‘Salamat at Iniuwi Mo Ako, Inay’
AKO’Y laging ninenerbiyos kapag si Glen, ang asawa ko, ay nagpapalipad ng eruplano, at hindi ako mapakali hanggang sa pagdating niya. Karaniwan siyang nagpapalipad ng eruplano para sa kasiyahan. Sa pagkakataong ito siya ay inupahan upang kumuha ng mga litrato mula sa himpapawid. Ang aming bunsong anak na lalaki, si Todd, ay sumama sa kaniya. Si Glen ay laging isang maingat na piloto at hindi kailanman nakikipagsapalaran.
Nang tumunog ang telepono nang hapong iyon ng Linggo, Abril 25, 1982, sinagot ko ito na nangangambang bakâ may nangyaring masama sa kanila. Ito’y ang bayaw ko. “Naaksidente ang eruplano nina Glen at Todd,” sabi niya. “Magkita na lang tayo sa ospital.”
Kami ng aking 13-anyos na anak na lalaki, si Scott, ay nanalangin at sumugod sa ospital. Pagdating namin, nalaman namin na ang eruplano ni Glen ay bumagsak mga 100 kilometro sa hilaga ng New York City. (Ang eksaktong dahilan ng pagbagsak ay hindi kailanman nalaman.) Sina Glen at Todd ay buháy ngunit nasa malubhang kalagayan.
Ako’y lumagda sa legal na mga pormularyo na nagpapahintulot sa ospital na magsagawa ng kinakailangang paggamot. Subalit bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi ako sumang-ayon sa pagsasalin ng dugo. Ang paggawa niyon ay lalabag sa utos ng Bibliya na ‘patuloy na umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29) Si Glen ay may dalang medikal na dokumento na maliwanag na nagsasaad ng kaniyang mga paniwala tungkol sa bagay na ito. Gayunman, binigyan namin ng pahintulot ang mga doktor na gumamit ng nonblood volume expanders (walang-dugong likido na mabisang pandagdag ng dugo).a
Si Glen ay nagkaroon ng malalaking pinsala sa ulo at sa dibdib. Namatay siya pagkaraan ng ilang oras. Ang pinakamahirap na bagay na kailanma’y ginawa ko sa aking buhay ay ang magtungo sa silid hintayan at sabihin sa aking anak na si Scott na namatay na ang kaniyang ama. Basta siya nangunyapit sa akin at nagsabi: “Ano na ang gagawin ko ngayon? Wala na ang aking pinakamatalik na kaibigan!” Oo, si Glen ay naging pinakamatalik na kaibigan ng dalawa niyang anak na lalaki, gumugugol ng panahon na kasama nila sa paglilibang at sa pagsamba. Siya rin ang aking pinakamatalik na kaibigan at ang aking asawa. Ang kamatayan niya ay isang napakalaking kawalan.
Panghahawakan sa Aming mga Paniniwala
Si Todd ay nagkaroon ng nabaling paa at daliri, durog na mga buto sa pisngi, at grabeng trauma sa utak. Siya’y nakoma. Kay sakit pagmasdan ang aking siyam-na-taóng-gulang na anak, na mga ilang oras lamang ang nakakaraan ay punúng-punô ng buhay! Si Todd sa tuwina’y isang nakagigiliw na aktibong paslit. Siya’y madaldal at mahilig umawit at maglaro. Ngayon ay wala man lamang siyang kabatiran tungkol sa aming pagkanaroroon.
