Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Ano ba ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Paninigarilyo?
Lagyan ng ✔ ang dahilan kung bakit gusto mong manigarilyo.
□ Curious lang ako
□ Dahil sa stress
□ Gusto kong tanggapin ako ng iba
□ Gusto kong pumayat
NILAGYAN mo ba ng tsek ang alinman sa nabanggit? Kung gayon, pareho kayo ng dahilan ng ibang mga kabataang naninigarilyo o gustong sumubok manigarilyo.a Halimbawa:
Pagiging curious. “Curious lang ako kaya kinuha ko yung inaalok sa ’kin ng kaeskuwela ko. Saka ako nagtago at nag-yosi.”—Tracy.
Gamot sa stress at para tanggapin ng iba. “Sinasabi ng mga kaeskuwela ko, ‘Kailangan kong mag-yosi.’ Saka nila sasabihin, ‘Hay salamat! Kaya ko na ’to!’ Gusto ko ring gawin ’yan kapag stressed ako.”—Nikki.
Para pumayat. “Naninigarilyo ang ibang girls para huwag tumaba—mas madali yun kaysa mag-diet!”—Samantha.
Pero bago ka manigarilyo, mag-isip muna. Huwag kang parang isda na basta na lang kakagat sa pain. Totoo, may makukuhang pagkain ang isda, pero buhay naman nito ang kapalit! Sa halip, sundin ang payo ng Bibliya, at gamitin ang iyong “malinaw na kakayahan sa pag-iisip.” (2 Pedro 3:1) Sagutin ang sumusunod.
Ano ba Talaga ang Alam Mo sa Paninigarilyo?
Sagutin ng tama o mali.
a. ․․․ Nakakabawas ng stress ang paninigarilyo.
b. ․․․ Maibubuga ko naman ang halos lahat ng usok.
c. ․․․ Wala pang epekto ang paninigarilyo sa kalusugan ko ngayon.
d. ․․․ Mas magugustuhan ako ng di-kasekso kung maninigarilyo ako.
e. ․․․ Ako lang ang maaapektuhan kung maninigarilyo ako.
f. ․․․ Ayos lang sa Diyos kung manigarilyo ako.
Mga Sagot
a. Nakakabawas ng stress ang paninigarilyo.—Mali. Bagaman naiibsan ng paninigarilyo ang stress na dulot ng mga withdrawal symptom, natuklasan ng mga siyentipiko na ang nikotina ay nagpapataas ng level ng stress hormone.
b. Maibubuga ko naman ang halos lahat ng usok.—Mali. Ipinakikita ng ilang pag-aaral na mahigit 80 porsiyento ng sangkap ng usok ng sigarilyo na nalalanghap mo ay naiiwan sa iyong katawan.
c. Wala pang epekto ang paninigarilyo sa kalusugan ko ngayon.—Mali. Sa bawat sigarilyong hinihithit mo, tumataas ang tsansa na magkasakit ka pagtanda mo. Pero kahit ngayon pa lang, may mararamdaman ka nang mga epekto. Ang ilan ay naaadik na pagkatapos lang humitit ng isang stick. Hihina ang baga mo at malamang na lagi kang uubuhin. Mas mabilis na kukulubot ang balat mo. Nanganganib ka ring magkaroon ng sexual dysfunction, panic attack, at depresyon.
d. Mas magugustuhan ako ng di-kasekso kung maninigarilyo ako.—Mali. Ayon sa mananaliksik na si Lloyd Johnston, ang mga tin-edyer na naninigarilyo ay “di-gaanong nagugustuhan ng karamihan sa kanilang di-kasekso.”
e. Ako lang ang maaapektuhan kung maninigarilyo ako.—Mali. Libu-libo ang namamatay taun-taon dahil nakalalanghap sila ng usok ng sigarilyo ng iba. Makapipinsala ito sa iyong kapamilya, kaibigan, at pati sa iyong mga alagang hayop.
f. Ayos lang sa Diyos kung manigarilyo ako.—Mali. Kung gusto mong tanggapin ka ng Diyos, dapat kang maging malinis mula sa “bawat karungisan ng laman.” (2 Corinto 7:1) Talagang pinarurumi ng paninigarilyo ang katawan. Kung pipiliin mo pa ring manigarilyo, pipinsalain mo ang iyong sarili at ang iba, kaya hindi ka puwedeng maging kaibigan ng Diyos.—Mateo 22:39; Galacia 5:19-21.
Kung Paano Makaiiwas
Ano ang gagawin mo kung may mag-alok sa iyo ng sigarilyo? Karaniwan na, epektibo ang isang simple at direktang sagot, gaya ng “Salamat, pero hindi ako naninigarilyo.” Pero paano kung mapilit ang nag-aalok sa iyo, o baka kantiyawan ka pa nga? Tandaan na ikaw ang dapat magdesisyon sa bagay na iyan. Puwede mong sabihin:
● “Ayoko, kasi masama ’yan sa kalusugan.”
● “Marami pa akong gustong gawin sa buhay.”
