Ang Pagbangga ng Kometa!
SA LOOB ng isang linggo noong Hulyo 1994, ang pagbangga ng halos 20 mga labi ng kometang Shoemaker-Levy 9 sa planetang Jupiter ang umagaw ng atensiyon ng mga astronomo sa buong daigdig. Namangha ang mga nagmamasid ng kometa, yamang ang nakita nila ay naging, gaya ng sabi ng isang astronomo, “ang madulang pagtatanghal ng siglo sa kalangitan.” Bakit ang pangyayaring ito ay lumampas sa mga inaasahan?
Una, ang mga labi ng kometa, na humahagibis sa halos 200,000 kilometro bawat oras, ay nakagawa ng malaking pagsabog anupat ang labis-labis na mga hula lamang ang makikitaan ng ganito. Ang pagpasok ng mga ito sa atmospera ng Jupiter ay nagdulot ng mga liwanag na tumagal lamang ng ilang segundo. Pagkatapos, ang ubod ng init na gas ay bumuga sa atmospera, na bumuo ng pagkalaki-laking bola ng apoy anupat ang pinakamalakas na pagsabog ay sandaling lumampas sa temperatura ng pinakamukha ng araw! Sa sumunod na 10 hanggang 20 minuto, ang naglalakihang gahaliging usok ay pumailanlang hanggang sa kasintaas ng 3,200 kilometro.
Isa pa, ang unang ipinalagay na di-kaayaayang mga kalagayan sa pagmamasid ay naging halos sukdulan sa ganda. Dahil sa ang banggaan ay naganap sa madilim na bahagi ng Jupiter, ang ubod ng ningning na mga liwanag at gahaliging usok ay mas madaling matutop. Sa ilang kalagayan ang mga tuktok ng gahaliging usok ay makikita na pumapaibabaw sa guhit-tagpuan ng Jupiter, at sa loob ng sampung minutong banggaan, ang pag-ikot ng Jupiter ay nagpangyaring makita nang tuwiran sa lupa ang lugar kung saan naganap ang banggaan. Ang sumunod na sampung minuto pa ay nagpangyaring makita sa liwanag ng araw ang pinangyarihan ng banggaan. Sa panahong iyon, ang gahaliging usok ay naglaho, at ang mga ito’y napalitan ng naglalakihan, maiitim na batik. Ang mga batik na ito—ang pinakamalaki ay dalawang ulit ng laki ng lupa—ay hindi nahulaan ng mga astronomo, subalit ang mga ito’y lumitaw na siyang pinakakapansin-pansing bagay na makikita.
Ang sasakyang pangkalawakan na Galileo ay nagbigay ng tuwirang kuha ng mga banggaan. Sa orbita ng lupa ay napagmasdan ng Hubble Space Telescope ang mga banggaan sa mga wavelength ng nakikita at ultraviolet na liwanag. Nasukat ng ibang obserbatoryo ang lakas ng pagsabog ng kometa sa iba’t ibang wavelength na pantanging pinili upang magbigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon. Sa Timog Polo, ang araw ay hindi kailanman sumikat, na nagpahintulot na makapagmasid nang patuluyan mula sa teleskopyong South Pole Infrared Explorer.
Nakakita ang mga nagmamasid sa kalangitan ng kakaibang magandang bagay. Kailan kaya magaganap ang susunod na kamangha-manghang pagtatanghal ng kometa? Ang kometang Hale-Bopp, na makikita na mismo ng mga mata, ay maaaring ang pinakamaningning na kometa na makikita natin sa siglong ito. Babagtasin nito ang 198 milyong kilometro sa ating planeta. Ang mga nagmamasid ng kometa sa Hilagang Hemispero ay baka ibig na panoorin ang Hale-Bopp sa buwan ng Abril 1997. Ang lahat ng ito ay nagpapagunita sa atin na tayo’y nabubuhay sa isang napakalakas, nagbabagong sansinukob na nilikha ni Jehova, “ang Ama ng makalangit na mga liwanag.”—Santiago 1:17; Awit 115:16.
[Larawan sa pahina 21]
Ang maiitim na batik ang nagmarka sa mga lugar kung saan nagbanggaan ang mga labi ng kometa sa Jupiter
[Credit Line]
Pangkat ng Hubble Space Telescope Comet at ang NASA