“Kayo Po Siguro si Dr. Livingstone”
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Tanzania
“Sa ilalim ng punong mangga na nakatanim noon sa lugar na ito, nakipagkita si Henry M. Stanley kay David Livingstone, 10 Nobyembre 1871.”—Plake sa Livingstone Memorial Monument sa Ujiji sa Lawa ng Tanganyika, Tanzania.
MAHIGIT isang siglo na ang nakararaan nang banggitin ni Stanley ang popular na pagbating ito: “Kayo po siguro si Dr. Livingstone.” Sa labas ng Tanzania, malamang na kakaunti lamang ang nakauunawa sa ibig sabihin ng pagtatagpong ito.
Kaya marami kang matututuhan kapag dumalaw ka sa Livingstone Memorial Museum sa Tanzania. Malugod kaming tinanggap ng aming giya, si Mr. Mbingo. “Sa lugar na kinatatayuan ng monumento,” ang paliwanag niya, “isang malaking puno ng mangga ang nakatanim noon, na sa lilim nito’y nakipagkita si Stanley kay Livingstone.” Sa ngayon, dalawang malalaking puno ng mangga na ang nakatanim doon. “Alam ninyo,” ang patuloy pa niya, “noong dekada ng 1920, nahalata na malapit nang mamatay ang orihinal na puno ng mangga. Nabigo ang mga pagsisikap na panatilihing buháy ang punong ito. Kaya inihugpong ang supang ng punong ito sa dalawang batang punungkahoy at itinanim malapit sa monumento.”
Sino ba si Livingstone?
Habang nakaupo kami sa lilim ng isa sa mga puno ng mangga, sinabi ni Mr. Mbingo na ipinanganak si David Livingstone noong 1813 sa isang maliit na bayan sa Scotland na tinatawag na Blantyre. “Bagaman laki siya sa hirap, nakatapos siya ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagtatrabaho upang masuportahan ang kaniyang sarili at naging bihasa siyang doktor at misyonero.” Nalaman namin na isinugo si Livingstone ng London Missionary Society patungong Aprika, kung saan ginugol niya ang 30 taon ng kaniyang buhay, at nakilala siya bilang isang manggagalugad at misyonero.
“Tatlong beses na pumunta sa Aprika si Dr. Livingstone,” ang sabi ng aming giya. “Dumating siya sa Timog Aprika sa kauna-unahang pagkakataon noong 1841. Noong 1845, nagpakasal si Livingstone sa isang babaing nagngangalang Mary Moffat, anak ng kapuwa niya misyonerong si Robert Moffat.” Nagkaroon ng apat na anak sina Livingstone at Mary. At bagaman sinamahan siya ni Mary sa karamihan ng kaniyang mga paglalakbay, wala nang gaanong panahon si Livingstone sa kaniyang pamilya dahil napakahilig nito sa panggagalugad. Namatay si Mary Livingstone noong 1862 dahil sa malarya samantalang kasama ng kaniyang asawa sa isa sa mga ekspedisyon nito.
Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Gustong palaganapin ni Livingstone ang Kristiyanismo, komersiyo, at sibilisasyon—ang tatlong bagay na pinaniniwalaan niyang magbubukas ng daan sa pag-unlad ng Aprika—pahilaga at lampas pa sa hanggahan ng Timog Aprika hanggang sa gitnang bahagi ng kontinente. Sa isang tanyag na pahayag noong 1853, nilinaw niya ang kaniyang layunin: ‘Bubuksan ko ang daan patungo sa gitnang bahagi ng kontinente, mamatay man ako.’ ” Kaya hindi lamang para sa ebanghelyo ang mga paglalakbay ni Livingstone. Ipinakipaglaban niyang wakasan ang pagbebenta ng mga alipin. Gayundin, unti-unti siyang nahilig sa panggagalugad at ginawa niyang tunguhin na tuklasin ang pinagmumulan ng Nilo.
Gayunman, naisip ni Livingstone na masyadong mabigat ang gawaing ito kung mag-isa lamang siya. Noong 1857, sinabi niya sa isang grupo ng mga kabataang lalaki sa Cambridge University: “Alam kong ilang taon na lamang at mamamatay na ako sa bansang iyon, na madali na ngayong puntahan; huwag ninyong hayaang masarhan itong muli! Bumabalik ako sa Aprika sa pagsisikap na buksan ang daan nito para sa komersiyo at Kristiyanismo; [maaari bang] ipagpatuloy ninyo ang gawaing sinimulan ko? Ipinauubaya ko ito sa inyo.”
