Pagharap ng mga Ina sa mga Hamon
ANG pinakamalaking hamon para sa maraming ina sa ngayon ay ang pagtatrabaho upang makatulong sa pagtustos sa kanilang pamilya. Bukod diyan, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kailangang palakihin ng ilan ang kanilang mga anak nang walang katuwang.
Si Margarita ay isang nagsosolong ina sa Mexico at mag-isang nagpalaki ng kaniyang dalawang anak. “Nahirapan akong sanayin sila sa moral at espirituwal na paraan,” ang sabi niya. “Minsan, medyo nakainom ang aking nagbibinatang anak nang umuwi siya mula sa isang parti. Binabalaan ko siya na kapag inulit niya ito, hindi ko siya papapasukin sa bahay. Kaya nang ulitin niya ito, masakit man sa loob ko, ikinandado ko ang pinto. Mabuti na lamang at hindi na niya ito inulit pa.”
Di-nagtagal pagkaraan, si Margarita ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya, na nakatulong sa kaniya na maikintal ang kagandahang-asal sa kaniyang mga anak. Sila ngayon ay pareho nang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova.
Kapag Nangibang Bansa ang mga Asawang Lalaki
Maraming asawang lalaki sa mahihirap na bansa ang nagtutungo sa mas mayayamang lupain para magtrabaho, anupat ipinauubaya sa kanilang asawa ang pagpapalaki sa kanilang mga anak. Si Laxmi, isang ina sa Nepal, ay nagsabi: “Pitong taon nang nasa ibang bansa ang aking asawa. Mas nakikinig ang aming mga anak sa kanilang tatay kaysa sa akin. Mas madali sana kung narito siya palagi para manguna.”
Sa kabila ng mga problema, hinarap ni Laxmi ang hamon. Dahil limitado lamang ang kaniyang edukasyon, kumuha siya ng mga tutor upang tulungan ang kaniyang mga nakatatandang anak sa kanilang gawain sa paaralan. Gayunman, binigyan niya ng pantanging pansin ang kanilang espirituwal na edukasyon sa pamamagitan ng pagdaraos sa kanila ng pag-aaral sa Bibliya linggu-linggo. Pinangangasiwaan niya ang araw-araw na pag-uusap tungkol sa isang teksto sa Bibliya at regular niya silang isinasama sa mga pulong Kristiyano.
Mga Inang May Limitadong Edukasyon
Sa ilang bansa, isa pang hamong maituturing ang mataas na bilang ng mga babaing hindi marunong bumasa’t sumulat. Bilang paglalarawan sa disbentaha ng isang inang hindi nakapag-aral, ganito ang paliwanag ni Aurelia, taga-Mexico na may anim na anak: “Palaging sinasabi ng aking nanay na hindi na kailangang mag-aral ang mga babae. Kaya hindi ako kailanman natutong bumasa at hindi ko tuloy matulungan ang aking mga anak sa kanilang mga takdang-aralin. Masakit iyon para sa akin. Pero dahil ayokong magdusa silang gaya ko, nagsikap akong mabigyan sila ng edukasyon.”
Kahit limitado lamang ang edukasyon, may magagawa pa rin ang isang ina. Tama ang kasabihan: “Kapag tinuruan mo ang kababaihan, tinuturuan mo ang mga guro ng kalalakihan.” Si Bishnu, taga-Nepal na may tatlong anak na lalaki ay dating hindi marunong bumasa’t sumulat, subalit dahil sa kaniyang hangaring matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya at maituro ito sa kaniyang mga anak, nagsikap siyang mabuti upang matutong bumasa’t sumulat. Tiniyak niya na ginagawa ng kaniyang mga anak ang kanilang takdang-aralin at palagi siyang pumupunta sa kanilang paaralan upang ipakipag-usap sa mga guro nila ang kanilang gawain sa paaralan.
Kung tungkol naman sa kanilang espirituwal at moral na edukasyon, nagpaliwanag ang anak na lalaki ni Bishnu na si Silash: “Ang pinakagusto ko sa kaniyang pagsisikap na maturuan kami ay na kapag nagkakamali kami, itinutuwid niya kami sa pamamagitan ng mga halimbawa sa Bibliya. Mabisa ang paraang ito ng pagtuturo at nakatulong ito sa akin na tanggapin ang payo.” Naging isang matagumpay na tagapagturo si Bishnu sa kaniyang mga anak na lalaki, anupat silang tatlo ay pawang naging mga kabataang lalaki na may takot sa Diyos.
