Ano ba ang Itinuturo ng Kalikasan?
“Tanungin mo, pakisuyo, ang maaamong hayop, at tuturuan ka nila; gayundin ang mga may-pakpak na nilalang sa langit, at sasabihin nila sa iyo. O ipakita mo ang iyong pagkabahala sa lupa, at tuturuan ka nito; at ipahahayag iyon sa iyo ng mga isda sa dagat.”—JOB 12:7, 8.
NITONG nakalipas na mga taon, sa napakaliteral na paraan, hinayaan ng mga siyentipiko at inhinyero na turuan sila ng mga halaman at hayop. Pinag-aaralan nila at kinokopya ang mga disenyo ng iba’t ibang nilalang—isang larangang tinatawag na biomimetics—sa pagtatangkang makalikha ng mga bagong produkto at mapahusay pa ang dati nang mga makinarya. Habang binabasa mo ang sumusunod na mga halimbawa, tanungin ang iyong sarili, ‘Sino ba talaga ang dapat purihin sa mga disenyong ito?’
Matuto sa mga Palikpik ng Balyena
Ano ang natutuhan ng mga tagadisenyo ng eroplano sa balyenang humpback? Napakarami nga. Ang isang adultong humpback ay tumitimbang nang mga 30 tonelada—kasimbigat ng isang trak na punô ng kargamento—at matigas ang katawan nito na may malalaking palikpik na parang pakpak. Ang 12-metrong kinapal na ito ay napakaliksi sa ilalim ng tubig. Halimbawa, kapag nanginginain, ang humpback na ito ay maaaring lumangoy nang paikot at paitaas sa ilalim ng kakainin nitong mga krustasyo o isda, habang nagbubuga ng mga bula. Napalilibutan naman ng bulang lambat na ito, may diyametrong kasinliit lamang ng 1.5 metro, ang mga kinapal sa ibabaw. Saka biglang sasakmalin ng balyena ang naipong pagkaing ito.
Hindi maubos-maisip ng mga mananaliksik kung paano nakaiikot sa maliliit na bilog ang kinapal na ito na may matigas na katawan. Natuklasan nilang nasa hugis ng palikpik ng balyena ang sekreto. Ang nasa unahang gilid ng mga palikpik nito ay hindi makinis, gaya ng pakpak ng eroplano, kundi uka-uka na may nakahilera at nakausling mistulang matutulis na ngipin na tinatawag na tubercle.
Habang lumalangoy sa tubig ang balyena, mas mabilis itong umaangat dahil sa mga tubercle na ito anupat nababawasan ang paghatak ng tubig. Paano? Ipinaliliwanag ng Natural History na dahil sa mga tubercle, banayad at paikot na dumadaloy ang tubig sa ibabaw ng palikpik nito, kahit na lumalangoy nang paikot at paitaas ang balyena. Kung makinis ang dulong unahan ng palikpik, hindi makaiikot paitaas sa gayon kaliit na bilog ang balyena dahil maiipon at mag-aalimpuyo ang tubig sa likod ng palikpik at mahihirapan itong umangat.
Paano praktikal na magagamit ang natuklasang ito? Ang mga tulad-palikpik na pakpak ng eroplano ay maliwanag na nangangailangan ng mas kaunting flap sa pakpak o ng iba pang aparato upang makontrol ang daloy ng hangin. Mas ligtas at madaling mantinihin ang gayong mga pakpak. Naniniwala si John Long, eksperto sa biomechanics, na balang-araw “malamang na lahat ng eroplanong jet ay magkakaroon na ng nakausling matutulis na ngipin na gaya ng nasa palikpik ng balyenang humpback.”
Pagkopya sa mga Pakpak ng Seagull
Mangyari pa, ang pakpak ng eroplano ay kinopya mula sa hugis ng pakpak ng mga ibon. Gayunman, may mas magandang ginawa kamakailan ang mga inhinyero sa pagkopyang ito. “Ang mga mananaliksik sa University of Florida,” iniulat ng New Scientist, “ay gumawa ng isang de-remote control na modelong eroplano na parang seagull na umaali-aligid, bumubulusok at mabilis na pumapailanlang.”