Palibhasa’y nangangamba na si Todd ay maaaring mangailangan ng operasyon, ang mga doktor ay sapilitang humiling na ako’y sumang-ayon sa isang pagsasalin ng dugo. Ako’y tumanggi. Sila’y tumugon sa pamamagitan ng pagkuha ng isang utos mula sa hukuman na nagpapahintulot sa kanila na gumamit ng dugo. Subalit, lumalabas na hindi naman kailangan ang operasyon, at si Todd ay wala namang panloob na pagdurugo. Gayunman, pagkalipas ng ilang araw, ako’y sinabihan ng mga doktor na sa paano man ay sasalinan pa rin nila siya ng dugo. Kami’y natigilan! “Kailangan naming gawin ito!” ang tanging paliwanag na ibinigay sa amin ng doktor. Isinaisang-tabi nila ang aming relihiyosong mga paniwala at binigyan si Todd ng tatlong yunit ng dugo. Talagang wala akong nagawa.
Sa loob ng ilang araw pagkatapos ng aksidente, kami’y nasa unang-pahina ng mga balita. Pinapaniwala ng lokal na pahayagan ang mga mambabasa na si Glen ay namatay dahil sa siya’y tumangging pasalin ng dugo at sinipi pa nga ang isang lokal na manggagamot na gayon nga! Hindi ito totoo. Nang maglaon ay pinatunayan ng medikal na tagasuri na talagang hindi maliligtasan ni Glen ang malalaking pinsala niya sa ulo at dibdib. Mabuti naman, ang ilang ministrong Saksi ay inanyayahan ng lokal na istasyon ng radyo upang ipaliwanag ang aming salig-Bibliyang paninindigan. Ito’y nagbunga ng ilang mahusay na publisidad, at ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa dugo ay naging karaniwang paksang mapag-uusapan sa aming bahay-bahay na ministeryo.
Mga Pagsisikap na Muling Magkamalay si Todd
Si Todd ay nanatiling nasa koma. Pagkatapos noong Mayo 13 isang nars ang nagpihit sa kaniya, at sa wakas ay idinilat niya ang kaniyang mga mata! Niyapos ko siya at sinikap kong kausapin siya, subalit walang tugon. Hindi nga niya magawang kumurap o pisilin ang aking kamay. Subalit mula noon siya’y patuloy na sumulong. Kapag kami’y pumapasok sa silid, ang kaniyang ulo ay babaling sa pinto. Kapag kinakausap namin siya, titingin siya sa amin. Alam nga kaya ni Todd na naroroon kami? Hindi namin alam. Kaya gumawa kami upang panatilihin siyang masigla sa mental at pisikal na paraan. Mula sa unang araw ay kinausap namin siya, binasahan namin siya, at nagpatugtog ng musikal at nauugnay-sa-Bibliya na mga tape para sa kaniya. Tinugtugan ko pa nga siya ng aking gitara; ito ang terapi para sa aming dalawa.
Kami’y tumanggap ng maraming tulong mula sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ganito ang gunita ng aking panganay na anak, si Scott, kamakailan: “Dalawang pamilya ang nagturing sa akin na parang kanilang sariling anak, isinasama ako sa mga bakasyon na kasama ng kanilang pamilya.” Bukod pa riyan, ang ilan ay nagtabas ng aming damuhan, naglaba, at nagluto ng aming pagkain. Ang mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya ay naghalinhinan din sa pagbabantay sa magdamag kay Todd sa ospital.
Gayunman, sa loob ng ilang linggo, si Todd ay hindi tumutugon sa gayong atensiyon—hindi man lang ngumingiti. Pagkatapos nagkaroon siya ng pulmonya. Hiningi ng doktor ang aking pahintulot na si Todd ay ilagay sa isang respirator (aparatong tumutulong sa paghinga). Ang panganib ay baka siya permanenteng dumipende rito. Isip-isipin lamang: Ang buhay-at-kamatayan na pasiyang ito ay inilagay sa aking mga kamay! Gayunman, pagdating sa pagsasalin ng dugo, ang aking mga kahilingan ay lubusang niwalang-kabuluhan! Sa paano man, napagpasiyahan namin ang paggamit ng respirator at umasa kami sa pinakamabuting resulta.
