Isang Selestiyal na Panauhin ay Nagbabalik
Ang Kometang Halley—Isang Kaluwalhatian sa Diyos
SA LAHAT ng kaluwalhatiang inilagay ng Diyos sa kaniyang mabituing kalangitan, ang malaking kometa, na ang buntot nito ay maharlikang sumasaklaw sa ibayo ng langit, ang sinasabing pinakamaganda. Iilang taong nabubuhay ngayon ang nakakaalaala sa panoorin ng kometang Halley noong 1910, subalit tatlong salinlahi mula noon ang nakarinig sa kabantugan nito, at marami ang umaasa na sana’y makita nila ang pagbabalik nito.
Ngayon, pagkaraan ng 75 mga taon, ang kometang Halley ay muling darating upang tuparin ang tipanan nito. Nakita na ito ng mga astronomo. Una nilang nakilala ito sa isang larawan na kinuha tatlong taon na ang nakalipas sa pamamagitan ng dambuhalang teleskopyo sa Bundok Palomar. Masusi nila itong mamasdan habang ito ay papalapit sa kung saan makikita nating lahat ito.
Ang kometang Halley ay tatanggap ngayon ng lubhang kakaibang pagtanggap sa anuman na natanggap nito noong nakaraang mga pagdalaw. Ang mga pagsulong sa teknolohiya na hindi man lamang napangarap noong 1910 ay nakapagpadala ng mga kamera at mga instrumento sa kalawakan upang salubungin ang Halley. Noong Disyembre ng nakaraang taon, dalawang sasakyang pangkalawakang Ruso ang nailunsad na, at noong Hulyo dalawang iba pa, isa mula sa Europa at isa mula sa Hapón, ang ipinadala sa orbita na babagtas sa landas ng Halley sa Abril. Kaya inaasahan ng mga siyentipiko na higit pang makilala ang kagila-gilalas, subalit hindi gaanong nauunawaan, na selestiyal na kababalaghang ito.
Gayunman, tayo ay binabalaan na huwag asahang ang pagtatanghal ng kometang Halley sa panahong ito ay makakatulad niyaon sa 1910. Sinasabi pa nga ng ilang mga astronomo na ang paglitaw na ito ay maaaring lubhang hindi kasiya-siya sa loob ng 2,000 mga taon. Bakit ang isang paglitaw ay naiiba sa ibang paglitaw? Karaniwan nang depende ito kung saan naroroon ang lupa sa orbita nito pagdaraan ng kometa. Mangyari pa, mentras mas malapit tayo, mas mabuti ang ating pagkakita sa kometa. Isa pa, mentras mas malaki ang anggulo sa pagitan ng kometa at ng araw, mas mahaba ang itatagal nito sa langit sa gabi. Nagkataon na noong Pebrero 9, 1986, nang ang kometa ay pinakamalapit sa araw, na tinatawag na perihelion, at nasa tugatog ng pagtatanghal nito, ang lupa ay halos eksaktong nasa tapat ng araw. Nangangahulugan iyan na tayo ay napahiwalay sa layo na, halos 150,000,000 mga milya,a samantalang ang kometa ay tuwirang nasa likod ng araw! Iyan ay hindi magandang pagkakahanay.
Subalit ang kometa ay nasa loob ng orbita ng lupa ng mga ilang buwan, daraan nang mas malapit sa atin kapuwa bago at pagkatapos ng perihelion. Sa pagpasok nito, ang kometa ay nasa mabuting posisyon para roon sa mga nakatira sa gawing hilagang hemisperyo, subalit hindi ito gaanong maliwanag. Ito ay magiging mas maliwanag at daraan nang mas malapit sa lupa sa paglabas nito. Saka ito tataas sa gawing timog na kalangitan subalit hindi gaanong makikita ng mga magmamasid sa gawing hilaga.
Bakit Napakatanyag ng Kometang Halley?
