Pagkain Nang Sama-sama—Nakakapagpatibay ng Pamilya
“Minsan, ang buhay ay punô ng pagmamahalan at kagalakan, minsan nama’y punô ng hapdi at pighati. Pero masaya man tayo o hindi, kailangan pa rin nating kumain. Anuman ang nadarama ng isa, puwedeng gumaan ang pakiramdam niya dahil sa masarap na pagkain.”—Laurie Colwin, isang Amerikanong manunulat.
NOON, sa mga Kanluraning bansa, kinaugalian na ng mga magkakapamilya na kumain nang sama-sama kahit isang beses lang bawat araw. Walang nanonood ng TV, walang nagtetext, walang naka-earphone. Dahil relaks ang lahat, masaya ang kuwentuhan at masarap ang tawanan. Napapatibay nito ang samahan ng pamilya at may natututuhan sila sa isa’t isa.
Pero nawawala na ang kaugaliang iyan. Sa maraming tahanan, hindi na priyoridad ang pagkain nang sama-sama. Bakit kaya nahihirapan nang magsama-sama sa pagkain ang pamilya? Sulit bang ibalik ang kaugaliang ito? Anu-anong kapakinabangan ang idudulot nito sa bawat miyembro ng pamilya?
Pagkain Nang Sama-sama—Naglalaho Na
“Yamang kitang-kitang naglaho ito [ang paghahapunan nang sama-sama] sa loob lamang ng isang henerasyon . . . masasabing mabilis na nagbago ang ugnayan ng mga tao,” ang paliwanag ni Robert Putnam sa aklat na Bowling Alone. Anu-ano ang dahilan ng pagbabagong ito? Una, dahil sa mataas na bilihin, napipilitang magtrabaho nang mas maraming oras ang mga mag-asawa. Lalo namang kulang ang panahon ng mga nagsosolong magulang, palibhasa’y mag-isa lang silang kumakayod. Ikalawa, dahil sa apurahang iskedyul, nauuso na ang mga fast food at mabilisang pagkain. Hindi lang mga adulto ang abala, pati ang mga bata ay marami ring pinagkakaabalahan. Nariyan ang isports at iba pang gawain pagkatapos ng eskuwela.
Bukod diyan, itinataon ng ilang ama na umuwi kapag tulog na ang mga bata para maiwasan ang pag-aalburoto ng mga ito sa hapag-kainan. Ang ibang magulang ay umuuwi nga sa oras, pero pinauuna namang maghapunan ang mga bata at pinatutulog nang maaga para makapaghapunan silang mag-asawa nang tahimik.
Dahil sa gayong mga sitwasyon, nagkakaniya-kaniya na sa pagkain ang magkakapamilya. Wala nang kuwentuhan, puro na lang note sa repridyeretor. Pag-uwi ng isa, magpapainit lang siya ng pagkain, tapos uupo na sa harap ng TV o computer. Mukhang talí na tayo sa ganitong sitwasyon. Sulit kayang ibalik ang kaugalian ng pagkain nang sama-sama?
Bakit Mahalaga?
Ang pagkain nang sama-sama ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga magulang na matugunan ang emosyonal na pangangailangan ng kanilang mga anak. Sa hapag-kainan, “relaks ang pamilya at laging nakakasama at nabibigyang-pansin ng mga magulang ang kanilang mga anak,” ang paliwanag ni Miriam Weinstein sa kaniyang aklat na The Surprising Power of Family Meals. “Maaaring hindi nga sagot sa lahat ng problema ang paghahapunan [nang sama-sama], pero isa itong madaling paraan para matulungan ka.”
Sang-ayon diyan si Eduardo, isang ama sa Espanya. “Noon, lagi kaming 11 sa hapag-kainan,” ang naaalaala niya. “Sinisikap ni Itay na umuwi para makasalo namin siya sa tanghalian. Pinananabikan namin ang mga pagkakataong iyon. Alam namin ang nangyayari sa bawat isa. Hindi nawawala ang tawanan. Dahil sa masasayang alaalang iyon, naisip ko na talagang dapat kong tularan si Itay.”
Nakakatulong din sa emosyon at kalusugan ng mga bata ang pagkain nang sama-sama. Ayon sa U.S. National Center on Addiction and Substance Abuse sa Columbia University, ang mga kabataang kumakain nang mga limang beses sa isang linggo kasama ng kani-kanilang pamilya ay hindi gaanong nagkakaroon ng mga problemang nauugnay sa pagkabalisa, pagkainip, o kawalan ng interes, at mas matataas ang marka nila sa paaralan.
“Naniniwala akong nagiging matatag ang mga bata kapag sama-samang kumakain ang pamilya,” ang sabi pa ni Eduardo. “Hindi problema ng mga anak kong babae kung kailan sila puwedeng makipag-usap sa amin. Napakagandang pagkakataon ang araw-araw naming pagkain nang sama-sama. Bukod diyan, malaking tulong ito sa akin bilang ama para malaman ang mga problema ng mga anak ko.”
