Ano Ba ang Internet?
DAHIL sa paggamit ng Internet, si David, isang guro sa Estados Unidos, ay nakakuha ng mga materyal para sa pagtuturo ng kaniyang mga kurso. Ginamit ito ng isang ama sa Canada upang makipag-ugnayan sa kaniyang anak na babae sa Russia. Ginamit ito ni Loma, isang maybahay, upang suriin ang siyentipikong pananaliksik tungkol sa maagang pinagmulan ng sansinukob. Ginamit ito ng isang magsasaka upang hanapin ang impormasyon tungkol sa bagong mga pamamaraan ng pagtatanim na gumagamit ng mga satelayt. Ang mga korporasyon ay naaakit dito dahil sa lakas nitong mag-anunsiyo ng kanilang mga produkto at mga serbisyo sa milyun-milyong potensiyal na mga parokyano. Nababasa ng mga tao sa buong daigdig ang pinakahuling pambansa at internasyonal na balita sa pamamagitan ng napakaraming paglilingkod nito sa pag-uulat at pagbibigay ng impormasyon.
Ano ba ang kakaibang bagay na ito sa computer na tinatawag na Internet, o ang Net? Personal mo bang kailangan ito? Bago ka magpasiyang gumamit ng Internet, baka gusto mong malaman ang ilang bagay tungkol dito. Sa kabila ng lahat ng magastos na pag-aanunsiyo, may mga dahilan upang mag-ingat, lalo na kung may mga bata sa bahay.
Ano ba Ito?
Gunigunihin ang isang silid na puno ng maraming gagamba, bawat isa’y naghahabi ng kaniyang sariling sapot. Ang mga sapot ay lubhang magkakarugtong anupat ang mga gagamba ay malayang makapaglalakbay sa nakalilitong mga sapot na ito. Mayroon ka na ngayong pinasimpleng ideya tungkol sa Internet—ang pangglobong kalipunan ng maraming iba’t ibang uri ng mga computer at mga network ng computer na magkakaugnay. Kung paanong nagagawa ng telepono na makausap mo ang isa sa kabilang panig ng mundo na mayroon ding telepono, nagagawa ng Internet ang isang tao na maupo sa harap ng kaniyang computer at makipagpalitan ng impormasyon sa iba pang computer at mga gumagamit ng computer saanmang dako sa daigdig.
Tinutukoy ng ilan ang Internet bilang ang information superhighway. Kung paanong ang isang lansangan ay nagpapahintulot ng paglalakbay sa iba’t ibang dako ng bansa, pinahihintulutan din ng Internet ang impormasyon na dumaloy sa maraming iba’t ibang magkakaugnay na mga network ng computer. Habang naglalakbay ang mga mensahe, ang bawat network na naaabot ay naglalaman ng impormasyon na tumutulong sa pag-uugnay ng kalapit na network. Ang panghuling patutunguhan ng mensahe ay maaaring sa ibang lunsod o bansa.
Ang bawat network ay maaaring “magsalita” sa kalapit nitong network sa pamamagitan ng iisang kalipunan ng mga alituntunin na ginawa ng mga nagdisenyo ng Internet. Sa buong daigdig, ilang network ang magkakaugnay? Tinataya ng ilan na may mahigit na 30,000. Ayon sa mga surbey kamakailan, pinag-uugnay ng mga network na ito ang mahigit na 10,000,000 computer at mga 30,000,000 gumagamit nito sa buong daigdig. Tinatayang ang bilang ng napag-uugnay na mga computer ay dumodoble sa bawat taon.
Ano ang masusumpungan ng mga tao sa Internet? Naglalaan ito ng mabilis dumaming kalipunan ng impormasyon, na may mga paksang mula sa medisina hanggang sa siyensiya at teknolohiya. Itinatampok nito ang napakaraming materyal tungkol sa sining gayundin ang materyal sa pananaliksik para sa mga estudyante at ang mga ulat o report tungkol sa pag-aaliw, paglilibang, isports, pamimili, at mga mapapasukang trabaho. Dahil sa Internet ay magagamit mo ang mga almanak, diksyunaryo, ensayklopidiya, at mga mapa.
Subalit, may ilang nakababahalang aspekto na dapat isaalang-alang. Maituturing bang kanais-nais ang lahat ng bagay sa Internet? Anong mga serbisyo at pinagkukunan ng impormasyon ang iniaalok ng Internet? Anong mga pag-iingat ang dapat gawin? Tatalakayin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
Pinagmulan at Disenyo ng Internet
Ang Internet ay nagsimula bilang isang eksperimento ng Kagawaran ng Tanggulan sa Estados Unidos noong mga taon ng 1960 upang tulungan ang mga siyentipiko at mga mananaliksik mula sa iba’t ibang dako na magtrabahong sama-sama sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kakaunti at mahal na mga computer at ang kanilang mga salansan ng impormasyon. Ang tunguhing ito ay nangailangan ng paglikha ng isang kalipunan ng magkakaugnay na mga network na kikilos bilang isang magkakaugnay na sistema.
Ang Cold War ay pumukaw ng interes sa isang network na “bombproof.” Kung masira ang isang bahagi ng network, ang impormasyon ay makararating pa rin sa patutunguhan nito sa tulong ng natitirang bahagi nito. Sa resultang sistema ng Internet, ang pananagutan sa ruta ng mensahe sa gayon ay ikinakalat sa buong network sa halip na nakasentro lamang sa isang lugar.
Sa kalakhang bahagi ang Internet, ngayo’y mahigit nang dalawang dekada, ay naging popular dahil sa paggamit ng mga browser. Ang browser ay isang kasangkapang software na ginagawang lubhang simple ang proseso para sa isang gumagamit na “dumadalaw” sa iba’t ibang dako ng Internet.