Isang Buhay na Ayaw Kong Baguhin
PINAGSISISIHAN ng maraming tao kung paano nila ginamit ang kanilang buhay. Maaaring sabihin nila: ‘Kung maibabalik ko lang ang nakaraan, napakaraming bagay ang babaguhin ko!’ Subalit sa paggunita sa aking buhay, bagaman hindi isang madaling buhay, ito’y isang buhay na ayaw kong baguhin.
Ako’y pinalaki bilang isa sa mga Saksi ni Jehova ng aking mga magulang at ang mga kautusan ng Diyos ay itinimo sa aking puso mula sa pagkasanggol. (2 Timoteo 3:15) Wala akong matandaang panahon na hindi ako nagtutungo sa mga pulong at mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. At bilang isang batang babae, sumama rin ako sa nakatatandang mga Saksi na dumalaw sa mga tao upang tulungan silang matuto tungkol sa pag-asa ng Bibliya na buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Natatandaan ko pa sa gulang na lima ay nag-aalok ako sa iba ng pulyetong pinamagatang Ang Kaharian, ang Pag-asa ng Sanlibutan.
Unang narinig ng aking mga magulang ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos noong 1917. Bagaman mga palasimba, nakilala nila ang taginting ng katotohanan sa isang lektyur na ibinigay sa Bridgeton, New Jersey, E.U.A., ng isang naglalakbay na kinatawan ng Samahang Watchtower. Ang aking lolo ay nakinig sa lektyur ding iyon, at siya man ay nakumbinsi na ang narinig niya ay katotohanan. Pagkatapos, nang ako ay 14, sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Detroit, Michigan, ako’y nabautismuhan upang sagisagan na inialay ko na ang aking buhay kay Jehova.
Noong mga taóng iyon ang aming lingguhang mga pulong para sa pag-aaral ng Bibliya ay idinaraos sa aming sala. Sa wakas isang tindahan ang binili at ginawang isang Kingdom Hall. Noon ay may ilan lamang Kingdom Hall. Subalit ngayon, sa buong daigdig, sampu-sampung libong gayong mga bulwagan ang nagpapatuloy sa mahigit 70,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Pagsisimula sa Buong-Panahong Ministeryo
Ang aking ina ay nagsimula sa kaniyang karera bilang isang buong-panahong ministro noong 1939 at nagpatuloy hanggang sa kaniyang kamatayan sa gulang na 85. Ang aking kuya, si Dick, at ako ay nagsimula sa aming mga karera ng buong-panahong paglilingkod noong Abril 1, 1941, nang ang Digmaang Pandaigdig II ay nagngangalit sa Europa at ang pagsalansang laban sa mga Saksi ni Jehova ay laganap dahil sa ating neutral na katayuan may kinalaman sa pulitika.
Tatlong binatang Saksi sa aming kongregasyon ang hinatulan ng limang taon na pagkabilanggo dahil sa kanilang neutralidad. Anong laking pampatibay-loob na makita na dalawa sa mga lalaking iyon ay naglilingkod pa rin bilang matatanda sa kongregasyon! Ang aking kuya nang maglaon ay naglingkod sa Brooklyn Bethel, ang pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa New York, at naglilingkod pa rin bilang isang matanda sa aming bayan ng Millville, New Jersey.
Gaya sa ibang dako, ang mga taon na iyon ng digmaan ay napakahirap para sa mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Ang pang-uumog ay karaniwan. Ang mga bata ay pinaaalis sa paaralan. (Tingnan ang Hulyo 22, 1993, Gumising! tungkol sa buhay ni Lillian Gobitas Klose.) Libu-libo sa ating espirituwal na mga kapatid na lalaki ang nabilanggo, kaya kaming mga babae ang gumawa ng iba’t ibang tungkulin sa kongregasyon. Iyan ang dahilan kung bakit, noong bata pa ako, ako ang lingkod sa literatura. Sa tulong ni Jehova naligtasan namin ang mahihirap na taon ng digmaan, at nang bumalik ang mga kapatid na lalaki buhat sa bilangguan, ang mga bagay ay sumulong.
Noong panahong ito si Lyman Swingle mula sa Bethel ay dumalaw sa aming kongregasyon. Pinatibay-loob niya ako na magtungo sa Brooklyn at tumulong sa pagbibigay ng tulong na ginagawa alang-alang sa ating kapuwa mga Saksi sa Europa kasunod ng Digmaang Pandaigdig II. Kaya noong Marso 1948, ako ay nagpunta sa Brooklyn.
