Paano Pinalalaganap ang “Kultura ng Kamatayan”?
“Libu-libong kilometro ang namamagitan sa natraumang mga kabataang nagsilikas sa Kosovo at sa mga batang Amerikano na nahahantad sa karahasan at sa iba pang masasaklap na karanasan, ngunit ang emosyonal na distansiya sa pagitan nila ay maaaring hindi naman napakalaki.”—Marc Kaufman, The Washington Post.
Gusto man natin o hindi, tayong lahat ay tuwiran o di-tuwirang naapektuhan ng kamatayan. Ito’y totoo saan man tayo naninirahan—sa isang bansa na pinahihirapan ng marahas na labanan o sa isa na medyo nagtatamasa ng katatagan.
ANG katunayan ng “kultura ng kamatayan” ay makikita sa mataas na insidente ng panlulumo, panggigipuspos, pagkalulong sa droga, aborsiyon, paggawing pumipinsala-sa-sarili, pagpapatiwakal, at lansakang pagpatay sa ngayon. Ipinaliwanag ni Propesor Michael Kearl, ng Department of Sociology and Anthropology sa Trinity University sa San Antonio, Texas, E.U.A., ang may kinalaman sa pagmamaniobra sa paksa ng kamatayan: “Mula sa ating punto de vista sa huling mga taon ng ikadalawampung siglo [1999], ay nasumpungan natin na . . . unti-unti nang kinikilala ang kamatayan bilang pangunahing malakas na puwersa na siyang saligan ng buhay, kalakasan, at istraktura ng kaayusang panlipunan. Ang kamatayan ay inspirasyon ng ating mga relihiyon, pilosopiya, ideolohiyang pampulitika, sining at mga teknolohiya sa medisina. Ginaganyak nito ang mga tao na bumili ng mga pahayagan at mga polisa sa seguro, nagbibigay-buhay sa mga kuwento sa ating mga programa sa telebisyon, at . . . nagpapasigla pa nga sa ating mga industriya.” Suriin natin ang ilan sa mga halimbawa kung paanong ang kaganapang ito, na tinatawag na kultura ng kamatayan, ay makikita sa ating panahon.
Ang Pagbebenta ng mga Armas
Makikita sa araw-araw ang “kultura ng kamatayan” sa bentahan ng mga armas. Ginagamit ang mga kagamitang pandigma upang pumatay ng mga sundalo, ngunit pangunahin nang pumapatay ang mga ito ng mga sibilyan, kabilang sa mga ito ang inosenteng mga babae at mga bata. Sa mga digmaan, sibil man o iba pa, ang buhay ay laging walang-halaga. Magkano ba ang halaga ng bala ng isang pataksil na pumapatay ng tao o sniper?
Ang pagiging madaling makakuha ng publiko ng mga armas sa ilang bansa ay nagdulot ng nakasisindak at patuluyang pagdami ng mga namatay na indibiduwal at gayundin ng mga grupo ng mga tao. Pagkatapos ng trahedya ng pamamaril sa mataas na paaralan sa Littleton, Colorado, bumangon ang mga protesta dahilan sa malawakang pagbebenta ng mga armas at ang madaling pagkakaroon ng mga ito ng mga minor de edad. Ang bilang ng mga kabataan sa Estados Unidos na namatay sa marahas na paraan ay nakababahala—ayon sa magasing Newsweek, isang katamtamang bilang na 40 bawat linggo. Halos 90 porsiyento sa mga ito ay mga biktima ng pamamaril. Ito’y katumbas ng 150 masaker na katulad niyaong sa Littleton bawat taon!
Ang Daigdig ng Libangan
Pinagsasamantalahan ng mga pelikula ang paksa ng kamatayan. Halimbawa, ang kuwento ng isang pelikula ay maaaring magpangyaring maging kaakit-akit ang imoralidad, karahasan, ilegal na pagbebenta ng droga, o organisadong krimen at sa gayo’y nakapagpapababa naman sa halaga ng buhay at sa mga simulaing moral. May mga pelikula pa nga kung saan ang kamatayan ay ginawang romantiko—anupat inilalarawan ang alamat ng buhay pagkamatay at ang diumano’y pagbabalik ng ilan upang dalawin ang nabubuhay—na nagiging dahilan lamang upang magtinging ordinaryo ang kamatayan.