Si Antonia, taga-Mexico na may dalawang anak ay nagsabi: “Elementarya lamang ang natapos ko. Nakatira kami sa isang baryo, at ang pinakamalapit na paaralang sekundarya ay napakalayo. Pero gusto kong mabigyan ng edukasyon ang aking mga anak nang higit sa naabot ko, kaya gumugol ako ng malaking panahon sa kanila. Itinuro ko sa kanila ang mga panimulang saligan ng edukasyon at mga numero. Bago pa man mag-aral sa paaralan ang aking anak na babae, nababaybay na niya ang kaniyang pangalan at naisusulat na ang lahat ng titik ng alpabeto. Mahusay nang bumasa ang aking anak na lalaki nang pumasok siya sa kindergarten.”
Nang tanungin kung paano niya sila nabigyan ng espirituwal at moral na edukasyon, nagpaliwanag si Antonia: “Itinuro ko sa kanila ang mga kuwento sa Bibliya. Bago pa man matutong magsalita ang aking anak na babae, nasasabi na niya ang mga kuwento sa Bibliya sa pamamagitan ng mga muwestra. Ginampanan ng aking anak na lalaki ang kaniyang unang pagbasa sa Bibliya sa publiko sa aming mga pulong Kristiyano sa edad na apat.” Nahaharap ng maraming ina na may limitadong edukasyon ang hamon bilang mga tagapagturo.
Paglaban sa Nakapipinsalang mga Kaugalian
Naging kaugalian na ng mga Tzotzil ng Mexico na ipagbili ang kanilang mga anak na babae sa pag-aasawa sa edad na 12 o 13. Kadalasan nang ipinagbibili ang mga batang babaing ito sa mga lalaking napakalaki ng agwat ng edad sa kanila at gustong magkaroon ng ikalawa o ikatlong asawa. Kapag hindi nasiyahan ang lalaki sa batang babae, puwede niya itong isauli at bawiin ang kaniyang ibinayad. Napaharap mismo si Petrona sa kaugaliang ito noong bata pa siya. Ang kaniyang ina ay ipinagbili sa pag-aasawa, nagkaanak, at diniborsiyo—na nangyaring lahat noong ito’y 13 anyos! Namatay ang panganay na anak na iyon, at dalawang ulit pang ipinagbili ang nanay ni Petrona pagkatapos nito. Lahat-lahat, nagsilang ang nanay ni Petrona ng walong anak.
Gustong maiwasan ni Petrona ang ganitong buhay at ipinaliwanag niya kung paano niya ito ginawa: “Nang makatapos ako ng elementarya, sinabi ko kay Inay na ayokong mag-asawa at ang gusto ko ay magpatuloy ng pag-aaral. Sinabi ni Inay na hindi siya ang dapat kong kausapin kundi si Itay.”
“Ihahanap kita ng mapapangasawa,” ang sabi sa akin ni Itay. “Marunong ka nang magsalita ng Kastila. Marunong ka nang bumasa. Ano pa ba ang gusto mo? Kung gusto mong mag-aral, bahala kang tumustos sa sarili mo.”
“Iyon nga ang ginawa ko,” ang paliwanag ni Petrona. “Nagburda ako ng tela para matustusan ang aking mga gastusin.” Kaya hindi siya naibenta. Nang malaki na si Petrona, nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang kaniyang nanay, at ito ang nagbigay ng lakas ng loob sa kaniyang nanay upang ikintal sa mga nakababatang kapatid na babae ni Petrona ang mga pamantayang salig sa Bibliya. Mula sa mismong karanasan ng ina, naituro niya sa kanila ang masaklap na bunga ng kaugalian ng pagbebenta ng mga batang babae sa pag-aasawa.
Ang isa pa sa maraming kaugalian ay na ang mga ama lamang ang puwedeng dumisiplina sa mga anak na lalaki sa pamilya. Ganito ang paliwanag ni Petrona: “Itinuturo sa mga babaing Tzotzil na sila’y nakabababa sa mga lalaki. Masyadong dominante ang mga lalaki. Ginagaya ng mga batang lalaki ang kanilang mga ama, at sinasabi nila sa kanilang mga nanay: ‘Huwag mo akong turuan kung ano ang dapat kong gawin. Kung hindi rin lang si Itay ang magsasabi sa akin, hindi ako susunod.’ Kaya hindi puwedeng turuan ng mga ina ang kanilang mga anak na lalaki. Pero ngayong nakapag-aral na si Inay ng Bibliya, nagtagumpay siya sa pagtuturo sa aking mga kapatid na lalaki. Saulado nila ang Efeso 6:1, 2: ‘Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang. . . . Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.’ ”
Si Mary, isang ina sa Nigeria, ay nagkomento rin: “Sa lugar na kinalakhan ko, hindi pinapayagan ng kultura na turuan o disiplinahin ng ina ang mga batang lalaki. Pero bilang pagsunod sa halimbawa nina Loida at Eunice sa Bibliya—lola at ina ni Timoteo—determinado ako na hindi mahadlangan ng lokal na mga kaugalian ang pagtuturo ko sa aking mga anak.”—2 Timoteo 1:5.