Hindi ba’t isa lamang ito sa maraming mga kometa na nagpalamuti sa kalangitan sa mga taon? Ang mga kometa ay hindi naman pambihira. Karaniwan nang mayroong hindi kukulangin sa isa o dalawa sa langit sa anumang panahon, at mga isang dosena o higit pa ang makikita sa isang taon. Subalit ang karamihan nito ay napakalayo, nakikita lamang sa pamamagitan ng tulong ng isang teleskopyo, at ang mga ito ay parang malabo, tila hindi maliwanag na mga bituin. Paminsan-minsan isa lamang ang lumalapit upang makita ng mata mismo. Bihirang lumitaw ang talagang kagila-gilalas na kometa, na may mahaba, napaglalagusan ng liwanag na buntot na magandang nakaladlad sa langit. Mayroong mga kalahating dosena ng ganiyang mga kometa noong ika-19 siglo na pumantay o nahigitan ang Halley sa kaningningan.
Gayunman, kapag naririnig ng karaniwang tao ang salitang “kometa,” ang pangalang Halley ay agad-agad na pumapasok sa isipan. Bakit? Ang kometang Halley noong 1910 ay tunay na pinakamaganda sa ating siglo. May ilang maliwanag na mga kometa sapol noon, subalit walang papantay sa kaluwalhatian ng Halley.
Gayunman, bukod sa ningning nito, ito ay may pambihirang katanyagan sapagkat ito ang kauna-unahang kometa na nakilalang paulit-ulit na dumadalaw, nagbabalik sa isang regular na iskedyul. Napaukol kay Edmond Halley, isang astronomong Ingles, ang paggawa ng kagila-gilalas na tuklas na ito. Si Halley (ang kaniyang pangalan ay katugma ng alley, hindi ng daily) ay kasamahan ni Isaac Newton, at ginamit niya ang bagong mga teoriya ni Newton tungkol sa grabitasyon at eliptikong mga orbita ng planeta upang tantiyahin ang mga orbita ng mga kometa na dating nakita. Napansin ni Halley na ang mga landas ng dalawang makasaysayang mga kometa, noong mga taong 1531 at 1607, at ang ikatlo na nakita niya mismo noong 1682, ay halos magkatulad. Ito kaya’y nagkataon lamang? Hindi, sa palagay niya, ang mga ito ay iisang kometa, na nagbabalik tuwing tatlong ikaapat ng isang siglo. Inihula niya na ang kometa ay muling makikita sa taóng 1758.
Hindi ito nakita ni Halley—siya ay namatay noong 1742 sa gulang na 86—subalit totoo sa kaniyang hula, ang kometa ay lumitaw sa tanghalan ng daigdig noong 1758. Una itong nakita ng magsasakang Aleman noong Disyembre 1758, at ito ay umabot sa perihelion nito noong Marso ng 1759. Agad itong binigyan ng pangalang kometang Halley, at gayon ito nakilala hanggang sa ngayon.
Sa gayon napatunayan na ang kometang Halley ay isang tunay na membro ng sistema solar. Posible kayang ito’y makilala na kasama ng ibang mga kometa na nakita nang maagang mga panahon? Tiyak na ang gayong litaw na bagay ay hindi makakalampas sa paningin sa mas maagang mga pagdalaw. Napansin mismo ni Halley na ang kometa noong 1456 ay malamang na iyon din. Sinasaliksik ang makasaysayang mga rekord, nasumpungan ng mga iskolar na ang kometa na nakita sa bawat isa sa 23 mga pag-ikot bago iyan, mula pa noong taóng 240 B.C.E., ay iniulat ng mga astronomong Intsik. Kung gayon, ang dumarating na paglitaw, ay magiging ang ika-30 ng hindi napuputol na serye ng mga pagkakita, tuwing 75 hanggang 78 taon sa nakalipas na dalawang milenyo.
Isang Lagalag sa Sistema Solar
Ang kometang Halley ay naglalakbay sa mataas na orbita. Hindi ito pabilog kundi isang mahaba at makipot na eklipse. Umaabot ito sa mga orbita ng lahat ng mga planeta mula sa Venus hanggang Neptune. Sa perihelion ito ay 54,000,000 milya lamang mula sa araw, subalit sa pinakamalayo, ito ay mahigit na 3 bilyong milya ang layo.
