Mga Huling Araw—Kailan?
“SA LOOB ng mahigit-higit isang bilyong taon, naniniwala kami na ang Lupa ay matitigang at magiging tuyot na tuyot na disyerto. Hindi namin lubos maisip kung paano makatatagal ang mga organismo,” ang sabi ng kamakailang isyu ng magasing Sky & Telescope. Bakit? “Kukulo ang karagatan at matutupok ang mga kontinente dahil sa tumitinding init ng Araw,” ang sabi ng magasing Astronomy. Idinagdag pa nito: “Ang kapaha-pahamak na pangyayaring ito ay higit pa sa nakaliligalig na katotohanan—ito ang ating di-matatakasang kapalaran.”
Gayunman, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Walang alinlangan na kaya ring ingatan ng Maylalang ang lupa upang patuloy itong umiral. Sa katunayan, ‘inanyuan niya ito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Pero hindi upang tahanan ng masama at namamatay na sangkatauhan. Nagtakda ang Diyos ng panahon para sa pagsasauli ng kaniyang pamamahala sa pamamagitan ng Kaharian na binabanggit sa Daniel 2:44.
Ipinangaral ni Jesus ang Kaharian ng Diyos. Binanggit niya ang panahon ng paghatol sa mga bansa at mga bayan. Nagbabala siya hinggil sa isang kapighatian na hindi pa nangyayari kailanman. Nagbigay siya ng isang tanda na binubuo ng maraming pangyayari upang ipakita kung kailan ang katapusan ng sanlibutan na gaya ng alam natin ay napakalapit na.—Mateo 9:35; Marcos 13:19; Lucas 21:7-11; Juan 12:31.
Dahil sa mga sinabing ito ng kilalang taong si Jesus, marami ang nag-isip kung kailan magaganap ang mga pangyayaring ito. Sinikap ng ilan na alamin kung kailan maaaring maganap ang kawakasan sa pamamagitan ng pag-aaral ng hula at kronolohiya ng Bibliya. Isa sa mga nagsuri hinggil sa paksang ito ay ang matematiko noong ika-17 siglo na si Sir Isaac Newton, ang nakatuklas ng batas ng pansansinukob na grabitasyon at sangay ng matematika na tinatawag na calculus.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Hindi nauukol sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.” (Gawa 1:7) At nang ibinibigay niya ang “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay,” ganito ang sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:3, 36) Gayundin, pagkatapos niyang ihambing ang pagpuksa sa masamang sanlibutan noong araw ni Noe sa pagpuksang magaganap sa panahon ng “pagkanaririto ng Anak ng tao,” binanggit ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—Mateo 24:39, 42.
Kaya bagaman hindi ipinaaalam sa atin ang eksaktong panahon ng katapusan ng “sistema ng mga bagay,” nalalaman naman natin sa pamamagitan ng “tanda” na ibinigay ni Jesus kung nasaan na tayo sa yugto ng panahong tinutukoy sa Bibliya na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Panahon ito para “manatiling gising” nang sa gayo’y “magtagumpay [tayo] sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap.”—Lucas 21:36.
Bago ibinigay ni Jesus ang mismong tanda, sinabi niya: “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw; sapagkat marami ang darating salig sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako nga siya,’ at, ‘Ang takdang panahon ay malapit na.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Karagdagan pa, kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong masindak. Sapagkat ang mga bagay na ito ay kailangan munang maganap, ngunit ang wakas ay hindi pa magaganap kaagad.”—Lucas 21:8, 9.
Ano ang Tanda?
Ganito ang sinabi ni Jesus na mangyayari sa mga huling araw: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay mga salot at mga kakapusan sa pagkain; at magkakaroon ng nakatatakot na mga tanawin at mula sa langit ay mga dakilang tanda.” (Lucas 21:10, 11) Sinabi pa ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang mga pangyayaring binanggit ni Jesus—mga digmaan, lindol, salot, kakapusan sa pagkain—ay hindi naman bago. Nangyayari na ang mga ito mula pa noong pasimula ng kasaysayan ng tao. Subalit naiiba ang mga pangyayaring ito dahil magaganap ang lahat ng ito sa iisang yugto ng panahon.
Tanungin ang iyong sarili, ‘Kailan ba naganap ang lahat ng pangyayaring ito na nakaulat sa mga Ebanghelyo?’ Mula noong 1914, nasaksihan ng tao ang mapamuksang mga digmaang pandaigdig; malalakas na lindol na may mapaminsalang mga epekto, gaya ng tsunami; pagkalat ng nakamamatay na mga sakit tulad ng malarya, trangkaso Espanyola (1918/19), at AIDS; milyun-milyong tao ang nagugutom at namamatay dahil sa kakapusan sa pagkain; pangglobong pagkatakot na bunga ng banta ng terorismo at paggamit ng sandata para sa lansakang pagpuksa; at ang pambuong-daigdig na pangangaral ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa mabuting balita ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Naganap ang lahat ng ito gaya ng inihula ni Jesus.
Tandaan din ang isinulat ni apostol Pablo: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Timoteo 3:1-5) Oo, ang “mga panahong mapanganib” na kakikitaan ng laganap na katampalasanan, di-pagkilala sa Diyos, kalupitan, at pagiging makasarili at mabangis ay iiral sa buong lupa.a
Subalit ang “mga huling araw” ba na magaganap bago dumating ang katapusan ay sa hinaharap pa? Mayroon bang iba pang patotoo para malaman kung kailan ito magsisimula?
Kailan Magsisimula ang “Panahon ng Kawakasan”?
