Ang Pag-unawa at Pagharap sa Fibromyalgia
MASAKIT ba ang buong katawan mo? Pagod na pagod ka ba? Paggising mo sa umaga, ikaw ba’y naninigas at nahahapo? Pumapalya ba kung minsan ang iyong memorya? Ang mga ito ay maaaring ilan sa mga palatandaan ng fibromyalgia syndrome (FMS).
“Lagi kong naaalaala ang umagang iyon noong 1989 nang magising ako na di-makakilos sa loob ng 45 minuto,” sabi ni Ted.a Gayon nagsimula ang pakikipagpunyagi ni Ted sa fibromyalgia, na ang saligang kahulugan ay “kirot sa gatil, litid, at kalamnan.”
Marahil isang kaibigan o kapamilya ang may FMS. Paano ka makatutulong? O kung ikaw ang mayroon nito, ano ang maaaring gawin? Ang pagiging may lubos na kabatiran ay isang malaking hakbang sa pag-unawa at pagharap sa suliraning ito. Gayunman, hindi lahat ng nakadarama ng nabanggit na mga sintoma ay talagang may FMS.
Binigyang-kahulugan ang Fibromyalgia
Ayon sa American College of Rheumatology, “ang diyagnosis sa fibromyalgia ay batay sa nararanasan ng tao na talamak at malaganap na kirot at pagkasumpong ng manggagamot ng maseselan na bahagi sa iba’t ibang lokasyon.” Nariyan din ang iba pang sintoma, na ang ilan ay katulad sa chronic fatigue syndrome (CFS).
Ang totoo, maraming tao na may FMS ay mayroon ding CFS at iba pang karamdaman. Pangkaraniwan na sa mga may FMS ang panlulumo at di-normal na pagkabalisa, at waring ang FMS ang siyang karaniwang sanhi ng mga suliraning ito at hindi ang resulta. Maaaring lumala ang FMS dahil sa panlabas na mga kalagayan gaya ng pagiging sobra o kulang sa pisikal na gawain, pagdaraan ng malamig na simoy ng hangin, isang gabing walang tulog, o labis na kaigtingan.
Palibhasa’y dating kilala sa pamamagitan ng iba’t ibang pangalan na kasali rito ang fibrositis, ang FMS ay hindi naman nakababalda o nakalulumpo, ni ito sa ganang sarili ay nakamamatay. Samantalang hindi masasabi nang tiyakan na ang FMS ay namamana, natuklasan ito sa mahigit sa isang miyembro ng ilang pamilya. Apektado nito ang milyun-milyon katao at nararanasan ng mga adulto sa lahat ng edad, na doo’y mga babae ang higit na apektado kaysa sa mga lalaki.
Ang Sanhi ng FMS
Sari-saring teoriya ang iniharap bilang sanhi ng FMS. Maaaring iyon ay isang virus o pagiging hindi timbang sa neurotransmitter serotonin, na nakaaapekto sa pagtulog, at ang pagiging di-timbang sa mga kemikal gaya ng endorphin, ang likas na panlaban ng katawan sa kirot. Patuloy pa rin ang pananaliksik tungkol sa mga teoriyang ito at sa iba pa.
Kung titingnan sa pamamagitan ng mikroskopyo ay mukhang malusog naman ang mga kalamnan niyaong may FMS, ngunit ang mga bahagi ng selula na nagbibigay ng lakas ay maaaring hindi gumagana nang normal. Ang sanhi at ang lunas ay parehong hindi pa alam. Sa maraming kaso ay nagkukuwento ang indibiduwal ng isang partikular na pangyayaring traumatiko sa pisikal o sa emosyonal na paraan bilang pasimula ng kaniyang mga sintoma, samantalang para naman sa iba ay hindi gaanong halata ang pasimula.
Mga Suliranin sa Pagsusuri sa FMS
Yamang karamihan sa mga sintoma nito ay maaaring masumpungan sa iba pang mga kalagayan, ganito ang sabi ni Dr. Carla Ockley, mula sa Canada: “Ang FMS ay hindi laging siyang unang pinaghihinalaang sanhi kapag dumating ang pasyente na kumikirot ang kaniyang mga kasukasuan. Kung nananatili pa rin ang mga suliranin sa kabila ng ilang pagpapatingin, kung gayo’y nagsusuri pa kami nang higit. Kapag FMS ang siyang diyagnosis, karaniwan nang pinapupunta ko ang pasyente sa isang reumatologo para makatiyak.”
