Paglakad sa Buhanginan—Mga Hakbang Tungo sa Mas Mabuting Kalusugan
NG KABALITAAN NG “GUMISING!” SA HAWAII
ANG mabilis na paglalakad ay tinatawag na isa sa pinakamahusay na anyo ng ehersisyo. Sinasabing, kabilang sa ibang mga pakinabang, ang mabilis na paglalakad ay nagpaparami ng cardiac output (dami ng dugong inilalabas mula sa kaliwang bahagi ng puso sa isang minuto), nagpapababa ng presyon ng dugo, nagpapabuti ng sirkulasyon at nagpapatigas ng himaymay ng balat, at nagpapalakas ng mga buto at kalamnan.
Gayunman, gaya ng nalalaman ng sinumang sumubok na nito, ang mabilis na paglalakad ay nakapipinsala sa paa—mga lipak, kalyo, paltos, at mas grabe pa ngang mga pinsala rin sa paa. Ito ay karaniwang bunga ng pagsusuot ng masikip na mga sapatos na pang-ehersisyo. Kung ikaw ay nakaranas na ng masakit na paa, alam mo kung gaano kaasiwa, napakasakit pa nga, nito. Sa katunayan, ang kalagayan ng iyong mga paa ay makaaapekto sa kalusugan ng iyong buong sistema ng mga buto.
Pinakamabuting Bahagi ng Magkaibang Kalagayan
Hindi mo na kailangan pang magdusa. “Ang mga pag-aaral sa mga taong hindi-nagsasapatos sa Aprika at Asia ay naghihinuha na ang mga taong hindi nagsasapatos ay mayroong mas malusog na mga paa, kaunting mga kapinsalaan, at mas mabilis kumilos kaysa lipunan ng mga taong nagsasapatos,” ulat ng isang dalubhasa sa ortopedik. Kaya waring matatamasa mo ang mga bentaha ng pagsusuot ng sapatos at hindi pagsasapatos kung magagawa mong maliksing mag-ehersisyo samantalang naglalakad nang nakatapak. Sa katunayan, ang mapagpipiliang iyan ay bukás sa maraming tao—paglakad sa tuyong buhangin ng isang malinis na dalampasigan o sa mga sand dune.
“Isang mabuting ehersisyo na para kang minamasahe ang paglakad nang nakatapak sa isang mabuhanging dalampasigan,” sabi ng The Arthritis Exercise Book, “lalo na kung mainit ang buhangin. Ang paglakad sa buhaghag, tuyong buhangin ay nag-eehersisyo sa bawat kalamnan ng paa, habang ang paa ay nakikibagay sa di-pantay na ibabaw nito.” Bukod pa riyan, ang paglakad sa buhanginan ay gumugugol ng halos dobleng enerhiyang ginugugol sa paglakad sa damuhan o sa semento. Sa katunayan, subukin mong tumakbo sa tuyong buhangin, at agad mong mapapansin ang lakas na kailangan dito! “Tiyak, ang mabilis na paglakad sa kahabaan ng dalampasigan ay maglalaan ng ekselenteng ehersisyo sa mga programang dinisenyo upang ‘sunugin’ ang mga calorie o pagbutihin ang pisyolohikong kalakasan,” hinuha ng aklat na Exercise Physiology—Energy, Nutrition, and Human Performance.
Kaya nga, ang paglalakad nang nakatapak sa buhanginan ay hindi lamang naglalaan ng mga pakinabang ng isang nakalulusog na rutinang ehersisyo kundi binabawasan din ang pinsala sa paa at mga kasukasuan ng paa. Para sa mga may bahagyang rayuma, binabawasan nito ang kirot na dulot ng ehersisyo.
Isang Babala
Gayunman, bago sumugod sa pinakamalapit na dalampasigan o sand dune, isaisip ang mga babalang ito. Tiyakin na ang buhanginan na iyong lalakaran nang walang sapin ang iyong paa ay lubhang malinis at walang matutulis na bagay. Kung ikaw ay may malubhang problema sa kalusugan, gaya ng diabetes o sakit sa puso, dapat ka munang sumangguni sa iyong manggagamot bago magsagawa ng anumang bagong anyo ng ehersisyo. At gaya ng anumang programa ng ehersisyo, simulan ang iyong paglakad sa buhanginan nang mabagal o katamtaman ang bilis, at unti-unting dagdagan ang iyong bilis sa paglipas ng mga linggo. Ito’y malamang na humantong sa isang mas ligtas at mas kasiya-siyang rutinang ehersisyo para sa iyo.
Ang paglakad nang nakatapak sa buhanginan ay mas nakatutuwa; maaaring ito’y pasimula lamang ng mga hakbang tungo sa mas mabuting kalusugan para sa iyo at sa iyong mga paa. At anong malay mo kung ano pang mga bagay ang matuklasan mo sa dalampasigan o sa mababaw na tubig—mga kabibi, maliliit na isda, maliliit na hermit crab, lahat ng uri ng mga ibon at insekto. Kaya talasan ang iyong pandamdam, at masiyahan sa iyong paglalakad!