Ang Olimpiyada ng Norway—Sapat ba ang mga Mithiin?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NORWAY
NANG itatag ang International Olympic Committee (IOC) dantaon na ang nakalipas, nagkaroon ito ng dakilang mga pangitain. Ang mithiin ay upang paunlarin ang kapatiran at kapayapaan sa pamamagitan ng pagtitipon sa mga kabataan sa buong daigdig tuwing ikaapat na taon sa larangan ng palakasan nang walang matatamong salapi. Inaasahan noon na ang patas na paligsahan ang magpapangyari sa pagkakaisa at pagkakasundo sa gitna ng mga tao. Dahil dito ang sinaunang Olimpiyada ay binuhay muli sa makabagong panahon.
Mula sa abang pasimula sa Atenas, Gresya, noong 1896, ang Summer Games ay sumulong sa pagiging pinakamalaking kapistahan sa isports sa daigdig, na may pinakamaraming bilang na 11,000 kalahok mula sa mahigit na 170 bansa. Ang unang Winter Games ay ginanap sa Chamonix, Pransiya, noong 1924, at ang mga ito ang laging naging “maliit na kapatid” ng Summer Games. Sa gayon, mga 2,000 atleta mula sa halos 70 bansa ang tinipon para sa Winter Olympics sa Lillehammer, Norway, noong Pebrero 12-27, 1994.a
Ang idea ng kapatiran at pagkakaibigan, gaya ng inilarawan ng bantog na mga bilog ng Olimpiyada, at ng “isang matinong isip sa malusog na katawan” ay waring mas kailangan higit kailanman. Anong bahagi ang ginampanan ng mga mithiing ito sa Olimpiyada sa Lillehammer?
Ang Olimpiyada at ang Malalaking Negosyo
Ang lubusang pagbabalita ang lumikha sa matinding interes ng madla sa Olimpiyada. Apat na ulit ang dami ng mga peryudista sa dami ng mga atleta ang naroroon sa Lillehammer, at ang pinakamaraming bilang na humigit-kumulang na dalawang bilyon katao ang nakapanood ng Winter Games sa TV. Sa gayon ang Olimpiyada ang naging malaking pinagkakitaang negosyo dahil sa matitinding interes sa komersiyo, at nagpaligsahan ang mga network ng TV at mga isponsor dahil sa pantanging mga pribilehiyo at mga kontrata.
Ang mga kinatawan sa negosyo at industriya mula sa buong mundo ay dumalo sa Palaro sa Lillehammer, at minalas ng marami sa kanila ang pandaigdig na kapulungang ito bilang isang pagkakataon upang pangalagaan ang mga ugnayan sa negosyo at magsaayos ng mga seminar at komperensiya. Ang mga negosyo, kapuwa maliit at malaki, ay nagpakita ng waring walang-takdang mapanlikhang kakayahan sa pamamagitan ng napakaraming iba’t ibang produkto sa Olimpiyada na ipinagbili—lahat mula sa mga alpiler at mga postcard hanggang sa mga gamit sa kusina at mga damit.
Natural, para sa mga tao sa lugar na iyon ay nag-iba nang husto ang takbo ng mga bagay-bagay sa panahon ng Palaro. Dinoble ng napakaraming pagdagsa ng mga manggagawa, mga kalahok, at mga lider sa Olimpiyada ang populasyon ng Lillehammer, na karaniwang may bilang na mahigit na 20,000. Karagdagan pa ay may araw-araw na “paglusob” ng 100,000 manonood. Ang ilan sa mga nakatira roon ay pumili na magbakasyon upang makaalpas sa kaguluhan at pabirong tinagurian bilang “mga takas ng isport.”
Kumusta naman ang pitak ng isport sa Palaro at ang mga mithiin ng Olimpiyada?
Citius, Altius, Fortius
Kasuwato ng sawikain ng Olimpiyada—Citius, altius, fortius (Mas mabilis, mas mataas, mas malakas)—nagsisikap ang isang manlalaro sa Olimpiyada na lampasan ang mga rekord at talunin ang kaniyang mga kalaban. Upang magawa ito sa ngayon, nasumpungan ng mga manlalaro sa Olimpiyada na hindi sapat na gawin ang isport na pampalipas lamang ng oras na gawain. Ito’y pambuong-panahong trabaho at isang kabuhayan para sa karamihan ng mga manlalaro ng Olimpiyada, ang kanilang kikitain mula sa mga anunsiyo na totoong labis-labis ay nakasalig sa mga resulta na kanilang matatamo. Ang dating mithiin ng isang baguhang manlalaro ay kailangang magbigay daan sa salapi at propesyonalismo.
