Niagara Falls—Walang-Hanggang Hiyas ng Amerikas
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
“ISA sa pinakakahanga-hanga, pinakamaganda, at kagila-gilalas na tanawin na kailanma’y nagawa ng puwersa ng kalikasan!” bulalas ni Lord Dufferin, gobernador-heneral ng Canada, sa isang talumpati sa Ontario Society of Artists sa Toronto. Ang taon ay 1878, at kaniyang iniindorso ang paggawa ng isang parkeng pampubliko upang pangalagaan at ingatan ang “nakasisindak na mga katangian” ng Niagara Falls.
Ang karingalan ng kamangha-manghang likas na kababalaghang ito ay halos hindi mo mailarawan. Anong nakatutuwang tanawin na pagmasdan! Ang mga tao mula sa lahat ng bahagi ng daigdig ay naaakit na panoorin ang walang-hanggang hiyas na ito ng Amerikas.
Nalaman namin buhat sa kasaysayan na unang nalaman ng mga Europeo ang tungkol sa “kulog ng tubig” na ito, ang Niagara Falls, mahigit na tatlong siglo na ang nakalipas. Noong 1644, tahasang binanggit ni Le Sieur Gendron, isang Pranses na medikal na doktor, ang tanawing ito sa mga sulat na ipinadala niya sa mga kaibigan sa Pransiya. Nang maglaon, ginatungan ng mga misyonero, mangangalakal, at mga manggagalugad ang interes at imahinasyon ng iba pa sa pamamagitan ng kanilang mga ulat tungkol sa malaking dumadagundong na talón sa pagitan ng Lawa ng Erie at Lawa ng Ontario.
Sa katunayan ang Niagara Falls ay binubuo ng dalawang talón, na nasa hangganan sa pagitan ng Canada at ng Estados Unidos. Ang Horseshoe Falls ay nasa panig ng Canada, ang American Falls ay nasa panig naman ng E.U. Upang makita ang bantog na hiyas na ito ng Amerikas, ang unang mga manlalakbay ay kailangang mangunyapit sa matubig na mga bambang at sa kahabaan ng matarik na mga landas na tinabtab ng mga Amerikanong Indian sa matarik at mabatong kanyon, na inukit ng ilog sa nagdaang mga milenyo ng panahon.
Tunay na mga Pagkabahala
Saka dumating ang mga negosyante na nagpapaunlad ng maraming pang-akit sa mga turista. Ang hindi mapigil na komersiyalismo sa paligid ng gayong kahanga-hangang likas na kababalaghan ay nakagambala sa marami. Nais nilang kumuha ng mga hakbang upang ingatan ang walang-hanggang hiyas na ito ng Niagara. Ang landscape artist na si F. E. Church ay may palagay na ang komersiyalismo ay isang pang-abala at sa gayo’y hindi tinatanggap. Isang bisita noong 1847 ay nanangis: “Ngayon ang pook na malapit sa kahanga-hangang talón na ito ay punô na ng kasuklam-suklam na kabuti ng komersiyalismo—ang nakayayamot na kawalan ng unawa.”
Noong taóng 1832, si E. T. Coke ay naudyukang sumulat: “Nakalulungkot na ang lupang iyon ay hindi iningatan bilang sagrado magpakailanman; na ang mga punungkahoy sa kagubatan ay hindi hinayaang yumabong sa lahat ng kanilang magubat at masukal na kagandahan sa isang dako kung saan ang mga bagay na gawa ng tao ay laging magtitinging hamak.” Nakini-kinita na ng mga taong may unawa na ang komersiyalismo ay maaaring mag-ugat at sirain ang nakalulugod na likas na tanawin na nakapaligid sa kababalaghang ito ng paglalang ni Jehova.
Ngayon, dahil sa mga pagsisikap ni Lord Dufferin at ng iba pang tao na malayo-ang-pananaw, pinalalamutian ng magagandang parke sa magkabilang panig ang Ilog Niagara mula sa ilog sa ibaba ng talón hanggang sa Whirlpool Rapids sa ibaba. Ang magandang tanawin ng kababalaghang ito ng paglalang ay protektado mula sa pangit tingnan na komersiyalismo. Kaya, ang mga pang-akit sa mga turista ay inilagay na malayo sa mga talón sa mga daan sa hangganan ng mga lunsod. Isa pang pagkabahala kamakailan ng mga dalubhasa sa kapaligiran ay na ang hiyas na ito ng Amerikas ay maaaring maglaho sa karimlan dahil sa walang lubag na pagkaagnas.—Tingnan ang kahon tungkol sa pagkaagnas.
