Pangongolekta ng Selyo—Kawili-wiling Libangan at Malaking Negosyo
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANIYA
ANG philately, o ang pangongolekta ng selyo, di-umano ang “pinakakinahihiligang libangan sa daigdig.” Ang unang mga selyo ay basta ‘mga piraso ng papel na pinahiran sa likod ng pandikit, na ang maaaring gawin ng gagamit ay, basain nang kaunti, idikit sa likod ng sulat,’ ayon sa Britanong nagbago ng koreo na si Sir Rowland Hill (1795-1879). Ang tinatawag niyang ‘mga piraso ng papel’ ay naging popular anupat ang mga selyo sa ngayon ay ipinagmamapuri bilang isang imbensiyon na bumago sa landas ng komunikasyon sa buong mundo.
Para sa mga nangongolekta at nagnenegosyo nito, ang halaga ng selyo ay nagkakaiba-iba mula sa halos walang halaga hanggang sa napakalaking halaga na umaabot ng milyun-milyon o higit pang dolyar. Paano mangyayari ito samantalang ang mga selyo ay napakakaraniwan? At ano ang nagbibigay sa mga ito ng pang-akit at halaga nito?
Ang Naiibang Penny Black
Ang unang gawang kamay na mga selyo na nagpapakilala ng bayád nang koreo ay inimbento ng negosyanteng si William Dockwra, na siyang nagpasimula noong 1680 ng London Penny Post. Ang koreo na dinadala sa tanggapan ay nilalagyan ng selyo na may tatak-koreo na tatsulok sa loob ng tatsulok na sinulatan ng mga salitang PENNY POST PAID, na handa na ngayong ihatid ng mga mensahero ni Dockwra. Subalit matinding sinalansang ng ibang mensahero at mga portero ang kaayusang ito sapagkat inaakala nila na nanganganib ang kanilang kabuhayan. Nabatid din ng tanggapan ng koreo ng pamahalaan, na ang koreo ni Dockwra ay isang panghihimasok sa kanilang monopolyo.
Nito lamang pasimula ng ika-19 na siglo nagtagumpay ang mga pagbabago sa koreo upang madaling makuha ang penny postage sa buong bansa. Noong Mayo 1840, ang unang selyong may pandikit ay naibenta nang husto sa Britaniya at di-nagtagal ay naging kilala bilang Penny Black. (Tingnan ang larawan.) Hindi ito butás-butás sa gilid, at ang bawat selyo ay kailangang gupitin mula sa isang pohas.
Noong 1843, ang Brazil ang naging ikalawa lamang sa Britaniya sa paglalabas ng mga selyong may pandikit na may bisang magagamit sa buong bansa. Unti-unti itong ginamit ng ibang bansa para sa koreo sa loob ng bansa. Di-nagtagal, upang mapadali ang pagpapadala sa ibang bansa, nagkaroon ng pandaigdig na samahan para sa koreo. Sa ngayon ang Universal Postal Union, na ang punong tanggapan ay nasa Bern, Switzerland, ang siyang pantanging ahensiya ng United Nations.
Ang mga Pangongolekta ay Nagsasaysay ng Isang Kuwento
Habang ang internasyonal na pakikipagtalastasan ay lumalago, ang bawat bansa ay nagdisenyo at naglimbag ng naiibang mga selyo. Ang ilan, tinatawag na mga commemorative (bilang pag-aalaala), ay nagpapakita ng mahahalagang pangyayari at mga tao; ang iba naman, tinatawag na mga definitive (karaniwang selyo na gagamitin para sa bansa), ay madaling makilala para sa karaniwang gamit sa iba’t ibang halaga upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan sa koreo. Sa loob ng maraming taon halos 600 administrasyon sa koreo ang naglabas ng tinatayang 10,000 bagong selyo taun-taon. Kapuwa ang taimtim na estudyanteng nag-aaral tungkol sa mga selyo (ang philatelist) at ang tao na basta nasisiyahan sa pangongolekta ng mga selyo bilang libangan ay makasusumpong ng bagay na tugma sa kanilang naiibigan sa sangkapat-na-milyong iba’t ibang selyo na inilabas sa ngayon!
Maliwanag, na sa gayong dami at pagkasari-sari ng mga selyo, walang sinumang nangongolekta ang makaaasang magmamay-ari ng kopya ng bawat uri ng selyo na inilabas. Sa halip, pinipili ng marami na mangolekta ng mga selyo sa pamamagitan ng mga tema. Agrikultura, Antarctica, apoy, bansa, Bibliya, bulaklak, kalawakan, karbón, enerhiya, Esperanto, Europa, fungi, heolohiya, ibon, industriya, isports, bubuyog, hayop, medisina, musika, Olimpiyada, paglilingkod pangkoreo, paglipad, potograpiya, Red Cross, relihiyon, sasakyan, sinehan, tulay, UN, yungib at maging ang panahon ay pawang makokolektang mga tema. Anuman ang ibig mo, may mga selyo para roon.
Ang ibang mga nangongolekta ay nagtutuon ng pansin sa pagkasari-sari ng mga selyo. Ano ba ang nasasangkot dito? Suriing muli ang Penny Black. Napansin mo ba ang nakalimbag na mga titik sa mga gilid sa dakong ibaba ng selyo? Dati-rati, ang mga selyo na ito ay inilimbag sa isang pohas na binubuo ng 240 indibiduwal na mga selyo na isinaayos sa 20 pahalang na hanay na tig-12. Ang unang selyo sa dakong itaas na hanay ay may mga titik na AA; sa huling hanay, AL, at sunud-sunod na iyon ayon sa alpabeto hanggang sa bandang dulo ng pohas sa TA at TL sa pasimula at katapusan ng ika-20 hanay. Ang mga titik ay ibinubutas sa pamamagitan ng kamay sa mga kudradong kanto ng disenyo sa huling mga yugto ng platemaking. Isang empleado ng tanggapan ng koreo ay makapaghihinala ng panghuhuwad kung ang mga selyo sa maraming sulat na daraan sa kaniya ay magtatampok ng parehong dalawang titik.