Gayunman, malawakang nilakbay ni Livingstone ang buong sentral Aprika. Bukod sa iba pang mga bagay, natuklasan niya ang pagkalaki-laking talon sa Ilog Zambezi, na tinawag niyang Talon ng Victoria, na isinunod sa pangalan ni Reyna Victoria. Nang maglaon, inilarawan niya ang talong ito bilang ang ‘pinakakamangha-manghang tanawing nakita niya sa Aprika.’
Ang Paghahanap
“Ang huling paglalakbay ni Livingstone,” ayon sa paliwanag ng aming giya, “ay nagsimula noong 1866. Gayunman, nagkaroon ng matinding alitan ang kaniyang mga tauhan. Iniwan siya ng ilan sa kaniyang mga tagasunod at nagbalik sa Zanzibar, at ipinamalita nila roon na patay na si Livingstone. Subalit nagpatuloy si Livingstone sa kaniyang paglalakbay. Sa Ujiji, sa silanganing baybayin ng Lawa ng Tanganyika, itinatag niya ang himpilan para sa kaniyang mga ekspedisyon.
“Gayunman, wala nang balita ang mga Europeo hinggil kay Livingstone sa loob ng mga tatlong taon. Buong akala nila’y patay na siya. Kaya naman ang tagapaglathala ng pahayagang New York Herald ay nagpadala ng isang reporter na nagngangalang Henry Morton Stanley upang hanapin si Livingstone—patay man ito o buhay. Mangyari pa, si Livingstone ay hindi pa naman patay at hindi rin siya naligaw. Subalit kailangang-kailangan niya ng mga panustos at may malubha siyang sakit. Noong Nobyembre 1871, isa sa mga lingkod ni Livingstone ang pumunta sa kaniyang bahay at sumisigaw: ‘Mzungu anakuja! Mzungu anakuja!’ ” Iyan ay wikang Swahili na nangangahulugang “Parating ang isang maputing lalaki!”
Ang totoo, gumugol si Stanley ng halos walong buwan sa paghahanap kay Livingstone. Una, dumaan siya sa India patungong Aprika, at dumating sa isla ng Zanzibar noong Enero 6, 1871. Noong Marso 21, 1871, nagsimula siyang maglakbay mula Bagamoyo, isang lunsod sa silangang baybayin, na may dalang anim na tonelada ng mga panustos at 200 upahang tauhan. Palibhasa’y walang mapang mapagbabatayan, naging mapanganib ang 1,500-kilometrong ekspedisyong iyon! Umaapaw ang mga ilog kapag umuulan nang malakas. Si Stanley at ang mga tauhan niya ay nagkaroon ng malarya, ng iba pang mga sakit, at nahapo. Namumutiktik sa mga buwaya ang lahat ng mga ilog; buong-pagkagimbal na nanood si Stanley habang hinihila ng isang buwaya papalubog sa tubig ang isa sa natitira niyang mga asno. Sa isa pang pagkakataon, siya mismo ay muntik na ring nasakmal ng buwaya! Sa kabila nito, lubhang determinado si Stanley na magtagumpay. Lumakas ang kaniyang loob nang mabalitaan niya na isang napakatanda at maputing lalaki ang naninirahan sa lugar ng Ujiji.
Samantalang papalapit si Stanley sa Ujiji, pinaghandaan niya ang pagtatagpong ito. Ganito ang sinabi ng aklat na Stanley ni Richard Hall: “Halos buto’t balat at hapung-hapo na si Stanley, subalit iniisip niya na maaari siyang magpakitang-gilas anupat magmukhang mas matapang kaysa sa [naunang mga manggagalugad] habang patungo siya sa bayan. Tutal, magiging mahalagang pangyayari ito sa kasaysayan—at hindi lamang siya magiging bahagi ng mahalagang pangyayaring ito, kundi isusulat din niya ang hinggil dito. Isinuot ng lahat ng kabilang sa ekspedisyon ang pinakamaganda sa natitira nilang damit. Nilagyan ni Stanley ng bagong panali ang palibot ng kaniyang topee [helmet na gawa sa banakal ng punungkahoy], nagsuot siya ng ilang malinis at puting pranela, at pinakintab niya nang husto ang kaniyang sapatos.”
