Wastong Pangmalas sa Dugo—Sa Ilalim ng Kristiyanong Kaayusan
ANG lupong tagapamahala ng unang-siglong Kristiyanong kongregasyon, sa ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu, ay nagpasiya may kinalaman sa dugo. Ganito ang kanilang iniutos: “Sapagkat minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid. Kung pakakaingatan ninyo ang inyong mga sarili sa mga bagay na ito, kayo ay uunlad. Mabuting kalusugan sa inyo!” (Gawa 15:22, 28, 29) Kasali sa ipinagbawal ang laman na may dugo (“mga bagay na binigti”).
Ang batas na ito ay pangunahin nang nakasalig sa utos ng Diyos na huwag kainin ang dugo, gaya ng iniutos kay Noe at sa kaniyang mga anak at, samakatuwid, sa lahat ng tao. Hinggil dito, ang sumusunod ay masusumpungan sa The Chronology of Antient Kingdoms Amended, ni Sir Isaac Newton (Dublin, 1728, p. 184): “Ang batas na ito [na pag-iwas sa dugo] ay mas nauna pa kaysa sa panahon ni Moises, palibhasa’y iniutos kay Noe at sa kaniyang mga anak, matagal na bago pa ang panahon ni Abraham: at samakatuwid nang ipasiya ng mga Apostol at Matatanda sa Konseho sa Jerusalem na ang mga Gentil ay hindi obligadong magpatuli at sumunod sa batas ni Moises, kanilang itinangi ang batas na ito tungkol sa pag-iwas sa dugo, at sa mga bagay na binigti, bilang isang naunang batas ng Diyos, na ipinasusunod hindi lamang sa mga anak ni Abraham, kundi sa lahat ng bansa, samantalang namumuhay sila sa Shinar sa ilalim ng pamumuno ni Noe: at kasama rin dito ang batas tungkol sa pag-iwas sa mga karne na inihandog sa mga Idolo o huwad na mga Diyos, at sa pakikiapid.”—Kaniya ang italiko.
Nasasangkot ang Katapatan
Mula nang pasinayaan ang bagong tipan sa pamamagitan ng dugo ni Jesu-Kristo, kinilala na ng mga Kristiyano ang nagbibigay-buhay na halaga ng dugong ito sa pamamagitan ng kaayusan ni Jehova at sa pamamagitan ni Jesus bilang ang dakilang Mataas na Saserdote na “pumasok, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga batang toro, kundi taglay ang sarili niyang dugo, nang minsanan sa banal na dako at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin.” Sa pananampalataya sa dugo ni Kristo, ang budhi ng mga Kristiyano ay nalinis mula sa patay na mga gawa upang sila ay makapag-ukol ng sagradong paglilingkod sa buháy na Diyos. Sila ay nababahala sa kanilang pisikal na kalusugan, subalit sila’y pangunahin na at higit na taimtim na nababahala sa kanilang espirituwal na kalusugan at sa kanilang katayuan sa harap ng Maylalang. Gusto nilang ingatan ang kanilang katapatan sa buháy na Diyos, anupat hindi itinatanggi ang sakripisyo ni Jesus, hindi ito itinuturing na walang halaga, at hindi ito niyuyurakan. Sapagkat kanilang hinahangad, hindi ang buhay na pansamantala, kundi ang buhay na walang hanggan.—Hebreo 9:12, 14, 15; 10:28, 29.