Di-masupil na Paggawi—Kontrolado ba Nito ang Iyong Buhay?
“Ako’y nagigising ng alas-6 tuwing umaga,” sabi ni Keith.a “Ang aking orasang de alarma ay awtomatikong nakaalarma sa alas-6. Alam kong ito’y nakaalarma. Hindi ko ito kailanman binago. Gayunman, lagi ko itong tinitingnan. Gabi-gabi’y tinitingnan ko ito ng di-kukulanging limang beses bago ako matulog. At ang mga pihitan sa kalan—kailangang matiyak ko na ang bawat isa ay nakasara. Nakikita ko na ang mga ito’y nakasara, subalit kailangan kong bumalik at tingnan ito nang minsan, makalawa, makatatlong ulit—upang makatiyak. Pagkatapos ay titingnan ko naman ang pinto ng repridyereytor, paulit-ulit, upang matiyak na ito’y sarado. At nariyan pa ang kandado sa iskrin ng pinto, at ang dalawang kandado sa pangunahing pinto ng bahay . . . ”
SI Keith ay pinahihirapan ng obsessive-compulsive disorder (OCD), binibigyan-kahulugan bilang isang nakapanghihinang kalagayan na kakikitaan ng di-masupil na mga kaisipan (mga obsesyon) at kilos (mga simbuyo).b Inaakala ng isang taong may OCD na ang mga obsesyon at mga simbuyong ito ay lubusang di-sinasadya. Para bang pinagpipilitan ng mga ito ang kanilang sarili at nanunupil.
Ang lahat ng tao ay paminsan-minsang nakararanas ng di-naiibigang mga kaisipan at mga simbuyo. Subalit sa OCD ang mga ito ay nagiging lubhang mapilit at paulit-ulit anupat nagagambala nito ang normal na buhay at nagiging sanhi ng matinding pagkabalisa, kung minsa’y nauuwi sa panlulumo. “Ang walang-tigil na labanán sa isipan ay nag-udyok sa akin na magtangkang magpatiwakal,” sabi ng isang pinahihirapan nito. Isaalang-alang ang ilang sintomas ng nakalilitong karamdamang ito.
Ang Pagkakita ay Hindi Nangangahulugan ng Paniniwala
Nang si Bruce ay nagmamaneho ng kaniyang kotse sa isang mataas na bahagi ng kalsada, siya’y nalilipos ng pangamba. ‘Ano kaya kung mayroon akong nasagasaang tao?’ tanong niya sa kaniyang sarili. Ang damdamin ay sumisidhi hanggang sa basta kailangan niyang bumalik sa eksena ng “krimen” at tingnan—hindi lamang minsan kundi paulit-ulit! Mangyari pa, walang nasumpungan si Bruce na taong nasugatan. Gayunman, hindi niya tiyak! Kaya pag-uwi niya ng bahay, nanonood siya ng balita para sa mga ulat tungkol sa isang aksidenteng nasagasaan-at-tinakbuhan. Tinatawagan pa nga niya ang pulisya upang “magtapat.”
Tulad ni Bruce, maraming may OCD ang pinahihirapan ng mga pag-aalinlangan: ‘Ako ba’y nakasakit? Naisara ko ba ang kalan bago ako umalis ng bahay? Kinandado ko ba ang pinto?’ Karamihan ng mga tao kung minsan ay may katulad na mga kaisipan, subalit titingnan at muling titingnan ito ng taong may OCD ngunit hindi pa rin masisiyahan. “Ang aking mga pasyenteng suri nang suri ay waring nagsasabing ang ‘pagkilala ay nanggagaling sa mga pandamdam lamang,’ ” sulat ni Dr. Judith Rapoport. “Kaya nga ang hawakán ng pinto ay kailangang paulit-ulit na ikutin; ang ilaw ay isinusuwits na patay-sindi, patay-sindi. Ang mga kilos na ito ay naghahatid ng kagyat na impormasyon, gayunma’y hindi ito nakakakumbinsi sa kanila.”
Ang Malinis ay Hindi Pa Sapat na Malinis
Isang 14-anyos na batang lalaki na nagngangalang Charles ay lagi na lamang natatakot na madumhan ng mga mikrobyo. Kailangang linisin ng kaniyang ina ang lahat ng bagay na maaari niyang hipuin sa pamamagitan ng alkohol. Bukod pa riyan, ikinatatakot ni Charles na ang mga bisita ay magdala ng mikrobyo mula sa lansangan.
Si Fran ay may pangamba habang naglalaba ng kaniyang mga damit. “Kung masagi ng mga damit ang gilid ng makinang panlaba kapag inilalabas ko ang mga ito,” aniya, “ang mga ito’y kailangang labhang muli.”
Tulad nina Charles at Fran, maraming may OCD ang may mga obsesyon na nakatuon sa mga mikrobyo at pagkahawa. Ang resulta nito’y maaaring labis na paliligo o paghuhugas ng kamay, kung minsan hanggang sa magkapaltus-paltos—gayunman ang pinahihirapan nito ay hindi pa rin nakadarama na malinis.