Ang isa pang kaugalian na karaniwang ginagawa sa ilang bansa ay ang tinagurian ng ilan na “pagtutuli sa mga babae,” na karaniwang tinatawag na female genital mutilation (FGM). Inaalis ang bahagi o kalakhang bahagi ng pribadong ari ng batang babae sa pamamagitan ng operasyon. Ang kaugaliang ito ay ibinunyag ni Waris Dirie, popular na modelo sa pananamit at pantanging embahador para sa United Nations Population Fund. Kasuwato ng lokal na kaugalian ng mga taga-Somalia, ipinasailalim siya ng kaniyang ina sa FGM noong siya’y bata pa. Ayon sa isang ulat, nasa pagitan ng walo at sampung milyong kadalagahan at mga batang babae sa Gitnang Silangan at Aprika ang nanganganib na sumailalim sa FGM. Maging sa Estados Unidos, tinatayang 10,000 batang babae ang nanganganib.
Anong paniniwala kaya ang nasa likod ng kaugaliang ito? Itinuturing ng ilan na masama raw ang pribadong ari ng babae at na nagpaparumi raw ito sa batang babae kung kaya hindi siya puwedeng mag-asawa. Bukod diyan, ang pagputol, o pag-aalis, ng bahagi ng pribadong ari ay itinuturing na katibayan ng pagiging donselya ng isang bata at na magiging tapat ito. Ang hindi pagsunod ng ina sa kaugaliang ito ay mangangahulugan ng matinding galit ng kaniyang asawa at ng kanilang komunidad.
Gayunman, napag-isip-isip ng maraming ina na walang makatuwirang dahilan—panrelihiyon, pangmedisina, o pangkalinisan—upang suportahan ang masakit na kaugaliang ito. Isiniwalat ng dokumentaryo ng Nigeria na Repudiating Repugnant Customs na marami nang ina ang buong-tapang na tumangging ipasailalim dito ang kanilang mga anak na babae.
Oo, matagumpay na naipagsasanggalang at natuturuan ng mga ina sa buong daigdig ang kanilang mga anak sa kabila ng maraming hamon. Tunay nga kayang pinahahalagahan ang kanilang mga pagsisikap?
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
“Ipinakikita ng paulit-ulit na pag-aaral na palaging may mahalagang papel na ginagampanan ang mga kababaihan sa lahat ng mabisang estratehiya tungo sa kaunlaran. Kapag kasangkot ang mga babae, agad na nakikita ang mga pakinabang: mga pamilyang mas malulusog at may saganang pagkain; lumalaki ang kanilang kita, ipon at puhunan. At kung totoo ito sa mga pamilya, totoo rin ito sa mga komunidad at, sa dakong huli, sa buong bansa.”—Kalihim-Panlahat ng United Nations na si Kofi Annan, Marso 8, 2003.
[Credit Line]
UN/DPI photo by Milton Grant
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
Nagsakripisyo Siya Para sa Amin
Isang kabataang lalaki na taga-Brazil, si Juliano, ay nagsabi: “Noong ako’y limang taóng gulang, maganda ang takbo ng trabaho ni Inay. Pero nang isilang ang aking kapatid na babae, ipinasiya niyang magbitiw na sa kaniyang trabaho para maalagaan kami. Sinikap ng mga tagapayo sa trabaho na pigilan siya. Sinabi nilang kapag nag-asawa na ang kaniyang mga anak at umalis na sa kaniyang poder, magiging bale-walang lahat ang ginawa niya para sa kaniyang mga anak—na wala siyang mahihita sa kaniyang ipinuhunan. Pero masasabi kong mali sila; hinding-hindi ko malilimot ang pag-ibig na ipinakita niya.”
[Mga larawan]
Ang nanay ni Juliano kasama ang kaniyang mga anak; kaliwa: Si Juliano noong siya’y limang taon
[Mga larawan sa pahina 6]
Si Bishnu ay nag-aral bumasa’t sumulat at saka niya tinulungan ang kaniyang mga anak na lalaki na magkaroon ng mainam na edukasyon
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang batang anak na lalaki ni Antonia ay gumaganap ng kaniyang bahagi sa pagbasa sa Bibliya sa mga pulong Kristiyano
[Mga larawan sa pahina 7]
Si Petrona ay isang boluntaryo sa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Tinuturuan ng kaniyang ina, na naging Saksi rin nang dakong huli, ang mga nakababatang kapatid ni Petrona
[Larawan sa pahina 8]
Si Waris Dirie ay isang popular na tagapagsalita laban sa “female genital mutilation”
[Credit Line]
Photo by Sean Gallup/Getty Images