Paggamit sa Enerhiya ng Lupa
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PILIPINAS
Nakatago sa ilalim ng lupa ang isang malaking kayamanan. Hindi ito ginto, pilak, o mahahalagang hiyas. Sa halip, ito ang napakalakas at nakatagong init na tinatawag na enerhiyang geothermal.
ANG kalakhan ng init na ito ay nakatago sa ilalim ng lupa sa mga suson ng lusaw na batong materyal, o magma. Tunay ngang isang kayamanan ang init ng lupa sapagkat ito’y isang malinis na pinagkukunan ng enerhiya na nagbibigay ng kakaibang mga bentaha kaysa sa langis, karbón, natural na gas, at lakas nuklear.
Ang temperatura sa kailaliman ng lupa, ayon sa pagkakasunud-sunod ng antas, ay daan-daan at libu-libong digri Celsius pa nga. Ipinapalagay na ang antas ng init na lumalabas sa ibabaw ng lupa mula sa kailaliman na ito sa loob ng isang taon ay katumbas ng mga 100 bilyong megawatt hour ng enerhiya—maraming beses ang kahigitan sa kuryenteng ginagamit sa buong mundo. Talagang nakagugulat na dami ng enerhiya! Subalit isang hamon ang paggamit ng kayamanang ito.
Pagkuha ng Kayamanan
Ang takdang antas ng init ng lupa ay nasa ilalim ng lupa, at malapit pa nga sa pinakaibabaw ng lupa. Makukuha ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga heat pump na nakakabit sa magkakarugtong at paikot na mga tubo na nakabaon sa lupa. Kaya ang enerhiyang nakukuha ay magagamit sa pagpapainit ng mga tahanan kapag panahon ng taglamig o sa paggawa ng iba pang kapaki-pakinabang na gawain. Bukod pa rito, ang nakukuhang init mula sa lupa ay nagagamit sa iba pang paraan ng mga taong nakatira malapit sa maiinit na bukal o iba pang lugar na mainit ang ilalim ng lupa. Halimbawa, ginamit ng mga sinaunang Romano ang maiinit na bukal bilang mga páliguán.
Matatagpuan ang mas matitinding init sa ilalim ng crust ng lupa (pinakalabas na bahagi ng lupa), sa suson na tinatawag na mantle. Ang pangkaraniwang kapal ng crust ay mga 35 kilometro—mas malalim pa kaysa sa kayang hukayin ng teknolohiya sa ngayon. Subalit ang crust na ito ay binubuo ng maraming plato at mas manipis sa partikular na mga lugar, lalo na sa mga lugar na nagsasalubong ang mga plato. Sa mga lugar na ito, ang magma ay umaakyat nang mas malapit sa pinakaibabaw ng lupa at pinaiinit nito ang tubig na nakulong sa mga suson ng bato. Ang tubig na ito ay karaniwang masusumpungan mga dalawa hanggang tatlong kilometro sa ilalim ng lupa, na kayang-kayang abutin ng makabagong pamamaraan ng paghuhukay. Maaari itong kunin at gamitin sa kapaki-pakinabang na mga paraan. Tingnan natin kung paano.
Mabisang Paggamit ng Init
Sa kapantayan ng dagat, ang tubig ay kumukulo sa 100 digri Celsius. Subalit sa ilalim ng lupa, mas mataas ang presyon, at nananatiling nasa likidong kalagayan ang tubig sa mas matataas na temperatura.a Kapag naabot ng paghuhukay ang tubig na mas mataas pa sa 175 digri Celsius, magagamit ang tubig na ito para paandarin ang de-kuryenteng mga genereytor.
Karaniwang masusumpungan ang tubig na mataas ang mga temperatura sa mga lugar na bago pa lamang naging aktibo ang mga bulkan, gaya ng Ring of Fire sa Pasipiko, isang rehiyon ng mga bulkan na kapuwa aktibo at di-aktibo sa lugar ng Pasipiko. Ang bansang Pilipinas ay matatagpuan sa rehiyong ito. At nitong nakalipas na mga taon, malaking pagsulong ang nagawa rito sa paggamit ng mga yamang geothermal para gawing kuryente. Sa katunayan, ang Pilipinas ang naging isa sa pinakamalalaking pinagkukunan ng kuryente sa daigdig na nagmula sa enerhiyang geothermal. Mahigit sa 20 porsiyento ng lahat ng kuryenteng ginamit sa bansa ay nagmumula sa yamang ito.
Para higit pang malaman kung paano nakukuha ang kuryente mula sa init ng lupa, pinasyalan ng Gumising! ang isang malaking pasilidad ng geothermal na tinatawag na Mak-Ban, sa lalawigan ng Laguna sa Pilipinas. Ang instalasyong ito ay may kapasidad na makalikha ng 426 megawatt ng kuryente. Suriin natin sumandali kung paano ito ginagawa.