Sa kasinlayo ng Jupiter, ang kometa ay nakikita sa mga teleskopyo at pagkaraang makatawid ito sa orbita ng Mars, makikita na ito ng mga mata mismo. Sa panahong ito ang buntot ay nagkakaanyo. Lumalaki ito habang ang kometa ay papalapit sa araw. Ito ay laging nakaturo palayo sa araw, hinihipan ng hangin mula sa araw at ng radyasyon ng araw.
Tip para sa Nagmamasid ng Kometa
Kailan mo maaasahang makita ang kometa, at saan mo dapat tingnan ito? Kung makikita mo ito at kung gaano kaliwanag ito lilitaw ay depende sa maraming salik. Magmasid bago ang bukang-liwayway o pagkatapos maglaho ng takip-silim, kapag hindi ito masyadong malapit sa araw. Ang kadiliman ng langit ay isang mahalagang salik. Ang maliwanag na mga ilaw sa lunsod ay sisira sa tanawin. Kung saan ka nakatira, maliwanag mo bang nakikita ang Milky Way sa isang maaliwalas na gabi? Kung hindi, humanap ka ng dako kung saan inaasahan mong makita sa pinakamabuti ang kometa.
Natatabunan ng maliwanag na buwan ang liwanag ng kometa. Pinakamabuti itong makikita kapag ang buwan ay nasa ibaba ng abot-tanaw o nasa isang yugto na mga ilang araw na lang sa bagong buwan. Gayundin, ang kometa ay dapat na sapat ang taas sa langit lagpas sa manipis na ulap at alikabok. Ang taas nito ay depende kung saang latitud ka naroroon, hilaga o timog ng ekwador. Sa katapusan, ano ang kalagayan ng panahon? Ang isang maulap na langit ay sisira sa iyong pinakamabuting mga plano.
Isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, kailan ka dapat magplanong magmasid? Ang kometa ay nakita ng mga mata mismo noong Disyembre. Mas madali itong makita sa gawing hilaga ng hemisperyo. Ito’y nasa langit sa gabi, sa timog-kanluran. Pagkatapos ng kabilugan ng buwan sa mga unang linggo ng Disyembre, sa loob ng dalawang linggo ang langit ay madilim. Huwag mong asahan ang maningning na pagtatanghal sa yugtong ito. Hanapin ang malabo, hindi maliwanag na ilaw na patungong kanluran sa gabi-gabi.
Noong katapusan ng Disyembre, ang kabilugan ng buwan ay naglaho. Sa panahong iyon ang kometa ay mas maliwanag, at ang buntot ay nakikita, subalit ito ay papalapit sa kanlurang abot-tanaw. Sa dakong huli ng Enero, ito ay lumubog sa takip-silim sa gabi at nawala sa paningin at patungo sa araw.
Mayroon Ka bang Largabista?
Lalo mong makikita at mapahahalagahan ang kometa sa pamamagitan ng mga largabista (binocular), lalo na sa panahon ng paglapit nito. Para sa mga hindi dalubhasa ang mga ito ay mas mabuti kaysa isang teleskopyo dahilan sa mas malawak na paningnin nito. Sa pamamagitan ng largabista, maaari mong makita ang kometa bago ito makita ng mismong mga mata. Mangyari pa, dapat mong malaman kung saan titingin. Magandang pagkakataon na nakita ito noong Nobyembre 15 hanggang 17, nang ito ay dumaan sa gawing timog ng kilalang Pleiades.b Ito’y pinakamalapit noong ika-16, malapit upang makita sa pamamagitan ng largabista sa anggulo na kasama ng Pleiades. Hanapin ang isang malabong bituin, at pansinin ang posisyon nito sa gitna ng kalapit na mga bituin. Pagkatapos ay masdan muli pagkalipas ng isa o dalawang oras at tingnan kung ito ay pumakanluran. Kung ito ay pumakanluran, malalaman mo na ang nakikita mo ay ang malaon nang hinihintay na kometang Halley.
