Ang Pangmalas ng Bibliya
Kung Bakit ang Kalaswaan ay Hindi Para sa mga Kristiyano
ISANG prodyuser sa radyo sa BBC Wales ay kinagalitan dahil sa hindi pagputol sa “nakasusugat ng damdaming pananalita” buhat sa isang panayam sa isang homoseksuwal na, sang-ayon sa isang tagapagsalita ng BBC na sinipi sa pahayagang The Guardian, ay gumamit ng “napakabastos na pananalita upang ilarawan ang mga kilos na doon ang isa ay maaaring mahawa ng AIDS.” Karagdagan pa, 22 porsiyento ng mga programang sinubaybayan sa dalawang-linggong surbey ng mga brodkast sa apat na channel ng telebisyon sa Britaniya ay naglalaman ng “masasamang salita, panunumpa [pagmumura] at/o paglapastangan.”
Ang gayong mga balita ay tumuturo sa isang tunay na kabalintunaan ng mga saloobin. Sa maraming tao ang isang usapang punô ng kalaswaan ay nakasisindak at nakasasakit ng damdamin. Ipinagkikibit-balikat naman ng iba ang gayong pananalita na basta makulay at makamundo, o hindi dapat ikabahala. Gayunman, dapat bang magkaroon ng dako ang kalaswaan sa pananalita ng mga Kristiyano, na pinahahalagahan ang kanilang kaugnayan sa Diyos at sa kanilang kapuwa-tao?
Bakit Napaka-pangkaraniwan?
Ang kalaswaan ay “anumang uri ng nakaugaliang masamang pananalita.” Ang kalapastanganan, pagmumura, at panunumpa ay pawang nauuwi sa sakop ng kahulugang ito. Ang mga kalaswaan ay nagpapahayag ng poot, mapanlait na pagsumpa pa nga. Si Mary Marshall, awtor ng aklat na Origins & Meanings of Oaths & Swear Words, ay nagsasabi na “ang mga sumpa at mga pagmumura ay ginagamit nang higit sa pananalita kaysa panitikan.” Gayumpaman, maraming nobela ang punô ng mga kalaswaan.
Bakit napakapangkaraniwan ng kalaswaan? Ang ilang tao na may limitadong bukabularyo ay maaaring punan ang pagkukulang sa pamamagitan ng saganang paggamit ng pagmumura. Ang iba ay bumabaling sa masasamang pananalita para sa pagdiriin. Sa pagpapakahulugan, ang kalaswaan ay kalimitang iniuugnay sa mga damdamin ng pagkainis, kabiguan, at galit. Oo, kapag napaharap sa mahihirap na kalagayan, hinahayaan ng marami na lumabas sa kanilang mga labi ang malalaswang salita bilang “palabasan ng . . . kinukuyom na mga damdamin.” Binabanggit ng mananaliksik na si Marshall na ang kaniyang indiseng kard ng Ingles na mga mura na inayos nang abakada ay pinakamakapal sa ilalim ng mga salitang nagsisimula sa matunog at sumasagitsit ang tunog na mga katinig.
Bagaman ang panunumpa ay maaaring tila nakagiginhawa sa kanilang mga damdamin, natutuklasan ng marami na ang kalaswaan ay nagbubunga ng kalaswaan. Bakit gayon? Ang masasamang pananalita ay gumagatong ng emosyonal na apoy. Halimbawa, sa gitna ng kalituhan ng isang magulong trapiko sa isang kabisera sa Kanlurang Aprika, isang galit na tsuper ang bumaba ng kaniyang kotse upang lapitan ang isa pang tsuper na ang sasakyan ay nakaharang sa kaniyang daan. Habang sumisidhi ang galit, naglipana ang masasamang salita, bawat isa’y hinihigitan ang isa sa pamamagitan ng mga insulto. Ang iba pang nalagay sa kagipitan na mga motorista ay sumungaw sa kanilang mga kotse at ipinagsigawan sa magkaaway ang higit pang mga katampalasanan.
Mga insulto na humahamak sa isang tao ay maaaring maglabas ng masasamang pananalita. Maaaring kabilang ang mga salitang naghahambing sa tudlaan sa isang hayop o sa isang insekto pa nga, nakasisirang mga komento tungkol sa mga magulang o kaduda-dudang angkang pinagmulan ng isang tao, mga katagang nakatatawag-pansin sa isang pisikal na katangian, at, kung ano ang masahol pa sa nakasasakit ng damdamin, mga kalaswaan, kalapastanganan, at seksuwal na mahahalay na pananalita.
