Paglalayag sa Barko—Sa Tubig at sa Lupa!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND
Ano kaya ang iisipin mo kung anyayahan ka ng isang kapitan ng barko na maglayag kasama niya—hindi lamang sa ibabaw ng mga alon kundi maging sa ibabaw ng tila umaalong damuhan?
MAY mahabang kasaysayan ang paglalakbay sakay ng barko sa Iława, ang bayan na may maraming lawa sa hilagang Poland. Mga sampung siglo na ang nakalilipas, ang lokal na ani, kahoy, at mga produktong gawa sa kahoy ay dinadala ng mga barkong dumaraan sa isang matagal na at kilaláng ruta—patimog mula sa Ilog Drwęca tungo sa Ilog Vistula at pagkatapos ay pahilaga sa Dagat ng Baltic. (Tingnan ang mapa.) Mula roon, ang mga kalakal na ito ay inihahatid sa Kanlurang Europa.
Noong ika-13 siglo, pagkatapos lupigin ng mga Teutonic Knight ang kalakhang bahagi ng rehiyon, lalo pang naging mahalaga ang rutang ito.a Nang maglaon, mula noong ika-16 na siglo, mabilis na lumaki ang pangangailangan para sa kahoy na nagmumula sa lugar na ito, yamang mabili ito sa mga negosyanteng nagmula sa Gdańsk at sa mga gumagawa ng barko mula sa Pransiya at Denmark.
Bakit gayon na lamang ang interes nila sa kahoy sa lugar na iyon? Ang isang dahilan ay napakahusay na gawing palo para sa mga naglalayag na barko ang walang-umbok at payat na punong pino, na tumutubo nang hanggang 50 metro ang taas sa kagubatan ng lupain. Gayunman, ang panahong gugugulin sa pagdadala ng kahoy sa pamamagitan ng pasikut-sikot na ruta sa ilog ng Drwęca at ng Vistula ay umaabot nang mga anim hanggang walong buwan.
Paghahanap ng Mas Maikling Ruta
Sa kanilang paghahanap ng solusyon sa problemang ito, pinag-isipan ng mga marinero kung paano nila magagamit ang anim na mahahabang lawa na nasa pagitan ng Ostróda at Elbląg, malapit sa Vistula Lagoon. Kung mapagdurugtong lamang ang mga ito sa paanuman, ang ruta mula sa Ilog Drwęca tungo sa Baltic ay magiging mas maikli nang limang beses! Kaya nabuo ang ideya na maghukay ng isang kanal na magdurugtong sa mga lawa. Nakalulungkot, nang maglaon ay naging maliwanag na hindi kaya ng teknolohiya noon ang mga hamon ng proyekto. Halimbawa, paano lulutasin ng mga tagapagtayo ang 104-na-metrong pagkakaiba sa kapantayan ng tubig sa layong 10 kilometro lamang?
Sa kabila ng gayong mga problema, hinangad ng lokal na mga negosyante, may-ari ng lupa, at pabrikante na maipagbili nang mabilis ang kanilang mga paninda at kumita nang malaki, kaya patuloy nilang hinimok ang mga namamahalang taga-Prussia noon na pagdugtungin ang mga lawa. Sa wakas, noong 1825, nagpasiya ang mga awtoridad na gumawa ng kanal na magdurugtong sa mga bayan ng Ostróda at Elbląg, at sa dagat. Iginuhit ang magiging ruta, at ipinagkatiwala ang disenyo sa isang lihim na tagapayo sa konstruksiyon. Pero nang matuklasan ng tagapayong ito na hindi niya kaya ang trabaho, ibinunton na lamang niya sa isang drower ang kaniyang napakasalimuot na mga plano.
Itinuloy ng Isang Napakahusay na Inhinyero ang Ideya
Halos kasabay ng panahong ito, nagtapos naman si Georg Jakob Steenke sa isang akademya sa Berlin na may master’s degree sa konstruksiyon, at nagpakadalubhasa siya sa hydroengineering (inhinyeriya sa tubig). Di-nagtagal, pinatunayan ng mahusay na kabataang lalaking ito ang kaniyang kakayahan sa paggawa, at noong 1836, itinalaga siya sa tanyag na posisyon bilang inspektor ng mga dike sa Elbląg. Sa pagganap ng tungkuling ito, sinuri ni Steenke ang ideya ng pagtatayo ng Oberland Canal, na siyang tawag noon dito.b
Pagsapit ng 1837, nakaisip na si Steenke ng isang bagong ruta para sa kanal at nakabuo na siya ng detalyadong plano na magpapahintulot sa mga barkong pangkargamento na gamitin ang daanang-tubig na ito. Sa panahong ito, sinunod din niyang mabuti ang mga bagong ideya sa teknolohiya ng hydroengineering. Sa wakas, noong 1844, nagsimula ang paggawa sa kanal. Humukay ng mga lagusan sa pagitan ng mga lawa sa unang bahagi ng ruta, na nagpababa nang limang metro sa kapantayan ng tubig sa ilan sa mga lawa. Balak lutasin ni Steenke ang problema hinggil sa natitirang 100-metrong pagkakaiba ng kapantayan ng tubig sa pamamagitan ng pagtatayo ng 25 lock (pintuang-daan sa mga kanal).