Maliligayang Taon sa Isang Bagong Kongregasyon
Ako’y ipinadala sa aking bagong kongregasyon, sa Brooklyn Center. Ito ang kauna-unahang kongregasyong naitatag sa New York City at sa kalapit na mga lugar bago ang Digmaang Pandaigdig I, bagaman sa ilalim ng ibang pangalan. Noong panahong iyon, ito’y nasa dako ng Brooklyn Heights. Subalit nang dumating ako sa Brooklyn Center noong 1948, ito ay nasa 5th Avenue at 8th Street sa Brooklyn. Sa loob halos ng 30 taon, ang inupahang lugar na iyon ay nagsilbing dakong pulungan namin, hanggang makabili ng isang bagong gusali na malapit lamang.
Hinding-hindi ko malilimutan ang unang araw ko sa gawaing pangangaral sa Brooklyn—sa Henry Street. Isa itong malaking pagbabago mula sa pangangaral sa isang maliit na bayan. Subalit di-nagtagal isang may kabataang babae ang tumanggap ng literatura sa Bibliya at sumang-ayon sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nang maglaon siya ay naging isang nag-alay na lingkod ni Jehova, gayundin ang kaniyang dalawang anak. Ang kaniyang anak na lalaki, si Arthur Iannone, ay kasalukuyang naglilingkod sa Brooklyn Bethel kasama ng kaniyang asawa, si Linda, pati ang kanilang anak na lalaki at manugang.
Ang teritoryo ng kongregasyon kung saan kami nangaral ay malaki at mabunga. Sa tulong ni Jehova, nakita ko ang marami sa aking mga estudyante sa Bibliya na natuto ng katotohanan at nagpabautismo. Sa ngayon ang ilan ay naglilingkod bilang buong-panahong mga ministro sa bansang ito. Ang iba ay mga misyonero sa malalayong lupain. Ang ilan ay naging matatanda sa mga kongregasyon. At marami ang naglingkod sa ibang tungkulin bilang tapat na mga tagapagpahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Ang paglago ay kamangha-mangha. Kung saan dati ay may isa lamang kongregasyon para sa New York City at sa kalapit na lugar, ngayon mayroon nang halos 400 sa New York City lamang. Anong gandang mga alaala mayroon ako sa pakikibahagi sa ilan sa paglawak na ito!
Namukadkad ang Interes ng mga Nagsasalita ng Pranses
Noong dekada ng 1960, nakasumpong kami ng maraming taong nagsasalita ng Pranses sa teritoryo ng kongregasyon na nanggaling sa Haiti. Karamihan ay hindi gaanong nakapagsasalita ng Ingles o hindi nagsasalita ng Ingles. Narito ang isang hamon. Paano namin matutulungan sila na matuto nang higit tungkol sa Bibliya? Hindi ako nagsasalita ng Pranses, subalit taglay ang isang kopya sa Ingles ng panimulang aklat-aralin sa Bibliya sa isang kamay at Pranses na salin ng aklat na iyon sa kabilang kamay, nagawa kong magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
Gayunman, walang mga pulong sa Pranses upang tulungan ang mga taong ito na sumulong sa espirituwal. Iyan ang dahilan na sinumang misyonerong Saksi na dumalaw sa Brooklyn at nakapagsasalita ng Pranses ay agad na hinihiling na tumulong. Isa sa una na tumulong sa amin ay si Nicolas Brisart, na siyang coordinator ng Komite ng Sangay sa Guadeloupe. Siya ang nagbigay ng aming unang pahayag pangmadla sa Pranses sa tahanan ni Sister Bertha Luisdon, na matapat pa ring naglilingkod kay Jehova. Dalawampu’t pito katao ang dumalo.
Gayunman, noong panahong iyon, bukod sa Kastila, walang banyagang-wikang mga kongregasyon sa New York City. Kaya ang idea na pagtatatag ng isang opisyal na kongregasyong nagsasalita ng Pranses ay mahirap isipin. Sa katunayan, lalo pang pinalabo ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang mga bagay-bagay nang ipaalam niya sa amin na ang patakaran noong panahong iyon ay himukin ang mga taong nakatira sa bansa na matuto ng Ingles.
Si Brother Fred W. Franz, na nang maglao’y naging presidente ng Samahang Watch Tower, ay isang pinagmumulan ng pampatibay-loob. Sabi niya: “Kung kalooban ni Jehova, Mary, magkakaroon ng isang Kongregasyong Pranses.” Nakapagpapatibay-loob din si Brother Harry Peloyan, ang punong tagapangasiwa ng Brooklyn Center Congregation. Sinabi niya na kung mga gabing hindi ginagamit ang Kingdom Hall, maaari kaming magkaroon ng impormal na Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at mga pahayag pangmadla kailanma’t isang bisita ang dumating na nakapagsasalita ng Pranses.
