Mga Batang Nasa Panganib
Isang batang lalaki, edad 12, ang nagtatrabaho 11 oras isang araw na nagtitibag ng bato sa isang tibagan ng bato sa India. Siya ay kumikita ng 85 sentimos (U.S.) isang araw.
Isang batang babae, sampung taon, ang nagbibili ng kaniyang katawan sa isang bahay-aliwan sa Bangkok. Naroroon siya hindi dahil sa gusto niya. Ipinagbili siya ng tatay niya sa halagang $400.
Isang batang sundalo, sampung taon, ang tumatao sa isang barikada sa daan sa isang bansa sa Aprika. Isang machine gun ang nakasabit sa kaniyang balikat; pinalilipas niya ang oras sa paghitit ng marijuana.
ANG gayong mga kalagayan ay napakakaraniwan sa nagpapaunlad na mga bansa. Ang bilang ng mga batang nasa panganib ay umaabot sa angaw-angaw. Pitong milyon ang nanghihina sa mga kampo para sa mga nagsitakas; 30 milyon ang palabuy-laboy sa mga lansangan na walang tirahan; 80 milyon sa pagitan ng edad na 10 at 14 ang nagpapagal sa mga trabahong pumipinsala sa kanilang normal na paglaki; nakakaharap ng mahigit na 100 milyon ang kamatayan sa dekadang ito dahil sa kakulangan ng pagkain, malinis na tubig, at pangangalaga sa kalusugan.
Isaalang-alang ang ilan lamang sa mga problemang nakakaharap ng mga bata sa buong daigdig.
Sakit
Halos 8,000 bata ang namamatay araw-araw sapagkat sila ay hindi nabakunahan laban sa mga sakit na gaya ng tigdas at tosperina. Karagdagang 7,000 pa ang namamatay araw-araw sapagkat hindi alam ng kanilang mga magulang kung paano gagamutin ang naubusan ng tubig sa katawan bunga ng pagtatae. Araw-araw 7,000 pang mga bata ang namamatay sapagkat hindi sila nabibigyan ng mga antibiotic na nagkakahalaga lamang ng isang dolyar upang labanan ang mga impeksiyon sa palahingahan.
Sa loob ng mga taon ang mga medisina at paggamot ay makukuha upang hadlangan o gamutin ang maraming karamdaman na malaon nang humampas sa sambahayan ng tao. Subalit hindi ito nakarating sa milyun-milyon na nangangailangan nito. Bunga nito, sa nakalipas na dalawang dekada, halos sandaang milyong bata ang namatay dahil lamang sa pagtatae at mga sakit sa palahingahan. “Para bang ang isang lunas para sa kanser ay nasumpungan sa wakas subalit walang gaanong gamit sa 20 taon,” panangis ng report ng UNICEF’s State of the World’s Children 1990.
Sa kabila ng nakatatakot na kalagayan, nagkaroon ng pagsulong. Halimbawa, itinaguyod ng UNICEF at ng WHO (World Health Organization) ang isang masigasig na kampanya sa imyunisasyon. Noong 1991 ipinahayag na 80 porsiyento ng mga bata sa daigdig ay nabigyan na ng imyunisasyon laban sa anim na mga sakit na maaaring hadlangan sa pamamagitan ng bakuna—tigdas, tetano, dipterya, polio, tuberkulosis, at tosperina. Kasama ng katulad na mga pagsisikap upang sugpuin ang mga sakit sa pagtatae, ito ay nagbunga ng pagliligtas ng ilang milyong buhay ng mga kabataan sa bawat taon.
Subalit nito lamang nakalipas na mga taon isa pang sakit—ang AIDS—ay lumitaw upang bantaan at marahil ay baligtarin pa nga ang lahat ng pagsulong na nagawa sa mga bata sa Aprika sa nakalipas na dekada. Noong dekada ng 90’s, kasindami ng 2.7 milyong kabataan ay maaaring mamatay sa AIDS sa Aprika lamang. Sa taóng 2000, karagdagang tatlong milyon hanggang limang milyong bata sa Gitna at Silangang Aprika ay maaaring maulila sapagkat ang mga magulang nila ay namatay dahil sa AIDS.