Paggagalugad sa Walang-Hanggang Hiyas
Natuklasan namin na ang kagila-gilalas na kababalaghang ito ng daigdig ay maaaring galugarin at panoorin sa lahat ng posibleng anggulo nang walang hadlang. Halimbawa, ang kapana-panabik na tanawin ng talón sa himpapawid mula sa isa sa matataas na obserbatoryong tore o mula sa isang helikopter na aali-aligid sa ibabaw nito ay makapigil-hininga. O ang kawili-wiling paglakad o pagsakay sa kahabaan ng Niagara Parkway ay maaaring maging higit na kaakit-akit. Ang Whirlpool Rapids malapit lamang sa ilog sa ibaba mula sa mga talón ay tiyak na sulit dalawin.
Ang paglalakad sa gilid ng matarik na dalisdis at sa mga tunel ay magdadala sa atin sa dako kung saan makikita natin ang natatagong mga paggawa sa ilalim ng mga talón. Mula rito ay sumungaw kami sa matubig na lambong na gumagawa sa Horseshoe Falls na lubhang kaakit-akit at bantog. Ang ugong ng mga talón ay nakabibingi. Para sa malalakas ang loob at mahilig sa abentura, ang tanawin kung ikaw ay nakasakay sa isa sa mga bapor na regular na nagpaparoo’t parito sa maligalig na tubig malapit sa paanan ng talón ay hindi malilimot. Habang ang dumadagundong na tubig ay bumabagsak sa ilog sa ibaba, isang ambon ang pumapailanlang, na gumagawa ng magandang pagtatanghal ng mga bahaghari. Sa bawat bagong set ng mga patak ng tubig, ay bagong mga bahaghari ang nag-aanyo. Mula sa dakong ito, maaari natin ngayon tikman ang tubig at damhin ang ambon habang ito ay bumababa sa ating kapote na inilalaan ng kompaniya ng bapor upang huwag tayong mabasa.
Isang brosyur sa Niagara Parks ay nagsasabi: “Ang panoorin ang Talón ng Niagara sa Gabi ay tulad ng Pagiging Gising sa Lupain ng mga Panaginip.” Kaya, gusto naming makita ang talón na naiilawan ng iba’t ibang kombinasyon ng malalakas na ilaw na may kulay sa gabi. Noong taóng 1860, nang unang makita ng Prinsipe ng Wales ang naiilawang Talón, inilarawan ni Nicholas A. Woods, isang reporter mula sa The Times ng London, ang karilagan ng pagtatanghal na ito na gaya ng sumusunod: “Sa isang sandali ang lahat ng tubig, matingkad na namumula at para bang nagbabaga sa matinding liwanag, ay wari bang naging lusaw na pilak. Mula sa likuran ng Talón, ang ilaw ay lumiwanag na may nakasisilaw na ningning anupat ang mga tubig sa harap ng ilaw ay agad na nagmukhang isang pohas ng bubog na kristal, isang talón ng mga brilyante, bawat butil at agos ay kumikinang at nagsasaboy ng matinding liwanag sa buong tanawin, parang nagbabagang ilog.”
Isang Kamangha-manghang Dako sa Taglamig
Ang halumigmig na aming naamoy at nadama sa hangin ng tag-araw ay pumapailanglang mula sa talón at nakatutulong sa sariwa at malusog na hitsura ng mga bulaklak, palumpon, at mga punungkahoy na nakapaligid sa talón. Subalit sa taglamig, ang ambon ding ito, na dinadala ng umiiral na mga hangin, ay pinagyeyelo at tinatakpan ng yelo ang mga punungkahoy at mga halaman sa kahabaan ng tabi ng ilog. Ang mga ito’y kumikinang at kumikislap sa kanilang naaaninaw na takip ng yelo. Kung maaraw, ito’y sumasama sa tanawing natatakpan ng niyebe upang ilarawan ang kagandahan ng talón sa isang nakasisilaw, nagsasayaw na pagtatanghal ng ipinababanaag na liwanag ng araw.
