Turismo—Isang Pangglobong Industriya
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Bahamas
KAILAN mo huling sinabi sa iyong sarili na ‘Kailangan kong magbakasyon’? Marahil ay nadarama mo na kailangan mo talagang takasan ang pang-araw-araw mong mga kaigtingan. Nakapaglakbay ka na ba sa isang malayong lugar para magbakasyon? Isaalang-alang ito: Kamakailan lamang nitong nakaraang siglo, karamihan sa mga tao sa lupa ay hindi regular na nagbabakasyon. Karagdagan pa, ginugugol ng karamihan ang kanilang buong buhay sa loob lamang ng ilang daang kilometro mula sa lugar kung saan sila isinilang. Ang paglalakbay sa malalayong lugar para sa kaluguran o edukasyon ay pribilehiyo ng isang napakaliit na grupo ng mahihilig makipagsapalaran o mayayamang indibiduwal. Ngunit sa ngayon, daan-daang libong tao ang nakapagpaparoo’t parito sa kanilang sariling bansa o maging sa buong globo. Ano ang nagdulot ng ganitong pagbabago?
Pagkatapos ng pag-unlad ng industriya, milyun-milyong tao ang nakibahagi sa paggawa ng mga kalakal at paglalaan ng mga serbisyo. Nagbunga ito ng mas malalaking sahod at nang dakong huli ay higit na kita. Ang biglaan at malaking pagsulong sa teknolohiya ay lumikha rin ng mga makina na pumalit sa kalakhang bahagi ng trabahong nangangailangan ng maraming manggagawa. Pinangyari nito na magkaroon ng higit na panahon sa paglilibang ang maraming tao. Dahil sa mga salik na ito, noong kalagitnaan ng dekada ng 1900, ang pagdating ng mas abot-kayang transportasyon ay naging dahilan ng pagdagsa ng mga turista. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga larawan ng malalayong lugar tungo sa mga tahanan sa buong daigdig, pinukaw ng bagong naimbentong industriya sa komunikasyon ang hangaring maglakbay.
Ang resulta ay ang mabilis na paglawak ng pangglobong industriya ng turismo. Tinataya ng World Tourism Organization (WTO) na ang bilang ng mga taong naglalakbay patungo sa ibang bansa ay darami mula 613 milyon noong 1997 hanggang 1.6 na bilyon pagsapit ng taóng 2020—na walang nakikitang posibilidad na maging matumal ang industriya sa panahong iyon. Naging kaakibat sa paglaki ng kahilingan sa larangang ito ang pagtaas sa bilang ng mga negosyo, mga resort, at mga bansa na naglalaan ng mga serbisyo para sa mga turista.
Pinasok ng Maraming Bansa ang Merkado ng Turismo
Sa maiinam na kalagayan, nakikinabang ang lahat sa turismo. Ang turista ay nakatatakas sa kaniyang normal na rutin at naaasikasong mabuti, nalilibang, o natututo. Ngunit paano naman nakikinabang ang mga tagapaglaan ng serbisyo? Ang internasyonal na turismo ay isang mabisang paraan upang makakuha ng salaping banyaga. Karamihan ng mga bansa ay nangangailangan ng salaping banyaga upang mabayaran ang mga kalakal at serbisyo na dapat nilang angkatin.
Sa katunayan, sinabi ng isang ulat ng WTO: “Ang internasyonal na turismo ang pinakamalakas na kumita ng salaping banyaga sa buong daigdig at isang mahalagang salik sa balanse ng kabayaran sa maraming bansa. Ang mga natanggap na salaping banyaga mula sa internasyonal na turismo ay umabot sa US$423 bilyon noong 1996, na nakahihigit sa perang tinanggap mula sa pagluluwas ng mga produktong petrolyo, sasakyang de-makina, mga kagamitan sa telekomunikasyon, tela o iba pang produkto o serbisyo.” Sinabi ng ulat ding iyon: “Ang turismo ang pinakamabilis na lumalagong industriya sa daigdig,” at kumatawan ito sa “hanggang 10 porsiyento ng Gross Domestic Product sa daigdig (kabuuang halaga ng lahat ng produkto at serbisyo sa isang taon).” Hindi kataka-taka na karamihan sa mga bansa, kabilang na ngayon maging ang ilang bansa mula sa dating Unyong Sobyet, ang nasa—o nagmamadaling pumasok sa—internasyonal na industriya ng turismo.
Ang kinikita ng pamahalaan mula sa turismo ay ginagamit upang pagbutihin ang imprastraktura, maglaan ng mas mataas na antas ng edukasyon, at sapatan ang iba pang kagyat na mga pangangailangan ng bansa. Halos lahat ng pamahalaan ay nababahala na ang kanilang mga mamamayan ay may hanapbuhay. Ang mga trabahong naidudulot ng turismo ay tumutulong na masapatan ang pangangailangang ito.