Nagagawa ng mga seagull ang kahanga-hangang pagmamaniobrang ito sa pamamagitan ng pagkampay sa kanilang mga pakpak mula sa siko at balikat. Bilang pagkopya sa nababaluktot na disenyong ito ng pakpak, “ang 24-na-pulgadang modelong eroplano ay nilagyan ng isang maliit na motor na kumokontrol sa mga tukod na metal na siyang nagpapagalaw sa pakpak,” ang sabi ng magasin. Dahil sa napakahusay na disenyong ito ng pakpak, ang maliit na eroplano ay nakaaali-aligid at nakabubulusok sa pagitan ng matataas na gusali. Interesadung-interesado ang U.S. Air Force na makagawa ng gayon kadaling imaniobrang eroplano para gamitin sa paghanap ng kemikal at biyolohikal na mga sandata sa malalaking lunsod.
Pagkopya sa mga Paa ng Tukô
Marami ring naituturo ang mga hayop sa lupa. Halimbawa, ang maliit na bayawak na tinatawag na tukô ay nakagagapang sa mga dingding at nakabibiting patiwarik sa mga kisame. Kahit noong panahon ng Bibliya, kilala ang kinapal na ito dahil sa ganitong pambihirang kakayahan. (Kawikaan 30:28) Paano kaya nalalabanan ng mga tuko ang grabidad?
Ang kakayahan ng tukô na kumapit kahit sa mga ibabaw na kasingkinis ng salamin ay dahil sa pagkaliliit na mga guhit na parang mga hibla ng buhok, tinatawag na seta, sa mga paa nito. Walang lumalabas na pandikit sa mga paa nito. Sa halip, ginagamit nila ang napakahinang puwersa ng molekula. Ang mga molekula sa paa ng tukô at sa kinakapitan nito ay nagdirikit dahil sa napakahinang puwersa na tinatawag na van der Waals forces. Karaniwan nang hindi nakakayanan ng puwersang ito ang grabidad, kung kaya hindi tayo nakaaakyat sa dingding nang basta na lamang ilalapat ang ating mga kamay rito. Pero dahil sa pagkaliliit na mga seta ng tukô, lumalapad ang pangkapit nito sa dingding. Yamang libu-libo ang seta sa paa ng tukô, nagkakaroon ng sapat na puwersa ang van der Waals forces para makayanan ang timbang ng maliit na bayawak.
Ano ang naging pakinabang sa tuklas na ito? Ang mga sintetikong materyales na kinopya sa paa ng tukô ay nagagamit na panghalili sa Velcro—isa pang ideya mula sa kalikasan.a Sinipi ng babasahing The Economist ang isang mananaliksik na nagsasabing may materyal na ginawa mula sa “gecko tape” na maaaring mapakinabangan lalo na “sa medisina kung saan hindi puwedeng gumamit ng kemikal na pandikit.”
Sino ang Dapat Purihin?
Samantala, ang National Aeronautics and Space Administration ay kasalukuyang bumubuo ng isang robot na maraming paa na lumalakad na parang alakdan, at ang mga inhinyero naman sa Finland ay nakagawa na ng traktorang may anim na gulong na nakadaraan sa anumang sagabal na gaya ng nagagawa ng higanteng insekto. Ang ibang mananaliksik ay nagdisenyo ng telang may maliliit na hibla na kinopya sa pagbukas at pagsara ng mga kono ng punong pino. Isang pagawaan ng kotse ang kasalukuyang gumagawa ng sasakyang kinopya sa boxfish na nakalalangoy nang mabilis gamit ang kaunting enerhiya dahil sa low-drag na disenyo nito. At tinutuklas naman ng ibang mga mananaliksik ang pagiging shock absorber ng balat ng abalone, sa layuning makagawa ng mas magaan ngunit mas matibay na baluti sa katawan.
