‘Natapos ang Isang Maghapong Trabaho’
LIMAMPUNG taon na ang nakalipas, nagsalita ang isang may edad at kawili-wiling babae, at nakinig ang daigdig. Nangyari ito sa Paris noong Disyembre 10, 1948. Nagkatipon ang Pangkalahatang Kapulungan ng United Nations sa kagagawa lamang na Palais Chaillot nang tumayo upang magtalumpati ang babaing tagapangulo ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao ng UN. Sa isang matatag na tinig, ganito ang sabi ni Eleanor Roosevelt, ang matangkad na biyuda ng dating Presidente Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos, sa mga nagkatipon: “Narito tayo ngayon sa pasimula ng isang dakilang pangyayari kapuwa sa buhay ng United Nations at sa buhay ng sangkatauhan, iyon ay, ang pagsang-ayon ng Pangkalahatang Kapulungan sa Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao.”
Matapos niyang basahin ang maririing pananalita ng pambungad ng Deklarasyon at ang 30 artikulo nito, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ang dokumento.a Pagkatapos, bilang parangal sa natatanging pamumuno ni Gng. Roosevelt, ang mga miyembro ng UN ay nakatayong pumalakpak sa “Unang Ginang ng Daigdig,” gaya ng may pagmamahal na tawag sa kaniya. Sa pagtatapos ng araw na iyon, isinulat niya: “Natapos ang maghapong trabaho.”
Isang Deklarasyon na Nagmula sa Maraming Opinyon
Dalawang taon bago nito, noong Enero 1947, kasisimula pa lamang ng gawain ng komisyon ng UN, naging maliwanag na ang pagbalangkas ng isang dokumento sa mga karapatang pantao na sasang-ayunan ng lahat ng miyembro ng UN ay magiging isang malaking hamon. Sa simula pa, pinababagal ng malalim na di-pagkakaunawaan ang 18-miyembrong komisyon sa walang-katapusang mga pagtatalo. Inakala ng delegadong Tsino na dapat ilakip sa dokumento ang mga pilosopiya ni Confucio, itinaguyod naman ng isang Katolikong miyembro ng komisyon ang mga turo ni Thomas Aquinas, ipinagtanggol ng Estados Unidos ang Katipunan ng mga Karapatan sa Amerika, nais ng mga Sobyet na ilakip ang mga ideya ni Karl Marx—at ilan lamang ang mga ito sa matitinding opinyon na ipinahayag!
Ang pasensiya ni Gng. Roosevelt ay nasubok sa walang-tigil na pagtataltalan ng mga miyembro ng komisyon. Noong 1948, sa isang talumpati sa Paris sa Sorbonne, binanggit niya na noo’y inaakala niyang nasubok na nang husto ang kaniyang pagtitiis habang itinataguyod niya ang kaniyang malaking pamilya. Subalit, “nangailangan nang higit pang pagtitiyaga ang pamumuno sa Komisyon sa mga Karapatang Pantao,” ang naiulat na sinabi niya, na ikinatuwa naman ng kaniyang mga tagapakinig.
Magkagayunman, maliwanag na napatunayang kapaki-pakinabang ang kaniyang karanasan bilang isang ina. Nang panahong iyon, isinulat ng isang reporter na ang pakikitungo ni Gng. Roosevelt sa mga miyembro ng komisyon ay nagpaalaala sa kaniya ng tungkol sa isang ina na “nangangasiwa sa isang malaking pamilya na binubuo ng kadalasa’y maiingay, kung minsa’y magugulo ngunit mababait naman na mga batang lalaki, na sa pana-panahon ay kailangang ilagay sa kanilang wastong dako.” (Eleanor Roosevelt—A Personal and Public Life) Subalit sa pamamagitan ng paglalakip ng kagandahang-loob sa katatagan, nagawa niyang makahikayat nang hindi inaaway ang kaniyang mga katunggali.
Bunga nito, matapos ang dalawang taon ng mga pagpupulong, daan-daang pagbabago, libu-libong kapahayagan, at 1,400 ulit ng pagboto sa halos bawat salita at bawat parirala, ang komisyon ay nakabuo naman ng isang dokumento na kinapapalooban ng mga karapatang pantao na pinaniniwalaang nauukol sa lahat ng lalaki at babae, sa lahat ng panig ng daigdig. Iyon ay pinanganlang ang Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao. Gayon natapos ang isang misyon na, kung minsan, waring imposible.
Malalaking Inaasahan
Sabihin pa, hindi inasahan na agad guguho ang mistulang pader ng pang-aapi sa unang hihip lamang ng tambuli. Gayunman, ang pagpapatibay sa Pansansinukob na Deklarasyon ay talagang nagbangon ng malalaking inaasahan. Ang presidente noon ng Pangkalahatang Kapulungan ng UN, si Dr. Herbert V. Evatt ng Australia, ay humula na ‘milyun-milyong lalaki, babae, at mga bata sa buong daigdig, maraming milya ang layo mula sa Paris at New York, ang babaling sa dokumentong ito para sa tulong, patnubay, at inspirasyon.”
Limampung taon na ang lumipas mula ng sabihin ni Dr. Evatt ang mga salitang iyan. Sa panahong iyon, marami ang talagang bumaling sa Deklarasyon bilang isang giya at ginamit ito bilang pamantayan upang sukatin ang antas ng paggalang sa mga karapatang pantao sa buong daigdig. Sa paggawa nila nito, ano ang natuklasan nila? Nakaaabot ba ang mga estadong miyembro ng UN sa pamantayang ito? Ano ba ang kalagayan kung tungkol sa mga karapatang pantao sa daigdig ngayon?
