Ginto—Ang Hiwaga Nito
Ginto—noon pa man ay pinahahalagahan na ang malambot at kulay matingkad na dilaw na metal na ito dahil sa kakaibang mga katangian nito. Naiiba ito sa lahat ng metal dahil sa kulay, kinang, lambot, at katangian nito na hindi nangingitim. Dahilan sa halaga ng ginto sa isipan ng mga naghahanap dito, may kasaysayan itong di-tulad niyaong sa anumang ibang metal.
“GINTO! Ginto nga ito! Ginto!” Pumitlag ang puso, bumilis ang tibok ng pulso, at pumailanlang ang diwa nang matuklasan ang ginto. Ito’y hinanap na sa lupa, sa mga ilog at batis, at maging libu-libong metro sa ilalim ng lupa.
Bilang mamahaling mga alahas, ang ginto ay naging palamuti sa mga hari at reyna. Naging palamuti ito sa mga trono at mga dingding ng palasyo. Ang mga ginintuang idolo, na kumakatawan sa isda, ibon, hayop, at iba pang mga bagay, ay sinamba bilang mga diyos. Ang walang-lubay na paghahanap ng ginto ay napakalawak, gaya rin ng naging epekto nito sa kabihasnan.
Ginto at Kasaysayan
Sa sinaunang Ehipto, isinugo ng mga paraon ang kani-kanilang mga mangangalakal at hukbo sa mga liblib na lupain upang humanap ng ginto, na itinuring na ganap na pag-aari ng mga diyos at mga paraon ng Ehipto. Ang libingan ni Tutankhamen, na natuklasan noong 1922, ay punô ng di-matutumbasang halaga ng mga kayamanang ginto. Maging ang kaniyang kabaong ay yari sa purong ginto.
Ayon sa ilang istoryador, si Alejandrong Dakila ay “unang nahikayat na magtungo sa Asia dahil sa napabalitang mga kayamanang ginto ng Persia.” Iniulat na libu-libong mga hayop na panghakot ang ginamit ng kaniyang hukbo upang dalhin pabalik sa Gresya ang mga ginto na kaniyang sinamsam sa Persia. Bilang resulta, naging isang bansang mayaman sa ginto ang Gresya.
Iniulat ng isang istoryador na “walang-patumanggang ginamit ng mga emperador [ng Roma] ang ginto upang makamit ang katapatan ng kanilang mga opisyal at upang maimpluwensiyahan ang matataas na pinuno ng ibang lupain. Pinahanga nila at madalas na tinakot ang kanilang mamamayan dahil sa laki ng kanilang kayamanan, na madaling naipangalandakan sa pamamagitan ng pagpaparangya ng mariringal na kagayakang yari sa ginto.” Natamo ng mga Romano ang napakaraming ginto nang malupig nila ang Espanya at makuha nila ang mga minahan ng ginto roon, ayon sa isang publikasyon.
Gayunman, ang kuwento tungkol sa ginto ay hindi makukumpleto kung hindi uungkatin ang madugong kasaysayan nito. Ito’y isang kuwento ng pananakop, pagmamalupit, pang-aalipin, at kamatayan.
Isang Kasaysayang Tigmak sa Dugo
Habang sumusulong ang kabihasnan, naglayag ang mas malalaki at mas malalakas na sasakyang pandagat upang tumuklas ng mga bagong lupain, manirahan sa mga bagong kolonya, at maghanap ng ginto. Nahumaling ang maraming manggagalugad sa paghahanap ng ginto, kasali na ang naunang maglalayag na si Christopher Columbus (1451-1506).
Walang halaga kay Columbus ang buhay ng mga katutubo noong siya’y naghahanap ng ginto. Bilang pagsasalaysay ng kaniyang naging karanasan sa isang isla sa hari at reyna ng Espanya na tumustos sa kaniyang ekspedisyon, isinulat ni Columbus sa kaniyang talaarawan: “Upang makapamahala rito, kailangan lamang na manirahan dito at magpakita ng awtoridad sa mga katutubo, na susunod sa lahat ng iutos sa kanila. . . . Ang mga Indian . . . ay walang kasuutan at walang kalaban-laban, kung kaya wala silang magagawa kundi sumunod sa mga utos at magtrabaho.” Nanalig si Columbus na nasa kaniya ang pagbasbas ng Diyos. Makatutulong ang mga gintong kayamanan upang matustusan ng Espanya sa banal na pakikidigma nito. ‘Kaawaan sana ako ng Diyos at tulungang makasumpong ng ginto,’ minsan ay nasabi niya matapos tumanggap ng isang gintong maskara bilang regalo.
