Maaaring Makayanan ang Kaigtingan!
“Laging magkakaroon ng kaigtingan sa buhay, at ang talagang dapat nating suriin ay ang ating reaksiyon dito sa halip na sikaping alisin ang kaigtingan.”—Leon Chaitow, kilalang manunulat tungkol sa kalusugan.
INIHULA ng Bibliya na sa “mga huling araw,” magkakaroon ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Maliwanag na ipinakikita ng patotoo na nabubuhay tayo sa panahong iyon, sapagkat ang mga tao ay—bilang katuparan ng hula—“mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri.”—2 Timoteo 3:1-5.
Hindi nakapagtatakang napakahirap manatiling mahinahon! Kahit yaong nagsisikap mamuhay nang payapa ay maaaring apektado. “Marami ang kalamidad ng isa na matuwid,” ang isinulat ng salmistang si David. (Awit 34:19; ihambing ang 2 Timoteo 3:12.) Gayunpaman, marami kang magagawa upang maibsan ang kaigtingan nang sa gayo’y hindi ka madaig nito. Tingnan ang sumusunod na mga mungkahi.
Ingatan ang Iyong Sarili
Bantayan kung ano ang iyong kinakain. Kasali sa nakapagpapalusog na pagkain ang mga protina, prutas, gulay, binutil at iba pang butil, at mga produkto ng gatas. Iwasan ang pinong puting harina at ang taba na galing sa hayop. Bantayan ang iyong paggamit ng asin, pinong asukal, alkohol, at caffeine. Pagbutihin ang iyong pagkain, at hindi ka gaanong maaapektuhan ng kaigtingan.
Ehersisyo. “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang,” payo ng Bibliya. (1 Timoteo 4:8) Totoo, ang katamtaman ngunit palagiang ehersisyo—tatlong beses sa isang linggo ang inirerekomenda ng ilan—ay nagpapalakas sa puso, nagpapabuti sa sirkulasyon, nagpapababa sa kolesterol, at nakababawas sa posibilidad na ikaw ay atakihin sa puso. Higit pa rito, ang ehersisyo ay nagpapabuti ng pakiramdam, malamang dahil lumalabas ang mga endorphin sa panahon ng mapuwersang gawain.
Matulog nang sapat. Ang puyat ay nakapapagod at nakababawas sa iyong kakayahan na harapin ang kaigtingan. Kung nahihirapan kang matulog, sikaping magtakda ng regular na oras para sa pagtulog at paggising. Inirerekomenda ng ilan na ang pag-idlip ay limitahan lamang nang hanggang 30 minuto upang hindi ito maging sagabal sa mahimbing na pagtulog sa gabi.
Maging organisado. Ang kaigtingan ay mas nakakayanan ng mga taong nagsasaayos ng kanilang panahon. Upang maging organisado, tiyakin muna ang mga pananagutan na dapat unahin. Sumunod, gumawa ng iskedyul upang hindi makaligtaan ang mga ito.—Ihambing ang 1 Corinto 14:33, 40 at Filipos 1:10.
Panatilihin ang Mabubuting Ugnayan
Humingi ng tulong. Sa maiigting na panahon yaong may mga kaibigan at kakilala sa paano man ang nagtatamo ng proteksiyon upang hindi madaig. Ang pagkasumpong ng kahit isa lamang mapagtatapatang kaibigan ay maaaring maging isang malaking tulong. Sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang tunay na kasamahan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak pagka may kagipitan.”—Kawikaan 17:17.
Lutasin ang mga alitan. “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Efeso 4:26) Ang karunungan sa paglutas kaagad ng mga di-pagkakaunawaan sa halip na magkimkim ng galit ay ipinakikita ng pag-aaral sa 929 na nakaligtas sa atake sa puso. Yaong mga magagalitin ay tatlong ulit ang kalamangan na mamatay sa atake sa puso sa loob ng sampung taon pagkatapos ng unang atake kaysa sa mga kapareho nila ngunit mahihinahon. Sinabi ng mga may-akda sa pag-aaral na ito na bagaman ang galit ay waring siyang pinakamalakas na salik, anumang matinding negatibong emosyon na nagpapasilakbo ng mga hormone ng kaigtingan sa buong katawan ay maaaring magdulot ng katulad na epekto. “Ang paninibugho ay kabulukan sa mga buto,” sabi ng Kawikaan 14:30.