Totoo rin ito sa ilang mga programa sa telebisyon at musika. Ayon sa mga ulat ng balita, ang mga kabataang mamamatay-tao sa Littleton ay masugid na mga tagahanga ng isang mang-aawit ng rock na naging bantog dahil sa “doble-kara at satanikong mga pagsasalarawan,” at mga awiting may “mga tema ng paghihimagsik at kamatayan.”
Sa Estados Unidos, ang paraan ng pag-uuri sa mga programa sa telebisyon ay binago upang maingatan ang mga kabataan na hindi makapanood ng mga palabas na maaaring labis na makaapekto sa kanila. Hindi naging mabisa ang resulta nito. Nagkomento si Jonathan Alter, sa pagsulat sa Newsweek, na ito [mga pag-uuri] ay “maaaring magpangyari na lalong nasain ng mga bata ang ipinagbabawal na bunga.” Idinagdag pa niya na upang mahiya at maobliga yaong mga responsable na bawasan ang karahasan sa media, kailangan “na ihayag sa madla [ni Presidente Clinton] ang mga pangalan ng lahat ng malalaking kompanya (at ng kanilang mga CEO)” na hindi lamang gumagawa ng mga pelikula ng pagpatay na gumagamit ng kutsilyo at mga rekord ng ‘gangsta rap’ kundi gumagawa rin ng mga programa ng laro sa computer na nagpapahintulot sa mga bata na “pumatay ng mga tao nang ‘halos totoong-totoo.’ ”
Kamatayan sa mga Laro sa Video at sa Internet
Sa kaniyang aklat na The Deathmatch Manifesto, sinuri ni Robert Waring ang popularidad ng tinatawag na mga larong deathmatch ng mga tin-edyer.a Naniniwala si Mr. Waring na umiiral na sa gitna ng napakapambihirang pangyayaring ito ang isang lihim na samahan ng mga manlalaro. Ang mga larong ito ay talagang may epekto, hindi sa pagsasanay sa mabuti, kundi sa pagtuturo na pumatay. “Ang pakikipaglaro sa isang buháy na kalaban mula sa alinmang bahagi ng daigdig, at pagsisikap na patunayan ang iyong sariling kakayahan, ay isang makapangyarihang karanasan. Talagang napakadaling masangkot diyan,” ang komento ni Waring. Nabibitag ang mga tin-edyer sa puwersa ng mga eksenang tatlong-dimensiyon na dinisenyo bilang mga tanawin para sa madugong mga pakikipagbaka. Palibhasa’y hindi makapasok sa Internet, ang ilan ay bumibili ng mga video game package upang gamitin sa telebisyon sa bahay. Ang iba ay nakaugaliang magtungo sa pampublikong mga lugar kung saan sila makauupa ng mga video-game machine at magkaroon ng ‘halos totoong’ mga labanan hanggang kamatayan kasama ng ibang mga kalaban.
Bagaman ang mga larong “deathmatch” ay inuuri ayon sa edad ng manlalaro, ang totoo ay na napakaliit lamang ng kontrol dito. Ang katorse anyos na si Eddie na taga-Estados Unidos ay nagkomento: “Kadalasang sasabihin sa iyo ng mga tao na bata ka pa, pero hindi ka nila pipigiling bumili [ng laro].” Gustung-gusto niya ang isang laro na binubuo ng mga walang-patumanggang barilan. Bagaman batid ng kaniyang mga magulang ang tungkol dito at hindi nila nagugustuhan ito, madalang naman nilang tingnan kung nilalaro nga niya ang larong ito. Ganito ang naging konklusyon ng isang tin-edyer: “Ang aming henerasyon ay masyado nang manhid sa karahasan kaysa sa iba pang henerasyon. Ang mga TV na ngayon ang nagpapalaki sa mga bata nang higit kaysa sa mga magulang, at binibigyang-kasiyahan ng telebisyon ang mararahas na pantasya ng mga bata.” Si John Leland, sa pagsulat sa Newsweek, ay nagsabi: “Sa pagkakaroon ng kasindami ng 11 milyong tin-edyer na naka-online (nakagagamit sa Internet) ngayon [sa Estados Unidos], parami nang parami sa buhay ng tin-edyer ang nagaganap sa isang dako na hindi maabot ng mga magulang.”
