Nang maglaon natalos niya na sa pamamagitan ng kukong ito, pinakikintab ng dassie ang kaniyang balahibo, upang hindi siya magkaroon ng pulgas o garapata.
Paano tuturuan ng isa ang alagang dassie tungkol sa pagdumi? Hindi na kailangan. Sa iláng, nagtatakda sila ng espisipikong dako upang gamiting kasilyas ng buong kolonya. Kaya bilang mga alagang hayop, ang mga dassie “ay agad na natututuhan ang paggamit ng kasilyas,” paliwanag ni Fourie. “Nang hindi ito binubuhusan, mangyari pa!” susog niya. At gayon nga ang nangyari sa dassie ni Joy Adamson. “Ang kaniyang mga ugali sa pagdumi ay kakatuwa . . . Sa bahay si Pati ay walang pagbabagong nauupo sa gilid ng upuan ng inodoro, at sa gayo’y nagmumukhang katawa-tawa. Sa safari kung saan walang inilalaang gayon para sa kaniya, gulung-gulo siya, kaya naghukay kami sa wakas ng isang maliit na palikuran para sa kaniya.”
Anong laking kasiyahan nga sa darating na panahon na lubusang makilala ang mga ito at ang iba pang mga kinapal na ginawa ni Jehova na “likas na pantas.”
Lupon ng Pambansang mga Parke, Timog Aprika