Pagbibiyahe sa Taluktok ng Europa Sakay ng Tren
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Switzerland
ANG ikalabinsiyam-na-siglong tao ay nasa kondisyon na bihagin ang kalikasan. Ang Swiss Alps ang pangunahing kandidato. Sa loob ng mga dantaon ang nakatatakot na mga taluktok nito ng tulis-tulis na yelo at bato ang nagpanatili sa tao sa sapat na kalayuan—subalit hindi na gayon. Maaga noong dekada ng 1800, ang mga umaakyat sa bundok ay nakarating sa 4,158 metrong Jungfrau. Bagaman hindi ang pinakamataas, tunay na ito ang kagila-gilalas sa Alps.
Sa dakong huli ng mga 1800, pinag-isipan ng ilang masisigasig na lalaki kung paano mararating ang taluktok na ito ng maraming walang takot na mga umaakyat ng bundok. Di-nagtagal lumitaw ang idea na pagtatayo ng daang-bakal hanggang sa taluktok.
Isang Magiting na Gawain
Ang pagtatayo ng isang daang-bakal sa gayong napakataas na dako ay isang pagkalaki-laking gawain, lalo na dahil sa limitadong teknolohiya noon. Isinaalang-alang ng pamahalaang Suiso ang ilang mungkahi sa kung paano ito gagawin at pinili ang mga plano ni Adolphe Guyer-Zeller, isang industriyalista sa Zurich. Kailangan niya munang organisahin ang isang siyentipikong ekspedisyon sa mataas na Alps upang patunayan na ang mga manggagawa at mga turista ay makaliligtas sa taas na iyon.
Ginamit ng kaniyang mga plano ang daang-bakal ng Wengernalp, na pinag-ugnay na ang mga libis sa alpino ng Lauterbrunnen at Grindelwald sa ibaba ng Jungfrau. Upang paabutin ang mga riles hanggang sa taluktok, iminungkahi ni Guyer-Zeller ang pagtatayo ng isang 7 kilometrong tunel pataas sa loob ng Eiger at Mönch, ang kilalang kalapit na mga taluktok ng Jungfrau. Sa gayon, ang mga riles ay magiging ligtas mula sa napakalupit na lagay ng panahon sa labas.
Ang gawain ay nagsimula noong Hulyo 1896. Kumuha ng dalawang taon upang makumpleto ang unang yugto sa labas mula sa Kleine Scheidegg hanggang sa Eigergletscher Station, mga 2 kilometro lamang ang layo. Ang susunod na gawain ay ang simulan ang pagbubutas sa Eiger. Habang papalapit ang taglamig ng 1898/99, ilang daang manggagawa sa tunel ang handang ganap na mapahiwalay sa daigdig dahil sa mga bunton ng niyebe.
Ang tulugan ng mga manggagawa at ang bodega para sa mga panustos ay nag-anyong mistulang isang nayon. Libu-libong libra ng pagkain, materyales sa pagtatayo, at gatong ang kailangang iimbak. Ang mga panustos ay kailangang tumagal hanggang sa muling tumakbo ang daang-bakal ng Wengernalp, sa dakong huli ng tagsibol.
Ang mga manggagawa ay nagtrabaho sa pagbubutas sa loob ng beinte-kuwatro oras sa tatlong otso-oras na halinhinan sa trabaho. Subalit ang pagbutas sa bato ay pinagbayaran nang malaki. Anim na manggagawa ang nasawi sa isang nakatatakot na aksidente sa mina. At, narating ng mga gumagawa ng tunel ang ikalawang yugto, ang Eigerwand Station, noong Marso 7, 1899. Mula sa mga bintana ng istasyon, nakikita nila ang Kleine Scheidegg, ngayo’y 4.3 kilometro sa likuran nila at, sa ibaba, ang Lawa ng Thun.
Hindi Inaasahang mga Balakid
Noong Abril 3, 1899, ang biglang kamatayan ni Adolphe Guyer-Zeller ang nagpabagal sa pagsulong ng proyekto. Subalit sa ilalim ng direksiyon ng kaniyang mga anak na lalaki, ang susunod na yugto ay natapos, ang Eismeer Station, sa taas na 3,160 metro. Ito ay nagbukas noong Hulyo 1905.
Ang pagsulong sa sumunod na mga taon ay mabagal. Ang nakapapagod na buhay sa mahirap na mga kapaligirang iyon ay nagpangyari sa mga manggagawa na maging nerbiyoso at mayayamutin at sinaid ang lakas ng mga manggagawa. Gayumpaman, noong Pebrero 21, 1912, ang huling butas ay pinasabog sa bato sa Jungfraujoch (ibig sabihin “Pamatok ng Jungfrau,” ang siyá sa pagitan ng Mönch at ng Jungfrau). Isang makapigil-hiningang tanawin ang nabuksan—mga taluktok ng niyebe at mga glacier na binabagtas ng matingkad na bughaw na langit, pawang nalalaganapan ng kumikinang na sikat ng araw!
Ang pinakamataas na istasyon ng tren ng Europa, ang Jungfraujoch, sa taas na 3,454 metro at 9.3 kilometro mula sa simula ng linya, ay pinasinayaan noong Agosto 1, 1912. Ang orihinal na idea na pag-abot sa pinakatuktok ng Jungfrau (700 metro na mas mataas) ay kailangang ihinto—pangunahin nang dahilan sa gastos at kakulangan ng lugar doon para sa mga pulutong ng inaasahang mga bisita. Noon pa man, ang proyekto ay mahigit nang limang milyong Suisong francs sa badyet nitong sampung milyon. Sa halip ng inaasahang 7 taon, ang proyekto ay kumuha ng 16 na taon.
Kung Pupunta Ka sa Jungfraujoch
Binabalak mo bang pumunta sa Jungfraujoch? Mula sa Kleine Scheidegg, maaari kang dalhin ng daang-bakal ng Jungfrau, nang wala pang isang oras, tungo sa taluktok ng Europa. Ang maikling mga paghinto ay magpapahintulot sa iyo na tumanaw mula sa mga bintana sa mga istasyon ng Eigerwand at Eismeer. Minsan marating mo ang tuktok, ang manipis na hangin sa taas na iyon ay maaaring gumawa sa iyo na kumilos nang mabagal sa simula habang dinadalaw mo ang bulwagan ng eksibisyon ng istasyon sa siyentipikong pananaliksik o masdan ang mga bagay na nililok mula sa yelo sa Ice Palace. Sa pamamagitan ng elebeytor, mararating mo ang Sphinx Terrace na nakapanunghay sa Aletsch Glacier. Maaari mo pa ngang subuking sumakay sa isang paragos ng aso!
Kung ikaw ay magutom o mauhaw, makasusumpong ka ng isang restawran na nakalulugod sa lahat ng badyet at panlasa. Subalit ang pinakamaganda ay iniaalok nang libre: ang maluwalhating tanawin ng gawa ng Maylikha, basta walang biglang lilitaw na mga ulap. Ang tanawin ay totoong isang obramaestra ng paglalang. Tayong mumunting tagamasid ay mapagmamasdan lamang ito taglay ang pagkasindak at paghanga.
[Larawan sa pahina 24]
Jungfraubahn (daang-bakal ng Jungfrau)
[Dayagram/Larawan sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Landas na tinatahak ng daang-bakal ng Jungfrau:
1. Kleine Scheidegg (labas);
2. Eigergletscher (labas);
3. Eigerwand (sa loob ng tunel);
4. Eismeer (sa loob ng tunel);
5. Jungfraujoch (sa loob ng tunel)