Pinahihirapan ng Isip
Si Elaine ay pinahihirapan ng di-sinasadyang walang-galang na mga kaisipan tungkol sa Diyos. “Ito ang mga bagay na wala sa loob ko at mamatamisin ko pang mamatay kaysa totohanin ang mga ito,” aniya. Subalit, ang mga kaisipan ay nagpatuloy. “Kung minsan sa pakikipaglaban ko sa mga kaisipang ito araw-araw, ako’y literal na pagod na pagod sa gabi.”
Si Steven ay gumagawa ng “mga panata” sa Diyos na udyok ng pagkadama ng pagkakasala dahil sa kaniyang mga pagkakamali. “Ang hilig na ito ay nagdudulot ng dalamhati sa akin sapagkat para bang ito’y labag sa aking kalooban,” sabi niya. “Pagkatapos, sinusurot ako ng aking budhi na tuparin ang aking ipinangako. Dahil dito, minsan ako ay naudyukang sirain ang isang bagay na may sentimental na halaga.”
Kapuwa si Elaine at si Steven ay may mga obsesyon na naisasagawa sa isipan. Bagaman ang kanilang mga sintomas ay hindi agad mahahalata, ang laging sumasagi sa isip na mga kaisipang iyon ay nakakulong sa isang siklo ng pagkadama ng pagkakasala at takot.
Ang mga ito ay ilan lamang sa maraming sintomas ng OCD.c Ano ang mga sanhi ng karamdamang ito? Paano ito malulunasan?
Pagsupil sa Di-masupil
Inilalarawan ng isang doktor ang OCD na paggawi bilang ang resulta ng “isang short circuit sa utak” kung saan ang impormasyong tinanggap mula sa mga pandamdam ay hindi nagrerehistro at “ang programa ay nangyayari nang paulit-ulit.” Ano ang sanhi ng pag-uulit-ulit na ito? Walang sinuman ang nakatitiyak. Waring nasasangkot ang neurotransmitter serotonin, ngunit isinasaalang-alang din ang iba pang bahagi ng utak. Sinasabi ng ilan na ang maagang mga karanasan sa buhay ay maaaring pumukaw sa OCD, marahil kasama ng henetikong inklinasyon dito.
Subalit, anuman ang sanhi, isang bagay ang malinaw: Ang basta pagsasabi sa mga may OCD na tigilan na nila ang paghuhugas o tigilan na ang katitingin ay malamang na mawalang-kabuluhan. Higit pa sa determinasyon ang nasasangkot.
Ang paggamot ay napatunayang nakatulong sa marami. Ang isa pang paraan ay nagsasangkot ng paglalantad sa pasyente sa kinatatakutang situwasyon at pagkatapos ang paghadlang sa karaniwang pagtugon. Halimbawa, ang isang taong may mga ritwal sa paghuhugas ay hihilinging humawak ng isang bagay na marumi at pagkatapos ay pigilin sa paghuhugas. Mangyari pa, ang gayong paggamot ay hindi nagpapagaling sa isa sa magdamag. Subalit sa pamamagitan ng pagtitiyaga, ang ilan ay nakadarama na ito ay maaaring maglaan ng ginhawa.
Ginalugad din ng mga eksperto ang posibilidad na, sa paano man sa ilang kaso, ang OCD ay maaaring mula sa maagang mga karanasan sa buhay. Napansin na maraming minaltratong bata ay nagsisilaki na nakadaramang sila’y likas na walang halaga o marumi, at ang ilan sa mga ito ay sa katapusan nagkaroon ng di-masupil na mga ritwal sa paghuhugas.
Ginhawa Mula sa mga Obsesyon at mga Simbuyo
Kung ikaw ay pinahihirapan ng OCD, huwag mong akalain na ikaw ay naiiba o marahil nasisiraan ng bait. “Maliban sa kanilang partikular na mga pangamba,” sulat ni Dr. Lee Baer, “ang mga taong may OCD ay may kabatiran pa rin tungkol sa katotohanan sa lahat ng iba pang pitak ng kanilang buhay.” Ikaw ay maaaring tulungan! Tandaan, ang OCD ay isang produkto ng di-kasakdalan. Hindi ito isang tanda ng moral na kahinaan o paghina sa espirituwal! Ni ito man ay nagpapahiwatig ng di pagsang-ayon ng Diyos. “Si Jehova ay maawain at mapagbiyaya, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa. Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.”—Awit 103:8, 14.
Subalit kumusta naman kung ang kaisipan ay waring walang-galang o lapastangan sa Diyos? Sa may OCD, ang nakaiinis na mga kaisipan ay gumagatong ng pagkadama ng pagkakasala, at ang pagkadama ng pagkakasala ay gumagatong ng higit pang nakaiinis na mga kaisipan. “Ito ang nagpapangyari sa akin na mayamot nang husto,” sabi ni Elaine. “Ito ang nagpapangyari sa akin na maging maigting at asiwa—laging iniisip na baka galít sa akin si Jehova.” Maaari pa ngang akalain ng iba na ang nasa kanilang mga kaisipan ay katumbas ng di-mapatatawad na kasalanan!