Kapag sama-samang kumakain ang pamilya, lumilitaw na puwede pa ngang maiwasan ang di-magandang mga kaugalian sa pagkain. Iniulat ng University of Navarre ng Espanya na mas malamang na magkaroon ng problema sa pagkain ang mga kumakaing mag-isa. Totoo, hindi maiiwasan ang gayong problema, pero mas malaki ang tsansang magkaroon ka nito kung wala kang kasalong kumain. “Kapag naging rutin na ang pagkain nang sama-sama, nadarama ng mga bata na inaalagaan sila. Panatag sila dahil alam nilang mayroon silang mapagmahal na pamilyang nagmamalasakit sa kanila,” ang paliwanag ni Esmeralda, may dalawang anak na babae.
Sa panahon ng pagkain, matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos. Mga 3,500 taon na ang nakalilipas, sinabi ng Diyos sa mga Israelita na maglaan sila ng panahon sa kanilang mga anak para ikintal sa puso ng mga ito ang mga pamantayan ng Diyos. (Deuteronomio 6:6, 7) “Kapag magkakasama kayong nananalangin at pinag-uusapan ninyo ang isang teksto sa Bibliya, nagiging espirituwal na okasyon ang pagkain nang sama-sama,” ang sabi ni Ángel, isang ama na may dalawang anak. Yamang napakahalaga ng pagkain nang sama-sama, ano ang ginawa ng ilang pamilya para maging bahagi ito ng kanilang pang-araw-araw na buhay?
Posible Kaya?
“Dapat na organisado ka at gusto mo ang ginagawa mo,” ang paliwanag ni Esmeralda. “Kailangan kang mag-adjust ng iskedyul para makasama sa hapunan ang huling umuuwi.” Sinabi ni Maribel, may dalawang anak, “Anuman ang mangyari, lagi kaming sabay-sabay maghapunan.” May mga pamilyang naglalaan ng kanilang dulong sanlinggo para maghanda ng mga rekado o magluto pa nga ng panghapunan para sa kasunod na linggo.
Makakatulong din kung gagawing priyoridad ang pagkain nang sama-sama. “Binago ko ang iskedyul ng aking trabaho para umabot ako sa hapunan ng pamilya ko, pero sulit naman ang ginawa ko,” ang sabi ni Eduardo. “Ngayon, mas napagtutuunan ko na ng pansin ang pamilya ko. Maraming oras akong tutók sa trabaho, kaya hindi naman yata tama na pagdating sa pamilya, hindi ako magbibigay ng gayunding pansin sa oras ng hapunan.”
Paano naman ang mga pang-abala? “Hindi kami nanonood ng TV kapag kumakain,” ang sabi ng 16-anyos na si David. “Sinasamantala namin ang pagkakataon para magkuwento kina Daddy at Mommy, at kadalasan nang binibigyan nila kami ng magagandang payo.” “Ngayon, halos hindi na nakikipag-usap ang mga tin-edyer sa kanilang mga magulang,” ang dagdag ni David. “Kahit nasa bahay ang lahat, kaniya-kaniyang kain habang nanonood ng TV. Ang hindi nila alam, malaki ang nawawala sa kanila.” Sang-ayon si Sandra, 17 anyos: “Nalulungkot ako kapag naririnig ko ang mga kaklase ko na nagsasabi, ‘Ano kaya ang iniwan ni Nanay sa repridyeretor.’ Para sa akin, hindi lang para sa kalusugan ang pagkain nang sama-sama. Pagkakataon ito para tumawa, magkuwentuhan, at ipadama sa isa’t isa ang pagmamahal.”
Ang pagkain nang sama-sama ay maaaring magsilbing “proteksiyon mula sa mga problemang napapaharap sa ating lahat sa araw-araw,” ang paliwanag ng The Surprising Power of Family Meals. Makapagbibigay ba ito ng pagkakataon para maging malapít ang iyong pamilya sa isa’t isa? Kung napakaabala mo, ang pagkain nang sama-sama ay pagkakataon para magrelaks sandali at makipagkuwentuhan sa iyong mga mahal sa buhay. Kaya bakit hindi ninyo subukan? Tiyak na sulit ang inyong pagsisikap.
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
KAPAG SAMA-SAMA KAYONG KUMAKAIN, MATUTUTO KANG . . .
Makipag-usap. Ang mga bata ay matututong magsalita at makinig nang may paggalang. Lalawak ang kanilang bokabularyo at matututo silang sabihin ang niloloob nila.
Kumain ng masustansiyang pagkain nang nasa oras.
Magpakita ng kagandahang-asal. Huwag ubusan ang iba o pilit na kunin ang pinakamagandang parte. Isipin din ang kailangan ng ibang miyembro ng pamilya habang kumakain.
Makipagtulungan. Makakatulong ang mga bata sa paghahanda at paglilinis ng hapag-kainan, o pagsisilbi sa iba. Habang lumalaki sila, puwede rin silang tumulong sa paghahanda ng pagkain.