Ang taglamig ay nagdadala rin ng malalaking tipak ng yelo sa makipot na bangin ng Ilog Niagara. Noong nakalipas na mga taon, ang bangin ay nababarahan ng mga tipak ng yelo mula sa Lawa ng Erie. Ang yelo ay mababasag sa lawa at aagos pababa sa Ilog Niagara at sa talón sa kahindik-hindik na paraan at sa wakas ay nagpapatung-patong sa makipot na bangin. Ang pagtitipon na ito ng mga tipak ng yelo ay lumilikha ng mga bundok ng yelo at niyebe hanggang mag-anyo ang mga tulay ng yelo na lubusang sumasakop sa ilog. Nitong nakalipas na mga taon isang panghadlang na yari sa mga kableng bakal at mga troso ang inilagay sa ibayo ng pasukan ng Ilog Niagara at Lawa ng Erie upang hadlangan ang grabeng pagsisiksikan ng mga yelo.
Ang Peninsula ng Niagara
Nakadaragdag pa sa kagandahan ng talón ay ang mabungang Peninsula ng Niagara, isang makitid na piraso ng lupa sa pagitan ng Lawa ng Ontario, Lawa ng Erie, at ng matarik na dalisdis ng Niagara. Ang kombinasyon ng mayabong na tanawin at mga lawa ay lumilikha ng isang klima na natatangi sa peninsula.
Ang mga daloy ng hangin ay lumilibot sa pagitan ng matatarik na dalisdis at ng mga lawa, ginagawang katamtaman ang klima kapuwa sa taglamig at sa tag-araw. Mga taniman ng mansanas, cherry, peras, plum, at peach at mga ubasan ng iba’t ibang klaseng ubas ay nananagana sa protektado, magandang peninsulang ito. Mga pagawaan ng alak at katas ng ubas, na naroroon sa magandang mumunting mga bayan, ang nagpoproseso sa bunga ng ubas at nakadaragdag sa pagkakakilanlan ng rehiyong ito sa Ontario. Lahat ng ito ay gumagawa ng isang kaayaayang pamamasyal sa lalawigan, lalo na kung panahon ng pamumulaklak sa tagsibol at pag-aani sa taglagas.
Isang Hiyas sa Lahat ng Panahon
Ang kilalang hiyas na ito ng Amerikas ay isang marilag na kaloob mula sa Diyos. (Ihambing ang Awit 115:16.) Ito’y nagdudulot ng tuwa sa lahat ng nagmamasid dito.
Ang mga bisita ay maaaring magtungo sa anumang panahon ng taon at mamangha sa iba’t ibang artistikong gawa ng kamay sa paglalang na ito ni Jehova. Malalanghap nila ang nakagiginhawang halimuyak ng mga bulaklak sa mga taniman ng mga prutas sa tagsibol, matitikman ang lasa ng sari-saring katakam-takam na prutas, at mamamasdan ang gawa ng ating Maylikha sa iba’t iba, matingkad na mga kulay ng maraming bulaklak sa tag-araw, na nadidiligan nang husto ng makapangyarihang talón. O maaari nilang makita ang maningning na mga kulay ng taglagas ng mapulang puno ng maple sa gitna ng kulay ginto at kahel ng maraming iba pang punungkahoy na katutubo sa gawing timog ng Ontario.
Ang iba naman ay masisiyahan sa kagandahan ng Niagara Falls sa taglamig, kapag ang mga bundok ng yelo at niyebe ay nagtitipon sa paanan ng talón, at ang mga punungkahoy at mga palumpon ay napalalamutian ng malinis, maputing niyebe o napapatungan ng yelo, kumikinang na parang magandang kristal sa liwanag ng araw sa taglamig.