Subalit hanggang kamakailan, wala pang pamantayan sa pagsusuri ng FMS, kaya ang suliranin ay batay sa personal na opinyon—samakatuwid nga, ayon lamang sa nararamdaman ng pasyente—at normal ang mga resulta ng pagsusuri. Sa gayon, maraming doktor ang hindi pamilyar dito. Ganito ang himutok ng isang babaing nagngangalang Rachel: “Nagpunta ako sa iba’t ibang doktor sa loob ng 25 taon at gumasta ng libu-libong dolyar bago wastong nasuri ang aking FMS.”
Saan, kung gayon, masusumpungan ang tulong kung sa palagay mo ay mayroon kang fibromyalgia? Sa kaniyang aklat na When Muscle Pain Won’t Go Away, iminungkahi ni Gayle Backstrom na makipag-ugnayan sa lokal na sangay ng Arthritis Foundation o sa isang reumatologo.
Paggamot
Hanggang ngayon, wala pang subók na lunas na natuklasan para sa FMS, kaya ang paggamot ay karaniwan nang nakatuon sa mga sintoma. Ang isa sa pangunahing bahagi ay nagkakaiba ang kirot, na, kagaya sa ibang sintoma, sa bawat tao at nagbabago sa araw-araw maging sa isang tao.
Dagdag pa sa suliranin, ang mga gamot na pampawi ng kirot at ilang anyo ng paggamot ay waring nagiging hindi na mabisa sa paglipas ng panahon. Ganito ang mungkahi ni Gayle Backstrom: “Kadalasan na kapag sinubukan mong muli ang mga ito sa ibang panahon, minsan pa ay makararanas ka ng isang yugto ng positibong mga resulta.” Sabihin pa, dapat munang magpakonsulta sa iyong doktor. Nariyan din ang panganib ng masasamang epekto o pagkasugapa. Kaya naman, “dapat iwasan ang matatapang na pampawi ng kirot,” mungkahi ng American College of Rheumatology.
Ang isang pangalawang malaking sintoma ay ang kawalan ng mahalagang pagtulog dahil sa kirot at iba pang pang-abala. Si Melanie ay gumagamit ng isang unan para sa katawan upang maibsan ang kirot at ng tunog ng isang humidifier upang di-marinig ang ingay mula sa labas. Maaaring kasali sa iba pang pantulong ang mga earplug at isang kutson na foam o isang tinatawag na eggcrate mattress topper (kutson na yari sa malambot na goma o sintetikong materyal na ang ibabaw ay umbok-umbok na katulad sa karton na lalagyan ng mga itlog).b Ganito ang sabi ni Dr. Dwayne Ayers ng North Carolina: “Pagkatapos na matulungan ko sila na bumuti ang kanilang pagtulog, mas maganda ang pagtugon ng aking mga pasyente sa iba pang paggamot.”
Ayon sa National Institute of Arthritis and Musculoskeletal and Skin Diseases, “ang mga pasyenteng may fibromyalgia ay maaaring makinabang sa isang kombinasyon ng ehersisyo, gamot, physical therapy, at pagrerelaks.” Maaaring kasali sa iba pang paggamot ang pagmamasahe, pagkontrol sa kaigtingan, at mga ehersisyo para mabanat ang katawan. Gayunpaman, para sa isa na laging dumaranas ng kirot at pagkahapo, waring imposible ang pag-eehersisyo. Kaya inirerekomenda ng ilan ang pagsisimula nang dahan-dahan. At tiyaking kumunsulta sa iyong doktor bago magsimula ng anumang programa sa ehersisyo.
Sa isyu nito ng Hulyo 1997, sinipi ng newsletter na Fibromyalgia Network ang sinabi ni Sharon Clark, isang pisyologo sa ehersisyo at mananaliksik sa Portland, Oregon, na kapag hindi ka makapag-ehersisyo sa loob ng 20 o 30 minuto, “maaari kang maglakad sa loob ng 5 minuto nang anim na beses sa isang araw at makatutulong ang mga epekto nito.” Ang katamtamang uring-aerobic na ehersisyo ay nagpaparami ng mga endorphin, nagpapabuti sa pagtulog, at nagdadala ng oksiheno sa sistema at mga kalamnan.