Napakaraming makukuhang magagandang ideya mula sa kalikasan anupat nakagawa na ang mga mananaliksik ng isang database na may talaan ng libu-libo at iba’t ibang sistemang biyolohikal. Maaaring hanapin ng mga siyentipiko sa database na ito ang “likas na solusyon sa mga problema ng kanilang disenyo,” ang sabi ng The Economist. Ang likas na mga sistemang nakalagay sa database na ito ay tinatawag na “patenteng biyolohikal.” Ang may-ari ng patente ay karaniwan nang yaong tao o kompanyang legal na nagparehistro ng isang bagong ideya o aparato. Sa pagtalakay sa database na ito na may patenteng biyolohikal, ang The Economist ay nagsasabi: “Yamang tinatawag na ‘patenteng biyolohikal’ ang mga malikhaing disenyong kinopya sa kalikasan, idiniriin lamang ng mga mananaliksik na sa diwa, ang kalikasan ang talagang may-ari ng patente.”
Paano kaya nagkaroon ng ganito kagagandang ideya sa kalikasan? Sinasabi ng maraming mananaliksik na ang malikhaing mga disenyong nakikita sa kalikasan ay mula sa milyun-milyong taon ng pag-eeksperimento kaugnay ng ebolusyon. Pero iba naman ang naging konklusyon ng ibang mananaliksik. Ganito ang isinulat ng mikrobiyologong si Michael Behe sa The New York Times ng 2005: “Ang maliwanag na paglitaw ng disenyo [sa kalikasan] ay nagbibigay ng napakasimple at nakakakumbinsing argumento: kung ang hitsura, paglakad at paghuni nito ay parang bibi, may basehan tayo para sabihing bibi nga ito, kung wala namang matibay na ebidensiyang sasalungat dito.” Ang konklusyon niya? “Hindi dapat ipagwalang-bahala ang disenyo dahil hindi ito kayang itago.”
Talagang nararapat lamang purihin ang inhinyerong gumawa ng mas ligtas at mas mahusay na pakpak ng eroplano dahil sa kaniyang disenyo. Gayundin, ang nag-imbento ng benda na mas maraming gamit—o ng mas komportableng tela ng damit o ng mas mahusay na sasakyan—ay nararapat purihin dahil sa kaniyang disenyo. Sa katunayan, ang isang tagagawa na kumokopya ng disenyo ng iba at hindi bumabanggit o kumikilala sa talagang nagdisenyo nito ay maaaring ituring na kriminal.
Kung gayon, makatuwiran ba para sa iyo ang sinasabi ng mga dalubhasang mananaliksik, na kumokopya sa kalikasan upang malutas ang mahihirap na problema sa inhinyeriya, na ang talinong lumikha sa orihinal na ideya ay galing sa walang-isip na ebolusyon? Kung ang isang kinopya ay nangangailangan ng matalinong tagadisenyo, kumusta naman ang orihinal nito? Sino nga ba talaga ang dapat purihin, ang dalubhasang tagadisenyo o ang estudyanteng kumokopya sa kaniyang pamamaraan?
Makatuwirang Konklusyon
Matapos suriin ang katibayan ng disenyo sa kalikasan, maraming palaisip na mga tao ang sasang-ayon sa salmista na sumulat: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.” (Awit 104:24) Ganito rin ang konklusyon ng manunulat ng Bibliya na si Pablo. Isinulat niya: “Sapagkat ang . . . di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:19, 20.
Gayunman, maraming taimtim na taong gumagalang sa Bibliya at naniniwala sa Diyos ang mangangatuwiran na maaaring ginamit ng Diyos ang ebolusyon sa paglalang ng kamangha-manghang mga bagay sa daigdig ng kalikasan. Pero ano nga ba ang itinuturo ng Bibliya?
