PARA SA MGA MAG-ASAWA
3 Paggalang
ANG IBIG SABIHIN NITO
Kapag ang mag-asawa ay may paggalang sa isa’t isa, nagmamahalan sila kahit may di-pagkakasundo. “Iniiwasan nilang magmatigas sa isa’t isa,” ang sabi ng aklat na Ten Lessons to Transform Your Marriage. “Sa halip, pinag-uusapan nila ang mga di-pagkakaunawaan. Magalang nilang pinakikinggan ang pananaw ng isa’t isa at naghahanap ng solusyong pabor sa kanilang dalawa.”
SIMULAIN SA BIBLIYA: ‘Hindi inuuna ng pag-ibig ang sarili nitong kapakanan.’—1 Corinto 13:4, 5.
“Para maipakita kong iginagalang ko ang misis ko, pinapahalagahan ko siya at hindi ako gumagawa ng anumang makakasakit sa kaniya o makakasira sa pagsasama namin.”—Micah.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Kung wala ang respeto, ang pag-uusap ng mag-asawa ay baka mabahiran ng pamumuna, panunuya, at panghahamak—mga katangian na ayon sa mga mananaliksik ay senyales ng pagdidiborsiyo.
“Kapag pinipintasan, pinariringgan, o inaasar mo ang misis mo, bababa ang tingin niya sa sarili, at masisira ang tiwala niya sa ’yo at ang pagsasama ninyo.”—Brian.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
SURIIN ANG SARILI MO
Obserbahan ang pag-uusap at pagkilos ninyo sa loob ng isang linggo. Pagkatapos, tanungin ang sarili:
‘Gaano kadalas kong pinupuna ang asawa ko, at gaano kadalas ko naman siyang pinupuri?’
‘Sa anong espesipikong mga paraan ko maipapakita ang paggalang ko sa aking asawa?’
PAG-USAPAN NINYONG MAG-ASAWA
Anong pananalita at pagkilos ang tutulong para maramdaman ninyong iginagalang kayo?
Anong pananalita at pagkilos ang nagpaparamdam sa inyo na hindi kayo iginagalang?
MGA TIP
Isulat ang tatlong paraan na gusto mong igalang ka. Sabihin sa asawa mo na gawin din ito. Magpalitan kayo ng listahan, at sikaping igalang ang isa’t isa sa mga paraang inilista ninyo.
Gumawa ng listahan ng mga katangiang gusto mo sa iyong asawa. Pagkatapos, sabihin sa asawa mo kung gaano mo pinahahalagahan ang mga iyon.
“Para maipakitang iginagalang ko ang mister ko, ipinadarama ko sa kaniya na mahalaga siya sa akin at gusto ko siyang maging masaya. Hindi naman kailangang magarbo iyon; minsan kahit sa maliliit na bagay, maipapakita mo ang tunay na respeto.”—Megan.
Sa huli, ang importante ay hindi kung iniisip mong magalang ka, kundi kung nararamdaman ba ng asawa mo na iginagalang mo siya.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Magpakita kayo ng tunay na pagmamalasakit, kabaitan, kapakumbabaan, kahinahunan, at pagtitiis.”—Colosas 3:12.