Ngunit nagkakaiba-iba ang mga tao, at maaaring sila’y sumasapit sa iba’t ibang antas ng kanilang FMS. Ganito ang sabi sa atin ni Elaine: “Malaking bagay na sa akin ang paglakad nang paroo’t parito nang minsanan sa aking driveway, samantalang ang aking matalik na kaibigan na mayroon ding FMS ay naglalakad ng isang milya.” Hindi ito isang kaso ng “kung walang tiyaga, walang nilaga,” kundi ito’y maliwanag na isang situwasyong “huwag kang susuko.” Si Ted, na may CFS at FMS, ay nagsabi: “Sa una ay nagagamit ko lamang nang minsan sa isang linggo ang aking bisikletang pang-ehersisyo sa loob ng dalawa o tatlong minuto. Ngayon ay nakapag-eehersisyo na ako sa loob ng 20 minuto nang tatlo o apat na beses sa isang linggo. Pero umabot ng apat na taon bago ko nagawa ito.”
Bumangon ang isyu tungkol sa panghaliling pamamaraan, gaya ng acupuncture, chiropractic, at iba pang uri ng paggamot o ang paggamit ng mga damong-gamot o iba pang suplemento sa diyeta. Samantalang iginigiit ng ilan na bumuti sila sa pamamagitan ng paggamit sa ilan sa mga nabanggit, ang iba naman ay hindi bumuti. Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang ilan sa mga ito, ngunit hindi pa rin tiyak ang mga resulta.
Kung minsan ang mga gamot ay magpapadama sa isa ng matinding gutom, o ang pagkain ay nagiging isang paraan ng pagharap sa kabalisahan. Gayunman, ang higit na timbang ay lalong nagpapaigting sa mga kalamnan, na nagbubunga ng higit pang kirot. Kaya sa ilang kaso, irerekomenda ng isang doktor ang pagbabawas ng ilang libra mula sa timbang.
Ang diyagnosis na nagsisiwalat ng FMS ay maaaring maging sanhi ng pagkatakot at galit. Gayunman, may mga paraan upang harapin ang normal na mga damdaming gaya nito nang sa gayo’y walang masaktan. Ang pagdadalamhati ay isa pang pangkaraniwang reaksiyon. Likas lamang na mamighati kung nawalan tayo ng isang bagay na mahal sa atin gaya ng ating kalusugan.
Kapag Naapektuhan Na Nito ang Iyong Trabaho
Yaong mga may FMS ay maaaring magkaproblema sa trabaho. Maraming taon na sa kaniyang trabaho si Li, ngunit ang pagtatrabaho ay nagiging lalong mahirap dahil sa kaniyang kalusugan. Pagkatapos makipag-usap sa kaniyang mga amo, nakakuha siya ng isang trabahong part-time sa kompanya ring iyon, at nakabawas ito sa kaniyang kaigtingan. Gayundin, laking gulat niya dahil tumaas ang ibinabayad sa kaniya sa bawat oras ng trabaho.
Maaaring makatulong sa iyo ang isang occupational o physical therapist upang makakita ng mga paraan upang magawa ang iyong trabaho nang hindi gaanong nagdudulot ng kaigtingan sa iyong katawan. Nasumpungan ni Lisa na nakatutulong ang paggamit ng isang upuan na may hawakan. Inirekomenda kay Yvonne na hindi lamang kumuha ng ibang upuan kundi pati ng ibang mesa rin naman. Ngunit kung kailangang magbago ng trabaho, may mga ahensiya na makatutulong sa iyo.
Paano Ka Makatutulong
Ang bawat miyembro ng pamilya, maging ang mumunting bata, ay maaaring matuto tungkol sa FMS at makaunawa na kahit mukhang malusog ang isa na may FMS, siya ay may malubhang sakit na sanhi ng kirot at pagkahapo. Mahalaga rin ang mabuting pag-uusap. Sinabi ni Jennie: “Sa pana-panahon ay nag-uusap ang aming pamilya upang makita kung paano makatutulong ang bawat isa.” Ang isang malaking bahagi ng tagumpay sa pagharap sa FMS ay ang pagkatuto ng maysakit na magtipon ng lakas habang gumagawa pa rin ng mga bagay-bagay. Baka kailanganin dito ang kaunting pagkamaparaan, pati na ang tulong ng iba. Muli, maaaring makatulong dito ang isang occupational therapist.