Malnutrisyon
Pamilyar na pamilyar tayong lahat sa kalunus-lunos na mga larawan ng nagugutom na mga bata na may mga katawang parang kalansay, namamagang mga tiyan, at walang buhay na mga mata na nakatitig sa wala. Ang kahabag-habag na mga kabataang iyon ay ganggakalingkingan lamang ng problema ng malnutrisyon. Sa lahat ng nagpapaunlad na bansa, halos 177 milyong bata—1 sa 3—ang natutulog na gutom. At ang kanilang bilang ay dumarami.
Ang patuloy na malnutrisyon ay humahadlang sa mga bata na maabot ang kanilang ganap na mental at pisikal na potensiyal. Karamihan ng mga batang kulang sa masustansiyang pagkain ay mahina, matamlay, walang ningning ang mga mata, at walang sigla. Hindi sila gaanong naglalaro at mas mabagal matuto kaysa mga batang husto ang pagkain. Sila rin ay mas madaling kapitan ng impeksiyon, isang mahalagang salik na dahilan ng kamatayan ng halos sangkatlo ng 14 na milyong bata sa nagpapaunlad na mga bansa taun-taon.
Kung paanong ang makabagong siyensiya ay nakagawa ng mga medisina upang labanan ang sakit, nagawa rin nitong posible na gumawa at maghatid ng higit sa sapat na pagkain upang pakanin ang lahat sa mundo. Subalit walang mabilis na mga lunas para sa malnutrisyon. Hindi ito maalis ng mga ipinadadalang pagkain at mga pildorang bitamina. Ang ugat nito ay nasa malupit na karukhaan, malaganap na kawalang-alam, maruming tubig, maruming mga kalagayan, at kakulangan ng bukirin sa mahihirap na dako.
Mga Problemang Pangkapaligiran
Habang lumulubha ang pangglobong krisis sa kapaligiran, ang mga bata ang pinakamahina. Isaalang-alang ang polusyon sa hangin. Ang isang batang natutulog na wala pang tatlong taóng gulang ay lumalanghap ng dobleng kasukat na hangin, at kasama nito ay dobleng dami rin ng polusyon, na nalalanghap ng isang natutulog na adulto. At yamang ang mga bató, atay, at mga sistema ng enzyme ng mga bata ay hindi pa ganap ang paglaki, hindi nila gaanong nagagawan ng paraan ang mga pamparumi (pollutants) na kasinghusay ng magagawa ng mga adulto.
Kaya ang mga bata ay higit na napipinsala kaysa mga adulto mula sa idinaragdag na tingga sa gasolina at mula sa mga gas na gaya ng carbon monoxide, nitric oxides, at sulfur dioxide. Ang pagiging mahina nila ay tuwirang nakatutulong sa kamatayan ng mahigit na 4.2 milyong bata na wala pang limang taóng gulang na namamatay dahil sa mga impeksiyon sa palahingahan taun-taon sa nagpapaunlad na mga bansa. Marami sa mga nakaligtas ay lumaki na may mga sakit sa palahingahan na sumasalot sa kanila sa buong buhay nila.
Yamang sila ay pisikal na lumalaki pa, ang mga bata ay mas madali ring tablan ng mga epekto ng di-wastong pagkain kaysa mga adulto. Sa bansa at bansa, ang mga bata ang pangunahing mga talunan habang lumiliit ang mga kagubatan, lumalawak ang mga disyerto, at ang bukiring hindi napapahinga ay naaagnas, nagiging hindi gaanong mabunga, at nagbibigay ng pakaunti nang pakaunting pagkain. Sa Aprika lamang halos 39 na milyong bata ang nasugpo ang kanilang paglaki dahil sa hindi mabuting pagkain.
