Droga—Sino ba ang Gumagamit ng mga Ito?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
“LAHAT ay gumagamit ng droga.” Ang pangkalahatang pangungusap na iyan ay maaaring gamitin upang hikayatin ang mga walang-muwang na sumubok ng ipinagbabawal na mga droga. Ngunit depende sa kung ano ang itinuturing nating “droga,” ang mga salitang iyon ay may katotohanan din.
Ang terminong “droga” ay binibigyang katuturan bilang: “Anumang kimikal na sangkap, natural man o sintetiko ang pinagmulan, na magagamit upang baguhin ang pangmalas sa mga bagay-bagay, damdamin o iba pang kalagayang sikolohikal.” Iyan ay isang makabuluhan at malawak na paglalarawan sa tinatawag na mga drogang psychoactive (nakaaapekto sa isip o paggawi), bagaman hindi nito saklaw ang maraming drogang gamot na ginagamit para sa mga pisikal na karamdaman.
Ayon sa katuturang iyan, ang alkohol ay isang droga. Ang panganib ay nasa di-katamtamang paggamit nito, na maliwanag namang nagiging malaganap. Natuklasan sa isang surbey sa mga kolehiyo at unibersidad sa isang Kanluraning bansa na “ang binge drinking (labis-labis na pag-inom) ang pinakamalubhang suliranin sa droga sa mga kampus sa kolehiyo.” Isiniwalat ng surbey na 44 na porsiyento ng mga estudyante ay mga binge drinker.a
Gaya ng alkohol, ang tabako ay legal na mabibili, bagaman mayroon itong matapang na lason, ang nikotina. Ayon sa World Health Organization, ang paninigarilyo ay pumapatay ng mga apat na milyong tao bawat taon. Gayunman, ang mga mangangalakal ng tabako ay mayayaman at pinagpipitaganang miyembro ng lipunan. Lubha ring nakasusugapa ang paninigarilyo, higit pa marahil kaysa sa paggamit ng marami sa ilegal na mga droga.
Nitong nakalipas na mga taon, hinigpitan ng maraming bansa ang pag-aanunsiyo ng tabako at nagpataw ng iba pang restriksiyon. Sa kabila nito, itinuturing pa rin ng maraming tao ang paninigarilyo bilang isang katanggap-tanggap na gawain sa lipunan. Patuloy na ginagawang kaakit-akit ng industriya ng pelikula ang paninigarilyo. Natuklasan sa isang surbey ng University of California sa San Francisco sa mga pelikulang pinakamalalaki ang kinita sa pagitan ng mga taóng 1991 at 1996 na 80 porsiyento ng mga bidang lalaki ay gumanap sa papel ng mga tauhang naninigarilyo.
Kumusta Naman ang “Ligtas” na mga Droga?
Tiyak na marami na ang nakinabang sa mga drogang gamot, ngunit maaaring abusuhin ang paggamit ng mga ito. Kung minsan, ang mga doktor ay napakadaling magreseta ng mga gamot, o ginigipit sila ng mga pasyente na magreseta ng mga gamot na hindi naman kinakailangan. Isang manggagamot ang nagkomento: “Ang mga doktor ay hindi laging gumugugol ng panahon kasama ang pasyente upang alamin ang sanhi ng kaniyang mga sintomas. Mas madaling sabihing, ‘Inumin mo ang tabletang ito.’ Ngunit hindi napag-uukulan ng pansin ang pangunahing problema.”
Maging ang mga gamot na hindi na kailangan ng reseta, gaya ng aspirin at paracetamol (Tylenol, Panadol), ay maaaring humantong sa malulubhang suliranin sa kalusugan kung aabusuhin ang paggamit sa mga ito. Mahigit na 2,000 katao sa buong daigdig ang namamatay bawat taon bunga ng di-wastong paggamit ng paracetamol.
Ayon sa ating naunang pagbibigay-katuturan, ang caffeine sa tsa at kape ay droga rin, bagaman hindi man lamang natin ito itinuturing na gayon kapag iniinom natin ang ating paboritong tsa o kape sa almusal. At kakatwa namang ituring ang mga inuming katanggap-tanggap sa lipunan na gaya ng tsa o kape na kapantay ng nakasusugapang mga droga na gaya ng heroin. Iyan ay magiging gaya ng paghahambing ng isang alagang kuting sa isang mabangis na leon. Magkagayunman, ayon sa ilang dalubhasa sa kalusugan, kung nakaugalian mong uminom ng mahigit sa limang tasa ng kape o siyam na tasa ng tsa araw-araw, maaari itong makapinsala sa iyo. Karagdagan pa, kung bigla mong babawasan ang pag-inom nang marami, maaari kang dumanas ng mga sintomas ng hirap na dulot ng paghinto na katulad ng nangyari sa isang manginginom ng tsa na nakaranas ng pagsusuka, matitinding sakit ng ulo, at pagiging sensitibo sa liwanag.
Kumusta Naman ang Ipinagbabawal na Paggamit ng Droga?
