Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 7/22 p. 12-13
  • Ang mga Ulilang Rhino ng Kenya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Ulilang Rhino ng Kenya
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapalaki sa mga Rhino
  • Ano ang Kinabukasan ng mga Ulila?
  • Ang Hayop sa Likod ng Napakamahal na mga Sungay na Iyon
    Gumising!—1995
  • May Lugar ba Para sa Tao at Hayop?
    Gumising!—1993
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1989
  • Pagtutok sa Africa
    Gumising!—2015
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 7/22 p. 12-13

Ang mga Ulilang Rhino ng Kenya

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA

ANO ang nangyayari sa iláng kapag napawalay ang isang batang hayop mula sa mga magulang nito? Malamang na mapapatay ito ng mga maninila. Upang mahadlangan ito, sinasagip ng mga tagapag-alaga ng hayop sa ilang sa Kenya ang gayong sanggol na mga hayop at dinadala ang mga ito sa ampunan ng mga hayop. Ang isa sa pinakakilala ay pinamamahalaan ni Daphne Sheldrick sa Nairobi National Park. Sa loob ng marami nang dekada, si Sheldrick ay nagpalaki at nagsauli sa ilang ng maraming hayop, kasali na ang buffalo, antilope, mga pusang civet, warthog, mongoose, elepante, at mga rhino.

Nasa pangangalaga niya noong isang taon ang dalawang sanggol na rhinong itim, sina Magnette at Magnum. Si Magnette ang bulô ng nabubuhay pang si Edith ng Nairobi Park. Ang bulô ay dinala sa ampunan noong kalagitnaan ng Pebrero ng 1997, palibhasa’y napawalay sa ina nito. Nang sa wakas ay matagpuan ng mga tagapag-alaga ang ina ni Magnette, limang araw na ang nakalipas. Sa panahong iyon, malayo nang tanggapin ng ina ang bulô dahil sa tagal ng pagkakawalay at sa amoy ng tao na nasa hayop.

Si Magnum naman ay isinilang noong Enero 30, 1997, at siyang bulô ng isang rhino na pinanganlang Scud, na nabalian ng kanang binti sa unahan, malamang na dahil sa pagtapak sa isang butas habang tumatakbo nang napakabilis. Bagaman pinagsikapan nang husto na pagalingin ang pinsala, nagkaroon ng impeksiyon sa buto, at si Scud ay kinailangang patayin nang walang kirot pagkaraan ng tatlong linggo mula nang isilang si Magnum.

Pagpapalaki sa mga Rhino

Ang mga batang rhino ay sabik na magpalugod at madaling alagaan, ngunit ang pagpapalaki sa mga ito ay hindi isang proyektong pambahay. Tuwing ikaapat na oras sa isang araw, sumususo sila mula sa isang napakalaking bote, anupat umiinom ng itinimplang gatas na full-cream. Kumakain din ang mga ito ng mga palumpong. Bagaman ang mga sanggol na rhino ay mga 40 centimetro lamang ang taas at tumitimbang ng mga 30 hanggang 40 kilo sa pagsilang, napakabilis bumigat ng mga ito​—nadaragdagan ng isang kilo bawat araw! Kapag nasa hustong gulang na, ang isang rhino ay tumitimbang ng mahigit sa isang tonelada.

Sina Magnette at Magnum ay sinasamahan ng mga tagapag-alaga sa kanilang mahabang paglalakad sa buong parke araw-araw. Hindi lamang para mag-ehersisyo ang paglalakad na ito; ito’y may mahalagang layunin​—upang ang rhino ay matutong makibagay sa ilang. Tingnan natin kung paano ito ginagawa.

Malabo ang paningin ng mga rhino, pero matalas naman ang pang-amoy at pambihira ang memorya ng mga ito. Kaya naman, unang nakikilala ng mga rhino ang isa’t isa sa pamamagitan ng amoy. Tinatandaan ng mga rhino ang mga hangganan ng kanilang teritoryo sa pamamagitan ng pag-iiwan ng mga tambak ng dumi (mga midden) at sa pamamagitan ng pagsasaboy ng kanilang ihi sa mga palumpong.

