TAMPOK NA PAKSA
Hindi Hadlang ang Wika—Kung Paano Ginagawa ang Pagsasalin
“May nagsasabing wala nang mas hihirap pa kaysa sa pagsasalin.”—“The Cambridge Encyclopedia of Language.”
BAGO simulan ang pagsasalin, ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ay maingat munang pinaplano, sinasaliksik, at isinusulat. Sa prosesong ito, tinitiyak ng Writing Department, na nasa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa New York, na tumpak ang impormasyon at ang mga salitang ginagamit ay tama at makabago.a
Pagkatapos, ipinadadala ng Writing Department ang mga ito sa daan-daang team ng mga tagapagsalin sa buong daigdig—na karamihan ay nakatira at nagsasalin sa lugar kung saan ginagamit ang wika. Karamihan sa kanila ay nagsasalin sa kanilang katutubong wika. Dapat na lubusan nilang nauunawaan ang materyal sa Ingles at ang wikang ginagamit nila sa pagsasalin.
Paano karaniwang ginagawa ang pagsasalin?
Ipinaliwanag ni Geraint, isang tagapagsalin na nasa Britain: “Isang team kasi kami, kaya napakahalaga ng pagtutulungan. Sama-sama kaming naghahanap ng solusyon kapag may mahihirap isalin. Habang ginagawa namin ’yon, hindi lang basta mga salita ang pinag-iisipan namin kundi grupo ng mga salita. Pinag-aaralan namin kung ano talaga ang kahulugan nito, at lagi naming iniisip kung para kanino ang bawat artikulong isinasalin namin.”
Ano ang tunguhin n’yo bilang tagapagsalin?
“Tunguhin namin na madama ng mambabasa na parang isinulat ang materyal sa sarili niyang wika, at hindi isang salin. Dahil diyan, sinisikap naming gumamit ng simple at karaniwang mga salita. Sa ganitong paraan, makukuha namin ang atensiyon ng mambabasa, at tuloy-tuloy niya itong babasahin na parang kumakain ng masarap na pagkaing madaling lunukin.”
Ano ang bentaha na ang mga tagapagsalin ay nakatira kung saan ginagamit ang kanilang wika?
“Malaking tulong sa ’min ang pakikisalamuha sa mga tagaroon. Halimbawa, araw-araw naming naririnig ang wikang Welsh. Nasusurbey rin namin kung ang mga termino at pananalita ay pamilyar sa mga tao, naiintindihan at magandang pakinggan. Natutulungan kami nito na maisalin ang tunay na kahulugan ng materyal.”
Paano n’yo ginagawa ang pagsasalin?
“Ang isang team ay binibigyan ng proyekto. Babasahin muna ng bawat miyembro ng team ang materyal para maintindihan ito at malaman kung paano ang pagkakasulat nito at para kanino. Iniisip namin: ‘Anong impormasyon ang gustong itawid ng artikulo? Ano ba ang paksa at layunin nito? Ano ang inaasahan kong matutuhan dito?’ Nakakatulong ito sa aming imahinasyon.
“Sumunod, pag-uusapan ng team ang materyal, anupat natututo kami sa isa’t isa. Talaga bang naiintindihan namin ang materyal? Paano kaya namin itatawid ang ideyang kagaya ng sa orihinal na materyal? Tunguhin namin na maging magkatulad ang reaksiyon ng mga mambabasa ng mga salin at ng mga mambabasa ng orihinal na wika.”
Paano nagtutulungan ang mga miyembro ng team?
“Tunguhin namin na maunawaan agad ng mga mambabasa ang materyal sa unang basa pa lang nila. Para matiyak iyan, paulit-ulit naming binabasa nang malakas ang bawat naisasalin naming parapo.
“Isinasalin ng translator ang isang parapo, at habang nagta-type siya, nakikita namin ito sa aming sariling monitor. Tinitiyak namin na walang nababawas o naidaragdag na ideya. Binabantayan din namin kung natural ito, tama ang baybay, at tama ang balarila. Pagkatapos, babasahin ng isa sa amin ang parapong iyon nang malakas. Kapag napahinto siya o nagkamali sa pagbasa, inaalam namin kung bakit. Kapag naisalin na ang buong artikulo, isa sa amin ang magbabasa nito nang malakas, samantalang minamarkahan naman ng iba kung saan may kailangang ayusin.”
Mukhang mahirap na trabaho ’yon!
“Aba, oo! Kaya sa pagtatapos ng maghapon, pagód na kami. Kinabukasan na ulit namin tinitingnan ang aming salin, dahil nakapagpahinga na kami. Pagkaraan ng ilang linggo, nagpapadala ang Writing Department ng mga adjustment sa orihinal na materyal. Pagkatapos, sa panahong ’yon na lang ulit namin mababasa ang aming salin at inaayos ito kung kailangan.”
Anong mga computer tool ang ginagamit n’yo?
“Sa pagsasalin, hindi pa rin kayang palitan ng computer ang tao. Pero ang mga Saksi ni Jehova ay nakapag-develop ng mga computer tool na makakatulong para mapadali ang trabaho. Gaya ng isang uri ng diksyunaryo ng naipon naming mga termino at pananalita na karaniwan naming ginagamit. May isa pang computer tool na nagagamit namin para ma-research ang lahat ng naisalin na ng team at makita kung paano nasolusyonan ang mga problema sa pagsasalin.”
Ano’ng masasabi mo sa trabaho n’yo?
“Itinuturing namin ang aming trabaho bilang regalo sa mga tao. At gusto naming ibalot nang maganda, wika nga, ang regalong ito. Natutuwa kami kapag naiisip naming ang isang artikulo sa magasin o website ay posibleng makaantig sa puso ng isang mambabasa at makaapekto sa kaniyang buhay.”
Panghabambuhay na Pakinabang
Sa buong daigdig, daan-daang milyon ang nakikinabang sa pagbabasa ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova sa sarili nilang wika. Galing sa Bibliya ang praktikal na karunungang makikita sa kanilang mga literatura at video, pati na sa kanilang website na jw.org. Sa katunayan, sa banal na aklat na iyon, sinabi ng Diyos, na ang pangalan ay Jehova, na gusto niyang ipaalam ang kaniyang mensahe sa mga tao “sa bawat bansa at tribo at wika.”—Apocalipsis 14:6.b
a Ang mga publikasyon ay inihahanda sa wikang Ingles.
b Magpunta sa www.jw.org/tl para makakita ng mga publikasyon sa iba’t ibang format na available sa iyong sariling wika at sa iba pang daan-daang wika.