Noong panahong ito maraming bautisadong mga kapatid mula sa Haiti ang lumipat dito, subalit wala pa ring isa man na may sapat na karanasan upang manguna sa pang-organisasyong gawain sa wikang Pranses. Pagkatapos, nalaman ni Brother Timothy Galfas, na nag-aral sa Paris at ngayo’y isang miyembro ng pamilya sa Brooklyn Bethel, ang aming kalagayan. Tuwing Sabado pagkatapos magtrabaho sa Bethel, siya ay lalabas, at hahanapin niya ang mga kapatid na lalaki at babae na taga-Haiti na nakatira rito subalit hindi alam kung saan makikisama.
Di-nagtagal halos 40 katao ang nakikisama sa amin. Hiniling namin sa aming tagapangasiwa ng sirkito na sumulat sa Samahan na sang-ayunan ang isang opisyal na Pag-aaral ng Aklat ng Kongregasyon sa wikang Pranses. Anong laki ng tuwa namin nang ito’y ipagkaloob! Nang maglaon nakakuha rin kami ng pahintulot na magkaroon ng regular na mga pahayag pangmadla at isang lingguhang Pag-aaral sa Bantayan.
Ang Unang Kongregasyong Pranses
Noong Disyembre 1, 1967, tumanggap kami ng pagsang-ayon na magtatag ng isang kongregasyong nagsasalita ng Pranses, ang kauna-unahan sa Estados Unidos. Gagamitin nito ang Kingdom Hall na ginagamit ng mga kongregasyon ng Brooklyn Center at Prospect. Tuwang-tuwa kami! Alam namin na lahat ay gagawa ng higit na espirituwal na pagsulong sa wikang nauunawaan nila. Pinahahalagahang lubha sa panahong iyon ng aming paglaki ang tulong ng mga kapatid na gaya nina Harry Peloyan, George Haddad, at Carlos Quiles, na siyang bumubuo ng komite sa paglilingkod ng Brooklyn Center.
Mabilis kaming sumulong. Di-nagtagal bagong mga kongregasyong Pranses ang itinatag sa Manhattan, Queens, at Nyack, New York. Tumutulong sa paglawak na ito ay sina Jeff Keltz at Tom Cecil ng Brooklyn Bethel. Si Brother Keltz ay naglingkod bilang aming tagapangasiwa ng sirkito, at si Brother Cecil ay naglingkod sa aming Komiteng Pandistritong Kombensiyon. Ang iba pa ay tumulong, gaya ng mga misyonero na dahil sa mga suliranin sa kalusugan ay kailangang magbalik sa Estados Unidos mula sa mga bansang Pranses ang wika. Anong halaga ng kanilang tulong! Kabilang sa kanila si Stanley Boggus, na naglilingkod bilang punong tagapangasiwa at kahaliling tagapangasiwa ng sirkito.
Anong pagkaliga-ligayang panahon na makita ang maliit na grupong Pranses na iyon sa 5th Avenue at 8th Street na lumaki tungo sa maraming kongregasyon at dalawang sirkito! Sa katunayan, ang aming unang pansirkitong asamblea sa Pranses ay idinaos noong Abril 1970. Si Brother Nathan H. Knorr, presidente ng Samahang Watch Tower noon, ang nagpahayag sa amin noong Biyernes ng gabi at binati kami. Nang tag-araw na iyon idinaos din namin ang aming unang pandistritong kombensiyon, sa ilalim ng mga bleacher sa Roosevelt Stadium sa Jersey City, New Jersey. Mainit at maalikabok noon, subalit ang mahigit na 200 na dumalo ay maligayang-maligaya na marinig ang buong programa, pati na ang drama, sa Pranses.
Nakakatuwa rin nang, noong 1986, kami ay pinahintulutang gumamit ng Jersey City Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova para sa aming pandistritong kombensiyon. Sa isang kombensiyong Pranses doon noong nakaraang taon, 4,506 ang dumalo, na 101 ang nabautismuhan. Kasabay nito, isa pang kombensiyon sa wikang Pranses ang ginanap sa Florida.
Tapat na mga Kasama sa Kuwarto
Isa pang bahagi ng buhay ko na napakasaya ay ang pagkakaroon ng mga sister na kasama ko sa isang apartment sa Brooklyn na nasa buong-panahong paglilingkod. Ang unang dalawa (sina Rose Lewis Peloyan at Madelyn Murdock Wildman) ay nagtungo sa Bethel. Nang maglaon dalawa pa (sina Lila Rogers Molohan at Margaret Stelmah) ay naging mga miyembro rin ng pamilyang Bethel. Ang dalawa pa (sina Barbara Repasky Forbes at Virginia Burris Beltramelli) ay nagtungo sa Watchtower Bible School of Gilead at naglilingkod pa rin sa Guatemala at Uruguay ayon sa pagkakasunud-sunod.