[Talababa]
a Ang Velcro ay isang uri ng pandikit kung saan sumasabit ang mga kawit sa mga likaw na gaya ng disenyo ng mga buto ng halamang burdock.
[Blurb sa pahina 5]
Paano kaya nagkaroon ng napakaraming magagandang ideya sa kalikasan?
[Blurb sa pahina 6]
Sino ang may-ari ng patente ng kalikasan?
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 7]
Kung ang isang kinopya ay nangangailangan ng matalinong tagadisenyo, kumusta naman ang orihinal nito?
Ang madaling-imaniobrang eroplanong ito ay kinopya sa mga pakpak ng “seagull”
Ang mga paa ng tukô ay hindi narurumhan, hindi kailanman nag-iiwan ng bakas, dumirikit kahit saan maliban sa Teflon, at madaling kumapit at matanggal. Sinisikap ng mga mananaliksik na kopyahin ang mga ito
Ang “low-drag” na disenyo ng “boxfish” ang pinagmulan ng konsepto ng sasakyan
[Credit Lines]
Eroplano: Kristen Bartlett/ University of Florida; paa ng tuko: Breck P. Kent; box fish at kotse: Mercedes-Benz USA
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
MGA MANLALAKBAY NA MAY LIKAS NA KARUNUNGAN
Maraming nilalang ang may “likas na karunungan” sa paglibot nila sa planetang Lupa. (Kawikaan 30:24, 25) Pansinin ang dalawang halimbawa.
◼ Sistema sa Trapiko ng mga Langgam Paano kaya nakauuwi sa kani-kanilang bahay ang mga langgam na naghahanap ng pagkain? Natuklasan ng mga mananaliksik sa United Kingdom na bukod sa pag-iiwan ng amoy, ang ilang langgam ay gumagamit ng heometriya sa paggawa ng mga daanan upang madaling makauwi. Halimbawa, ang mga langgam na pharaoh “ay gumagawa ng mga daanan mula sa kanilang bahay na nagsasanga nang 50 hanggang 60 digri,” ang sabi ng New Scientist. Bakit kamangha-mangha ang paraang ito? Kapag pauwi na ang langgam at nakarating na sa sanga-sangang daan, kusa na itong pumupunta sa pinakamaikling daan, pauwi sa kanilang bahay. “Dahil sa heometriya ng sanga-sangang daan,” ang sabi ng artikulo, “lalong napadadali ang paggapang ng mga langgam sa mga daan, lalo na kung magkakasalubong ang mga ito, at hindi naaaksaya ang lakas ng bawat isa dahil hindi sila naliligaw.”
◼ Kompas ng mga Ibon Maraming ibon ang nakapaglalakbay sa malalayong distansiya sa lahat ng uri ng klima, at alam nila ang kanilang eksaktong patutunguhan. Paano? Natuklasan ng mga mananaliksik na nararamdaman pala ng mga ibon ang magnetic field ng lupa. Gayunman, “ang mga linya ng magnetic field [ng lupa] ay nagbabago sa iba’t ibang lugar at hindi palaging nakaturo sa tunay na hilaga,” ang sabi ng babasahing Science. Bakit kaya hindi naliligaw ang mga nandarayuhang ibon? Malamang na binabago ng mga ibon ang kanilang panloob na kompas ayon sa paglubog ng araw gabi-gabi. Yamang nagbabago ang posisyon ng paglubog ng araw dahil sa latitud at panahon, iniisip ng mga mananaliksik na nababalanse ng mga ibong ito ang mga pagbabago sa pamamagitan ng “biyolohikal na orasan na nagsasabi sa kanila ng panahon ng taon,” ang sabi ng Science.
Sino ang nagturo ng heometriya sa mga langgam? Sino ang nagbigay sa mga ibon ng kompas, biyolohikal na orasan, at utak na nakauunawa sa impormasyong nakukuha sa mga instrumentong ito? Ang walang-isip na ebolusyon? O ang matalinong Maylalang?
[Credit Line]
© E.J.H. Robinson 2004