Upang ilarawan ang maaaring maging epekto ng turismo sa ekonomiya ng isang bansa, isaalang-alang ang halimbawa ng Bahamas, isang maliit na bansa ng mga isla na umaabot sa bukana ng Gulf of Mexico sa pagitan ng Florida, sa Estados Unidos, at ng isla ng Cuba. Ang Bahamas ay walang pangmalakihang negosyo sa agrikultura at halos walang likas na materyales na ginagamit sa industriya. Ngunit ang mga islang ito ay may mainit-init na klima, malilinis na tropikong baybayin, maliit na populasyon na may bilang na halos 25,000 palakaibigang tao, at malapit sa Estados Unidos—mga katangiang pinagsama-sama upang magkaroon ng isang maunlad na industriya ng turismo. Ngunit ano ba ang kailangan upang mapaglaanan ang mga turista ng isang kalugud-lugod at ligtas na bakasyon?
Pagbibigay-Kasiyahan sa mga Makabagong Bakasyunista
Nang magsimula ang internasyonal na turismo, ang karanasan ng pagdalaw sa ibang bansa ay bihirang makapagbigay-kasiyahan sa maraming manlalakbay—bukod pa sa maraming kahirapan sa paglalakbay noon. Gayunman, sa ngayon, binibigyang-pagkakataon ng komunikasyon ang maraming tao na magkaroon ng ideya hinggil sa malalayong lugar nang hindi umaalis sa bahay sa pamamagitan ng telebisyon. Kaya ang mga resort ay napapaharap ngayon sa hamon na gawin ang aktuwal na pagdalaw na isang namumukod-tanging karanasan habang inilalaan ang kaalwanan na masusumpungan sa bahay o mas mahusay pa rito. Karagdagan pa, yamang maraming turista ang madalas na naglalakbay, ang mga lugar na pinupuntahan ay madalas na nagkokompetensiya sa buong daigdig.
Nagbunga ito ng paglitaw ng kamangha-manghang mga pang-akit at mga resort. Halimbawa, isaalang-alang ang isang napakalaki at napakarangyang otel sa Bahamas. “Dinisenyo ang pasilidad upang hindi mo talaga malimutan ang pagdalaw mo,” ang sabi ni Beverly Saunders, direktor ng pagpapasulong sa pag-oorganisa ng otel. “Ngunit higit pa ang tunguhin namin. Nais namin na ang iyong pakikipag-ugnayan sa mga tao rito ay hindi mo rin malilimutan.” Paano sinasapatan ng gayong mga resort ang mga pangangailangan ng kanilang mga panauhin?
Mga Paghahanda sa Resort na Lingid sa Madla
“Kapag ang aming pasilidad na may 2,300 kuwarto ay punô, maaaring 7,500 hanggang 8,000 panauhin ang inaasikaso namin nang sabay-sabay,” ang sabi ni Beverly. “Malaki ang hamon ng pagpaplano at pagsasagawa nito. Ang pag-oorganisa na kailangan upang masapatan ang mga pangangailangan ng lahat ng panauhing ito ay katulad ng pagpapatakbo sa isang maliit na lunsod ngunit may karagdagang mga hamon. Kailangan na may makukuhang pagkain na karaniwang kinakain ng aming mga panauhin sa kanilang tahanan. Ngunit upang ang kanilang karanasan ay di-malilimutan, kailangan na makapaglaan din kami ng kakaibang pagkain at mapaglilibangan. Sa maraming resort, 50 porsiyento o higit pa sa mga tauhan sa paglalaan ng serbisyo ay nauukol sa pagsisilbi ng pagkain at inumin.”
Gayunman, tulad ng napansin ni I. K. Pradhan sa kaniyang sanaysay na “Epekto ng Turismo sa Lipunan at Kultura sa Nepal,” “sa lahat ng salik na nagpapasiya ng tunay na kaluguran at kasiyahan sa paglalakbay, wala nang iba pang salik ang higit na mas mahalaga kaysa sa paraan ng pakikitungo ng lokal na mga tao sa mga panauhin at ang pagkadama ng katiwasayan na nararanasan ng mga panauhin.”
Paano lubos na sinasapatan ng mga matagumpay na resort na panturista sa buong daigdig ang mga pangangailangang ito? “Pagsasanay, pagpuri sa kanais-nais na paggawi, pagtuturo, pagtutuwid—walang-katapusang pagsisikap na maglaan ng serbisyong mataas ang kalidad na di-nagbabago,” ang sagot sa tanong na iyan ng isang ehekutibo na nangangasiwa sa pagsasanay para sa isang nangungunang resort sa Bahamas. “Karamihan sa mga taga-Bahamas ay likas na mababait. Ngunit talagang isang hamon ang maging palakaibigan, kalugud-lugod, at palangiti sa lahat ng pagkakataon habang nasa trabaho. Kaya ikinikintal namin ang pangangailangan na anuman ang trabaho nila, ipakita nila ang katangian ng isang propesyonal katulad ng makikita sa isang doktor, abogado, o ahente ng seguro. Mahigpit naming ipinatutupad ang internasyonal na mga pamantayan para sa bawat aspekto na bumubuo sa ganap na karanasan ng isang turista. Mientras mas puspusan kaming nagpapagal bilang isang grupo upang maabot ang mga pamantayang ito, higit na magiging mas kalugud-lugod at di-nagbabago ang mataas na kalidad ng serbisyo.”
