Paglalaan ng Panahon sa mga Bagay na Mahalaga
“Ang panahong natitira ay maikli na.”—1 Corinto 7:29.
“KAPAG nagtatampisaw ka sa tubig, hindi ito nangangahulugang lumalangoy ka na,” ang isinulat ni Michael LeBoeuf sa kaniyang aklat na Working Smart.
Sa ibang salita, hindi komo marami kang ginagawa, may natatapos ka nang bagay na mahalaga. Balikan ang mga nagawa mo nitong nakaraang linggo. Saan mo ginugol ang oras mo? Anu-ano ang pinagkaabalahan mo? Sa tingin mo ba’y kailangan mong maglaan ng higit na panahon sa mga bagay na talagang mahalaga sa iyo?
Pansinin ang inihula ni Jesus tungkol sa ating panahon. Sinabi niya na habang papalapít ang wakas ng sistemang ito at ang pagdating ng matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, magiging abala ang kaniyang mga alagad. Abala saan? Sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian [ng Diyos].” Sinabi rin ni Jesus na ang karamihan ng mga tao ay magiging masyadong abala para makinig. Magiging abalang-abala sila sa mga pang-araw-araw na gawain. Idinagdag niya na malilipol ang mga masyadong abala para makinig sa mensahe ng Kaharian.—Mateo 24:14, 37-39; Lucas 17:28-30.
Sa ngayon, ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mahigit 230 lupain. Gaya ng inihula ni Jesus, marami ang ayaw makinig at nagsasabing sila’y “masyadong abala.” Pero bagaman abala ka, inaanyayahan ka namin na maglaan ng panahon para suriin kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Umaasa kami na kapag nalaman mo ang mga pagpapalang ibibigay ng Diyos sa sangkatauhan, sasang-ayon ka na sulit ang panahong ibinibigay mo sa pakikinig at pagtugon sa mensahe ng Bibliya, isang bagay na talagang mahalaga.a
[Talababa]
a Para sa higit na impormasyon, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa angkop na adres na nasa pahina 5, o kaya’y pumunta sa Web site namin na www.watchtower.org.