Pagkatapos ng perihelion, dapat na naabot ng kometang Halley ang pinakasukdulang haba at ningning nito maaga sa Abril. Bago iyan, sa Marso maaaring makitang tumataas ito, una ang buntot, sa magbubukang-liwayway na langit. Para sa mga magmamasid sa mga bansa sa gawing hilaga, sa Hapón, Estados Unidos, at Europa, ito ay mababa sa gawing timog ng langit. Subalit ang mga magmamasid sa Timog Amerika, gawing timog ng Aprika, at Australia ay magkakaroon ng kahanga-hangang panoorin. Sa unang linggo ng Abril, ang Halley ay nasa sukdulan nito, mataas sa kalangitan na ang buntot nito ay nakaarko sa taluktok. Ang buwan ay nasa kaniyang huling kuwarto luna, at ang gasuklay nito ay patungo sa bagong buwan sa ika-9, ang mas madilim na kalangitan ay pinakamabuti para masiyahan sa lahat ng kaluwalhatian ng ating selestiyal na panauhin.
Ano ang Nagpapakilos sa Isang Kometa?
Ang interes na pinukaw ng ganitong pagtatanghal sa langit ay likas na magbabangon ng maraming katanungan tungkol sa misteryosong bagay, na lubhang kakaiba sa mga bituin at mga planeta. Ano ba ang isang kometa? Saan ito nanggagaling? Ano ang hitsura nito sa malapitan? Ang buntot nito ay binubuo ng ano? Bakit ito nagbabago habang ito ay papalapit sa araw at pagkatapos ay lumalayo?
Ang mga katanungang ito ay nakabighani sa mga salinlahi ng mga astronomo, subalit hanggang sa ngayon ang mga kasagutan ay nananatiling hindi tiyak at teoriya lamang. Kapag ang isang kometa ay lumalapit upang makita ang ilan sa detalyeng mga bahagi sa pamamagitan ng isang teleskopyo, nilalambungan nito ang kaniyang ulo (nukleo) ng malabong alapaap (coma), anupa’t ang nakikita lang natin ay isang malabong bola ng ulap. Ang liwanag mula sa coma, na sinuri sa isang spectroscope, ay nagsasabi sa atin ng ilang bagay tungkol sa kayarian nito: singaw, ammonia, methane, cyanogen. Gayundin, isinisiwalat nito ang mga atomo ng karaniwang mga metal: bakal, nikel, manganese, kalsiyum, magnesium, sodium, at iba pa. Lahat ng ito ay itinataboy palabas ng coma o ulo dahil sa radyasyon ng araw upang mag-anyong buntot. Ang buntot ay kumikinang, gaya ng coma, sa pamamagitan ng ploresensiya at panganganinag ng liwanag ng araw.
Ang laki ng mga kometa ay kamangha-mangha. Ang coma ay kalimitan nang mas malaki pa sa mga planeta, kung minsan ay kasinlaki ng araw. Ang mga buntot ng mga kometa ay sampu-sampung milyong milya ang haba; ang ilan ay mahigit isang daang milyong milya, sapat ang haba upang maabot ang araw mula sa lupa. Gayunman, ang solidong nukleo ay maliit kung ihahambing. Ito ay malamang na wala pang ilang milya sa ibayo.
Kasuwato ng maliit na nukleo, ang laki ng buong kometa ay bilyun-bilyong ulit na mas maliit kaysa sa lupa. Ang buntot ng kometa na napakalaki na parang pumupuno sa langit ay mayroong kaunting-kaunting sustansiya anupa’t ang ningning ng mga bituin ay naglalagos dito. Lalo pa itong hindi masukat kaysa pinakamagaling na basiyo o vacuum na nagawa ng tao. Ang kabatiran dito ay nakabawas sa mga takot noong una na ang pagdaan diumano ng lupa sa buntot ng kometa ay maaaring kapaha-pahamak. Ang gayong takot ay kumalat nang ang kometang Halley ay huling dumalaw rito. Ang mga tao ay nataranta at natakot sa pag-iisip na ang mga gas sa buntot ay maaaring lumason sa kapaligiran at nagsikap na ingatan ang kanilang mga sarili bago ang kapaha-pahamak na araw na iyon ng Mayo 18, 1910. At ang buntot ng kometa ay sumagi mismo sa lupa nang walang anumang nakikitang epekto.
