Ang Pangmalas ng Bibliya
Matutulungan ba ng Patay ang Buháy?
MATAGAL nang pinaniniwalaan ng maraming tao na ang patay ay may kakayahang tumulong sa buháy. Halimbawa, makikita ito sa isang alamat na isinulat ng makatang Griego na si Homer tungkol kay Odysseus, o Ulysses. Ang bayani sa kuwento, na desperadong malaman kung paano siya makakauwi sa isla ng Ithaca na kaniyang tinubuang bayan, ay naglakbay sa daigdig ng mga patay para sumangguni sa isang manghuhulang namatay na.
Palibhasa’y umaasa na masasagot ng patay ang mga tanong na gumugulo sa kanilang isip, marami ang sumasangguni sa mga espiritista, natutulog sa libingan ng kanilang mga ninuno, o kaya’y nagsasagawa ng mga espiritistikong ritwal. Posible nga bang makahingi ng tulong sa patay?
Isang Laganap na Gawain
Ang karamihan sa pangunahing mga relihiyon sa daigdig ay nagtuturo na posibleng makipag-usap sa patay. Ayon sa Encyclopedia of Religion, “ang necromancy—ang sining o ang pagsangguni sa kaluluwa ng namatay—ay pangunahin nang isang uri ng panghuhula.” Sinabi pa nito na ang gawaing ito ay “laganap.” Pinatunayan iyan ng New Catholic Encyclopedia sa pagsasabing “ang necromancy, sa iba’t ibang uri nito, ay laganap sa buong daigdig.” Hindi nga kataka-taka na ang ibang miyembro ng maraming relihiyon ay nagtangkang sumangguni sa daigdig ng mga espiritu!
Bagaman ang pagsangguni sa patay ay “mahigpit na ipinagbawal ng Simbahan,” ang sabi ng New Catholic Encyclopedia, “maraming beses na binabanggit na ginagawa ito ng mga tao noong mga panahon ng Edad Medya at Renasimyento.” Pero ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?
Dapat Ka Bang Sumangguni sa Patay?
Noong sinaunang panahon, iniutos ng Diyos na Jehova sa kaniyang bayan: “Huwag masusumpungan sa iyo . . . ang sinumang sumasangguni sa patay.” (Deuteronomio 18:9-13) Bakit kaya ito ipinagbawal ni Jehova? Kung posibleng makausap ng mga buháy ang patay, isang kabaitan sa bahagi ng Diyos na pahintulutan iyon, hindi ba? Pero ang totoo, imposible talaga ang gayong pag-uusap. Paano natin nalaman?
Itinuturo ng Bibliya na ang patay ay wala nang malay. Sinasabi sa Eclesiastes 9:5: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” Mababasa naman sa Awit 146:3, 4: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas. Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.” At ayon kay propeta Isaias, ang patay ay “inutil sa kamatayan.”—Isaias 26:14.
Pero marami ang naniniwalang nakausap nila ang kanilang namatay na mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng espiritistikong mga gawain. Karaniwan ang gayong karanasan, na nagpapakitang mayroon silang nakausap sa daigdig ng mga espiritu. Pero gaya ng ipinakikita ng nabanggit na mga teksto, hindi ang patay ang nakausap nila. Sino kaya ang nakausap nila?
Kanino Sila Nakipag-usap?
Sinasabi ng Bibliya na may espiritung mga anak ng Diyos na nagrebelde sa kanilang Maylikha at naging mga demonyo. (Genesis 6:1-5; Judas 6, 7) Pinalalaganap nila ang kasinungalingan na ang tao ay buháy pa rin pagkamatay niya. Para mapaniwala ang mga tao sa kasinungalingang ito, nagpapanggap silang mga taong namatay na nakikipag-usap sa mga buháy.
Inilalahad ng Bibliya na si Haring Saul ng Israel, matapos siyang itakwil ni Jehova dahil sa kaniyang pagsuway, ay nagpunta sa isang espiritista para makausap ang namatay na propetang si Samuel. Tumanggap nga si Saul ng mensahe mula sa daigdig ng mga espiritu, pero hindi iyon galing kay Samuel. Noong buháy pa si Samuel, ayaw na niyang makipagkita sa hari, at hindi siya sang-ayon sa pagsangguni sa mga espiritista. Ang totoo, tumanggap si Saul ng mensahe mula sa isang demonyo na nagpanggap na si Samuel.—1 Samuel 28:3-20.
Ang mga demonyo ay kaaway ng Diyos, at mapanganib na makipag-ugnayan sa kanila. Kaya naman iniuutos ng Bibliya: “Huwag kayong babaling sa mga espiritista, at huwag kayong sasangguni sa mga manghuhula ng mga pangyayari, anupat magiging marumi sa pamamagitan nila.” (Levitico 19:31) “Ang sinumang sumasangguni sa patay,” ang babala ng Deuteronomio 18:11, 12, ay gumagawa ng bagay na “karima-rimarim kay Jehova.” Sa katunayan, ang isa sa malulubhang pagkakasala ni Saul kaya siya hinatulan ni Jehova ng kamatayan ay ang “paghiling niya sa isang espiritista upang sumangguni.”—1 Cronica 10:13, 14.
Kaya kanino ka dapat humingi ng maaasahang patnubay sa paggawa ng mga desisyon o sa pagsagot sa mga tanong na gumugulo sa isip mo? Sinasabi sa Kasulatan na ang Diyos na Jehova ang “Dakilang Tagapagturo.” Kung pag-aaralan mo at ng iyong pamilya ang kaniyang Salita, ang Bibliya, at susundin ang itinuturo nito, para bang “ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.’” (Isaias 30:20, 21) Bagaman hindi umaasa ang mga Kristiyano sa ngayon na aktuwal nilang maririnig ang tinig ng tunay na Diyos, mapapatnubayan niya sila sa pamamagitan ng Bibliya. Oo, parang sinasabi mismo ni Jehova, ‘Hayaan mong patnubayan kita.’
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Ano ang pangmalas ng Diyos sa pagsangguni sa patay?—Deuteronomio 18:9-13.
● Ang mga patay ba ay makapagbibigay ng impormasyon sa mga buháy? Bakit iyan ang sagot mo?—Eclesiastes 9:5.
● Kanino tayo makakakuha ng maaasahang patnubay?—Isaias 30:20, 21.