Mga Huling Araw—Ng Ano?
ANO ang pumapasok sa isip mo kapag may nagsabi sa iyo, “Nabubuhay na tayo sa mga huling araw”? Ano kaya ang ibig sabihin nito?
Ang mga pananalitang “mga huling araw” at “panahon ng kawakasan” ay matagal nang binabanggit sa Bibliya. (2 Timoteo 3:1; Daniel 12:4) Mahigit 2,500 taon na ang nakalilipas, nakita ni Daniel sa mga pangitain ang mga kapangyarihang pandaigdig pati na ang magaganap na alitan sa pagitan ng mga ito hanggang sa “panahon ng kawakasan.” Sinabi sa kaniya ng anghel na magiging malinaw ang kahulugan ng mga pangitaing ito sa panahong iyon ng kawakasan. (Daniel 8:17, 19; 11:35, 40; 12:9) Isinulat din ni Daniel: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Binanggit ni Jesu-Kristo ang “kawakasan” nang sagutin niya ang tanong hinggil sa “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3-42) Lumilitaw na iisa ang tinutukoy nina Daniel at Jesus na kawakasan—isang malaking pagbabago na makaaapekto sa mga taong nabubuhay ngayon at maging sa mga nabuhay noon sa daigdig. Sumulat si Daniel tungkol sa kawakasan ng lahat ng gobyerno sa lupa. Bumanggit naman si Jesus ng hinggil sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”
Dapat ka bang maging interesado sa mga Huling Araw? Oo. Dapat maging interesado ang buong sangkatauhan yamang lahat ay apektado nito. Gayunman, ipinagwawalang-bahala ito ng marami. Inihula ng Bibliya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’” (2 Pedro 3:3, 4) Oo, nadarama ng ilan ngayon na paulit-ulit lamang ang mga pangyayari at ganito na talaga ang magiging takbo ng buhay.
Mayroon bang anumang katibayan na talagang nabubuhay na tayo sa panahong tinatawag ng Bibliya na mga huling araw? Alamin natin.