Ang mga Kastilang konkistador, na naglayag sa karagatan upang humanap ng ginto kasunod ni Columbus, ay pinag-utusan ni Haring Ferdinand ng Espanya: “Dalhin ninyo sa akin ang ginto! Kunin ninyo ito sa makataong paraan, hangga’t maaari. Pero dalhin ninyo ito sa akin, sa anumang paraan.” Libu-libong katutubo na nakasagupa nila sa Mexico at Sentral at Timog Amerika ang pinaslang ng mga walang-awang manggagalugad. Ang mga gintong ipinadala sa Espanya ng mga konkistador ay makalarawang tigmak ng dugo.
Dumating naman ang mga pirata, taglay ang bandilang di-pag-aari ng anumang bansa. Sa laot ng karagatan, nilooban nila ang mga galeon ng mga Kastila na may kargang mga ginto at iba pang mahahalagang kayamanan. Ang mga galeon, na kadalasa’y kulang sa sandata at mga tauhan, ay walang nagawa laban sa lubusang nasasandatahang mga pirata. Noong ika-17 at ika-18 siglo, ang panunulisan ang salot sa karagatan, lalo na sa West Indies at sa kahabaan ng baybayin ng Amerika.
Ika-19-na-Siglong Pagdaragsaan Dahil sa Ginto
Noong 1848, nakatuklas ng ginto sa Sacramento Valley, sa California. Mabilis na kumalat ang balita, at dumagsa ang sunud-sunod na mga dayuhan upang makapanguha. Nang sumunod na taon, ang California ay kinubkob ng sampu-sampung libong “forty-niners”—mga taong nakikipagsapalaran mula sa lahat ng sulok ng daigdig. Lumaki ang populasyon ng California mula 26,000 noong 1848 tungo sa mga 380,000 noong 1860. Iniwan ng mga magsasaka ang kanilang lupain, tinakasan ng mga magdaragat ang kanilang barko, nilayasan ng mga sundalo ang hukbo—makapaglakbay lamang upang makipagsapalaran sa ginto. Ang ilan ay inilarawan bilang “walang-kuwentang mga tao na uhaw-sa-dugo.” Dahil sa pagsasama-samang ito ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa, biglang dumami ang krimen at karahasan. Yaong mga napasubo na dahil sa pagkagahaman sa ginto subalit ayaw namang paghirapan ito ay nagnakaw na lamang, anupat nilolooban ang mga karuwahe at mga tren.
Noong 1851, kasunod ng pagdaragsaan sa California dahil sa ginto, napabalita naman na may natuklasang malalaking deposito ng ginto sa Australia. “Hindi kapani-paniwala ang dami ng nakukuha” ayon sa ulat. Di-nagtagal, ang Australia ay naging siyang pinakamalakas magsuplay ng ginto sa buong daigdig. Ang ilang nandayuhan sa California ay nag-alsa-balutan at nanaog sa lupain sa gawing ibaba. Biglang tumaas ang populasyon sa Australia—mula 400,000 noong 1850 tungo sa mahigit na 1,100,000 noong 1860. Ang pagsasaka at iba pang gawain ay talagang napahinto dahil sa pagdagsa ng marami upang makipagsapalaran sa ginto.
Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang hibang na pagdadaluhungan upang humanap ng ginto ay lumipat sa Yukon at Alaska, kasunod ng pagkatuklas ng ginto sa mga lugar na iyon. Libu-libo ang naglakbay sa Malayong Hilaga sa rehiyon ng Klondike at Alaska, anupat nagbata ng matinding lamig upang makaangkin ng lupaing mayaman sa ginto.
Lumubog na Kayamanan
Noong ika-20 siglo, nang mauso ang paninisid sa dagat, ibinaling ng mga naghahanap ng ginto ang kanilang pansin sa ilalim ng dagat. Sinisid nila ang loob ng mga nawasak na barko upang maghanap ng lumubog na kayamanan—mga alahas na ginto at iba pang bagay na ginawa noong nakalipas na mga siglo.
Noong Setyembre 20, 1638, ang galeon ng mga Kastila na Concepción ay lumubog sa Dagat Pasipiko, sa baybayin ng Saipan, matapos humampas sa malalaking bato dahil sa masamang panahon. Lulan nito ang isang kargamento ng ginto at ng iba pang kayamanan na nagkakahalaga ng sampu-sampung milyong dolyar sa ngayon. Halos namatay ang 400 sakay nito. Mula sa labí ay nakakuha ang mga maninisid ng 32 kuwintas na ginto, na bawat isa’y may sukat na mga limang talampakan ang haba at tumitimbang ng kung ilang kilo. Lahat-lahat, ang mga maninisid ay nakapag-ahon ng 1,300 piraso ng mga alahas na ginto—kuwintas, krus, butones, alpiler, singsing, at mga hibilya.