Gayunman, pagkatapos magawa ang unang limang lock, natanto ni Steenke na magpapabagal pala ang mga ito sa sistema ng trapiko. Palibhasa’y di-natinag, naglakbay siya sa Estados Unidos upang pag-aralan kung paano nalutas ang nakakatulad na mga problema sa konstruksiyon ng Morris Canal, na bumabagtas sa estado ng New Jersey. Nalaman ni Steenke na napakagastos din ng mga lock sa Morris Canal, subalit may nakita siyang katangian nito na lubha niyang ikinatuwa—ang nakahilig na mga rampa at riles sa ibabaw ng lupa, na may mga platapormang may gulong at mga kableng bakal na dinisenyo upang hilahin ang mga barko patawid sa lupa sa pagitan ng mga seksiyon ng kanal. Pagbalik sa kaniyang bansa, ginaya at pinahusay ni Steenke at ng dalawa pang dalubhasang inhinyero ang ideyang ito. Inihinto niya ang pagtatayo ng karagdagang mga lock at sa halip ay gumawa ng kakaibang sistema ng apat na rampa. Pagkatapos ng matagumpay na mga pagsubok noong 1860, gunigunihin na lamang ang kagalakan ni Steenke nang buksan ang unang seksiyon ng Oberland Canal.
Isang Dakilang Bantayog sa Pagtatayo ng Kanal
Siyempre pa, ang lubusang gumaganang kanal ay hindi lamang binubuo ng mga lagusan at mga rampa kundi gayundin ng mga dam, pintuang-daan ng tubig, mga mekanismo ng mga kableng panghila, mga silid ng makina, at iba pang kagamitan—pawang unti-unting nauupod at naluluma. Kaya pagkalipas ng 20 taon mula nang mabuksan ang kanal, isang bagong rampa ang idinagdag upang palitan ang limang orihinal at gawa-sa-kahoy na mga lock na naupod. Ang pangunahing seksiyon sa pagitan ng Elbląg at Ostróda ay mga 82 kilometro ang haba. Ang kabuuang haba ng ruta pati na ang lahat ng seksiyon nito ay umaabot nang 212 kilometro.
Pinuri ang Oberland Canal, na tinatawag ngayong Elbląg-Ostróda Canal, dahil sa teknolohiya nito na kakaiba sa buong daigdig at sa pambihirang halaga nito sa kasaysayan. Sa ngayon, hindi na gaanong dinaraanan ng mga barkong pangkalakal ang kanal, at kadalasan nang mga lantsa, bangkang de-layag, yate, at mga barkong panturista na lamang ang dumaraan dito. Gayunman, kahit pagkalipas ng napakaraming taon, ang paliwanag ni Dariusz Barton sa kaniyang guidebook na Kanał Elbląsko-Ostródzki (Ang Elbląg-Ostróda Canal), “napakaganda pa rin ng takbo ng gamít na gamít na mga aparato at gusaling iyon ng hydroengineering anupat parang hindi naapektuhan ang mga ito ng paglipas ng panahon. Ito ay dahil sa napakaeksakto at napakawasto ng pagkakagawa sa kanal, anupat pinahanga nito ang mga eksperto.”
Sumama Ka sa Amin sa Isang Kakaibang Paglalakbay Sakay ng Barko
Gusto mo ba kaming samahan sa paglalakbay sakay ng barko sa kakaibang rutang ito? Magsisimula tayo mula sa Ostróda sa umaga. Paglampas sa dalawang lock, naglalayag na tayo ngayon sa taas na 100 metro mula sa kapantayan ng dagat. Habang mapayapa tayong naglalayag sa tubig, hinahangaan natin ang malawak na kagubatan ng mga puno ng birch, elm, pino, at abeto, gayundin ang mga latiang matambo na nahahaluan ng namumulaklak na mga water lily. Ang ilang bahagi ng lugar na ito ay itinalaga nang mga reserbadong dako, kung saan karaniwan nang makikita ang mga gray heron at grebe sa mga pananim sa latian o ang mga siguanang maingat na humahakbang sa mga parang at mababaw na katubigan.