Pagdalaw sa Isang Plantang Geothermal
Pagkalampas namin sa malaking haywey, binaybay namin ang kalsadang salubungan patungo sa lugar ng plantang geothermal. Habang papalapit kami sa planta sa lugar na ito, tumambad sa amin ang lugar na may pagkarami-raming naglalakihang mga tubo ng singaw na nagmumula sa mga balon ng geothermal patungo sa mga umaandar na planta. Mas marami pang tubo ang makikita sa kalapit na burol na nagdadala ng singaw mula sa balon. Magkakapantay ang pagitan ng pinakabukó ng mga tubo. Napag-alaman namin na ang mga pinakabukóng ito ang nagpapahintulot sa paglaki at pagliit ng malalaking tubo habang ang mga ito’y umiinit at lumalamig.
Matatagpuan malapit sa nayon ang mga opisina ng Philippine Geothermal, Inc., kung saan kami sinalubong ng manedyer na nagpapatakbo ng planta na si Roman Sta. Maria. Hindi nagtagal at sinimulan namin ang aming paglilibot sa lugar na may giya kasama si Roman.
Matatagpuan malapit sa mga opisina ang ilan sa mga balon para sa pagpoproseso. “Iisa ang ginagamit naming teknolohiya gaya ng ginagamit sa paghuhukay ng mga balon ng langis,” ang sabi ni Roman, “mas maluluwang nga lang ang diyametro ng mga butas.” Sinabi pa niya: “Ang totoo, naging parang mga alulod ang mga balon na siyang dinadaluyan ng mainit at may presyon na tubig at singaw na dinadala sa itaas. At iyan ang nakukuha namin na amin namang dinadala sa planta ng kuryente.” Dikit na dikit ang dalawang magkalapit na mga balon. Nang tanungin namin kung bakit, ipinaliwanag ng aming giya: “Sa ibabaw lang magkadikit ang mga iyan. Sa ilalim ng lupa, deretso lang ang isang balon. Ang isa naman ay nagpapangyari sa amin na makontrol ang direksiyon nito. Mahalaga ito dahil sa halaga ng lupa. Nakatutulong sa amin para makapagtipid kapag hinuhukay nang magkalapit ang mga balon.”
Palibhasa’y gusto naming malaman pa nang higit ang tungkol sa proseso, nagtanong kami: “Nabasa namin na gumagamit kayo ng flash-steam technology sa lugar na ito. Anong ibig sabihin niyan?” Ganito ang paliwanag ni Roman: “Ang pinakamalalim na balon namin dito ay halos 3,700 metro [12,000 talampakan]. Mataas ang presyon ng mainit na tubig sa malalalim na lugar. Pero kapag dinala mo ito sa ibabaw ng lupa, bumababa ang presyon at ang karamihan ng tubig ay nagiging singaw—kaya diyan nakuha ang katawagang flash-steam technology.”
Masusumpungan sa mga tubo mula sa mga balon ang separator (tagapaghiwalay). Dito inihihiwalay ang singaw mula sa mainit na tubig o tasik ng geothermal. Subalit hindi pa maaaring patakbuhin ng singaw ang planta. Ipinaliwanag pa nang higit ni Roman: “Ang mga patak ng tubig ay nananatili sa dumadaloy na singaw. Ang mga patak na ito ay nagtataglay ng mga mineral na maaaring kumapit sa turbo at sumira rito. Kaya mula sa separator, nagtutungo ang singaw sa scrubber (aparatong nag-aalis ng dumi). Ang trabaho ng scrubber ay alisin ang mga patak na ito ng tubig.”
Itinuro ng aming giya ang malalaking tubo na may insulasyon na nagdadala ng singaw na inalisan ng patak ng tubig patungo sa plantang gumagawa ng kuryente, halos isang kilometro ang layo. Yamang nagaganap ang condensation (nagiging tubig ang singaw) sa prosesong ito, pinadaraan sa isa pang proseso ng scrubbing ang singaw bago ito pumasok sa turbo na nagpapatakbo sa genereytor.
Nakarating na kami ngayon sa tuktok ng burol kung saan matutunghayan ang buong lugar ng plantang geothermal. “Ang kabuuang laki ng lugar na ito ay halos pitong kilometro kuwadrado [tatlong milya kuwadrado],” ang sabi ni Roman, at sinabi pa niya: “Mayroon kami ritong 102 balon, 63 sa mga ito ay mga balon na nagpoproseso. Ang maraming iba pa ay mga reinjection well.” Ang sumunod na tanong namin ay: “Ano ang mga reinjection well?” Ang sagot ni Roman: “Gayon na lamang karami ang nailalabas naming mainit na tubig at singaw sa bawat oras anupat kinakailangang ibalik ang inihiwalay na tubig sa tipunan na nasa ilalim ng lupa upang hindi mapinsala ang kapaligiran. Sandaang porsiyento ng lumabas na likido ay ibinabalik muli.” Napag-alaman namin na ang prosesong ito ng pagbabalik muli ng tubig ay nakatutulong upang maisauli sa dating kalagayan ang lugar ng geothermal.