Pero gaya ng mga kabataang sinipi sa simula ng artikulong ito, baka ang pinakamatinding pressure ay galing sa sarili mo. Kung gayon, tanungin ang sarili:
● Talaga bang makabubuti sa akin ang paninigarilyo? Halimbawa, kung maninigarilyo lang ako para tanggapin ng iba, tatanggapin ba nila ako kahit iyon lang ang pagkakatulad namin? Gusto ko bang tanggapin ako ng mga taong natutuwa kahit pinipinsala ko ang aking kalusugan?
● Ano ang magiging epekto ng paninigarilyo sa akin sa pinansiyal? sa aking kalusugan? sa paggalang ng iba sa akin?
● Handa ko bang ipagpalit sa isang stick ng sigarilyo ang pakikipagkaibigan ko sa Diyos?
Pero paano kung bisyo mo na ito? Ano ang gagawin mo?
Kung Paano Hihinto
1. Kumbinsihin ang iyong sarili. Ilista ang mga dahilan kung bakit gusto mong huminto, at lagi itong tingnan. Maaaring isa rito ang kagustuhan mong maging malinis sa harap ng Diyos. Makatutulong ito sa iyo nang malaki.—Roma 12:1; Efeso 4:17-19.
2. Humingi ng tulong. Kung itinatago mo ang iyong paninigarilyo sa mga mahal mo sa buhay, panahon na para ipagtapat ito. Sabihin sa kanila na gusto mo nang huminto at kailangan mo ang kanilang suporta. Kung gusto mong maglingkod sa Diyos, hingin ang kaniyang tulong sa panalangin.—1 Juan 5:14.
3. Magtakda ng petsa kung kailan ka hihinto. Bigyan ng mga dalawang-linggong palugit ang iyong sarili at markahan sa kalendaryo ang petsang napili mo. Sabihin sa iyong mga kapamilya at kaibigan na hihinto ka nang manigarilyo sa araw na iyon.
4. Itapon ang lahat ng sigarilyo. Bago dumating ang petsa ng paghinto mo, halughugin ang iyong kuwarto, kotse, at mga gamit kung mayroon ka pang sigarilyo. Itapon ang mga ito, pati na ang mga lighter, posporo, at mga ashtray.
5. Labanan ang mga withdrawal symptom. Uminom ng maraming fruit juice o tubig, at matulog nang mahaba. Tandaan na pansamantala lang ang hirap, pero permanente ang mga pakinabang!
6. Umiwas sa tukso. Iwasan ang mga lugar at sitwasyong makatutukso sa iyong manigarilyo. Baka kailangan mo ring layuan ang mga kasamahan mong naninigarilyo.—Kawikaan 13:20.
7. Huwag magdahilan. Huwag lokohin ang sarili mo sa pagsasabing, “Isang hithit lang.” Dahil sa ganitong pangangatuwiran, marami ang bumalik sa dating bisyo.—Jeremias 17:9.
Huwag Magpadaya
Taun-taon, bilyun-bilyong dolyar ang ginagastos ng mga kompanya ng tabako sa advertising. Tiyak na alam nilang maraming kabataan ang kakagat sa kanilang pain at magiging bisyo ito sa hinaharap.
Huwag payamanin ang mga kompanya ng tabako. Huwag kumagat sa kanilang pain. Ang mga kompanya ng tabako ni ang mga kasamahan mong naninigarilyo ay hindi interesado sa kapakanan mo. Sa halip na makinig sa kanila, pakinggan ang payo ng Bibliya “upang makinabang ka.”—Isaias 48:17.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
a Bagaman ang artikulong ito ay para sa mga naninigarilyo, kapit din sa mga ngumunguya ng tabako ang mga problema at panganib na tinatalakay rito.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 27]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Kung may magtatanong sa ’kin kung bakit hindi ako naninigarilyo, sasabihin ko, ‘Kasi ayaw kong dumhan ang baga ko at gusto ko pang mabuhay nang matagal.’”
“Kapag may nag-alok sa ’kin ng sigarilyo, sasabihin ko, ‘Ayoko.’ Kung pilitin nila ako, ito naman ang sasabihin ko, ‘Pinagkakaitan mo ba ako ng karapatan kong magdesisyon?’”
[Mga larawan]
Benjamin
Heather
[Kahon sa pahina 28]
● ALAM MO BA?
Ang smokeless tobacco, gaya ng tabakong nginunguya, ay mas maraming naipapasok na nikotina sa katawan kumpara sa sigarilyo. Mayroon pa itong 25 sangkap na nakakakanser. Kaya mas malamang na magkaroon ng kanser sa lalamunan at bibig ang gumagamit nito.
[Kahon sa pahina 28]
TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO
Mas madaling harapin ang panggigipit ng iyong mga kasama kung handa ka. Tanungin ang mga magulang mo kung ano ang dapat gawin kapag may nag-alok sa iyo ng sigarilyo. Praktisin ninyo ang sasabihin mo. Kunwari ang magulang mo ang kaibigan mong namimilit sa iyo na manigarilyo. Mungkahi: Para magkaideya kung paano sasagot, tingnan ang “Plano Ko Laban sa Panggigipit” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, pahina 132 at 133.
[Larawan sa pahina 28]
Gaya ng isda na basta na lang kumakagat sa pain, ang naninigarilyo ay nasisiyahan pero napakalaki ng kapalit nito