Ang Kabilang Panig ng Turismo
Kung nakapaglakbay ka na, nasumpungan mo ba na sa kabila ng mabuting pagpaplano, tila laging may mga gastusin na hindi mo inaasahan? Nararanasan din ito ng mga tagapaglaan ng turismo.
Ang “industriya ng turismo ay maaaring magdulot ng maraming kapakinabangan sa ating papaunlad na lipunan,” ang sabi ni Pradhan, na sinipi kanina. Gayunman, sinabi niya na kapag walang angkop na mga pamamaraan, “ang di-malulutas na mga problema sa lipunan ay maaaring lumitaw rin.” Idinagdag pa niya: “Kailangan na [tayo’y] maging lubos na handa kalakip na ang sapat na kabatiran hinggil sa iba’t ibang epekto ng makabagong turismo.” Anong mga problema ang kaniyang tinutukoy?
“Ang mga bansang nag-aasikaso sa malalaking bilang ng turista ay halos palaging nakararanas ng malulubha, bagaman di-sinasadya, na paghina ng kanilang tradisyonal na mga paraan ng pamumuhay. Sa ilang lugar, ang lokal na kultura ay nawawala.” Ganiyan inilarawan ni Cordell Thompson, isang opisyal na may mataas na katungkulan sa Bahamas Ministry of Tourism, ang isang karaniwang masamang epekto. Binanggit ni Thompson nang may pagmamalaki ang hinggil sa lahat ng kapaki-pakinabang na epekto ng turismo sa kaniyang bansa. Gayunman, inaamin niya na ang paninirahan sa isang bansa kung saan ang mga bakasyunista ay palaging nakahihigit sa—o kumakatawan sa malaking bahagi ng—populasyon ay nakapagdulot ng maraming iba pang di-inaasahang epekto.
Halimbawa, nasusumpungan ng ilan na gumagawang kasama ng mga turista na sa kalaunan ay nagsisimula silang magkaroon ng maling kaisipan na ang panauhin ay laging nagbabakasyon. Maaaring sikapin ng mamamayan na tularan ang ganitong guniguning istilo ng pamumuhay. Ang iba naman ay hindi naaapektuhan sa ganitong paraan. Ngunit dahil sa paggugol ng malaking panahon ng kanilang paglilibang sa mga resort na pinupuntahan ng mga dayuhan, naiwawala nila ang kanilang tradisyonal na istilo ng buhay sa dakong huli. Kung minsan, ang mga pasilidad na ginawa para sa mga turista ay lubhang tinularan ng populasyon anupat ang mga sentro ng komunidad ng katutubong kultura ay sa kalaunan, nawawala ang impluwensiya at tuluyan nang naglalaho sa ilang lugar.
Maraming popular na mga internasyonal na lugar para sa turismo ang nahahati sa dalawang nagkakasalungatang impluwensiya. Malugod nilang tinatanggap ang kapaki-pakinabang na kita mula sa pagdagsa ng mga panauhin. Gayunman, napabibigatan sila sa mga problema sa lipunan na dulot ng mga industriya na nilikha upang sapatan ang mga pagnanasa ng mga turista na gustong magpakasasa sa mga ipinagbabawal na hangarin.
Turismong Napananatili
Dahilan sa ang ilan sa pinakamalalaking kapakinabangan ng makabagong turismo ay nagdudulot ng mga epekto na nagbabanta sa mismong pagpapatuloy nito, ang pananalitang madalas na mapakinggan ay ang “turismong napananatili.” Ipinakikita nito na natatanto ng ilan na ang panandaliang mga kapakinabangan mula sa ilang gawain sa turismo na mapagkakakitaan ay nagbabantang pumatay sa mismong turismo. Ang ilang mahihirap na isyu ay kailangang lutasin upang patuloy na mapanatili ang industriya.
Ang epekto ng turismo sa kapaligiran, sa katutubong mga kultura, ang pagiging magkatugma ng mga tunguhin ng mga resort na nagnanais kumita at ng napakalalaking resort na ang mga tunguhin ay yaong sa bansa na sumusuporta rito—ito ang ilan sa madalas na nagkakasalungatang mga bagay na kailangang balansihin sa hinaharap. Nitong kamakailang mga buwan, ang mga pagkabahala hinggil sa kaligtasan at katiwasayan ay nagdulot ng malaking kalugihan sa industriya ng paglalakbay, at ang mga ito ay dapat na lutasin sa kalaunan. Kung paano makaaapekto ang mga ito sa pagsulong ng makabagong turismo sa hinaharap ay malalaman pa.
Sa susunod na magpasiya kang takasan ang iyong regular na rutin at magrelaks sa isang resort na malayo sa iyong tinitirhan, marahil ay pahahalagahan mo ang pangglobong industriyang ito—ang pambansa at pang-internasyonal na turismo.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 15]