Nakadaragdag pa sa problema ang grabeng kakapusan ng malinis na tubig. Sa lahat ng nagpapaunlad na bansa, kalahati lamang ng mga bata ang nakaiinom ng malinis na tubig, at mas kaunti pa ang nakagagamit ng malinis na mga pasilidad sa pagtatapon ng dumi.
Digmaan
Noon, karamihan ng mga biktima ng digmaan ay mga sundalo. Hindi na ngayon. Mula noong ikalawang digmaang pandaigdig, 80 porsiyento ng 20 milyong namatay at 60 milyong nasugatan sa iba’t ibang labanan ay mga sibilyan—karamihan ay mga babae at mga bata. Sa isang yugto noong dekada ng 1980, 25 bata sa Aprika ang namamatay sa bawat oras bunga ng mga labanang iyon! Di-mabilang na mga bata ang napatay, nasugatan, napabayaan, naulila, o dinalang bihag na panagot.
Angaw-angaw na bata na ngayo’y lumalaki sa mga kampo para sa nagsitakas ang kadalasa’y pinagkakaitan ng pagkakakilanlan at nasyonalidad gayundin ng sapat na pagkain, pangangalagang pangkalusugan, at edukasyon. Nasusumpungan ng marami na imposibleng magkaroon ng mga kasanayan na titiyak sa kanila ng trabaho.
Subalit ang mga bata ay hindi lamang mga biktima ng mga digmaan; sila ay lumalaban din sa mga digmaan. Nitong nakalipas na mga taon 200,000 kabataang wala pang 15 anyos ang kinalap, sinandatahan, at sinanay na pumatay. Kabilang sa kanila yaong mga nasawi o nawalan ng paa o bisig habang sinusunod nila ang utos na buksan ang mga landas sa mga parang ng mga mina sa lupa.
Pagsasamantala sa Bata
Sa lahat ng nagpapaunlad na bansa, ang karukhaan ay nagpapangyari sa mga magulang na ipagbili ang kanilang mga anak sa kaunting halaga upang mapawi ang gutom o mabayaran ang kanilang mga utang. Ano ang nangyayari sa mga kabataang ito? Ang ilan ay napipilitang magtrabaho sa prostitusyon o sa pagkaalipin sa maruruming pabrika. Ang iba ay muling ipinagbibili sa halagang $10,000 ng mga ahente o mga ahensiya sa pag-ampon na nakabase sa mga bansa sa Kanluran.
Ipinakikita ng mga palatandaan na ang prostitusyon ng mga bata ay dumarami at nagsasangkot ng mas bata, kapuwa mga batang lalaki at babae. Sa Brazil lamang, inaakalang may kasindami ng 500,000 patutot na mga tin-edyer. Ang pornograpya ng mga bata ay umuunlad din at lalo pang lumakas ang negosyong ito dahil sa madaling makuhang mga kagamitang video.
Mga Bagay na Inuuna
Mahirap unawain ang kirot at dalamhati sa likuran ng mga estadistika. Nakahahabag naman, hindi namin maunawaan ang pagdurusa ng angaw-angaw o ng libu-libo. Gayunman, batid ng marami sa atin kung gaano kasakit makita ang pagdurusa o ang kamatayan ng isa lamang bata—isang tao na may kaniyang natatanging personalidad, isang kaluluwang mahalaga sa Diyos, isang indibiduwal na may karapatan ding mabuhay at lumaki na gaya ng sino pa man.
Hindi gumugugol ng maraming panahon sa pagtalakay sa hindi kaaya-ayang suliranin tungkol sa kalagayan ng mga bata sa kasalukuyan, ang mga delegado sa World Summit for Children ay buong pagtitiwalang nagsalita tungkol sa kinabukasan at sumumpang hindi na ipahihintulot ang kalagayan. Kabilang sa iba pang bagay, ang kanilang “Plano ng Pagkilos” ay nagpasiyang gagawin ang sumusunod na mga tunguhin sa taóng 2000:
◻ Bawasan ang bilang ng mga batang wala pang limang taóng gulang na namatay noong taóng 1990 nang sangkatlo.
