ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Kalinisan
Mahalaga ba sa Diyos ang kalinisan sa katawan?
“Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.”—2 Corinto 7:1.
ANG SABI NG BIBLIYA
Mahal tayo ng ating Maylalang; gusto niyang maging malusog tayo, at magkaroon ng mahaba at makabuluhang buhay. “Ang aking mga utos ay ingatan nawa ng iyong puso,” ang sabi ng Diyos, “sapagkat ang kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay madaragdag sa iyo.” (Kawikaan 3:1, 2) Ang pag-ibig ng Diyos sa mga tao ay makikita sa kaniyang mga utos sa Israel, na kinabibilangan ng espesipikong mga utos tungkol sa kalinisan at sanitasyon. (Deuteronomio 23:12-14) Nang sundin ng mga Israelita ang makatuwirang mga pamantayang iyon, naging malusog sila at nakaiwas sa mga sakit na sumalot sa ibang mga bansa, gaya ng Ehipto, na walang gayong mahusay na kodigo ng kautusan.—Deuteronomio 7:12, 15.
Sa ngayon, may mga tao ring ‘naglilinis ng kanilang sarili mula sa bawat karungisan ng laman,’ gaya ng paninigarilyo, pag-abuso sa alak at droga. Kaya nababawasan ang tsansa nilang magkasakit—sa katawan at isip—pati na ang posibilidad ng maagang pagkamatay. At dahil karaniwan nang may nakakasalamuha tayo, ang pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos sa kalinisan ay nagpapakita rin ng konsiderasyon sa iba.—Marcos 12:30, 31.
Mahalaga ba sa Diyos ang kalinisan sa moral at espirituwal?
“Patayin ninyo . . . ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya. Dahil sa mga bagay na iyon ay dumarating ang poot ng Diyos.”—Colosas 3:5, 6.
ANG SABI NG BIBLIYA
Gaya ng nabanggit na, pinapayuhan tayo ng Bibliya na “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.” Noong panahon ni Jesu-Kristo, nagsikap ang mga tao pati na ang mga Judiong lider ng relihiyon na maging malinis sa katawan pero binale-wala naman ang mga pamantayan sa kalinisan sa moral at espirituwal. (Marcos 7:1-5) Para ituwid iyan, sinabi ni Jesus: “Walang anumang mula sa labas na dumaraan sa loob ng isang tao ang makapagpaparungis sa kaniya, yamang dumaraan ito . . . sa kaniyang mga bituka, at lumalabas ito patungo sa imburnal.” Sinabi rin niya: “Yaong lumalabas sa isang tao ang siyang nagpaparungis sa isang tao; sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, ay mga nakapipinsalang pangangatuwiran ang lumalabas: mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pag-iimbot, mga gawa ng kabalakyutan, panlilinlang, mahalay na paggawi, matang mainggitin, . . . kawalang-katuwiran. Ang lahat ng mga balakyot na bagay na ito ay . . . nagpaparungis sa tao.”—Marcos 7:18-23.
Ayon kay Jesus, ang mga taong masyadong nagpapahalaga sa kalinisan sa katawan pero binabale-wala naman ang mga pamantayang moral at espirituwal ay parang mga kopang malinis ang labas pero marumi ang loob.—Mateo 23:25, 26.
Makatuwiran ba ang mga pamantayan ng Bibliya?
“Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.”—1 Juan 5:3.
ANG SABI NG BIBLIYA
Sa Mikas 6:8, mababasa natin: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” Talagang makatuwiran iyan! Gusto rin ng Maylalang na sundin natin siya dahil sa pag-ibig. Magiging masaya tayo kapag ginawa natin iyan. (Awit 40:8) At kapag nagkamali tayo, makaaasa tayo sa awa ng Diyos. “Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok,” o mahina at di-sakdal.—Awit 103:13, 14.
Sa kabuuan, makikita sa mga pamantayan ng Diyos sa kalinisan sa katawan, moral, at espirituwal ang kabaitan at pag-ibig niya sa atin. Ang pagsunod dito ay nagpapakita naman ng ating karunungan at pag-ibig sa kaniya.