Subalit, ang pananalita ni Jesus tungkol sa di-mapatatawad na kasalanan laban sa banal na espiritu ng Diyos, ay maliwanag na hindi tumutukoy sa padalus-dalos, may obsesyong mga kaisipan. (Mateo 12:31, 32) Ipinatungkol ni Jesus ang kaniyang mga komento sa mga Fariseo. Alam niya na ang kanilang mga pag-atake ay talagang sinasadya. Ang kanilang sadyang mga kilos ay mula sa puso na punô ng poot.
Tunay, ang pagkabahala tungkol sa pagdudulot ng isa ng sama ng loob sa Diyos ay maaaring katibayan na ang isa ay hindi nagkasala ng kasalanang walang kapatawaran. (Isaias 66:2) Higit pa riyan, nakagiginhawang malaman na nauunawaan ng Maylikha ang karamdamang ito. Siya’y maawain at “handang magpatawad.” (Awit 86:5; 2 Pedro 3:9) Kahit na kung tayo’y hinahatulan ng atin mismong puso, “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Nalalaman niya kung hanggang saan naaapektuhan ng karamdaman ang mga kaisipan at mga simbuyo na doo’y limitado lamang ang pagsupil ng isa. Sa gayo’y maiiwasan ng pinahihirapan ng OCD na nakababatid nito na pahirapan pa ang kaniyang sarili ng labis na pagkadama ng pagkakasala.
Anong laki ng pasasalamat natin na si Jehova ay nangangako ng isang bagong sanlibutan na doo’y magkakaroon ng ginhawa mula sa lahat ng mga sakit sa katawan, isipan, at damdamin! (Apocalipsis 21:1-4) Samantala, yaong mga dapat magbata ng karamdamang ito ay maaaring gumawa ng praktikal na mga hakbang upang bawasan ang kanilang paghihirap.
[Mga talababa]
a Ang ilang pangalan sa artikulong ito ay pinalitan.
b Ang Gumising! ay hindi nagtataguyod ng anumang partikular na paggamot. Nanaisin ng mga Kristiyanong may ganitong karamdaman na magpakaingat na ang anumang paggamot na kukunin nila ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya.
c Ang ilan sa marami pang sintomas ay kinasasangkutan ng pagbibilang o pagtitipon ng mga bagay nang higit kaysa kinakailangan o isang obsesyon sa simetria.
[Kahon sa pahina 22]
Upang Makatulong
BILANG isang kaibigan o miyembro ng pamilya, malaki ang magagawa mo upang tulungan ang isang taong nakikipagbaka sa obsessive-compulsive disorder (OCD).
• Una, suriin ang iyo mismong saloobin. Kung ikaw ay naniniwalang ang pinahihirapan nito ay mahina, tamad, o matigas ang ulo, walang pagsalang mapapansin niya ito at hindi siya mauudyukang sumulong.
• Kausapin ang pinahihirapan nito. Alamin kung ano ang pinaglalabanan niya. Ang pagkakaroon ng isang katapatang-loob na prangka at tapat ay kadalasang ang unang hakbang ng pinahihirapan nito upang masupil ang mga sintomas ng OCD.—Kawikaan 17:17.
• Huwag gumawa ng mga paghahambing. Ang OCD ay gumagawa ng matinding mga simbuyo na hindi gaya niyaong nadarama ng mga hindi pinahihirapan nito. Kaya karaniwan nang hindi mabisang isaysay kung paano mo nasusupil ang iyong mga simbuyo.—Ihambing ang Kawikaan 18:13.
• Tulungan ang pinahihirapan nito na magtakda at abutin ang makatotohanang mga tunguhin. Pumili ng isang sintomas, at gumawa ng isang serye ng mga tunguhin na dapat mapagtagumpayan. Magsimula sa tunguhin na hindi gaanong mahirap abutin. Halimbawa, ang isang tunguhin ay ang maligo nang hindi lalampas sa itinakdang haba ng panahon.
• Papurihan ang pagsulong. Pinatitibay ng papuri ang tamang paggawi. Ang bawat hakbang ng pagsulong—gaano man ito kaliit—ay mahalaga.—Kawikaan 12:25.
Ang pamumuhay na kasama ng isang pinahihirapan ng OCD ay maaaring nakasasaid ng damdamin sa mga miyembro ng pamilya. Kaya nga, ang mga kaibigan ay dapat na maging maunawain at tumulong sa anumang praktikal na mga paraang magagawa nila.—Kawikaan 18:24b.
[Mga larawan sa pahina 21]
Sobrang paghuhugas at paninigurado—dalawang sintomas ng OCD