Nang hapong iyon ako’y umuwi ng bahay upang magbihis. Nakatayo sa harap ng aking bakuran ang isang opisyal ng gobyerno. Ipinaalam niya sa amin na dapat naming ipagbili ang aming bahay upang magbigay-daan sa pagpapalawak ng kalsada. Ngayon may isa pa kaming malaking problema na dapat lutasin. Lagi kong sinasabi sa iba na hinding-hindi ipahihintulot ni Jehova ang anumang bagay na hindi namin kaya. Sisipiin ko ang mga salita ng 1 Pedro 5:6, 7: “Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.” Ngayon ang aking pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos ay nasusubok na hindi pa nangyari kailanman.
Lumipas ang mga linggo, si Todd ay nagkaroon ng sunud-sunod na impeksiyon. Ang mga araw ay punô ng mga pagsubok sa dugo, pagkuha ng likido sa gulugod, pag-scan sa buto, pag-scan sa utak, pagkuha ng likido sa bagà, at walang katapusang mga X ray. Noong Agosto, ang temperatura ni Todd ay sa wakas nagbalik sa normal. Noong Agosto ay inalis na nila ang mga tubo sa pagkain at sa paghinga ni Todd! Ngayon ay nakaharap namin ang pinakamalaking hamon sa lahat.
Pag-uwi ng Bahay
Kami’y sinabihan ng mga doktor na isang institusyon ang pinakamabuti para kay Todd. Isang doktor ang nagpaalaala sa amin na kami ni Scott ay kailangang mamuhay ng aming sariling mga buhay. Gayundin ang ikinatuwiran ng ilang kaibigan na may mabuting-intensiyon. Gayunman, ang hindi nila natalos, ay na si Todd ay bahagi ng aming buhay! At kung magagawa naming alagaan siya sa bahay, siya’y mapaliligiran ng mga taong nagmamahal sa kaniya at may katulad na pananampalataya.
Kami’y bumili ng isang silyang de gulong at isang kamang naitataas at naibababa. Sa tulong ng ilang kaibigan, inalis namin ang dingding sa aking silid-tulugan, ikinabit ang naitutulak na mga pintong salamin, at nagtayo ng isang beranda sa labas at rampa na magpapahintulot kay Todd na itulak siya patungo sa kaniyang silid.
Noong umaga ng Agosto 19, panahon na upang iuwi ang aking anak na semikomatos pa rin. Naididilat na ni Todd ang kaniyang mga mata at bahagyang naikikilos ang kaniyang kanang paa at braso, subalit hinulaan ng kaniyang doktor na hindi na siya bubuti pa. Pagkaraan ng ilang linggo, dinala namin si Todd sa isang lubhang inirerekomendang neurologo, upang marinig lamang muli ang mga salitang iyon. Gayunpaman, anong sarap ng pakiramdam na maiuwi siya ng bahay! Ang nanay ko at ang ilang matalik na kaibigan ay naroon at naghihintay sa amin. Kinagabihan, kami’y sama-samang nagtungo sa Kingdom Hall. Dito namin unang-unang naranasan ang malaking pagsisikap na nasasangkot sa pangangalaga kay Todd.
Pag-aalaga kay Todd sa Bahay
Ang pag-aalaga sa isang taong may kapansanan ay talagang naging di-sukat akalaing kumukonsumo ng panahon. Si Todd ay gumugugol ng mahigit isang oras upang kumain. Gumugugol pa rin ako ng halos isang oras upang punasan siya, bihisan siya, at paliguan ang kaniyang buhok. Ang isang whirlpool na paligo ay kumukuha ng dalawang oras. Ang paglalakbay ay isang malaking atas, na nangangailangan ng maraming hirap ng katawan. Bagaman malaki na ang naisulong niya, nahihirapan pa rin si Todd na maupo nang tuwid, kahit na sa tulong ng isang naiaangkop na silyang de gulong; karaniwan nang kailangan niyang mahiga sa sahig. Sa loob ng mga taon ako’y naupo sa sahig na kasama niya sa likuran ng Kingdom Hall. Gayunpaman, hindi namin pinayagan ito na magpahinto sa amin sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano, at karaniwan nang dumarating kami sa oras.