Maglaan ng panahon para sa pamilya. Inutusan ang mga magulang na Israelita na gumugol ng panahon kasama ng kanilang mga anak, na ikinikintal sa kanilang puso ang matuwid na mga simulain. (Deuteronomio 6:6, 7) Ang buklod na naganap ay nagdulot ng pagkakaisa ng pamilya—isang bagay na talagang kailangang-kailangan sa ngayon. Isiniwalat ng isang pag-aaral na ang ilang mag-asawang nagtatrabaho ay gumugugol ng aberids na 3.5 minuto lamang sa pakikipaglaro sa kanilang mga anak bawat araw. Gayunman, ang iyong pamilya ay maaaring pagmulan ng pagkalaki-laking tulong at lakas kapag napaharap ka sa kaigtingan. “Ang pamilya ay nagbibigay sa iyo ng walang-pasubaling garantiya ng emosyonal na tulong mula sa isang grupo na talagang nakakakilala sa iyo kung sino ka talaga at nagugustuhan ka anuman ang mangyari,” sabi ng isang aklat tungkol sa kaigtingan. “Ang pagtutulungan ng pamilya ay isa sa pinakamahusay na paraan upang mabawasan ang kaigtingan.”
Maging Timbang sa Iyong Buhay
Maging makatuwiran. Ang isang taong laging sinasagad ang kaniyang sarili sa pisikal at emosyonal na paraan ay pangunahing kandidato sa burnout at malamang sa panlulumo. Ang susi ay ang pagiging timbang. “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran,” isinulat ng alagad na si Santiago. (Santiago 3:17; ihambing ang Eclesiastes 7:16, 17 at Filipos 4:5.) Matutong tumanggi sa mga kahilingan na higit sa iyong makakayanang asikasuhin.
Huwag ihambing ang iyong sarili sa iba. Sinasabi ng Galacia 6:4: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.” Oo, maging sa mga bagay tungkol sa pagsamba, hindi gumagawa ang Diyos ng di-kanais-nais na paghahambing, na humihingi ng higit sa makakaya natin bilang mga indibiduwal. Tinatanggap niya ang ating mga kaloob at mga hain ‘ayon sa taglay natin, hindi ayon sa hindi natin taglay.’—2 Corinto 8:12.
Maglaan ng panahon upang magrelaks. Maging si Jesus, bagaman napakasipag, ay naglaan ng panahon upang siya at ang kaniyang mga tagasunod ay makapagpahinga. (Marcos 6:30-32) Nadama ng kinasihang manunulat ng Eclesiastes na kapaki-pakinabang ang mabuting paglilibang. Sumulat siya: “Pinuri ko ang pagsasaya, sapagkat ang sangkatauhan ay walang anumang maigi sa ilalim ng araw kaysa sa kumain at uminom at magsaya, at na ito ang kasama nila sa kanilang pagpapagal sa mga araw ng kanilang buhay, na ibinigay sa kanila ng tunay na Diyos sa ilalim ng araw.” (Eclesiastes 8:15) Ang timbang na kasiyahan ay makapagpapanariwa sa katawan at makatutulong na matapatan ang kaigtingan.
Makatuwirang Pangmalas sa Kaigtingan
Kapag napaharap sa maiigting na kalagayan:
Huwag isiping hindi ka sinang-ayunan ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Bibliya na sa loob ng maraming taon ay ‘mapait ang kaluluwa’ ni Hana, isang tapat na babae (“lubhang nababagabag,” Revised Standard Version). (1 Samuel 1:4-11) Sa Macedonia, si Pablo ay “nasa kabagabagan sa bawat pagkakataon.” (2 Corinto 7:5, Byington) Bago siya mamatay, si Jesus ay ‘napasa-matinding paghihirap,’ at gayon na lamang katindi ang kaniyang kaigtingan anupat “ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.”a (Lucas 22:44) Ang mga ito ay tapat na mga lingkod ng Diyos. Samakatuwid, kapag dumaranas ka ng kaigtingan, walang dahilan upang isiping pinabayaan ka na ng Diyos.
