Ang Great White Shark—Sinasalakay
Ang pinakamalaking isda sa daigdig na kumakain ng karne, ang great white shark marahil ang higit na kinatatakutan ng mga tao kaysa anupamang ibang nabubuhay na bagay. Gayunman, ito ngayon ay isa nang protektadong uri ng hayop sa lahat o sa ilang katubigan na nakapalibot sa Australia, Brazil, Namibia, Timog Aprika, at sa Estados Unidos gayundin sa Dagat Mediteraneo. Isinasaalang-alang din ng iba pang mga bansa at mga estado ang pagkakaloob ng proteksiyon. Subalit bakit dapat protektahan ang isang kilalang mamamatay-tao? Ang isyu, gaya ng makikita natin, ay hindi ganiyan kasimple. Ni ang mga pagkaunawa man ng publiko tungkol sa white shark ay laging batay sa katotohanan.
KASAMA ng killer whale at ng sperm whale, ang great white sharka ay nasa tuktok ng kawing ng pagkain sa dagat. Sa pamilya ng pating, ito ang hari, ang super-pating. Kakainin nito ang anuman—isda, mga lampasut, at maging ang ibang pating. Subalit habang ito’y tumatanda, lumalaki, at bumabagal, mas nagugustuhan nito ang mga seal, penguin, at mga nabubulok na hayop—lalo na ang mga patay na balyena.
Kapag naghahanap ng kanilang pagkain, ginagamit ng karamihan sa mga pating ang lahat ng kanilang pandamdam, pati na ang ekselenteng paningin. Kung tungkol sa kanilang pang-amoy, sabihin na natin na angkop na angkop ang metaporang lumalangoy na ilong! Gayunman, bukod pa riyan, halos wala ring nakaliligtas sa kanilang pandinig—halos wala anupat ang mga pating ay matatawag ding lumalangoy na mga tainga.
Ang mga tainga ng pating ay tinutulungan ng mga selulang sensitibo sa presyon sa magkabilang panig ng katawan nito. Walang nakaliligtas sa sistemang ito ng pagdinig nang palihim, na lalo nang tumutugon sa mga galaw ng mga bagay na nagpupumiglas—halimbawa, isang isdang kakawag-kawag sa dulo ng isang sibat. Kaya, makabubuti para sa naninibat na mga mangingisda sa ilalim ng dagat na iahon sa tubig ang nagdurugo at kakawag-kawag na isda karaka-raka hangga’t maaari.
Ang mga pating ay mayroon ding ikaanim na pandamdam. Dahil sa ampullae of Lorenzini—maliliit na butas na nakakalat sa palibot ng kanilang ilong—natutunton nila ang mahihinang electrical field na nanggagaling sa tumitibok na puso, galaw ng hasang, o lumalangoy na mga kalamnan ng potensiyal na biktima. Sa katunayan, napakatalas ng ikaanim na pandamdam na ito anupat maaari pa nga nitong gawing sensitibo ang mga pating sa reaksiyon ng magnetic field ng lupa sa karagatan. Bunga nito, maaaring malaman ng pating kung aling direksiyon ang hilaga at kung aling direksiyon ang timog.
Pagkilala sa White Shark
Bagaman ito’y tinatawag na great white shark, ang pinakailalim na bahagi lamang nito ang puti o mapusyaw. Ang likod nito ay karaniwang matingkad na abuhin ang kulay. Dalawang kulay ang nakaguhit sa gilid ng isda na nagkakaiba-iba sa bawat pating. Pinahuhusay ng katangiang ito ang pagbabalatkayo, ngunit tumutulong din ito sa mga siyentipiko upang makilala ang indibiduwal na mga pating.
Gaano kalaki umaabot ang mga white shark? “Ang pinakamalalaking white shark na may katumpakang nasukat,” ang sabi ng aklat na Great White Shark, “ay nasa pagitan ng 5.8 at 6.4 metro.” Ang ganito kalaking isda ay maaaring tumimbang ng mahigit sa 2,000 kilo. Subalit, dahil sa mga palikpik nito na bahagyang nakakurba sa likuran na nakakabit sa tila-torpedong katawan nito, ang mga dambuhalang ito ay sumasalimbay sa tubig na parang mga missile. Ang kanilang halos magkapantay na buntot, na ginawa para sa lakas, ay isa pang pambihirang katangian sa daigdig ng mga pating, yamang ang karamihan ng ibang uri ng pating ay may pagkakakilanlang mga buntot na hindi pantay.