Ang Pagsilang at Kamatayan ng mga Kometa
Dati’y inaakala na ang mga kometa ay minsanang mga panauhin mula sa mabituing kalawakan. Paminsa-minsan, isang kometa ang daraan nang malapit sa isang malaking planeta, gaya ng Jupiter, at masasama sa eliptikal na orbita ng ating sistema solar. Gayunman, waring ipinakikita ng mga pananaliksik kamakailan na ang mga kometa ay hinihila ng araw na gaya ng ibang membro ng sistema solar. Kung minsan ang mga kometa ay humahagis sa isang hyperbolic, o sa labas ng orbita, at nililisan nito magpakailanman ang sistema solar.
Sa kasalukuyang popular na teoriya ng mga kometa, ang nukleo ay inilalarawan bilang isang “maruming bolang niyebe,” na binubuo ng mga yelo ng tubig, methane, at ammonia, na hinaluan ng solidong mga butil na naglalaman ng metalikong mga elemento. Habang lumalapit ang kometa sa araw, ito ay nagbabago, nagbubuga ng mga singaw at mga alikabok, upang mag-anyo ng tulad-ulap na coma o ulo ng kometa. Mas malapit sa araw, ang mga singaw at alikabok ay inililipad palayo sa ulo ng kometa sa pamamagitan ng hangin mula sa araw at ng radyasyon mula sa araw upang mag-anyong buntot.
Sa pagdaraan na ito ng Halley, inaasahan ng mga astronomo na malaman kung gaano kawasto ang larawang ito. Minamaneobra ang mga aparato sa kalawakan na malapit sa kometa, kukuha sila nang malapitang mga larawan at mga sukat. Sa gayon inaasahan nilang maunawaan ang ilan sa mga misteryo ng kometa.
Ang mga kometa ay hindi walang hanggan. Ang mga ito ay hindi pa nga maaasahan sa pagsasaoras. Ang iskedyul ng kometa ay maaaring magbago dahilan sa paulit-ulit na hila ng mga planeta malapit sa landas nito. Sa katunayan, ang malapit na pagdaraan ay maaaring humagis dito nang permanente palabas ng sistema, gaya ng sadyang ginawa sa mga sasakyang pangkalawakan na Voyager. Gayundin, tumatanda ang pana-panahong kometa. Tuwing daraan ito sa araw, nagagamit nito ang ilan sa mga sustansiya nito upang likhaing-muli ang ulo at buntot nito. Ang ilang panandaliang mga kometa ay naglaho pagkaraan ng paulit-ulit na mga pag-ikot, walang natitira kundi isang pagsabog ng bulalakaw. Ang kometang Halley ay may sapat na laki upang matagalan ang maraming mga pag-ikot nang hindi nawawala ang kaningningan nito, subalit sa katapusan ito ay magwawakas.
Pinupuri ng mga Kometa ang Kanilang Maylikha
Kapag nakita mo ang kometang Halley, isip-isipin ang ika-19 na Awit sa Bibliya. Tunay, ang kometang ito ay isa sa mga kababalaghan sa langit, na nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos, nang walang salita.
[Mga talababa]
a Ang 1 milya ay katumbas ng 1.6 km.
b Kung hindi ka pamilyar sa Pleiades, tingnan ang isang aklat tungkol sa mga bituin sa inyong lokal na aklatan o tingnan ang labas ng Awake! noong Hulyo 8, 1977.
[Mga dayagram sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang eliptikong orbita ng kometang Halley
Orbita ng Neptune
Orbita ng Uranus
Orbita ng Saturn
[Dayagram]
Ipinakikita ng puting kahon ang dako ng orbita ng kometa na nakikita mula sa lupa
Orbita ng Jupiter
Orbita ng Mars
Orbita ng Lupa
Araw
Perihelion