Sa kabilang dako, natatamo ng madla ang lahat ng dula at paglilibang na ibig nito. Ang ilang rekord na naitakda sa kamakailang Olimpiyada ay nagpapatunay sa mga tagumpay na hindi maubos maisip na magagawa mga ilang dekadang nakalipas. Ito’y hindi lamang dahil sa pinagbuting pagsasanay at higit na pagpapakahusay sa isang laro kundi dahil din sa napasulong na kagamitan at mas mabubuting pasilidad. Halimbawa, sa Lillehammer Games, apat na pandaigdig na rekord at limang rekord sa Olimpiyada ang naitakda sa panahon ng limang pagtatanghal ng speed-skating para sa kalalakihan. Ang ilan sa papuri ay naibigay sa bagong bulwagan para sa skating, kung saan ang makasiyentipikong mga paraan ay iniangkop upang lubusang bumagay ang yelo para sa pampropesyonal na skating.
Nakalulungkot, ang ilang atleta ay naging litaw dahil sa hindi pakikipagpaligsahan “sa totoong diwa ng walang dayang paglalaro, para sa kaluwalhatian ng isport,” gaya ng kanilang ipinangako sa kanilang panunumpa sa Olimpiyada. Ang Winter Games sa taóng ito ay kinakitaan ng di-mabubuting manlalaro, at ilang atleta na nagsikap na sirain ang kanilang kapuwa kalaban. Sa kamakailang taon ay kinailangan na sugpuin ang mga droga at mga steroid. Sa Lillehammer, isang kalahok ang pinauwi sa panimulang araw dahil sa pagdodroga. Gayunman, sa panahon ng Olimpiyada ay wala sa mga atleta ang nasuri na nagdodroga.
May ilang bagong saloobin sa mga mithiin ng Olimpiyada may kaugnayan sa Lillehammer Games.
Pangangalaga sa Kapaligiran, Gawaing Pagtulong, at mga Pagsisikap sa Kapayapaan
Ang isang napakalaking gawain na kasinlaki ng Olimpiyada, na nagsasangkot ng malawakang mga pagpapaunlad at malawakang pagdami ng mga dumi, “ay hindi pagtitipid sa paggamit ng mga pinagkukunan ni ito ma’y pagpapakundangan sa kapaligiran.” (Miljøspesial, pahayagang pangkapaligiran para sa Lillehammer Olympics) Maraming tao ang nag-aakala na ito’y hindi kasuwato ng diwa ng Olimpiyada at nagmungkahi na gawing pangkapaligirang pagtatanghal ang 1994 Winter Games. Isinagawa ang idea na ito, at nakatawag-pansin ang Lillehammer Games sa daigdig bilang ang “unang Olimpiyada na may ‘pangkapaligirang’ anyo.” Ano ang ibig sabihin nito?
Ang lokasyon, pagsasaayos, at pangmatagalang paggawa ng bagong lugar para sa isport ay isinaalang-alang upang mabawasan ang masasamang epekto sa kapaligiran. Sa lahat ng larangan, ang mga bagay na nakabubuti sa kapaligiran at mga materyal na magagamit muli, gaya ng kahoy, bato, at karton, ay ginamit nang lubusan, at ang matataas na pangkapaligirang pamantayan ay itinakda sa lahat ng mga isponsor at tagapagtustos. May ganap na pagbabawal sa paninigarilyo sa kulong na mga lugar.
Isang pagsusuri sa mga tunguhin ng Olimpiyada ang umakay rin sa pagtatatag ng kilusan sa pagtulong na Lillehammer Olympic Aid. Nagsimula bilang isang pangongolekta ng tulong para sa mga bata sa dating lungsod ng Olimpiyada sa Sarajevo sa Bosnia at Herzegovina, nang maglaon ito’y pinalawak pa upang tulungan ang batang mga biktima ng digmaan sa buong mundo. Ang kilusan ay matinding napasigla pagkatapos iabuloy ng isang nanalo ng gintong medalya ang lahat ng kaniyang napanalunang bonus na salapi mula sa isa sa mga laro (halos $30,000) upang makatulong. Ang mga nanguna rito ay umaasa na magpapatuloy ang Olympic Aid sa hinaharap na mga Palaro.
Ang kinaugaliang pagpapalipad ng mga kalapati sa pambukas na seremonya ng Olimpiyada ay nagpaabot ng makasagisag na mensahe ng kapayapaan sa mundo. Ang mithiin para sa kapayapaan ay higit pang itinawag pansin may kaugnayan sa 1994 Winter Games, habang ang pangulo ng IOC, ang taga-Catalonia na si Juan Antonio Samaranch, ay paulit-ulit na nagsalita tungkol sa kapayapaan para sa lahat ng tao sa daigdig.