Nakatuklas pa rin ng iba pang mga labí. Noong 1980, nakita ng mga maninisid sa laot mula sa baybayin ng Florida, sa Estados Unidos, ang labí ng ika-17-siglong galeon ng mga Kastila na Santa Margarita. Sa pagtatapos ng sumunod na taon, nakakuha ang mga maninisid ng mahigit na 44 na kilo ng mga bara ng ginto kasama ang iba pang mga bagay na yari sa ginto.
Mga Ginto sa Digmaan
Kasunod ng pagsuko ng pamahalaan ng Alemanya noong 1945, ang pangkat ng mga puwersang Allied ay nakagawa ng nakagugulat na tuklas sa mga minahan ng asin ng Kaiseroda, sa Thuringia, Alemanya. Ayon sa The Atlanta Journal, “ang minahan ay nakunan ng nakagugulat na $2.1 bilyon na mga bara ng ginto, mga gawang-sining, salapi at mga sertipiko.” Natagpuan din ang mga bag na punô ng ginto at pilak na mga ngipin, ang ilan ay natunaw na, na binunot mula sa mga biktima ng Holocaust. Nakatulong sa mga lider ng Nazing militar ang napakaraming nakatagong gintong ito upang matustusan ang mahabang digmaan. Tinatayang $2.5 bilyong halaga ng mga ginto ang naisauli sa humigit-kumulang na sampung bansa na dati’y sakop ni Hitler, ayon sa ulat ng Journal. Dahil sa nagkakaisang palagay na hindi pa natutuklasang lahat ang nakatagong mga ginto ng Nazi, nagpapatuloy ang paghahanap.
Ang ginto, sa totoo, ay mahalaga. Gayunman, sinasabi ng Bibliya na ang ginto, gaya ng iba pang materyal na kayamanan, ay hindi makapagbibigay ng buhay sa mga naghahanap nito. (Awit 49:6-8; Zefanias 1:18) Sabi ng kawikaan sa Bibliya: “Ang pagkuha ng karunungan ay O anong buti kaysa sa ginto!” (Kawikaan 16:16) Ang tunay na karunungan ay nagmumula sa Maylalang, ang Diyos na Jehova, at masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, natututuhan ng naghahanap ng gayong karunungan ang mga batas, simulain, at payo ng Diyos at saka niya ikinakapit ang mga ito sa kaniyang buhay. Ang karunungang matatamo sa gayon ay makapupong higit na kanais-nais kaysa sa lahat ng ginto na natuklasan kailanman ng tao. Ang karunungang iyan ay maaaring mangahulugan ng mas mabuting buhay sa ngayon at walang-hanggang buhay sa hinaharap.—Kawikaan 3:13-18.
[Kahon sa pahina 27]
Ilang Impormasyon Tungkol sa Ginto
• Ang ginto ang pinakamalambot at pinakamadaling hubugin sa lahat ng metal. Maaari itong pukpukin hanggang sa nipis na punto uno micrometro. Ang 28 gramo ng ginto ay napupukpok upang mabalutan ang isang sukat na mga 17 metro kudrado. Ang 28 gramo ng ginto ay maaaring pahabain hanggang 70 kilometro.
• Dahil napakalambot ng purong ginto, karaniwan nang hinahaluan ito ng iba pang metal upang tumigas ito para gawing alahas at iba pang mga bagay na yari sa ginto. Ang laman ng hinaluang ginto ay nasusukat sa tig-24, na tinatawag na kilatis (karats); kaya nga, ang 12-kilatis na hinaluang ginto ay 50 porsiyentong ginto, ang 18-kilatis na ginto ay 75 porsiyentong ginto, at ang 24-kilatis na ginto ay puro.
• Ang mga nangungunang bansa na pinanggagalingan ng ginto ay ang Timog Aprika at Estados Unidos.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Alejandrong Dakila: The Walters Art Gallery, Baltimore
[Mga larawan sa pahina 26]
Larawang iginuhit na nagpapakita ng pagdating ni Christopher Columbus sa Bahamas noong 1492 upang humanap ng mga gintong kayamanan
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Museo Naval, Madrid (Espanya), at sa butihing pagpapahintulot ni Don Manuel González López