Ang aming matiyagang pagsisikap ay nagbunga. Inaakala noon ng mga doktor na ang aksidente ay nagpangyari kay Todd na maging bingi at bulag. Gayunman, bago ang aksidente tinuruan ko ang aking mga anak na lalaki ng sign language (senyas ng mga pipi). Noong unang linggo sa bahay, si Todd ay nagsimulang sumenyas ng oo o hindi sa mga tanong na itinatanong namin. Nang maglaon ay nagawa niyang tumuro. Ipapakita namin sa kaniya ang mga larawan ng mga kaibigan at hihilingin naming ituro niya ang mga ito, at nagagawa niya ito nang tama. Wastong nakikilala niya ang mga bilang at mga titik. Nang magtagal ay sumulong kami sa pagkilala sa mga salita. Buo pa ang kaniyang kasanayan sa pagkilala! Noong Nobyembre, pitong buwan lamang pagkaraan ng aksidente, naganap ang malaon nang hinihintay na pangyayari.
Si Todd ay ngumiti. Noong Enero ang kaniyang ngiti ay may kasama nang halakhak.
Kung matatandaan mo, napilitan kaming ipagbili ang bahay namin. Ngunit nakabuti naman ito, yamang ang aming dalawang-palapag na bahay ay maliit at lubhang natatakdaan ang pagkilos ni Todd. Palibhasa’y kaunti lamang ang aming pera, magiging mahirap na makasumpong ng isang bahay na makatutugon sa aming mga pangangailangan. Gayunman, isang mabait na ahente na nagbebenta ng lupa’t bahay ang nakasumpong ng isang bahay. Ang bahay ay pag-aari ng isang biyudo na ang asawa ay naratay sa isang silyang de gulong; ito’y idinisenyo taglay sa isipan ang kaniyang mga pangangailangan. Tamang-tamang para kay Todd!
Mangyari pa, ang bahay ay nangangailangang linisin at pintahan. Subalit nang handa na kaming magpinta, mahigit na 25 kaibigan mula sa aming kongregasyon ang dumating, dala-dala ang mga roller at brutsa.
Pagharap sa Araw-Araw na Buhay
Si Glen ang laging nag-aasikaso sa negosyo ng pamilya, sa mga utang, at iba pa. Nagampanan ko ang bahaging ito ng buhay nang may kaunting problema. Gayunman, hindi inaakala ni Glen na mahalagang magkaroon ng testamento o tamang seguro. Naiwasan sana namin ang maraming problema sa pananalapi—mga problema hanggang sa ngayon—kung nagkapanahon lamang siya sa pag-aasikaso sa mga bagay na ito. Pagkatapos ng aming karanasan, marami sa aming mga kaibigan ang nag-asikaso sa mga bagay na ito.
Ang isa pang hamon ay ang pagtugon sa aming emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan. Pag-uwi ni Todd mula sa ospital, ang ilan ay kumilos na para bang tapos na ang problema. Gayunman, si Scott ay patuloy na nangailangan ng tulong at pampatibay-loob. Ang mga kard, sulat, at mga tawag sa telepono na tinanggap namin ay mga alaalang lagi naming gugunitain. Natatandaan ko pa ang isang sulat buhat sa isang tao na nagbigay sa amin ng pinansiyal na tulong. Sabi ng sulat: “Hindi ko na lalagdaan ang sulat na ito, yamang ayaw kong pasalamatan ninyo ako kundi pasalamatan ninyo si Jehova, yamang siya ang nagpapakilos sa atin na palawakin ang pag-ibig sa isa’t isa.”
