Saan Galing ang mga Bulalakaw?
“OOH, TINGNAN MO! Hayon pa ang isa!” “Saan? Saan?” Nabigkas mo na ba ang mga salitang iyan habang ikaw ay naghahanap ng mga bulalakaw sa langit sa gabi? Marahil nang una mong makita ang isa na biglang gumuguhit sa mabituing langit sa itaas mo, ito ay para bang isa sa mga bituin ay biglang tumudla sa langit. Mangyari pa, ang shooting stars (Ingles ng bulalakaw) ay talagang isang maling pangalan. Maaaring “tumutudla” ang mga ito, subalit ito ay malayo sa pagiging mga bituin.
Tinatawag ito ng mga astronomo na mga meteoro. At bagaman maaaring tanggapin ng isang katamtamang-laki na bituin ang ating buong planeta nang isang milyong ulit, ang ating planeta ang tumatanggap ng angaw-angaw na mga meteorong ito. Ano ba ang mga meteoro, at saan ito nanggaling?
Buweno, ito ay may kaugnayan sa mga kometa. Ang kometang Halley, isang kilalang halimbawa, ay mabilis na nagdaan sa lupa noong 1986 sa 76-taóng-haba na eliptikong paglalakbay nito sa palibot ng araw. Dahil sa ang mga kometa sa wari ay karaniwang binubuo ng yelo at alikabok, ang mga ito kung minsan ay tinatawag na maruruming bola ng niyebe. Kapag lumalapit ang isang kometa sa araw, ang ibabaw nito ay umiinit, at naglalabas ng alikabok at gas. Itinutulak ng presyon ng radyasyon ng liwanag ng araw ang solidong bagay pabalik sa isang namumulang buntot ng alikabok. Sa gayon ang kometa ay nag-iiwan ng isang maalikabok na buntot ng dumi—maliliit na bagay na samantalang nasa kalawakan pa, ay tinatawag na mga meteoroid. Ang maliit na bahagi ay halos kasinlaki ng isang butil ng buhangin, samantalang ang ilan ay kasinlaki ng maliliit na bato.
Sa ilang kaso, ang landas ng kometa sa paligid ng araw ay bumabagtas sa landas ng lupa. Nangangahulugan iyan na nakakasalubong ng lupa ang buntot na iyon ng alikabok tuwing dinaraanan nito ang orbita ng kometa. Kapag nangyari ito ang mumunting mga meteoroid ay napakabilis na nahuhulog sa atmospera—hanggang 71 kilometro sa bawat segundo. Habang ito ay nahuhulog, ang mas malalaking meteoroid ay nag-iinit at nasusunog, gumagawa ng mainit-puting guhit sa langit na kilala bilang mga meteoro.
Kapag binabagtas ng lupa ang landas ng kometa, ang mga meteoro ay waring tumutudla sa lahat ng direksiyon mula sa iisang dako sa langit, na tinatawag na radiant. Mula sa mga radiant na ito, nahuhulog ang mga ambon ng meteoro sa regular na mga panahon ng taon. Ang isang popular na pagtatanghal ay ang ambon ng Perseids, pinanganlang gayon dahil sa ang radiant nito ay masusumpungan sa konstelasyon ng Perseus. Kapag ang Perseids ay umaabot sa sukdulan nito mga bandang Agosto 12 o 13 ng bawat taon, ito ay isang nakasisilaw na pagtatanghal. Mahigit na 60 meteoro ang maaaring mahulog sa bawat oras.
Mga bandang Oktubre 21 maaaring makita mo ang mga ambon ng Orionids, na, gaya ng maagang ambon ng Aquarids ay sinasabing dala ng mga meteoroid mula sa Kometang Halley. Sang-ayon sa babasahing Astronomy, tinataya ng mga siyentipiko na ang kometang Halley ay “makagagawa ng 100,000 orbita bago mawala ang lahat ng materyal nito.” Kung tama ang kanilang sapantaha, ang kometang Halley ay gagawa ng regular na pagdalaw sa susunod na 7,600,000 taon! At kahit na malaon na itong mawala, walang alinlangang ang buntot nito ng mga alikabok ay patuloy na maglalaan sa mga maninirahan ng lupa ng mga bulalakaw sa loob ng mahabang mga panahon. Marami sa mga meteorong ito na kasalukuyang nakikita natin ay waring galing sa mga kometa na malaon nang lipas o patay na.
Tinataya ng mga siyentipiko na sa buong daigdig, may mga 200 milyong nakikitang mga meteoro sa ating atmospera araw-araw. At kung tungkol sa mas kagila-gilalas na mga ambon ng meteoro, buweno, lagi namang may susunod na taon—at milyun-milyon pa ang darating!