◻ Bawasan ang grabe at katamtamang malnutrisyon sa gitna ng mga batang wala pang limang taóng gulang sa kalahati ng mga antas noong 1990.
◻ Maglaan ng pansansinukob na makukuhang malinis na tubig na maiinom at ng malinis na paraan ng pagtatapon ng dumi.
◻ Pangalagaan ang mga bata sa lubhang mahihirap na kalagayan, lalo na sa mga kalagayan ng armadong labanan.
Ang karagdagang halaga ng mga programa upang isakatuparan ang mga tunguhin na maaari sanang nakahadlang sa kamatayan ng 50 milyong bata noong dekada ng 1990 ay tinatayang $2.5 bilyon sa isang taon.
Iyan ay hindi malaking pera sa pangglobong mga termino. Sa isang taon ang mga kompaniya sa Amerika ay gumugugol ng $2.5 bilyon sa mga anunsiyo ng sigarilyo. Sa isang araw ang daigdig ay gumugugol ng $2.5 bilyon sa militar.
Sa kasalukuyan, ang mga gastos militar—may kainamang tinatantiya ng United Nations na mahigit $1 trilyon taun-taon—ay higit pa sa pinagsamang taunang kita ng mahihirap na kalahati ng mga tao. Ang paglihis ng kahit na 5 porsiyento lamang sa pagkalaki-laking halagang ito ay magiging sapat na upang pabilisin ang pag-unlad tungo sa pag-abot sa mga tunguhin ng komperensiya. Halimbawa, ang halaga ng isang F/A-18 fighter jet (mahigit na $30 milyon) ay katumbas sa halaga ng sapat na mga bakuna upang pangalagaan ang 400 milyong bata laban sa nakamamatay na mga sakit.
Ang mga bansa ay may kakayahang abutin ang ambisyosong mga tunguhing binanggit sa komperensiya. Mayroon silang kaalaman, teknolohiya, at pera. Ang tanong ay nananatili, Maabot kaya nila ito?
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Paglaban sa Malnutrisyon
Anim na Puntong Dapat Malaman ng mga Magulang
1. Ang gatas ng ina lamang ang pinakamahusay na pagkain sa unang apat hanggang anim na buwan ng buhay ng bata. Ito’y nagbibigay ng kumpletong nutrisyon at binibigyan ng imyunisasyon ang bata laban sa karaniwang mga impeksiyon.
2. Sa gulang na apat hanggang anim na buwan, ang bata ay nangangailangan ng iba pang pagkain. Ang maagang pagpapakain ng matitigas na pagkain ay nakadaragdag sa panganib ng impeksiyon; ang pagpapakain nito nang huli ay humahantong sa malnutrisyon.
3. Ang batang wala pang tatlong taóng gulang ay kailangang pakanin nang dalawang ulit na mas madalas gaya sa isang adulto, na may kakaunting dami ng mga pagkaing mayaman-sa-enerhiya.
4. Ang pagkain at inumin ay hindi dapat ipagkait kapag ang bata ay maysakit o nagtatae.
5. Pagkatapos ng isang pagkakasakit, ang bata ay nangangailangan ng karagdagang pagkain sa isang araw sa loob ng isang linggo upang makabawi sa nawalang paglaki.
6. Dalawang taon man lamang na pagitan sa pag-aanak ay mahalaga para sa nutrisyunal na kalusugan kapuwa ng ina at ng anak.
[Credit Lines]
Pinagmulan: United Nations Children Fund
UNICEF/3893/89/ Maggie Murray-Lee
[Larawan sa pahina 5]
Kalahati lamang ng mga bata sa nagpapaunlad na daigdig ang nakakukuha ng malinis na maiinom na tubig
[Credit Line]
UNICEF/C/91/ Roger Lemoyne
[Larawan sa pahina 7]
Ang bawat bata, na may natatanging personalidad, ay mahalaga sa Diyos at may karapatang lumaki na gaya ng sino pa man
[Credit Line]
Larawan: Cristina Sole/Godo-Foto