Isinalaysay ni Stanley ang sumunod na nangyari: “Natapos din sa wakas ang ekspedisyon . . . Hayun ang isang grupo ng pinakakagalang-galang na mga Arabe; at habang papalapit ako, nakita ko sa gitna nila ang isang matandang lalaki na maputi ang mukha. . . . Inangat namin ang aming mga sombrero, at sinabi ko, ‘Kayo po siguro si Dr. Livingstone,’ at sinabi niya, ‘Ako nga.’ ”
Ang Sumunod na Nangyari
Noong una, plano ni Stanley na manatili lamang doon hanggang sa matapos niyang makapanayam at maisulat ang kaniyang kuwento. Gayunman, naging magkaibigan agad sina Livingstone at Stanley. Ganito ang sabi ng aming giya: “Ilang linggong nagkasama sina Stanley at Livingstone, at sabay nilang ginalugad ang Lawa ng Tanganyika. Sinikap ni Stanley na kumbinsihin si Livingstone na magbalik na sa Europa, subalit determinado si Livingstone na manatili roon at hanapin ang pinagmumulan ng Nilo. Kaya noong Marso 14, 1872, malungkot na naghiwalay sina Stanley at Livingstone. Nagbalik si Stanley sa baybayin, kung saan siya bumili ng mga panustos at ipinadala ang mga ito kay Livingstone. Pagkatapos nito, bumalik na si Stanley sa Europa.”
Ano ang nangyari kay Livingstone? Ganito ang paliwanag ng aming giya: “Noong Agosto 1872, ipinagpatuloy ni Livingstone ang paghahanap niya sa pinagmumulan ng Nilo. Nagtungo siya sa timog ng Zambia. Gayunman, humina ang kalusugan niya dahil sa sobrang pagod at pagkakasakit. Noong Mayo 1, 1873, nasumpungan siyang patay. Ang katawan niya ay inembalsamo ng kaniyang mga lingkod . . . at inilibing ang kaniyang puso at bituka sa lupa ng Aprika. Pagkatapos, ang bangkay ni Livingstone ay dinala sa Bagamoyo na 2,000 kilometro ang layo, at kinuha ito ng mga misyonero roon. Isinaayos na itawid ito patungong Zanzibar at pagkatapos ay sa Britanya. Dumating ang bangkay sa London noong Abril 15, 1874, at inilibing sa Westminster Abbey makalipas ang tatlong araw. Halos isang taon ang lumipas bago tuluyang nailibing ang mga labí ni Livingstone.”
Bumalik sa Aprika si Stanley upang ipagpatuloy ang nahintong panggagalugad ni Livingstone. Pinangunahan ni Stanley ang mga ekspedisyon upang galugarin ang mga lugar sa palibot ng Lawa ng Victoria at Lawa ng Tanganyika at ang dinadaluyan ng malaking Ilog Congo.
Tiyak na hahanga ka sa lakas ng loob at determinasyon ng mga lalaking gaya nina Livingstone at Stanley. Hinggil kay Livingstone, ganito ang sabi ng Britannica: “Ang kaniyang mga tuklas—sa heograpiya, teknolohiya, medisina, at lipunan—ay nagsilbing masalimuot na kalipunan ng kaalaman na pinag-aaralan pa rin hanggang ngayon.” At bagaman naaalaala ngayon sina Livingstone at Stanley bilang mga manggagalugad at hindi bilang isang mángangáral at isang reporter, nakatulong naman ang mga ginawa nila upang mabuksan ang pagkakataong mapalaganap ang kaalaman sa Bibliya pagkalipas ng ilang dekada.
Dahil dito, natutulungan ng mga misyonerong Saksi ni Jehova ang daan-daang libong Aprikano na tanggapin ang mga katotohanan sa Bibliya. Sa katunayan, sa Ujiji, kung saan unang natagpuan ni Stanley si Livingstone, alam na alam ng mga tao ang gawain ng mga Saksi na pagbabahagi ng mga katotohanan sa Bibliya anupat kapag nakikita sila ng mga residente roon sa labas ng kanilang mga pintuan, karaniwan nang sinasabi ng isa sa kanila, “Siguro, mga Saksi ni Jehova kayo.”
[Mapa sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lawa ng Victoria
Mga ekspedisyon ni Livingstone
Cape Town
Daungan ng Elizabeth
Kuruman
Lawa ng Ngami
Linyanti
Luanda
Talon ng Victoria
Quelimane
Mozambique
Mikindani
Zanzibar
Chitambo
Lawa ng Tanganyika
Nyangwe
Ujiji, kung saan nagtagpo ang dalawang lalaki
Ang paghahanap ni Stanley kay Livingstone noong 1871
Zanzibar
Bagamoyo
Ujiji, kung saan nagtagpo ang dalawang lalaki
[Credit Line]
Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 22, 23]
David Livingstone
[Credit Line]
Livingstone: From the book Missionary Travels and Researches in South Africa, 1858
[Larawan sa pahina 22, 23]
Henry M. Stanley
[Larawan sa pahina 23]
Talon ng Victoria
[Larawan sa pahina 24]
Isa sa mga Saksi ni Jehova na namamahagi ng katotohanan sa Bibliya sa Ujiji