Ang lubhang pagkakakilanlan gayundin ang nakatatakot na katangian ng white shark ay ang napakalaking hugis-konong ulo nito, ang walang-habag na itim na mga mata nito, at ang bibig nito na puno ng ngipin na kasintalas ng labaha, matutulis at tatsulok. Habang natatapyas o natatanggal ang doble-talim na “mga kutsilyong” ito, isang kasunod na ngipin ang humahalili rito.
Pinatatakbo ng Mas Mainit na Dugo
Ang sistema ng sirkulasyon ng pamilyang Lamnidae ng mga pating, na kabilang dito ang mako, porbeagle, at ang white shark, ay lubhang kakaiba sa karamihan ng iba pang pating. Ang temperatura ng kanilang dugo ay mataas ng mga 3 hanggang 5 digri Celsius sa temperatura ng tubig. Ang kanilang mas mainit na dugo ay nagpapabilis sa panunaw at nakadaragdag sa kanilang lakas at tibay. Ang mako, na kumakain ng matutulin na mga isda sa karagatan, gaya ng tuna, ay maaaring lumangoy nang matulin sa tubig sa bilis na 100 kilometro bawat oras para sa maiikli’t mabibilis na paglangoy!
Kapag lumalangoy ang mga pating, sila’y pumapaitaas dahil sa kanilang dalawang palikpik na malapit sa dibdib. Kapag sila’y lumalangoy nang napakabagal, sila’y tumitirik at lumulubog na tulad ng isang eroplano, at ito’y sa kabila ng imbakan ng langis na nagpapalutang dito na nakatago sa loob ng isang atay na napakalaki anupat maaaring ito ay katumbas ng sangkapat ng kabuuang timbang ng pating! Bukod pa riyan, maraming uri ng pating ang dapat na patuloy na lumangoy upang huminga, sapagkat sa ganitong paraan nila napapapasok ang tubig na sagana sa oksiheno sa kanilang bibig at mga hasang. Ito ang dahilan ng kanilang pangmahabang-panahong walang damdaming ngiti!
Isang Mangangain ng Tao?
Sa 368 uri ng pating na nakikilala ngayon, mga 20 lamang ang mapanganib. At sa mga ito ay apat lamang ang may pananagutan sa karamihan ng mga 100 pagsalakay sa mga tao na naiulat sa buong daigdig sa bawat taon. Halos 30 sa mga pagsalakay na ito ay nakamamatay. Ang apat na may kasalanang uri ay ang bull shark, na malamang na kumitil sa buhay ng mas maraming tao kaysa anumang ibang pating, ang tiger shark, ang oceanic whitetip shark, at ang white shark.
Nakapagtataka, hindi kukulangin sa 55 porsiyento—at sa ibang bahagi ng daigdig, mga 80 porsiyento—niyaong mga sinalakay ng white shark ay nakaligtas upang ilahad ang kanilang kuwento. Bakit napakarami ang nakaligtas sa isang pagsalakay ng gayong nakatatakot na maninila?
Kagatin at Iluwa
Ang white shark ay kilala sa pagluwa ng nasugatang biktima nito pagkatapos ng una at malakas na kagat nito. Pagkatapos ay hinihintay nitong mamatay ang biktima bago ito kainin. Kung mga tao ang biktima, ang paggawing ito ay nagbibigay ng pagkakataon para masagip. Ito, kung minsan, ay nagagawa ng malalakas ang loob na mga kasama, kaya ipinakikita nito ang karunungan ng payo na huwag kailanman lumangoy na mag-isa.
Gayunman, ang gayong mga pagtatangka sa pagsagip ay talagang magiging pagpapatiwakal kung hindi dahil sa isa pang paggawi ng white shark. Ang amoy ng dugo ay hindi nagtutulak dito na mahibang sa pagkain na gaya ng ginagawa ng ibang pating. Bakit ginagamit ng white shark ang estratehiyang kagatin-at-iluwa?
Ito’y dahil sa mga mata nito, ang palagay ng isang siyentipiko. Di-tulad ng ibang pating, ang white shark ay walang tulad-talukap ng mata na lamad upang ingatan ang mga mata nito; bagkus, pinaiikot nila ang mga ito sa kanilang mga saket kapag may nagbabantang bungguan. Sa sandali ng bungguan, ang mata ay naiiwang nakalantad, marahil sa nangangalmot na mga kuko ng isang seal. Samakatuwid, para sa white shark, ang mabilis, nakamamatay na pagsalakay at pagbitiw ay karaniwang paggawi.