Ang isang mas kontrobersiyal na isyu ay ang paggamit ng droga sa mga isport. Ito ay naitampok sa 1998 Tour de France nang patalsikin ang siyam na siklista ng nangungunang koponan dahil sa paggamit ng mga drogang nagpapahusay ng paglalaro. Nakaisip ang mga atleta ng iba’t ibang paraan upang malusutan nila ang mga pagsusuri ukol sa droga. Iniuulat ng magasing Time na nagawa pa nga ng ilan na “‘magpasalin ng ihi,’ na nangangahulugang ipinasok sa kanilang pantog ang ‘malinis’ na ihi ng iba sa pamamagitan ng isang catheter, na kadalasa’y isang masakit na pamamaraan.”
Hindi pa natin natatalakay ang nakalilitong talaan ng ipinagbabawal na mga droga na ginagamit na “panlibangan.” Kabilang dito ang marihuwana, ecstasy (methylenedioxy-methamphetamine, o MDMA), LSD (lysergic acid diethylamide), mga upper (mga pampasigla gaya ng cocaine at mga amphetamine), mga downer (mga pampakalma gaya ng mga tranquilizer), at heroin. Hindi rin dapat kaligtaan ang iba’t ibang sangkap na sinisinghot (mga inhalant), gaya ng kola at gasolina, na popular sa mga kabataan. Sabihin pa, ang mga sinisinghot na ito ay mga sangkap na di-ipinagbabawal at madaling mabibili.
Ang karaniwang ideya ng isang buto’t balat na sugapa sa droga na nagtuturok sa isang maruming silid ay nakapanlilinlang. Maraming sugapa sa droga ang nakakakilos pa rin nang tila normal sa kanilang pang-araw-araw na buhay, bagaman ang kanilang pagkasugapa ay tiyak na nakaaapekto sa kalidad ng kanilang buhay sa paanuman. Sa kabila nito, hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang madilim na mundo ng droga. Inilalarawan ng isang manunulat kung paanong ang ilang gumagamit ng cocaine “ay kayang ‘magturok’ ng maraming beses sa isang sesyon lamang, anupat ang kanilang mga katawan ay ginagawa nilang tadtad ng turok, duguan, at sugatan.”
Matapos ang waring pagbaba noong mga huling taon ng dekada ng 1980, muling tumataas ang paggamit ng ilegal na droga sa buong daigdig. Ganito ang sabi ng magasing Newsweek: “Lubhang nahihirapan ang mga awtoridad dahil sa bugso ng pagpupuslit ng droga, pagdami ng paggamit ng halos lahat ng uri ng droga at kakulangan ng pondo—at impormasyon—na kailangan upang malabanan ito.” Ang pahayagang The Star sa Johannesburg, Timog Aprika, ay nagsabi na ayon sa mga estadistika ng pamahalaan, “isa sa apat na taong naninirahan sa Timog Aprika ay sugapa sa alkohol o sa droga.”
Sinabi ng UN Research Institute for Social Development na “inorganisa ng mga gumagawa at nagbebenta ng droga ang kanilang sarili . . . sa pangglobong lawak at inilagak ang malaking bahagi ng kanilang mga kinita sa droga sa mga sentro ng pananalapi na nag-aalok ng paglilihim at kaakit-akit na patubo. . . . Nagagawa na ngayon ng mga nagbebenta ng droga na magtinging legal ang ilegal na kita sa pamamagitan ng paglilipat-lipat ng salapi sa elektronikong paraan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na may kakaunting kontrol lamang ng gobyerno.”
Lumilitaw na maraming Amerikano ang maaaring nakahahawak ng cocaine araw-araw, bagaman hindi nila namamalayan. Ipinaliwanag ng isang artikulo sa magasing Discover na ang karamihan ng mga perang papel sa Amerika ay may mga bakas ng drogang iyon.
Ang katotohanan ay na sa ngayon ang paggamit ng mga droga (mga gamot at mga narkotiko), kabilang na ang ipinagbabawal na mga droga, ay katanggap-tanggap na sa marami, anupat minamalas ito bilang bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay. Kung isasaalang-alang ang lubhang napapabalitang pinsala na dulot ng ipinagbabawal na mga droga at gayundin ng tabako at alkohol, ang maliwanag na tanong ay, Bakit ba inaabuso ng mga tao ang mga ito? Habang pinag-iisipan natin ang tanong na ito, angkop lamang na isaalang-alang ang ating sariling mga pangmalas hinggil sa mga droga.
[Talababa]
a Ang binge drinking ay binigyang-katuturan bilang ‘sunud-sunod na pag-inom ng lima o higit pang inuming de-alkohol para sa mga lalaki, at apat o higit pa para sa mga babae.’
[Larawan sa pahina 3]
Ang binge drinking ay isang pangunahing suliranin sa maraming kampus sa kolehiyo
[Larawan sa pahina 5]
Minamalas ng marami na ang sigarilyo at mga drogang “panlibangan” ay di-nakapipinsala