Matuto mula sa iyong mga nakapipighating kalagayan. Sumulat si Pablo na kinailangan niyang tiisin ang “isang tinik sa laman,” walang alinlangan na isang suliranin sa kalusugan na labis na pumighati sa kaniya. (2 Corinto 12:7) Subalit pagkaraan ng mga limang taon, nasabi niya: “Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paanong mabusog at kung paanong magutom, kapuwa kung paanong magkaroon ng kasaganaan at kung paanong magtiis ng kakapusan. Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:12, 13) Hindi nasiyahan si Pablo sa kaniyang “tinik sa laman,” ngunit sa pagtitiis dito, natutuhan niya kung paano higit na aasa sa Diyos ukol sa lakas.—Awit 55:22.
Pagyamanin ang Espirituwalidad
Basahin at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos. “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” sabi ni Jesus. (Mateo 5:3) Mahalaga ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos. Malimit, sa pamamagitan ng masikap na pagsasaliksik sa Kasulatan, nasusumpungan natin ang tamang-tamang pampatibay-loob na kailangan natin upang makaraos sa maghapon. (Kawikaan 2:1-6) “Kapag marami ang aking nakababalisang kaisipan,” sumulat ang salmista, “ang iyong [sa Diyos na] kaaliwan ay nagsimulang magbigay-lugod sa aking kaluluwa.”—Awit 94:19.
Palagiang manalangin. Sumulat si Pablo: “Ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Oo, “ang kapayapaan ng Diyos” ay maaaring makahigit sa ating kabagabagan at pakalmahin ito, maging kapag kailangan ang “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Corinto 4:7.
Dumalo sa mga pulong Kristiyano. Ang kongregasyong Kristiyano ay naglalaan ng mahalagang tulong, sapagkat yaong mga kabilang dito ay pinapayuhan na ‘isaalang-alang ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at maiinam na gawa, . . . nagpapatibayang-loob sa isa’t isa.’ May mabuting dahilan nga na sinabihan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano noong unang siglo na ‘huwag pabayaan ang kanilang pagtitipon.’—Hebreo 10:24, 25.
Isang Tiyak na Pag-asa
Totoo, ang pagbabawas ng kaigtingan ay karaniwan nang higit pa sa pagsunod ng isang simpleng pormula. Kadalasan, kailangan ang malaking pagbabago sa pag-iisip. Halimbawa, baka kailangang matuto ang isang tao ng mga bagong paraan ng pagharap sa kaniyang mga kalagayan upang hindi siya madaig ng mga ito. Sa ilang kaso ay baka kailangan ang tulong ng mahusay na manggagamot dahil sa dalas at tindi ng kaigtingan.
Mangyari pa, walang sinuman sa ngayon ang nabubuhay nang lubusang malaya sa nakasasamang kaigtingan. Subalit tinitiyak sa atin ng Bibliya na malapit nang ibaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga tao at alisin ang mga kalagayan na nagdudulot sa kanila ng labis na nakapipinsalang kaigtingan. Sa Apocalipsis 21:4, mababasa natin na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Pagkatapos, tatahan sa katiwasayan ang tapat na sangkatauhan. Inihula ni propeta Mikas: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo.”—Mikas 4:4.
[Talababa]
a Ang madugong pawis ay iniulat na nangyayari sa ilang kaso ng matinding kabagabagan ng isip. Halimbawa, sa hematidrosis, lumalabas ang pawis na may bahid ng dugo o may kulay ng dugo o tubig ng katawan na may kasamang dugo. Subalit hindi masasabi nang tiyakan kung ano ang nangyari sa kalagayan ni Jesus.
[Kahon sa pahina 12]
Kaigtingan at Pag-opera
Isinasaalang-alang ng ilang manggagamot ang tindi ng kaigtingan ng kanilang mga pasyente bago sila dalhin sa operating room. Halimbawa, ganito ang sabi ni Dr. Camran Nezhat, isang siruhano:
“Kapag sinabi sa akin ng isang nakatakdang operahan na siya’y natatakot sa araw na iyon at hindi niya gustong maoperahan, kinakansela ko ang operasyon.” Bakit? Ganito ang paliwanag ni Nezhat: “Batid ng bawat siruhano na ang mga taong takot na takot ay hindi nakakaraos nang maayos sa operasyon. Nagdurugo sila nang husto, at mas marami silang impeksiyon at komplikasyon. Mas mahirap silang gumaling. Higit na mabuti kung sila’y kalmado.”
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang pagpapasulong ng iyong espirituwalidad ay makatutulong upang manatili kang kalmado
[Mga larawan sa pahina 11]
Nakababawas ng kaigtingan ang pag-iingat sa iyong kalusugan
Pahinga
Mabuting pagkain
Ehersisyo