Makatutulong ka sa isang kaibigan na may FMS sa pamamagitan ng pagiging isang “tagapakinig” na hindi humahatol. Sikaping panatilihing positibo ang pag-uusap, anupat hindi hinahayaang mangibabaw ang fibromyalgia sa buong pag-uusap. Ano ang dapat sabihin o hindi dapat sabihin? Para sa mga mungkahi, tingnan ang kahon sa pahina 23. Kung mayroon kang FMS, sikaping magkaroon ng higit sa isa na “tagapakinig” upang hindi mapagod ang iyon at iyon ding “tagapakinig.” At tandaan, hindi lahat ay laging gustong makinig tungkol sa iyong FMS.
Pakikibagay sa mga Pagbabago
Sa ilang kaso ay may hilig tayo na mainis sa mga pagbabago, lalo na yaong mga sapilitan. Ngunit ganito ang sabi sa atin ng isang physical therapist na nakatulong sa mga isang daang maysakit ng FMS: “Sinisikap kong ipaunawa sa kanila na kailangang tanggapin nila ang kanilang kalagayan. Kailangan din nilang gumawa ng ilang pagbabago sa kanilang buhay at huwag masiraan ng loob dahil sa pansamantalang mga pagkabigo o pagsiklab ng galit. Sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili, kaalaman, pang-unawa, at ehersisyo, maaari nilang makontrol ang kanilang FMS sa halip na hayaang ito ang kumontrol sa kanila.”
Si Dave, na may FMS, ay nagsabi: “Bagaman ang tendensiya ay gumawa nang higit pa sa mga araw na mabuti ang iyong pakiramdam, baka mas matalino na ipunin ang iyong lakas para sa susunod na araw upang hindi mo gugulin sa higaan ang nalalabing bahagi ng sanlinggo.” Gayunman, kung minsan ay baka madama mo na ang pagpunta sa isang okasyon o isang pantanging pagtitipon ay sulit sa daranasin mong kirot pagkaraan nito. Hindi laging makatuwiran na itago ang iyong FMS, lalo na sa mga talagang nagmamalasakit. At sikapin ding manatiling palabiro. “Natuklasan ko na kadalasang nakakatulog akong mabuti pagkatapos tumawa nang husto o pagkatapos manood ng isang kawili-wiling komedya,” komento ni André.
Tandaan din na hindi inihahambing ni Jehova ang nagagawa mo sa nagagawa ng iba kundi pinahahalagahan niya ang pananampalataya at matinding pag-ibig na ipinamamalas mo. (Marcos 12:41-44) Ang mahalaga ay matutong tanggapin ang iyong mga limitasyon, anupat hindi nagiging sobrang-ingat o kaya’y padalus-dalos. Umasa sa Diyos na Jehova na magbibigay sa iyo ng karunungan at lakas na gawin ang buong makakaya mo. (2 Corinto 4:16) At tandaan ang pangakong isang panahon sa malapit na hinaharap na ang lupang ito’y magiging isang paraiso kung saan “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ” (Isaias 33:24) Oo, balang araw ay magiging malusog kang muli!
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang uri ng pantulong sa pagtulog, ni nagrerekomenda man ito ng anumang espesipikong paggamot para sa FMS.
[Kahon sa pahina 22]
Kaaliwan Mula sa Bibliya
• Inililigtas ni Jehova yaong may bagbag na diwa.—Awit 34:18.
• Aalalayan ka ni Jehova.—Awit 41:3.
• Ihagis ang lahat ng iyong pasanin kay Jehova; nagmamalasakit siya sa iyo.—Awit 55:22; 1 Pedro 5:7.
• Nalulugod si Jehova sa iyong buong-kaluluwang pagsisikap na paglingkuran siya, gaano man kalimitado ang paglilingkurang iyon.—Mateo 13:8; Galacia 6:4; Colosas 3:23,24.
• Hindi tayo sumusuko.—2 Corinto 4:16-18.
[Kahon sa pahina 23]
Kung Ano ang Dapat Sabihin
• Nakatutuwang makita ka.
• Tiyak na nahirapan kang makarating dito.
• Narito ako para tumulong. Nagmamalasakit ako sa iyo.
• Pinahahalagahan ko ang nagagawa mo.
Kung Ano ang Hindi Dapat Sabihin
• Nauunawaan ko ang nararanasan mo.
• Mukha ka namang malusog. Paano masasabing maysakit ka?
• Tawagan mo ako kapag may kailangan ka.
[Dayagram sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang itim na mga tuldok ay ilan sa maseselan na bahagi na hinahanap sa pagsusuri ng fibromyalgia
[Larawan sa pahina 24]
Mahalaga ang mabuting pakikipagtalastasan at pag-uusap ng pamilya