Matapos makita ni propeta Daniel ang pangitain hinggil sa mga pangyayaring magaganap sa hinaharap, sinabi sa kaniya ng anghel: “Sa panahong iyon [“panahon ng kawakasan” na binanggit sa Daniel 11:40] ay tatayo si Miguel [si Jesu-Kristo], ang dakilang prinsipe na nakatayo alang-alang sa mga anak ng iyong bayan.” (Daniel 12:1) Ano ang gagawin ni Miguel?
Binabanggit ng aklat ng Apocalipsis ang magaganap kapag naging Hari na si Miguel. Sinasabi nito: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni may nasumpungan pa mang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:7-9, 12.
Ipinakikita ng kronolohiya ng Bibliya na ang digmaang ito—ang pagpapalayas kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo mula sa langit—ay magbubunga ng malaking kaabahan sa lupa sapagkat alam ng Diyablo na kaunti na lamang ang natitira niyang panahon para pamahalaan ang lupa. Lalo pang titindi ang kaniyang galit sa panahon ng mga huling araw hanggang sa kaniyang lubusang pagkalupig sa digmaan ng Armagedon.—Apocalipsis 16:14, 16; 19:11, 15; 20:1-3.
Matapos banggitin ang resulta ng digmaang iyon sa langit, ipinahayag ni apostol Juan: “Narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsabi: ‘Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid ay naihagis na, na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!’” (Apocalipsis 12:10) Napansin mo ba na inihahayag ng tekstong ito ang pagtatatag ng Kaharian na pamamahalaan ni Kristo? Oo, ang makalangit na Kaharian ay itinatag noong 1914.b Gayunman, gaya ng ipinakikita sa Awit 110:2, mamamahala si Jesus sa “gitna ng [kaniyang] mga kaaway” hanggang sa panahon na pamumunuan ng Kaharian ang buong lupa kung paanong namumuno na ito sa langit.—Mateo 6:10.
Kapansin-pansin, ang anghel na nagsabi kay propeta Daniel ng mga pangyayaring magaganap ay nagsabi rin: “Kung tungkol sa iyo, O Daniel, ilihim mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Daniel 12:4) Naglalaan ito ng karagdagang katibayan na tayo ay nabubuhay na ngayon sa “panahon ng kawakasan.” Ang kaalaman hinggil sa kahulugan ng mga hulang ito ay naging malinaw na at ipinapahayag na ngayon sa buong lupa.c
Kailan Magwawakas ang “mga Huling Araw”?
Hindi binabanggit ng Bibliya ang eksaktong haba ng mga huling araw. Pero sa panahong iyon, lalong sasamâ ang kalagayan sa lupa habang nauubos ang panahon ni Satanas. Nagbabala si apostol Pablo na “ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.” (2 Timoteo 3:13) At tungkol sa mga bagay na nakatakdang maganap, sinabi ni Jesus: “Ang mga araw na iyon ay magiging mga araw ng kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sangnilalang na nilalang ng Diyos hanggang sa panahong iyon, at hindi na mangyayari pang muli. Sa katunayan, malibang paikliin ni Jehova ang mga araw, walang laman ang maliligtas. Ngunit dahil sa mga pinili na kaniyang pinili ay pinaikli niya ang mga araw.”—Marcos 13:19, 20.
Ang ilan sa mga pangyayaring nakatakdang maganap ay ang “malaking kapighatian,” pati na ang digmaan ng Armagedon, at ang paggapos kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo upang hindi na sila makaimpluwensiya sa lupa. (Mateo 24:21) Tinitiyak sa atin ng Diyos na “hindi makapagsisinungaling,” na matutupad ang mga bagay na ito. (Tito 1:2) Kikilos ang Diyos upang maganap ang Armagedon at ang pagbubulid kay Satanas sa kalaliman.
Kinasihan si apostol Pablo na sabihin sa atin ang mangyayari bago dumating ang pagpuksa ng Diyos. Ganito ang isinulat niya hinggil sa “mga panahon at mga kapanahunan”: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.” (1 Tesalonica 5:1-3) Hindi binabanggit ang magiging dahilan ng kanilang pagdedeklara ng inaakala nilang “kapayapaan at katiwasayan.” Panahon lamang ang makapagsasabi nito. Pero hindi ito makahahadlang sa pagdating ng araw ng paghatol ni Jehova.d
Kung kumbinsido tayo na totoo ang mga hulang ito, ang kaalaman hinggil dito ay dapat mag-udyok sa atin na kumilos. Paano? Ganito ang sagot ni apostol Pedro: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!” (2 Pedro 3:11, 12) Pero baka itanong mo, ‘Ano ang kapakinabangan nito sa akin?’ Sasagutin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang katibayan ng “mga huling araw,” tingnan ang Gumising! ng Abril 2007, pahina 8-10, gayundin Ang Bantayan ng Setyembre 15, 2006, pahina 4-7, at ng Oktubre 1, 2005, pahina 4-7, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Para sa mga detalye hinggil sa kronolohiya ng Bibliya, tingnan ang pahina 215-18 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Tingnan ang aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! at ang 2008 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, pahina 31-9, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
d Tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! (inilimbag 2006), pahina 250-1, parapo 13 at 14.
[Blurb sa pahina 5]
Sinabi ni Jesus na ang Diyos lamang ang nakaaalam ng “araw at oras na iyon”
[Larawan sa pahina 4]
Sir Isaac Newton
[Credit Line]
© A. H. C./age fotostock
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang tanda na ibinigay ni Jesus ay kitang-kita na mula pa noong 1914
[Credit Lines]
© Heidi Bradner/Panos Pictures
© Paul Smith/Panos Pictures