Inilalabas ng Niagara Peninsula at ng kahindik-hindik na talón ang kaayaaya at kapaki-pakinabang na mga aspekto ng apat na panahon ng taon at pinasisidhi ang ating pagpapasalamat kay Jehova, na nangako mga milenyo na ang lumipas: “Samantalang ang lahat ng araw ng lupa ay lumalagi, ang paghahasik at ang pag-aani, at ang lamig at init, at ang tag-araw at taglamig, at ang araw at gabi, ay hindi maglilikat.”—Genesis 8:22.
[Kahon sa pahina 16]
Pagkaagnas ng Talón Paano Susupilin?
Sa paglipas ng panahon, winawakasan ng pagkaagnas ang pag-iral ng talón. Nito lamang nakalipas na mga taon ang pagkaagnas ay nabawasan sa bilis na walong centimetro isang taon para sa Horseshoe Falls, at mga dalawa’t kalahating centimetro sa isang taon para sa American Falls. Ito ay nagawa sa dalawang pangunahing paraan: (1) pagpapalalim sa sahig ng ilog at pagsupil sa direksiyon ng daloy ng tubig na malayo sa sentral na channel at (2) sa paglilihis sa maraming tubig sa mga hydroelectric generator, sa gayo’y binabawasan ang dami ng tubig na bumubuhos sa talón. Ito ay sinusupil ng isang prinsa na salungat sa agos na binubuo ng 18 daanan ng tubig. Ngayon kung mga buwan lamang na maraming turista nagkakaroon ng ganap na pag-agos ng tubig sa talón.
Tinatayang ang Horseshoe Falls ay halos 53 metro ang taas at 792 metro ang lapad. Ang American Falls sa ibayo ng ilog ay 55 metro ang taas at 305 metro ang lapad. Ang kabuuang di-sinusupil na dami ng tubig na nagtutungo sa dalawang talón ay tinatayang halos dalawang milyong galon sa bawat segundo.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Mga Taong Nagtatanghal ng Pangahas at Kagila-gilalas na mga Palabas
Ang dalawang kilalang funambulist (mga taong nagtatanghal ng pangahas at kagila-gilalas na palabas), o mga tumutulay sa alambre, na tumawid ng maraming beses sa bangin ng Ilog Niagara ay sina Blondin at Farini.
Ang pinakakahindik-hindik na palabas ni Blondin ay nagsasangkot ng isang kalan na yari sa bakal na dinala niya sa tulay na alambre, inilapag ito, nagsindi ng apoy, at nagluto ng isang torta. Hiniwa niya ang torta sa maliliit na piraso, na ibinaba niya sa mga pasaherong nasa kubyerta ng Maid of the Mist na bapor ng turista, na naghihintay sa ibaba.
Ayaw magpatalo, dinala naman ni Farini ang isang makinang panlaba doon sa tulay na alambre, inilapag ito, sumalok ng tubig sa ilog sa pamamagitan ng isang timba, at naglaba ng ilang panyo ng dalaga. Pagkatapos maglaba, isinampay niya ito upang patuyuin sa patayo at pahalang na mga usli ng makina at bumalik na ang mga panyo ay wumawagayway sa hangin.
Hinamon ng mga stuntman ang Horseshoe Falls sa pagkukulong ng kanilang mga sarili sa mga bariles, bola, at iba pang sisidlan upang sumakay sa talón. Bagaman ang ilan ay nakaligtas na sugatan, ang marami ay namatay dahil sa pagkaubos ng hininga, pagkalunod, o sa pagsalpok sa malalaking bato sa paanan ng talón. Ang mga palabas na ito ay hindi na ipinahihintulot.
[Credit Line]
H. Armstrong Roberts
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang madagundong na pagtatanghal ng Horseshoe Falls, kapag naranasan mula sa isang bapor (sa gawing ibaba), ay hindi malilimot
Ang American Falls (ibaba) at ang Horseshoe Falls (itaas) sa lahat ng makapigil-hiningang kagandahan nito
Ang kumikislap na kinang ng yelo at niyebe ay pumapaligid sa talón sa taglamig
[Credit Line]
Niagara Parks Commission
Nabihag ng isang larawang ipininta ni Frederic Church noong 1857 ang isang bahaghari
[Credit Line]
Frederic Edwin Church: NIAGARA/Corcoran Gallery of Art, Museum Purchase, 76-15