Isaisip din na ang mga white shark ay gumagawi na katulad ng mga sanggol na tao—ang lahat ay isinusubo sa bibig para sa panimulang pagsusuri! “Nakalulungkot, kapag [sumubok] sa pagkagat ang isang malaking white shark, maaaring magkaroon ng kapaha-pahamak na mga resulta,” paliwanag ni John West, isang biyologong pandagat sa Sydney, Australia.
Bagaman isang mapanganib na hayop ang white shark, hindi ito malupit at mapaminsalang nilalang na naghahangad ng laman ng tao. Dalawang white shark lamang ang nakita ng isang maninisid ng abalone na gumugol ng 6,000 oras sa tubig at hindi siya sinalakay ng alinman sa mga ito. Sa katunayan, kadalasang lumalayo ang white shark sa mga tao.
Samantalang sumisisid sa Cape Verde Islands, ang manggagalugad sa karagatan na si Jacques-Yves Cousteau at isang kasama niya ay nagkataong nakakita ng isang malaking white shark. “Ang reaksiyon [nito] ay hindi mo sukat akalain,” ang sulat ni Cousteau. “Dahil sa lubos na pagkatakot, ang dambuhala ay naglabas ng maraming dumi at pagkabilis-bilis na umalis.” Siya ay naghinuha: “Sa pagmumuni-muni sa lahat ng aming mga karanasan sa white shark, patuloy akong nagugulat sa napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang inaakala ng publiko tungkol sa nilalang na ito at sa kung ano ito ayon sa aming nakita.”
Ang White Shark Bilang Biktima
Ang kaisipan ng publiko tungkol sa white shark ay lubhang naimpluwensiyahan ng nobelang Jaws noong dekada ng 1970, na naging isang popular na pelikula. Karaka-raka ang white shark ay naging napakasama, at ang “buong grupo ng mga nanghuhuli upang makakuha ng tropeo ay nagpaligsahan upang makita kung sino sa kanila ang unang makapagtatanghal ng ulo o panga ng mangangain-ng-tao sa kanilang dapugang may tsiminea,” sabi ng aklat na Great White Shark. Sa kalaunan, ang nakakuwadrong ngipin ng white shark ay nagkakahalaga nang hanggang $1,000 (sa Australia); at ang kumpletong set ng mga panga ay mahigit na $20,000.
Gayunman, ang karamihan ng mga white shark ay namamatay sa komersiyal na mga lambat sa pangingisda. Karagdagan pa, milyun-milyong iba pang pating ang nahuhuli taun-taon upang sapatan ang mabilis na lumalagong pamilihan para sa mga produktong galing sa pating, lalo na ang mga palikpik. Nitong nakaraang mga taon, habang umuunti ang bilang ng mga nahuhuli, tumunog ang mga kampanang pang-alarma sa buong daigdig, lalo na para sa mga white shark.
Dumarating ang Kaunawaan
Ang mga pating ay kilala na naghahanap at naglilinis sa mga dagat ng mga maysakit, naghihingalo, mahihina, at patay. Kaya, ang maraming pating ay nangangahulugan ng maganda at malinis na mga karagatan.
Sa pagkilala sa nanganganib na kaligtasan ng mga pating, ang Species Survival Commission of the International Union for the Conservation of Nature ay nagtatag ng isang Shark Specialist Group upang pag-aralan ang lahat ng problema ng pating. Gayunman, ang pag-aaral hinggil sa white shark ay hindi madali—hindi sila palaanakin, at sila’y namamatay kapag nakakulong. Kaya ang mga ito’y dapat pag-aralan sa kanilang likas na tirahan.
Habang ang mga tao’y nagkakaroon ng higit na kaunawaan tungkol sa mga pating, nagbago ang kanilang saloobin sa nakatutuwang mga nilalang na ito. Subalit hindi niyan binabago ang great white shark. Gayunpaman, bagaman hindi naman napakasama, ito ay isang mapanganib na hayop at dapat pakitunguhan nang may pag-iingat at paggalang. Malaking paggalang!
[Talababa]
a Ang great white shark, o white shark, ay may iba’t ibang karaniwang pangalan. Halimbawa, sa Australia ito ay tinatawag kung minsan na ang white pointer; sa Timog Aprika, ang blue pointer.
[Larawan sa pahina 11]
Ang mga pating na ito ay may malalaki at nakatatakot na mga bibig
[Picture Credit Lines sa pahina 10]
Mga larawan ng Rodney Fox Reflections
South African White Shark Research Institute