Gayunman, natutuhan naming huwag lubusang umasa sa iba para sa pampatibay-loob kundi gumawa ng positibong mga hakbang na tulungan ang aming sarili. Kapag ako’y nanlulumo, madalas na sinisikap kong isipin ang iba. Mahilig akong mag-bake at magluto, at sa pana-panahon, aking aanyayahan ang mga kaibigan o basta nagbi-bake ako ng ilang bagay at ipinamimigay ito. Kapag ako’y parang nauupos na kandila o nangangailangan ng pahinga, lagi naman akong nakatatanggap ng paanyaya na maghapunan, mananghalian, o magbakasyon sa dulo ng sanlinggo na kasama ng mga kaibigan. Kung minsan, may mag-aalok pa nga na magbabantay kay Todd sandali upang ako ay makapamili.
Ang aking panganay na anak, si Scott, ay isa ring kahanga-hangang pagpapala. Kailanma’t maaari, isinasama ni Scott si Todd sa sosyal na mga pagtitipon. Lagi siyang naroroon upang tumulong sa paano man sa pangangalaga kay Todd, at siya’y hindi kailanman nagreklamo tungkol sa pagkakaroon ng napakaraming pananagutan. Minsa’y nasabi ni Scott: “Kung nasusumpungan ko kung minsan ang aking sarili na naghahangad ng sana’y magkaroon ako ng mas ‘normal’ na buhay, agad kong ginugunita kung paanong ang karanasan ko ay lalong nagpalapit sa akin sa Diyos.” Araw-araw kong pinasasalamatan si Jehova sa pagpapahintulot sa akin na magkaroon ng isang maibigin, palaisip-sa-espirituwal na anak. Siya’y naglilingkod sa kaniyang kongregasyon bilang isang ministeryal na lingkod at nasisiyahan sa pagiging isang buong-panahong ebanghelisador kasama ng kaniyang asawa.
At si Todd? Patuloy siyang sumusulong. Nitong nakalipas na dalawang taon, siya’y muling nakapagsalita. Una’y maiikling salita, pagkatapos ay mga pangungusap. Ngayon ay naipapahayag pa nga niya ang kaniyang sarili sa Kristiyanong mga pulong. Nagsisikap siyang mabuti upang makapagsalita nang mas matatas, at nakatulong ang speech therapy. Mahilig pa rin siyang kumanta—lalo na sa Kingdom Hall. Siya rin ay punô ng pag-asa na gaya ng dati. Nakakatayo na siya ngayon sa tulong ng isang walker. Noon, nagkaroon kami ng pagkakataon na isalaysay sa iba ang aming karanasan sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Nang tanungin kung ano ang nais niyang sabihin sa lahat ng mga kaibigan na naroroon, sabi ni Todd: “Huwag kayong mag-alala. Bubuti rin ako.”
Ibinibigay namin ang lahat ng karangalan kay Jehova dahil sa pagtulong niya sa amin sa lahat ng ito. Tunay, natutuhan naming manalig sa kaniya higit kailanman. Lahat ng mga gabing iyon na walang-tulog, lahat ng mga pagpapagal sa pangangalaga sa personal na mga pangangailangan at ginhawa ni Todd, lahat ng mga sakripisyo na ginawa namin ay sulit. Noong minsan, nang nag-aagahan kami, tumingin ako at nakita kong nakatitig sa akin si Todd na may malaking ngiti sa kaniyang mukha. Sabi niya: “Mahal kita, Inay. Salamat at iniuwi mo ako mula sa ospital.”—Gaya ng inilahad ni Rose Marie Boddy.
[Mga talababa]
a Para sa impormasyon tungkol sa pangmalas ng Bibliya hinggil sa mga pagsasalin ng dugo at sa paggamit ng mga produktong walang dugo, tingnan ang brosyur na “Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?” na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 13]
Ang pinakamahirap na bagay ay ang sabihin sa aking anak na si Scott na namatay na ang kaniyang ama
[Larawan sa pahina 15]
Kasama ng aking mga anak