Pangmalas ng Diyos sa Kalaswaan
Tiyak, ang maling paggamit sa banal na pangalan ay isang malubhang kasalanan. Ang Exodo 20:7 ay nagsasabi: “Huwag mong babanggitin ang pangalan ni Jehova mong Diyos sa walang kabuluhan.” Subalit ang paglabag ba sa tagubiling ito ay nagsasapanganib sa kaugnayan ng mananamba sa Diyos? Oo; ang Kautusan ay nagpapatuloy: “Hindi aariin ni Jehova na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.”
Upang ilarawan kung gaano kahalaga ang pagsunod sa utos na ito, itinatala ng Bibliya ang isang labanan sa pagitan ng isang Israelita at ng isa pang tao. Ang huling banggit ay “nilapastangan ang Pangalan at nilait ito.” Paano hinahatulan ng Diyos ang kalagayang iyon? Siya’y nag-utos: “Ang lumapastangan sa pangalan ni Jehova ay papataying walang pagsala.” (Levitico 24:10-16) Bagaman hindi nagbibigay ng espesipikong mga detalye sa pag-abusong iyon, gayumpaman isinisiwalat ng makakasulatang halimbawang ito ang pangmalas ng Diyos sa walang-galang na pananalita at paggawi.
Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay humuhula sa ating araw na “darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging . . . mamumusong [Griego, blaʹsphe·moi], . . . at sa mga ito ay lumayo ka.” (2 Timoteo 3:1, 2, 5) Ang salitang Griego na bla·sphe·miʹa ay higit pa ang ipinahihiwatig kaysa walang-galang na pananalita laban sa mga bagay na banal. Oo, ang kahulugan nito ay sumasakop sa anumang nakapipinsala at nakasisirang-puring pananalita na sumisira sa isang tao.
Ang mga tao na ang pananalita ay mapanlait ay nagpapakita ng “matandang pagkatao” na ang mga Kristiyano ay pinapayuhang “hubarin” na gaya ng mabahong amerikana na wala nang silbi pa.a Ang apostol Pablo ay nagpapayo: “Iwaksi ninyong lahat sa inyo, ang poot, galit, kasamaan, abusadong pananalita, at mahalay na pangungusap sa inyong bibig.” “At lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” (Colosas 3:8, 9; Efeso 4:31) Isa pa, pansinin na yaong nang-iinsulto at nanlalait sa iba, na inilarawan ni Pablo bilang “mga mapagmura,” ay kabilang sa “mga liko [na] hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.
Itakwil ang Kalaswaan!
Ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay mag-uudyok sa isang Kristiyano na gawin kung ano ang nakalulugod sa Kaniya. (1 Juan 5:3) Kung paanong ang Diyos ay nagmamalasakit sa lahat ng tao, gayundin naman na ang Kristiyano ay magnanais na ipabanaag ang gayunding damdamin sa kaniyang saloobin sa iba, sa gayo’y sinusunod ang dalawang dakilang utos, alalaong baga, ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. (Mateo 22:37-39) Samakatuwid, “bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kaniyang kapuwa sa ikabubuti niya sa ikatitibay.” (Roma 15:2) Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Ang akin bang pananalita ay nakasasakit ng damdamin o nakapagpapatibay?’
Totoo, ang paglilinis ng pananalita ng isa ay hindi magiging madali kung ang kalaswaan ay isang ugaling malalim ang pagkakaugat. Gayunman, ito ay posible—kung may tulong. Maaaring tulungan ng espiritu ng Diyos ang isang tao na baguhin ang kaniyang pananalita. Gayunman, ang indibiduwal ay dapat munang handang magtatag ng bukabularyo na punô ng mabubuting salita—at pagkatapos ay gamitin ito palagi.—Roma 12:2.
“Ang dila na nagsasalita ng masama ay matitigil,” babala ng pantas na Haring Solomon. Kaya huwag hayaang marumhan ng kalaswaan ang iyong pananalita. Sa halip, sikaping maging isang tao na nakaaalam kung ano ang malinis na bagay na sasabihin at sinasabi ito nang magiliw!—Kawikaan 10:31, 32, Today’s English Version; Colosas 4:6.
[Talababa]
a Pansinin ang Efeso 5:3, 4, kung saan ang konteksto ay nagbibigay sa “walang kawawaang pagsasalita” at “masagwang pagbibiro” ng seksuwal na pagpapakahulugan. Kaya nga, ang masasamang pananalita at berdeng mga biro ay hindi para sa mga Kristiyano.