Bagaman may tinatayang 68 milyong indibiduwal na mga selyong Penny Black ang nailabas na, ang isang nangongolekta sa ngayon na nagmamay-ari ng di-gamít na selyo ay nagtataglay ng pambihira at may mataas na halagang selyo—mula sa $4,200 hanggang sa $6,800.
Maliban pa sa mapanlikhang pagkasari-sari sa disenyo, ang mga selyo mula sa iba’t ibang mga plate, nasa papel na may iba’t ibang watermark o tanda (mapusyaw na disenyo sa papel, nakikita kapag sinipat sa ilaw), at maging yaong may iba’t ibang bilang ng butas (ang mga butas sa mga gilid) ay pawang pumupukaw sa interes ng dalubhasang mga nangongolekta. Upang magtagumpay, ang gayong mga dalubhasa ay nangangailangan ng higit pa sa mga tiyani (Huwag gamitin kailanman ang iyong mga daliri!) at lente. Ang mga panukat ay nakatututop ng mga pagkakaiba ng mga butas; ipinakikita ng mga ilawang ultra-violet ang sira, natatagong malilinaw na bahagi, at iba pang kuntil-butil na mga detalye.
Ang ilang nangongolekta ay nagpapakita ng pantanging interes sa mga pagkakamali sa disenyo at paglilimbag ng selyo. Para sa kanila, ang pagtataglay ng mga selyo na hindi napansin ng ibang nangongolekta ang pagkakamali ay isang mahalagang bagay. Isaalang-alang ang pagkakaiba sa halaga. Sa mga tantiya noong 1990, ang isang 1841 Penny Red na may nawawalang titik na A, isang pagkakamali sa unang selyo sa ikalawang hanay ng pohas, ay nagkakahalaga ng halos 1,300 ulit ang kahigitan kaysa isang selyo na walang pagkakamali!
Isang Malaking Negosyo ang mga Selyo
Sa mga panahong ito ang libangan ng pangongolekta ng selyo ay umaakit sa iba’t ibang mga namumuhunan. Ang tunay na namumuhunan ay bumibili ng mga portfolio o kalipunan ng pambihira at namumukod-tanging mga selyo na inaakala ng mga negosyante na malamang na tumaas ang halaga sa loob ng isang yugto ng panahon. Kapag ang puhunan ay lumago na, sisikaping ipagbili ng negosyante ang mga pag-aari ng kaniyang kliyente sa pinakamataas na halagang maaabot. “Ang malinaw, nababasang mga tatak-koreo ang kahilingan para sa pangkoreong gamít nang mga selyo—kalimitang ang pinakakaraniwang mga selyo ay halos mahirap makuha na may pinakaganap o di-pangkaraniwang mga tatak-koreo at nagkakahalaga nang napakalaki. Ang mabuting kalagayan ng selyo ay napakaimportante sa halaga ng selyo,” sulat ng may kabatiran sa selyo na si James Watson.
Noong 1979 iniulat ng Daily Mail ng London na “sa nakalipas na limang taon, ang namumukod-tanging mga selyo (may petsa mula 1840 hanggang 1870) ay nagkahalaga nang mas malaki kaysa mga sapi at iba pang anyo ng pinamumuhunan, at sa maraming kaso, ay mas mahal pa kaysa halaga ng bahay.” Ang isang portfolio o kalipunan ng pitong pambihirang mga selyo na nagkahalaga ng $84,700 noong 1974 ay tumaas ang halaga hanggang sa $306,000.
Noong 1990 ganito ang iniulat ng anunsiyo ng Time International: “Bilang isang pinamumuhunanan, nagkaroon ng napakalaking pagkakaiba-iba ang halaga ng selyo. Noong dekada ng 1970 ang mga presyo ay tumaas nang napakabilis habang ang mga nag-aabang ay umaasa sa kikitain mula sa pambihirang mga selyo na natipon sa pinamumuhunanang mga portfolio ng selyo. Subalit nang itanghal ng London ang 1980 Stamp World Exhibition nito, naglahong parang bula ang kanilang pag-asa at nasumpungan ng mga nag-aabang na ang tanging mga tao na handa upang magtaguyod ng bentahan ay ang mga nangongolekta, at sila’y may katuwirang umurong. ‘Nang sinikap ng mga namumuhunan na gawing pera ang kanilang mga portfolio, nasumpungan nila na maraming selyo ang hindi naman talagang kasimpambihira na gaya ng inaakala nila,’” at sila’y nalugi. Kay laking babala nga nito para sa mga namumuhunan sa mga selyo!
Kung gayon, bilang isang nangongolekta o maging isang philatelist, sikaping maging timbang. Masiyahan sa iyong mga selyo. Matuto mula sa mga ito—tungkol sa daigdig, sa heograpiya nito, sa mga tao, at mga kultura. Huwag pahintulutang makahumalingan nang husto ang pangongolekta. Maingat na timbangin ang iyong interes sa mga selyo, at tayahin ito kung ihahambing sa higit na mahalagang mga bagay sa buhay.
[Larawan sa pahina 17]
Penny Black
[Mga larawan sa pahina 18]
Mga selyo mula sa Austria, Espanya, at Britaniya