Mga Istilo-ng-Buhay na Humahantong sa Kamatayan
Kumusta naman ang mga paggawi sa labas ng daigdig ng mga larong “deathmatch” at ng mararahas na pelikula? Bagaman sa tunay na buhay ay hindi natin kailangang makihamok sa kakatwang mga nilalang sa isang labanan hanggang sa kamatayan, ang istilo-ng-buhay ng maraming tao ay nagsasangkot ng paggawing nakapipinsala sa sarili. Halimbawa, sa kabila ng impluwensiya ng pamilya, pampublikong sistema sa kalusugan, at iba pang mga awtoridad na nagbababala laban sa panganib na nasasangkot sa paninigarilyo at pag-abuso sa droga, patuloy na lumalago ang mga bisyong ito. Sa maraming kaso ay nagiging dahilan ito ng maagang pagkamatay. Upang lumaki ang mga kinikita na labag sa batas, ang malalaking korporasyon at mga nagbibili ng ipinagbabawal na droga ay patuloy na nagsasamantala sa pagkabalisa, kawalang-pag-asa, at karukhaan sa espirituwal ng mga tao.
Sino ang Nasa Likod ng Lahat ng Ito?
Inihaharap ba ng Bibliya ang kamatayan bilang isang angkop na paksa sa paglilibang? Makatuwiran ba ang mga istilo-ng-buhay na maaaring umakay sa atin sa kamatayan? Hindi. Para sa tunay na mga Kristiyano, tulad ni apostol Pablo, ang kamatayan ay walang iba kundi isang “kaaway.” (1 Corinto 15:26) Hindi minamalas ng mga Kristiyano ang kamatayan na isang bagay na kahali-halina at kasiya-siya kundi, sa halip, bilang isang bagay na laban sa likas na kalagayan ng tao, isang tuwirang resulta ng kasalanan at paghihimagsik laban sa Diyos. (Roma 5:12; 6:23) Ang kamatayan ay hindi naging bahagi kailanman ng orihinal na layunin ng Diyos para sa tao.
Si Satanas ay sinasabing nagtataglay ng “kakayahang magpangyari ng kamatayan.” Siya ay tinatawag na “mamamatay-tao,” hindi naman dahil sa siya ang nagdudulot ng kamatayan sa isang tuwirang paraan, kundi dahil ginagawa niya ito sa paggamit ng panlilinlang, sa pang-aakit sa mga tao sa kasalanan, sa pagtataguyod ng paggawi na nagbubunga ng katiwalian at kamatayan, at sa pagpapaunlad sa mga puso ng mga lalaki, babae, at maging ng mga bata ng mga saloobing nakamamatay. (Hebreo 2:14, 15; Juan 8:44; 2 Corinto 11:3; Santiago 4:1, 2) Gayunman, bakit mga kabataan ang pangunahing puntirya? Ano ang magagawa natin upang matulungan sila?
[Talababa]
a Sa mga larong “Deathmatch,” ang sabi ng nagsusuring magasin na ito, ang “mga manlalaro [ay] itinutulak na magpatayan sa isa’t isa sa mga larong tatlong-dimensiyon na naka-network.”
[Larawan sa pahina 7]
“Ang aming henerasyon ay masyado nang manhid sa karahasan kaysa sa iba pang henerasyon”