Sa pangkaraniwang mga kalagayan, ang isang bulô ay ipinagsasanggalang ng ina nito, anupat ang bakas ng kakaibang amoy nito ay humahalo sa amoy ng ina hanggang sa malapit nang ipanganak ang susunod na bulô. Sa panahong iyon, ang sanggol ay lubusan nang marunong makibagay at tinatanggap ng tatag nang pamayanan ng mga rhino. Para sa mga baguhang tulad nina Magnette at Magnum, iba naman ang situwasyon. Kailangan nilang idagdag ang kanilang inihuhulog na dumi sa naroroon nang mga midden ng rhino na naninirahan sa lugar na iyon bago sila pagsamahin. Kaya sa kanilang mahahabang paglalakad sa araw-araw, ang mga ulilang rhino ay gumagawa ng sarili nilang kontribusyon sa naroroon nang mga midden sa palumpong. Sa ganitong paraan natutuklasan, sinusuri, at sa wakas ay tinatanggap ng lokal na populasyon ng rhino ang kanilang amoy. Kaya naman, ang relokasyon sa ilang ng mga rhino na pinalaki ng tao ay isang masalimuot na proseso na maaaring umabot ng ilang taon.

Ano ang Kinabukasan ng mga Ulila?

Ayon sa World Wildlife Fund, noong 1970 ay may humigit-kumulang 65,000 itim na rhino sa Aprika. Sa ngayon ay wala pang 2,500 ang naroroon. Ang mabilis na pag-unting ito ay dahil sa mga ilegal na mangangaso na pumapatay ng rhino dahil sa balat at sungay ng mga ito. Sa ilegal na pamilihan, ang sungay ng rhino ay nagkakahalaga ng mahigit sa timbang nito sa ginto. Bakit napakamahal nito?

Una, sa ilang bansa sa Dulong Silangan, naniniwala ang marami na ang pinulbos na sungay ay nakapagpapahupa ng lagnat. Ipinakikita ng mga pagsusuring kemikal na medyo totoo ito tangi lamang kung ibibigay ito sa dami na lubhang mas malaki kaysa sa nasusumpungan sa kasalukuyang mga panlunas. Sabihin pa, maraming iba pang gamot ang nakapagpapahupa ng lagnat.

Pinaghahanap din ang sungay ng rhino dahil sa mga kadahilanang pangkultura. Sa isang bansa sa Gitnang Silangan, ang nakakurbang sundang ay isang pinakamimithing sagisag ng pagkalalaki. Gayon na lamang ang pagpapahalaga sa isang sundang na ang puluhan ay yari sa sungay ng rhino anupat ang mga mamimili ay handang magbayad ng $580 para sa isang puluhan na yari sa bagong sungay at $1,200 para sa puluhang yari sa isang antigong sungay.

Bunga ng ilegal na pangangaso, nawalan ang Kenya ng mahigit sa 95 porsiyento ng rhino nito sa loob ng wala pang 20 taon. Noong mga unang taon ng 1990, ang bilang ay bumaba mula sa 20,000 tungo sa halos wala pang 400. Mula noon, dahil sa mahihigpit na hakbang sa pangangalaga, ang populasyon ng rhino ay umabot na sa 450. Ang Kenya ay isa ngayon sa tatatlong bansa sa Aprika na doo’y matatag o kaya’y dumarami ang populasyon ng itim na rhino. Kaya medyo maganda ang kinabukasan para kina Magnette at Magnum, at umaasa ang kanilang mga tagapag-alaga na sa wakas ay makakasama na ang mga ito sa lokal na pamayanan ng rhino at magkakaroon ng mahaba at maligayang buhay.

[Larawan sa pahina 12]

Si Magnum (kaliwa) at si Magnette sa gulang na apat na buwan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share