Biglang-bigla, pagkatapos maglakbay nang 51 kilometro, waring wala nang lalagusan ang kanal! Subalit nakita natin doon ang dalawang haliging bato na sumusuporta sa malalaking gulong na may malalaking kableng nakapulupot dito. Ipinatalastas ng kapitan na narating na natin ang unang rampa at ngayon, habang nakasakay ang mga pasahero, sumadsad ang ating barko sa isang nakalubog na plataporma.—Tingnan ang barko at plataporma sa pahina 12.
Di-nagtagal, naglabas ng tubig ang isang espesyal na tangke upang patakbuhin ang walong-metrong gulong na panalok. Ang napakalaking mekanismong ito na pinatatakbo ng tubig ay biglang gumana, at hinila ang plataporma at ang barko, kasama na tayo. Habang umuusad tayo, iniaahon tayo ng mga bakal na riles, kung saan nakapatong ang platapormang sinasakyan ng barko natin, mula sa tubig, palabas sa kanal at paahon sa tagaytay sa ibabaw ng rampa, at pagkatapos ay unti-unting bababa nang pahilig sa layong 550 metro. Talagang “naglalayag” na tayo sa tuyong lupa! Pagkatapos, ang mga riles ay muling lulusong sa tubig, at ang plataporma ay lulubog at hihinto. Muli na namang nakalutang ang ating barko sa tubig—ngayon ay mas mababa ito nang 21 metro kaysa sa naunang kapantayan ng tubig—at nagpatuloy na ang ating paglalayag. Nakababa na ang ating barko sa lima pang gayong rampa pagdating natin sa Lawa ng Druzno, na 30 sentimetro na lamang ang taas mula sa kapantayan ng dagat.
Ang Lawa ng Druzno ay bahagi ng isang santuwaryong sagana sa buhay-iláng, kung saan masusumpungan ang mahigit sa kalahati ng 400 uri ng ibon sa Poland. Kabilang dito ang mga tipol, kormoran, lawing-dagat, agila, at marami pang ibang uri. Habang naglalakbay, posibleng makakita tayo ng mga usa, beaver, baboy-ramo, kuneho, lynx, badger, moose, at iba pang mga hayop. Sa wakas, sa dapit-hapon, pagkalampas lamang natin sa hilagang dulo ng lawa, darating na tayo sa marina sa Elbląg. Naroroon sa baybayin ang mga guho ng isang kastilyo—isang tahimik na alaala ng mga Teutonic Knight na sumakop noon sa mga lupaing ito at nagtatag ng isang daungang-dagat dito. Ginugol natin ang buong maghapon na nakasakay sa barko at nagkaroon tayo ng kalugud-lugod na alaala ng ating kakaibang paglalayag!
[Mga talababa]
a Ang mga Teutonic Knight ay isang militar at relihiyosong pangkat na Aleman. Noong 1234, tinanggap ni Pope Gregory IX ang mga lupain na nilupig ng pangkat bilang pag-aari ng papado, bagaman nasa ilalim pa rin ito ng pamamahala ng mga Teutonic Knight.
b Ang pangalan ng kanal ay nagmula sa Oberland, ang dating pangalan ng rehiyon sa wikang Aleman.
[Dayagram sa pahina 12, 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Larawan ng Loob ng Elbląg-Ostróda Canal (Ang taas ay sinusukat sa metro mula sa kapantayan ng dagat)
OSTRÓDA
↓ Lawa ng Drwęckie
95 metro
↓
↓
Lock sa Zielona
96 na metro
↓
↓
4.6 kilometro
↓
↓
Lock sa Miłomłyn
99 na metro
82 kilometro ↓
↓
36.6 kilometro
↓
↓
Mga rampa
↓
↓
9.6 kilometro]
↓
↓
↓ Lawa ng Druzno
30 sentimetro
ELBLĄG
[Dayagram sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Silid ng makina
Gulong na panalok
Bakal na mga lubid Muton sa gawing ibaba
Plataporma Mga riles
Kanal sa gawing itaas Muton sa gawing itaas Kanal sa gawing ibaba
[Mapa sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dagat ng Baltic
Gdańsk
Vistula Lagoon
Nogat
Vistula
Drwęca
Iława
Maikling ruta sa loob ng kanal
Elbląg
Mga rampa
Ostróda
[Larawan sa pahina 12, 13]
Ang mga barkong nakasakay sa isang plataporma ay hinihilang pataas o pababa sa rampa
[Credit Line]
Zdjęcia: A. Stachurski
[Larawan sa pahina 15]
Tanawin ng kanal sa Ramp Kąty mula sa himpapawid
[Mga larawan sa pahina 15]
“Moose,” “beaver,” at “great-crested grebe,” na nakita habang naglalakbay
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Barko: Zdjęcia: M. Wieliczko; lahat ng iba pang larawan: Zdjęcia: A. Stachurski