Paano naaapektuhan ng geothermal na planta ng kuryente ang kabuuang anyo ng lugar? Ang pinakakapansin-pansing katibayan ng pagkanaroroon nito ay ang lumalabas na singaw mula sa planta ng kuryente. Kung hindi naman, ang nakikita namin ay mga dahon ng niyog at iba pang halaman. Marami ring bahay ang masusumpungan sa ibaba ng libis. Waring sa pamamagitan ng maingat na pangangasiwa, maaaring itayo ang plantang geothermal katabi ng mga tirahan ng mga tao nang hindi rin naman napipinsala ang kapaligiran.
Ang ginagamit lamang ng mga instalasyong tulad ng aming dinalaw ay singaw na mataas ang temperatura para gawing kuryente. Gayunman, pinagsikapan kamakailan na makakuha ng enerhiya mula sa likido na wala pang 200 digri Celsius. Bunga nito, nabuo ang teknolohiyang binary cycle. Ginagamit ng pamamaraang ito ang nakuhang mainit na likido na pinasisingaw para maging pangalawahing likido, na siya namang nagpapatakbo sa isang turbo at genereytor.
Mga Bentaha at Disbentaha
Maraming mabubuting bagay ang masasabi tungkol sa enerhiyang geothermal. Nabawasan ng mga bansang nakakakuha ng kuryente mula rito ang kanilang pagkaumaasa sa langis. Bawat taon, 140,000 bariles ng krudo ang natitipid sa bawat sampung megawatt ng kuryente na nakukuha sa loob ng isang taon sa enerhiyang geothermal. Bukod pa rito, napakalaki ng mapagkukunan ng enerhiyang geothermal, at di-gaanong nanganganib maubos tulad ng maraming iba pang pinagkukunan ng enerhiya. Malaki rin ang kabawasan sa mga problema sa polusyon. Karagdagan pa, mas mababa ang halaga sa pagproseso ng enerhiyang geothermal kung ihahambing sa maraming iba pang anyo ng enerhiya.
May kinalaman sa disbentaha, mayroon din namang mga problema sa kapaligiran. Ang singaw ng geothermal ay karaniwang nagtataglay ng hydrogen sulfide, na nakalalason kapag marami at nakaiinis naman kapag kaunti dahil sa amoy ng asupre nito. Subalit mabisa ang proseso para sa pag-aalis nito at mas mahusay kaysa emission-control system na ginagamit sa fossil-fuel na mga planta ng kuryente. Isa pa, ang sumisingaw na mga tipik ay maaaring magtaglay ng kaunting arsenic o iba pang nakalalasong substansiya. Kapag ibinalik muli sa lupa ang mga ito, nababawasan ang panganib. Maaaring maging problema rin ang pagdumi ng pinagmumulan ng tubig sa ilalim ng lupa kung ang mga balon ng geothermal ay hindi naibaon nang malalim at saka sinarhan ng mga aserong pantakip at semento.
Binigyan tayo ng ating Maylalang ng isang planeta na may sari-saring kayamanan. Ang enerhiyang geothermal ay isa lamang sa mga ito. At nag-uumpisa pa lamang ang mga tao na matuto kung paano ito gamitin. Tiyak na makatutulong sa atin ang mga pagsulong sa hinaharap para maunawaan kung paano gagamitin ang ating mga kayamanan sa kapaki-pakinabang na paraan at kasabay nito kung paano pangangalagaang mabuti ang kamangha-manghang daigdig na ipinagkatiwala sa atin.—Awit 115:16.
[Talababa]
a Ang boiling point ng tubig ay tumataas hanggang sa mga 230, 315, at 600 digri Celsius sa lalim na 300, 1,525, at 3,000 metro ayon sa pagkakasunud-sunod nito.
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Plantang geothermal sa Mak-Ban, Pilipinas (Pinasimpleng larawan)
Pambutas na kagamitan
↓
Deposito ng geothermal
Mga kawad ng kuryente
↑
Transpormer
↑
Genereytor
↑
balon na nagpoproseso → Separator → Singaw → Scrubber → Scrubber → Turbo
↓ ↓
↑ Tasik → Reinjection well ← Tubig ← Cooling tower
↑ ↓
Deposito ng geothermal
[Mga larawan]
BALON NA NAGPOPROSESO
MGA TUBO PARA SA SINGAW
PLANTANG GUMAGAWA NG KURYENTE
[Credit Lines]
Mga lalaking nagbubukas ng balbula ng singaw sa pahina 13: Courtesy Philippine National Oil Corporation; mga tubo sa pahina 13 at tanawin mula sa itaas at nakasingit na larawan ng plantang gumagawa ng kuryente sa pahina 15: Courtesy of National Power Corporation (Philippines); balon na nagpoproseso at mga tubo para sa singaw sa pahina 15: Courtesy of Philippine Geothermal, Inc.