[Talababa]
a Apatnapu’t walong bansa ang bumoto ng pagsang-ayon, walang tumutol. Subalit ngayon, lahat ng 185 miyembrong bansa ng UN, kasali na yaong hindi bumoto noong 1948, ay lumagda na sa Deklarasyon.
[Kahon sa pahina 4]
Ano ba ang mga Karapatang Pantao?
Binigyang-katuturan ng United Nations ang mga karapatang pantao bilang “yaong mga karapatan na likas sa atin at na kung wala nito ay hindi tayo maaaring mabuhay bilang mga tao.” Inilarawan din ang mga karapatang pantao bilang ang “iisang wika ng sangkatauhan”—at angkop naman. Kung paanong ang kakayahang matutong magsalita ng isang wika ay likas na katangian nating mga tao, may iba pang likas na mga pangangailangan at katangian na nagpapakita ng kaibahan natin sa iba pang nilalang sa lupa. Halimbawa, ang mga tao ay nangangailangan ng kaalaman, makasining na kapahayagan, at espirituwalidad. Ang isang taong pinagkakaitan ng pagkakataong masapatan ang mga pangunahing pangangailangang ito ay napipilitang mabuhay sa kalagayang nakabababa sa tao. Upang maipagsanggalang ang mga tao laban sa gayong pagkakait, ipinaliwanag ng isang abogado sa mga karapatang pantao na “ginagamit natin ang terminong ‘mga karapatang pantao’ sa halip na ‘mga pangangailangan ng tao’ sapagkat kung batas ang pag-uusapan, ang salitang ‘pangangailangan’ ay hindi kasintindi ng salitang ‘karapatan.’ Sa pagtawag dito na isang ‘karapatan,’ iniaangat natin ang pagsapat sa mga pangangailangan ng tao tungo sa isang bagay na moral at legal na nauukol sa bawat tao.”
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Ang Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao
Tinawag ng manunulat at nagwagi ng Nobel Prize na si Aleksandr Solzhenitsyn ang Pansansinukob na Deklarasyon na siyang “pinakamainam na dokumento” na naisulat kailanman ng UN. Ang isang sulyap sa mga nilalaman nito ay nagpapakita kung bakit marami ang sumasang-ayon.
Ang saligang pilosopiya ng Deklarasyon ay nakasaad sa Artikulo 1: “Ang lahat ng tao ay isinilang na malaya at pantay-pantay sa dignidad at mga karapatan. Sila ay pinagkalooban ng pangangatuwiran at budhi at dapat na makitungo sa isa’t isa sa diwa ng pagkakapatiran.”
Sa pundasyong ito, ang mga bumalangkas ng Deklarasyon ay tumiyak sa dalawang grupo ng mga karapatang pantao. Ang unang grupo ay binalangkas sa Artikulo 3: “Ang bawat isa ay may karapatang mabuhay, maging malaya at matiwasay bilang tao.” Ang artikulong ito ang bumubuo ng saligan para sa mga karapatang sibil at pulitikal ng tao na nakatala sa mga Artikulo 4 hanggang 21. Ang ikalawang grupo ay batay sa Artikulo 22, na nagsasaad, sa isang bahagi, na nauukol sa bawat isa ang katuparan ng mga karapatan na “kailangang-kailangan sa kaniyang dignidad at sa malayang pagsulong ng kaniyang personalidad.” Sinusuhayan nito ang mga Artikulo 23 hanggang 27, na nagpapaliwanag sa mga karapatang pangkabuhayan, panlipunan, at pangkultura ng tao. Ang Pansansinukob na Deklarasyon ang siyang unang pang-internasyonal na dokumento na kumilala sa pangalawang grupong ito ng mga karapatan bilang kalakip sa saligang mga karapatang pantao. Ito rin ang unang pang-internasyonal na dokumento na talagang gumamit ng terminong “mga karapatang pantao.”
Sa simpleng pananalita ay ipinaliwanag ng taga-Brazil na sosyologong si Ruth Rocha kung ano ang sinasabi sa atin ng Pansansinukob na Deklarasyon: “Hindi mahalaga kung anong lahi ang pinagmulan mo. Hindi mahalaga kung lalaki ka man o babae. Hindi mahalaga kung ano man ang iyong wika, kung ano ang iyong relihiyon, kung ano ang iyong pulitikal na mga opinyon, kung anong bansa ang iyong pinagmulan o kung sino ang iyong pamilya. Hindi mahalaga kung ikaw man ay mayaman o mahirap. Hindi mahalaga kung anong panig ng daigdig ang iyong pinagmulan; kung ang iyong bansa man ay isang kaharian o isang republika. Ang mga karapatan at kalayaang ito ay nilayong tamasahin ng bawat isa.”
Mula nang pagtibayin ito, ang Pansansinukob na Deklarasyon ay isinalin na sa mahigit na 200 wika at naging bahagi na ng mga saligang batas ng maraming bansa. Subalit ngayon, inaakala ng ilang lider na kailangang sulatin nang panibago ang Deklarasyon. Ngunit hindi sumasang-ayon ang Kalihim-Panlahat ng UN na si Kofi Annan. Sinipi ng isang opisyal ng UN ang kaniyang sinabi: “Kung paanong hindi kailangang sulatin nang panibago ang Bibliya o ang Koran, hindi na kailangang baguhin ang Deklarasyon. Ang kailangang baguhin ay, hindi ang mga salita ng Pansansinukob na Deklarasyon, kundi ang paggawi ng mga tagasunod nito.”
Kalihim-Panlahat ng UN na si Kofi Annan
[Credit Line]
UN/DPI photo ni Evan Schneider (Peb97)
[Larawan sa pahina 3]
Si Gng. Roosevelt habang hawak ang Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao
[Credit Line]
Gng. Roosevelt at simbolo sa pahina 3, 5, at 7: UN photo