Makipagkaibigan sa mga Taong Iba sa Iyo
Ang Problema
Kung iiwasan natin ang mga taong mula sa isang grupo na hindi natin gusto, baka lalong lumala ang diskriminasyon natin sa kanila. At kung makikipagkaibigan lang tayo sa mga gaya natin, baka maisip natin na ang paraan lang natin ng pag-iisip, pakiramdam, at pagkilos ang tama.
Prinsipyo sa Bibliya
“Buksan . . . ninyong mabuti ang inyong puso.”—2 CORINTO 6:13.
Ang ibig sabihin: Ang ating “puso” ay puwedeng tumukoy sa mga nararamdaman at mga gusto natin. Kung ang gusto lang nating makasama ay ang mga taong gaya natin, magiging sarado ang puso natin. Para maiwasan iyan, dapat tayong makipagkaibigan sa mga taong iba sa atin.
Bakit Mahalagang Makipagkaibigan sa mga Taong Iba sa Atin?
Kung kikilalanin natin ang iba, maiintindihan natin kung bakit iba silang mag-isip at kumilos. At habang napapalapít tayo sa kanila, hindi na natin napapansin ang mga pagkakaiba natin. Mas naa-appreciate natin sila, at nararamdaman na rin natin ang saya at lungkot nila.
Tingnan ang halimbawa ni Nazaré. Ayaw niya noon sa mga taong lumipat sa bansa nila. Ikinuwento niya kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Nakasama ko sila at nakatrabaho. Ibang-iba pala sila sa sinasabi ng marami. Kapag naging kaibigan mo ang mga tao mula sa ibang kultura, hindi mo na sila huhusgahan. Mamahalin mo na sila at papahalagahan mo ang mga katangian nila.”
Ang Puwede Mong Gawin
Maghanap ng pagkakataon para makausap ang mga tao na mula sa ibang bansa, lahi, o wika. Puwede mong
Pagkuwentuhin sila tungkol sa sarili nila.
Imbitahan silang kumain.
Pakinggan ang mga karanasan nila, at alamin kung ano ang mga bagay na mahalaga sa kanila.
Kung sisikapin mong intindihin ang mga karanasan nila, maiintindihan mo rin ang personalidad nila. At mas magugustuhan mo sila pati na ang iba pa mula sa grupo nila.