Kaming mga sister ay laging naglalaan ng panahon upang talakayin ang isang teksto sa Kasulatan upang simulan ang aming araw, pagkatapos ay nagtutungo kami sa aming sekular na trabaho at sa ministeryo. Umuuwi kami sa gabi na pagod at gutom subalit maligaya! Marami kaming nakapagpapatibay-loob na mga karanasang ikukuwento! Halimbawa, noong isang pagkakataon ako ay nakipag-aral sa isang dalaga, si Elisa Beumont Farina, na iginiit na ang kaniyang pag-aaral ay idaos sa ika–10:00 n.g. Siya’y mabilis na sumulong. Noong unang isama ko siya sa ministeryo, aniya: “Huwag mong isipin na gagawin ko ito sa lahat ng panahon!” Subalit siya ay naging isang buong-panahong ministro at nang maglaon ay nag-aral sa paaralang Gilead, naglingkod ng maraming taon sa Ecuador. Siya ay naglilingkod pa rin nang buong-panahon, sa Trenton, New Jersey.
Ang ilan sa mga kasama ko sa kuwarto ay nagpalaki ng mga anak na nagpapahalaga at naglilingkod din kay Jehova. Noong nakaraang taon ang anak na babae (si Jodi Robertson Sakima) ng isa sa aking dating kasama sa kuwarto (si Virginia Hendee Robertson) ay nag-asawa at kasalukuyang naglilingkod na kasama ng kaniyang asawa sa Brooklyn Bethel.
Sa mga nakasama ko sa kuwarto, na mahigit 20, naliligayahan akong sabihin na silang lahat ay nanatiling tapat kay Jehova, at marami sa kanila ang nagpapatuloy pa rin sa buong-panahong paglilingkod.
Nasisiyahan sa Ating Pangglobong Pamilya
Isa ring pinagmumulan ng kaligayahan para sa akin na makilala ang maraming Saksi mula sa ibang bansa. Halimbawa, yamang nakatira kami malapit sa punong tanggapan ng Samahan, nagkapribilehiyo kami na makasama ang mga estudyanteng nag-aaral sa paaralang misyonero ng Gilead, na noo’y nasa Brooklyn Bethel.
Dalawang estudyante, si Guenter Buschbeck, kasalukuyang naglilingkod sa sangay sa Austria, at si Willi Konstanty, naglilingkod sa sangay sa Alemanya, ay ipinadala sa Brooklyn Center Congregation samantalang nag-aaral sa Gilead. Anong laking pinagmumulan ng pampatibay-loob sila! Nagkaroon sila ng positibong impluwensiya sa aking mga kasama sa kuwarto anupat di-nagtagal sila rin ay nag-isip tungkol sa paglilingkod sa Gilead.
Maraming beses, nagkaroon ako ng pribilehiyo na palawakin ang aking pakikipagkaibigan sa ating pangglobong pamilya sa pamamagitan ng paglalakbay sa ibang bansa. Dinaluhan ko ang internasyonal na mga kombensiyon at nakitang muli, sa kanilang mga atas, ang marami sa mga nagtapos sa Gilead na nakilala ko noon.
Isang Buhay na Mayaman sa Karanasan
Sa paggunita sa aking buhay, masasabi ko na ito ay kahanga-hanga—isang maligayang buhay na punô ng mga pagpapala. Bagaman nagkaroon ako ng maraming karaniwang mga problema na dumarating sa sistemang ito ng mga bagay, walang isa man ang nagpangyari sa akin na pagsisihan ko ang aking kahapon o isuko ko ang mahalagang pribilehiyo ng buong-panahong paglilingkod.
Sa maagang gulang, itinimo sa akin ng aking ina ang mga pananalita ng Awit 126:5, 6: “Sila na nagsisihasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan. Siyang lumalabas, at umiiyak pa nga, na nagdadala ng binhing itatanim, siya’y walang pagsalang babalik na may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas.” Ang kasulatang iyan ay nagsisilbing isang patnubay pa rin sa akin. Anumang mga problema, tinulungan ako ni Jehova na masumpungan ang paraan upang mapagtagumpayan ang mga ito at panatilihin ang kagalakang iyon.
Ang aking buhay ay isa na tiyak na ayaw kong baguhin. Hindi ko pinagsisisihan ang pagbibigay ng mga 53 taon kay Jehova sa buong-panahong ministeryo. Ako’y tumatanaw sa hinaharap na patuloy na paglingkuran siya hanggang sa walang-hanggan sa kaniyang bagong sanlibutan.—Gaya ng inilahad ni Mary Kendall.
[Larawan sa pahina 16]
Si Mary Kendall