Ang mga Mithiin na Matutupad
Ang mga mithiin ng Olimpiyada ay nagpapabanaag ng pagnanais na malaon nang nakaugat sa lahat ng tao—ang pagnanais para sa kapatiran, kapayapaan, katuwiran, kagalakan, at pisikal at mental na kalusugan. Ang Winter Games sa taóng ito ay umani ng papuri dahil sa pagtawag pansin muli sa dating mga tunguhin ng Olimpiyada at tinagurian bilang “ang pinakamagaling na Olympic Winter Games kailanman.” Gayunman, ang kilusan ng Olimpiyada ay minsan pang hindi nakaabot sa mga mithiin nito.
Ang katanyagan at komersiyalismo ang waring namayani laban sa pangunahing mga mithiin ng isports. Ang paligsahan ay kalimitang nauuwi sa mahigpit na kompetisyon na nagbunga ng pagkamakaako at pagkamakabansa sa halip na pagkakapatiran at pagkakaisa.
May paraan ba upang ang mga hangarin sa Olimpiyada ay matupad? Ipinakikita ng Bibliya na mabibigo ang pagsisikap ng tao na matamo ang ulirang sanlibutan. Gayunman, di-magtatagal ang Kaharian ng Diyos ay kikilos na upang magdala ng ganap, paraisong kalagayan sa lupa. (Jeremias 10:23; 2 Pedro 3:13) Ang gayong sanlibutan ay hindi matatatag alinman sa atletikong pagsulong ni sa katapatan man sa mga simulain at mga tradisyon ng Olimpiyada kundi salig sa tunay na debosyon sa Maylikha. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” Kaya para sa mga nagsasanay ng kanilang sarili sa ngayon “taglay ang maka-Diyos na debosyon bilang [kanilang] tunguhin,” ang bunga ay totoong isang malusog na isip sa malusog na katawan.—1 Timoteo 4:7, 8.
[Talababa]
a Isinaayos din ang Olimpiyada noong 1992, subalit iyon ang huling pagkakataon na ginanap ang Summer at Winter Games sa iisang taon. Mula ngayon ang mga ito ay isinaayos na maghalinhinan tuwing ikalawang taon.
[Kahon sa pahina 26]
Ang Relihiyosong Pagkasangkot sa Olimpiyada
Nagsimula ang Olimpiyada sa relihiyong Griego. Ang mga ito’y nagsimula bilang isang relihiyosong kapistahan upang parangalan si Zeus, ang kataas-taasan sa gitna ng Griegong mga diyos. Iba’t ibang tampok sa makabagong Palaro ang nagtataglay ng diwa ng pagkarelihiyoso: taimtim na mga ritwal para sa bandila ng Olimpiyada, ang “sagradong” apoy, at ang panunumpa sa Olimpiyada. Ang halos 100-taóng-gulang na Griegong himno na inawit sa pagpapasimula ng Palaro ang isinalin sa wikang Norwego para sa pambukas na seremonya sa Lillehammer. Ang himnong pang-Olimpiyada na ito ay may matinding relihiyosong mga pahiwatig. Ito’y naunawaan bilang isang himno kay Zeus. Kalakip sa liriko ang sumusunod na mga pangungusap: “Walang-hanggang espiritu ng matanda sa panahon,/Ama ng katotohanan, maganda at mabuti,/Bumaba ka, magpakita ka, magsabog ka ng liwanag sa amin/ . . . Magbigay buhay at kasiglahan sa dakilang mga laro!/ . . . Lahat ng bansa’y magtipon upang sambahin siya,/Oh walang-hanggang espiritu ng matanda sa panahon!”
Ang Norwegong Lutheran Church, sa pamamagitan ng sarili nitong Komite sa Olimpiyada, ang nagsaayos ng pinahabang musika at relihiyosong programa. Ang lahat ng pangunahing organisasyon ng simbahan ay itinanghal sa malaking proyekto ng pagsasama-sama ng mga relihiyon. Ang opisyal na kapelyan ng Olimpiyada at ang isang pandaigdig at ekumenikong pangkat ng mga klero ay nakahandang maglingkod na nasa Olympic Village sa Lillehammer.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Itaas: Speed skater na nakikipag-unahan para sa isang medalyang ginto sa 10,000-metrong paligsahan
Gitna: Mga freestyle aerial na itinanghal bilang bagong laro sa Olimpiyada
Ibaba: Pakikipag-unahan pababa—sa bilis na mahigit na 120 kilometro sa bawat oras
[Credit Line]
Mga larawan: NTB